“Sasama ka ba sa party na dadaluhan ni Amaya?” tanong sa akin ni Bugoy na ngayon ay kasama ko pauwi ng aming bahay. Mag-a-alas sais na ng gabi at kaka-out lang namin sa trabaho.
“Hindi ko nga alam, pag-iisipan ko pa, wala naman kasi akong susuotin para roon at isa pa, pangmayaman lamang ang party na iyon,” sagot kohabang binibilang ang nasa loob ng sobreng hawak-hawak ko. Kakasahod lang kasi nila sa trabaho dahil akinsinas na ng buwan.
“Kanina mo pa ‘yan binibilang, mawawala rin naman iyan. Mukhang inaabangan ka na ng Nanay mo oh,” natatawang saad sa akin ni Bugoy kaya naman napalingon ako sa bandang itinuro niya. Hindi namalayang malapit na pala kami ni Bugoy sa aming bahay. Mauuna kasi ang bahay namin kaysa sa bahay nila. “Oh, pa’no? Mauuna na ako, Kidlat. Ayaw kong mabungangaan naman ng butihin mong nanay.”
Napapailing na lamang ako dahil sa sinabi ni Bugoy sa akin. Ayaw na ayaw kasi ng Nanay na mapalapit ako kay Bugoy dahil magkaaway sila ng Nanay nito. Mayroon kasing malaking utang si Nanay na hindi pa nababayaran sa tindahan ni Aling Marsing na ina ni Bugoy.
Kahit na may alitan ang mga nanay namin ni Bugoy ay hindi pa rin nawawasak ang pagkakaibigan namin. Hindi iyon big deal sa aming dalawa.
Nang makalayo si Bugoy ay agad akong lumapit sa aking ina. Palinga-linga pa ito na para bang may inaabangan at nang maaninag ako ng matanda ay agad na lumiwanag ang mukha nito. Matutuwa na sana ako dahil masaya itong makita akong nakauwi ngunit hindi naman iyon ang dahilan kung bakit lumiwanag ang mukha ng Nanay.
“Kidlat! Mabuti naman at nakauwi ka na, sahod niyo ngayon ‘di ba? Akin na ang sahod mo’t kanina pa kasi naghihintay si Mareng Janice. Hindi kasi ako makakautang ng malaki sa kanya hangga’t hindi ko pa nababayaran ang balanse, ibabalik ko naman agad.” Nakangiti pa ito sa akin saka inilahad ang kamay sa harapan ko na para bang nanghihingi.
Napakamot ako sa ulo nang maalalang kakabigay ko pa lang ng pera sa kan’ya kahapon.
“Hindi ba’t kakabigay ko lang sa inyo kahapon? Limang libo rin iyon, ‘Nay. Hindi ko pwedeng ibigay sa’yo ‘to dahil pangbaon ito sa eskwela ni Neneng at tuition din ni Mikay,” malumanay na sabi ko sa aking ina. Iyong limang libo kasing pinahiram ko kahapon sa nanay ay tuition iyon at panggastos sa eskwelahan ng dalawa kong kapatid. Ang pangako ng Nanay ay babayaran naman agad nito ngunit nganga. Wala akong napala, hindi na ako nadala, palagi naman iyon ang ginagawa sa akin ng aking ina.
Pangako ng pangako ngunit napapako naman.
“Tangina naman, Kidlat, ako na ang bahala sa gastusin ng mga kapatid mo basta’t pahiramin mo lamang ako ng tatlong libo. Akin na nga iyan!” sigaw nito saka hinila ang sobreng hawak-hawak ko. Kinuyom ko ang aking kamao, pinipigilan kong magalit sa aking ina.
“Oh, limang libo pa naman ito, akin na ang tatlong libo, iyang dalawang libo lamunin mo! Napakadamot naman nito!” naiinis na wika ng aking ina saka itinapon ang sobre sa aking mukha. Napapikit ako dahil doon.
Iyong dalawang libo, panggastos ko iyon lalo na’t sumasakay ako ng sasakyan papunta sa trabaho, bayad din sa kuryente at tubig. Paano ko pagkakasyahin ang dalawang libo? Maglalakad na lang siguro ako, iyon na lang siguro ang solusyon.
Sumakit ang aking dibdib nang hindi ko na makita ang aking ina. Nawala na ito ng parang bula’t hindi man lang ako pinasalamatan. Ni minsan ay wala akong naramdamang pagmamahal dito. Mabuti pa sina Neneng at Mikay, kahit papaano ay may pakialam ang nanay sa kanila, ngunit sa akin? Wala.
Ako lang naman ang inaasahan sa pamilya, kung hindi sana sugarol at palautang ang aking mga magulang baka nasa mabuting kalagayan sila ng mga kapatid niya.
