AKMANG hahawakan na ni Sergio ang dibdib ni Angela nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto. Umatras ang kamay ng demonyong lalaki at humakbang patalikod. Nakita niya si Lorena na siyang nagbukas ng pinto. Halata ang pagtataka nito dahil sa labis na pagkunot ng noo ng babae. “Luna, bakit ang tagal mo? Naubos ko na’t lahat ang halo-halo ko ay hindi ka pa nakakababa.” May duda sa tono ng pananalita nito. Hindi nagsalita si Angela. Hahayaan niyang si Sergio ang mag-isip kung paano nito lulusutan ang nakita ni Lorena. Papabayaan niya ito sa problemang ito mismo ang gumagawa. “A-ano... Sinabihan ko si Luna na ayusin ang paglalaba. Iyong isa ko kasing polo ay meron pang kaunting mantsa kahit nilabhan na niya.” Nang matapos magsabi ng kasinungalingan ay saka humarap si Sergio sa asawa.

