Pagkatapos ng mangyari sa restaurant, iyun din ang huli kong nakita ulit si Kayden. Hindi ko alam kung busy lang talaga siya o may iba siyang inuuwian. Bakit ba hindi pa ako nasanay, palagi niya naman iyung ginagawa. Sa loob ng isang linggo, isang beses o dalawang beses ko lang siya makita. Swerte na rin kapag umuwi siya, kapag tinatanong ko kasi yung mga katulong sinasabi nilang umuwi siya pero late na, maaga ring umalis kaya hindi ko siya naaabutan sa bahay.
Napabuntong hininga na lang ako, pakiramdam ko parang araw-araw kong pasan ang mundo.
“Okay ka lang ba iha?” tanong sa akin ni nanay Belen. Tumango lang naman ako sa kaniya.
“Hindi mo pa rin ba sinasabi sa Daddy mo na ganito ang ginagawa sayo ng asawa mo? uuwi lang kung kailan niya gusto. Iha, alam kong hindi na tama ang ginagawa sayo ni Kayden pero nakikiusap din ako sayong intindihin mo muna siya baka may personal problems lang siya na hindi niya masabi sayo.”
Yeah right, yun lang naman ang tanging magagawa ko ngayon, ang manatili at intindihin siya.
“Okay lang po ako Nay, don’t worry about me po.” Nakangiti kong saad sa kaniya, tinapos ko naman na ang pagkain ko. Magtitiis ako hanggang kaya ko, baka tama lang si Nanay Belen pero sana kahit hindi niya na sabihin sa akin bilang asawa niya ang problema niya, kahit bilang kaibigan na lang. Pero kasabay ng pagiging asawa ko sa kaniya ay ang siyang pagkawala rin ng best friend ko.
Sana una pa lang sinabi niya ng ayaw niya akong pakasalan, hindi yung mukha siyang masaya noong naghahanda kaming dalawa dahil palagi pa niya akong inaasar, na baka raw puro sunog ang ipapakain ko sa kaniya, may paso na ang damit niya dahil sa plantsa, masunog ko yung kusina at kung ano-anong pang-aasar pa.
Napatingin na lang ako kay Kurt na salubong nanaman ang mga kilay niya. Alam ko na ang ganiyang itsura, hindi niya nanaman mahagilap si Kayden. Hindi ko mapigilan minsan na mag-overthink, umaalis siya hindi dahil sa trabaho kundi dahil sa ibang bagay.
“Hindi mo ba talaga alam kung nasaan si Sir Kayden?” bulong niyang tanong sa akin, bukod kasi sa mga family and friends ko ay alam ni Kurt ang relasyon namin ni Kayden. Inilingan ko naman siya.
“Saan ba siya nagpupunta? Kung kailan naman siya kailangan dun siya nawawala.” Inis na nitong saad. “Pasensya na sa abala, salamat.” Saad pa niya, tinanguan ko na lang siya. Nasaan ka nanaman nga ba Kayden? Dalawang araw ka ng hindi umuuwi. Nag-aalala nanaman ako sa taong walang pakialam sa akin.
Itinuon ko na lang ang atensyon ko sa trabaho ko. Nang mag-uwian ay inayos ko na ang mga gamit ko saka lumabas ng department. Ayaw ko ng mag-over time dahil wala rin naman akong aabutan sa bahay, mas mabuti pang magpahinga na lang.
Namimiss ko tuloy sa bahay, gusto ko ng makasama sila Mom and Dad pero paano ako makakauwi, baka isipin lang nilang may problema kami ni Kayden o baka nag-away. Alam nila kung gaano kami kaclose ni Kayden sa isa’t isa before kaya wala silang alam sa kung anong nangyayari sa aming dalawa.
Muli akong tahimik na kumain at nagtungo ng kwarto ko para matulog.
Kinabukasan, tanghali na akong bumangon dahil wala naman akong pasok. Magkukulong na lang siguro ako ulit dito sa bahay. Pagkatapos kong maligo ay bumaba na rin ako, nilingon ko pa ang kwarto ni Kayden ng mababa ako ng hagdan. Malamang hindi nanaman siya umuwi.
“Good morning ma’am, umuwi po kagabi si Sir Kayden.” Napalingon naman ako kaagad kay Kate sa sinabi niya.
“Talaga? Mga anong oras?” I sound excited pa kaya napatikhim ako.
“Around 12 na po yata yun ma’am at sa tingin ko hindi pa rin siya umaalis.”