“Kuya!” Napangiti ako nang marinig ang boses ng bunso kong kapatid na si Neneng.
“Kuya, ano po iyan?” tanong ni Neneng nang makitang may kinukuha akong bagay sa loob ng aking bag.
“Syempre pasalubong ni Kuya, sa’yo. Ikaw pa ba? Hinding-hindi kita makakalimutan!” nakangiti kong sagot kay Neneng saka inabot ang isang maliit na siopao na ibinigay sa akin ni Bugoy. Merienda kasi namin iyon ngunit hindi ko na kinain dahil pasalubong ko iyon kay Neneng.
Malapit ako kay Neneng ngunit kay Mikay ay hindi. Medyo may pagkamaldita kasi ito. Kinakausap lamang ako kapag may kailangan sa akin.
“Kuya…”
Speaking of, bigla akong kinabahan dahil alam ko kung ano ang hihingiin nito. Ayaw na ayaw ko pa naman sa lahat ang wala akong maibigay sa aking pamilya. Okay ng ako ang mawalan huwag lang sila. Huminga ako ng malalim saka hinarap ang aking kapatid. Nginitian ko ito ngunit nakasimangot lamang ito.
“Yung tuition ko, kahapon pa ang exam namin at hindi pa ako nakakapag-exam dahil hindi ko pa nababayaran ang tuition ko. Sabi mo ngayon ka magbibigay, nasaan na?” masungit na tanong sa akin ni Mikay. Napahinga ulit ako ng malalim saka napakamot sa leeg. Kinuha niya ang nakalukot na sobre saka ibinigay ang isang libo sa kapatid.
“Pasensya na, Mikay. Ito lang ang kaya kong maibigay sa’yo. Iyong limang libo kasi ay hiniram ni Nanay, nanghiram ulit ito ng tatlong libo sa akin kaya kumulang ang ipapangbayad mo ng tuition. Pero huwag kang mag-alala sa katapusan ay babayaran ko iyon ng buo para wala na tayong iisipin. Sa ngayon…” Bigla akong nakaramdam ng inis sa sarili. Kung mayaman lamang sila ay hindi na sana sila magkakagan’to. Kumuyom ang kan’yang kamao saka nagpatuloy. “Pwede bang gumawa ka ulit ng promisory note? Last na ito, Mikay.”
“Ano?? Na naman, Kuya? Kainis naman! Palagi na lang akong gumagawa ng promisory note! Nahihiya na ako sa mga kaklase ko! Pinagtatawanan nila ako dahil bakit pa raw ako pumapasok eh wala naman akong pang-tuition!” mangiyak-ngiyak na sagot ni Mikay kaya biglang uminit ang ulo ko.
Nagsakripisyo siya, nagparaya siya at nagtrabaho para lang makapag-aral si Mikay kahit na medyo may kamahalan ang tuition nito dahil iyon ang kagustuhan ng kanilang mga magulang. Gustong-gusto kong pumasok para may matutunan at makahanap ng maganda at regular na trabaho. Kahit na hadlang ang kahirapan ay sisikapin kong makapagtapos ng pag-aaral. Hindi ako mahihiya kahit na kutya-kutyain pa ako ng mga kaklase ko makapagtapos lang pero itong kapatid ko?
Promisory note na nga lang ang ipapagawa ko at babayaran naman agad ay hindi pa magawa?
“Mikay, promisory note lang naman, kahit ako na ang gagawa. Babayaran din naman natin iyan, talagang na-short lang ako kasi hiniram ng Nanay ang perang---” Agad na tumalikod si Mikay sa akin at nagpapadyak sa inis. Hindi ako nakapagsalita dahil tinalikuran lamang ako nito.
“Kasalanan mo ‘yan! Bakit kasi binigay mo kay Nanay ang pang-tuition ko, bakit hindi mo na lang binigay sa akin?” inis na wika ng aking kapatid at pumasok sa kwarto nito. Isinara nito ng pabalang ang pintuan kaya nagulat kami ni Neneng. Wala akong nagawa kung ‘di ang titigan ang pintong nakasara, rinig ko ang iyak ni Mikay sa loob noon.
Biglang sumakit ang aking ulo kaya naman hinilot ko ang aking sentinido.
“Ano na naman ang nangyayari rito??” galit na tanong ng aking ama na kakarating pa lang.
“Tatay!” masiglang tawag ni Neneng sa aming ama saka nagpakarga. Lumambot naman ang mukha ng Tatay nang makita si Neneng. Ilang araw na kasi itong hindi umuuwi kaya gano’n na lamang ang reaksyon ng aking kapatid.
Nang mapatingin ang aking ama sa akin ay bigla itong sumeryoso.
“Bakit umiiyak si Mikay? Ano na naman ang pinag-awayan niyong dalawa?” tanong nito sa akin kaya napaiwas ako ng tingin.
“Kulang kasi ang tuition niya, ‘Tay. Hiniram kasi ng Nanay ang limang libo kahapon tsaka tatlong libo naman ngayon kaya na-short ako. Binigyan ko naman siya ng isang libo ngunit kulang naman kaya pinagawa ko muna siya ng promisory note,” paliwanag ko sa aking ama.
Kumunot ang noo nito at tila ba nag-isip. Nawala lamang ito sa pag-iisip nang lumabas si Mikay sa kwarto nito.
“Tatay! Si Kuya, palagi na lamang akong pinapagawa ng promisory note, nakita ko kanina may isang libo pang natitira sa sobreng hawak-hawak niya, napakakuripot niya!!” sigaw ni Mikay habang umiiyak at nagpapadyak pa.
“’Tay, baon iyon ni Neneng sa eskwela at pambayad na rin ng tubig at kuryente. Mapuputulan tayo kapag hindi tayo makapag---” Naputol ang aking sasabihin nang bigla akong tumilapon sa sahig. Nakaramdam ako ng hapdi sa aking labi at nalasahan ko na rin ang dugo.
Sinuntok pala ako ng Itay, hindi man lang ako nakailag. Biglang natahimik si Mikay at ngayon naman si Neneng ang umiyak. “KUYAA KIDLAAAT!” Lumapit sa akin si Neneng at niyakap ako ng mahigpit.
“Mikay, kunin mo ang kapatid mo!” sigaw ng aming ama kaya mabilis namang sinunod iyon ni Mikay.
Nang makawala si Neneng ay agad akong kinwelyuhan ni Itay saka pinisil ang aking panga.
“Nasaan na ang isang libo mo?? Ibigay mo iyan sa kapatid mo! Sige na!” galit na saad ng aking ama sa akin. Umiling lamang ako sa kan’ya kaya agad na naman akong inambahan ng suntok.
“Tangina, matigas talaga ang ulo mong bata ka! Ibibigay mo o papatayin kita!?” tanong nito. Parang bolang sumisiklab sa apoy ang mga mata ng aking ama dahil sa sobrang galit.
Nakaramdam ako ng takot nang marinig ang salitang papatayin niya ako kaya naman agad kong binigay sa kan’ya ang natitirang isang libo sa aking sweldo.
“Ibibigay naman, kailangan ko pang saktan! Pinapaiinit mo ang aking ulo, kung hindi lang ako nanalo sa sabong ay baka bugbog sarado ka na naman sa akin!” Agad niya akong binitawan kaya napahiga ako sa sahig. Napahawak pa ako sa aking labi dahil sa sobrang sakit.
“Oh, Mikay! Pang-tuition mo! Itong five hundred, hati kayo ni Neneng pangbaon niyo!” saad ng aming ama saka bumunot ng limang daan sa rolyo-rolyo niyang pera. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ang ilang libo sa kamay ng aking ama.
“Anong tinitingnan-tingnan mo? Hihingi ka rin? Manigas ka! May trabaho ka naman kaya alam kong mapera ka! At iyong kuryente at tubig ikaw na ang bahala, ikaw na ang maghanap ng paraan! Peste!” sigaw nito sa akin saka agad na ibinulsa ang pera nito.
“Neneng, Mikay!! Magbihis kayo, kakain tayo sa labas! Nakakawalang gana rito sa bahay!” sigaw pa nito saka agad na lumabas ng bahay.
Dahan-dahan akong napatayo saka umupo sa kahoy naming upuan. Gusto kong lumuha ngunit tinatagan ko ang aking loob. Hindi ako pwedeng magpa-apekto sa mga nangyayari, malakas ako. Mas sobra pa rito ang trato sa akin noon ng aking ama. Mabuti nga at suntok lamang ang inabot ko ngayon, dati kasi ay hinahampas pa ako nito ng walis tambo o kung ano mang bagay na mahawakan ng aking ama.
“K-Kuya, ayaw ko pong sumama kay Tatay, rito lang po ako samahan ko kayo,” naiiyak na wika sa kan’ya ni Neneng ngunit hinila lamang ito ni Mikay. Inirapan pa ako nito.
“Magagalit si Tatay kpaga hindi ka sumama sa amin Neneng, sige ka.” Natakot naman ang bata kaya agad itong sumama sa kapatid. Muli ay nilingon ako ni Neneng, kita ko ang lungkot sa mga nito.
Nginitian ko na lamang siya ng matamis at tumango ng marahan kahit na sumasakit pa rin ang aking labi at panga.