“Ganun ba, salamat.” Saad ko, may ngiti naman akong pumunta ng kusina. Minsan ko lang siya maabutan dito sa bahay gaya ng sinasabi ko kaya masaya ako kapag nandito siya kasama ko kahit na hindi kami nagkakausap. Inihanda ko naman na ang mga pagkain, balak ko kasi siyang hatiran ng pagkain sa kwarto niya dahil hindi pa naman daw siya naalis.
Nang makita kong okay naman na ay ngumiti ako saka ko kinuha ang tray kung nasaan ang mga pagkain. Dahan dahan naman akong naglakad paakyat dahil baka malaglag ko ang mga dala ko. Nang makarating ako sa harap ng pintuan niya ay itinaas ko ang isa kong paa para maipatong ko ron ang tray at mabuksan ang pintuan niya.
Nang mabuksan ko na ay pumasok na ako pero napatigil din ng makita ko si Kayden na kababangon ng kama at nag-aayos ng butones ng damit niya. Dahan dahan pa akong napalingon sa kama niya, parang napako ang paningin ko dun at hindi na makagalaw pa. Nanginginig ang kamay ko kaya napahigpit ang hawak ko sa tray. Pull yourself Avyanna, hindi ka rito bibigay.
“What are you doing here? you should knock first before entering my room.” Malamig niyang aniya saka muling nagbutones ng damit niya.
“Who is she babe? A personal yaya?” mataray na tanong ng kasama niyang babae. Nagsisisi na akong pumunta pa rito at masaksihan silang dalawa rito sa kwarto niya, mukhang katatapos lang din nila o baka kagabi pa tapos hindi nakapagbihis.
“Gusto lang sana kitang hatiran ng pagkain, I didn’t know that you were with someone.” Saad ko sa kaniya, hinawakan ko naman ng mahigpit ang tray para hindi ko ito mabitawan. Ayaw kong makita niya ang kahinaan ko, nginitian ko na lang din ang kasama niyang babae na nakabalot pa rin ng kumot ni Kayden.
“Ibababa ko na lang ito rito, good morning.” Saad ko saka ibinaba sa isang lamesa niya ang pagkain kahit na nanginginig na ang dalawa kong kamay.
“I don’t like your personal yaya babe, walang galang magsalita.” Rinig ko pang saad ng kasama niyang babae, wala namang imik si Kayden at pumasok na siya sa banyo niya. Lumabas na lang din ako at ang kanina ko pa pinipigilang luha ay tuluyan ng bumagsak. Mabilis akong nagtungo ng pool at dun ko na inilabas lahat ng sakit na nararamdaman ko. Tahimik akong humikbi at nakagat ko na lang din ang laylayan ng long sleeve ko para pigilan ko ang paggawa ko ng ingay. Umaasa pa rin naman ako na kahit kaunti lang ay may pakialam siya sa akin, sa nararamdaman ko. Hindi niya alam kung ano talaga ang tunay kong nararamdaman sa kaniya at baka ang alam niya ay hindi ako nasasaktan.
Pinalis ko ang mga luhang lumandas sa pisngi ko and I faked a smile, he don’t care anyway. Ano bang pakialam niya sa akin, naglaho na lahat simula ng maikasal kaming dalawa. Ang pinakamasayang araw na nangyari sa buhay ay tila naging isang bangungot kinabukasan dahil nawala ang best friend ko, nawala ang taong nandiyan palagi para sa akin. He’s really different from Kayden that I know.
Matapos kong umiyak ay bumalik na ako sa loob, ang akala ko ay hindi ko na sila maaabutan pero nakita ko ang babaeng kasama niya na prente pang nakaupo sa sofa namin.
“Kung saan saan ka nagpupunta, get me a water now.” Utos pa niya sa akin, napabuntong hininga na lang ako saka ako tumango sa kaniya at nagtungo ng kusina.
“Ate,” naaawang tawag sa akin ni Kate kaya nginitian ko na lang siya. Ma’am o Ate ang tawag niya sa akin.
“It’s okay, Kate. Wala ka bang pasok ngayon?” tanong ko sa kaniya dahil she’s still in college.
“Gabi pa po ang pasok ko, Ate.” Napatango-tango naman ako, nakalimutan ko. Gabi nga pala ang schedule niya. “Ako na po diyan, magpahinga na lang po kayo.” Inilingan ko naman siya.
“Okay lang, hayaan mo sila.” nakangiti kong saad sa kaniya, pilit kong itinatago ang nararamdaman ko dahil ayaw kong kaawaan nila ako. Alam naman nila kung ano talagang dahilan kung bakit kami mag-asawa ngayon ni Kayden kaya ayaw kong maging sila ay makitang nasasaktan ako dahil sa kaniya.