Chapter 4: Ang Paghihirap 1.0

1736 Words
HANGGANG ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano ko sasabihin sa ina ko ang tungkol sa sanggol na nasa sinapupunan ko. Hindi ko kakayaning ipalaglag ang bata. Durog na durog ang puso ko. 'Yong nag-iisang tao na akala ko madadamayan ako, siya pa ang nang-iwan sa ere. Matapos ang lahat ng pinagsamahan naming dalawa, gano'n kabilis lang pala niya akong bibitawan. Nang dahil sa nangyari sa amin na alam kong pareho naming ginusto, kaya nabuo ang batang ngayon ay nasa sinapupunan ko. Akala ko iba siyang lalaki. Akala ko mayroon siyang paninindigan. Pero, mas pinili niyang mang-iwan kaysa manatili sa akin kasama ang aming magiging anak. Ngayon alam ko na kung saan ako nagkamali. Sobrang mali ang desisyon kong papasukin siya sa buhay ko. Sobrang mali ang naging desisyon kong makilala siya, at mas lalong maling minahal ang isang lalaking gaya niya. Hindi pa pala siya handa pero kinuha niya ang pinakainiingatan ko. Paano na lang kung walang nabuo? May balak pa siyang ulitin namin iyon? Tapos ano? Iiwan pa rin niya ako dahil hindi pa niya kayang maging ama? Tangina! Hindi ko na alam. Sobrang gulong-gulo ang utak ko ngayon. Alam kong pandidirihan ako ng mga magulang ko. Alam kong ikakahiya nila ako. Alam kong wala akong ibang makakapitan at maaasahan sa oras na ito kung 'di ang sarili ko lang. Pero, hanggang kailan ko ba ito kayang itago? "Anong iniiyak-iyak mo riyan?" masungit na tanong ng aking ina. Mabilis naman akong napailing at nagpunas ng luha. Hindi ko halos napansin na nakauwi na pala siya galing palengke dahil sa lalim ng aking iniisip. "Ayusin mo nga itong mga gulay!" dagdag niya pa na hindi pa rin maalis-alis ang kasungitan. Kaagad akong tumayo at inayos ang mga natirang gulay sa paninda niya. Nang makitang nakatalikod ang aking ina, wala sa sariling napahawak ako sa aking tiyan. Hindi ko alam kung paano ako magpapatuloy kung ganito ang sitwasyon ko. Isang pagkakamali na naging mapusok ako sa pag-ibig. Na ibinigay ko ang sarili ko dahil naging kampante akong mahal niya ako. Siya ang lalaking pinagkatiwalaan ko nang buo. Ang lalaking pinapangarap kong makasama habang-buhay. Ang lalaking handa kong abutin kahit na ang taas-taas niya makasama ko lang siya. Akala ko kasi iba siya. Pinaniwala niya akong mabuti siya. Pero sa ginawa niya, wala pa rin pala siyang pinagkaiba. Manloloko rin pala siya gaya ng iba. Isa rin pala siya sa mga mayayaman na walang ibang iniisip kung hindi ang sarili nila, pera at mana. "Aba'y bilis-bilisan mo naman ang kilos mo. Huwag kang lalamya-lamya!" sigaw ni mama na tila ba inis na inis siya. Awtomatikong napabilis naman ang aking kilos dahil sa takot ko sa kaniya. "O-Opo," nauutal na sagot ko habang nakayuko at nakatitig lang sa mga gulay na aking inaayos. "Kailangang pagbalik ko rito ay tapos ka na riyan," bilin niya. "Maliwanag?" Tumango ako sa kaniya bilang sagot. Kahit hindi ako nakatingin sa kaniya, ramdam ko ang matutulis niyang mga titig sa akin. Simula bata pa lang kasi ay parating ganito na ang trato niya sa akin. Para bang hindi masukat ang galit niya sa akin, na hindi ko rin naman alam kung bakit at kung ano ang kaniyang dahilan. Iniwan niya ako mag-isa sa kusina at kaagad siyang pumasok siya sa kuwarto niya para siguro magbihis dahil amoy palengke pa ang kaniyang damit. Pagkabalik niya ay ang saktong pagkatapos ko ring mag-ayos. Gustong-gusto kong sabihin sa kaniya kung ano ang pinagdadaanan ko, pero may kung anong pumipigil sa akin. Alam ko naman na hindi ko maitatago ito ng matagal dahil lalaki at lalaki ang tiyan ko. Sooner or later, magiging halata rin ang pagbubuntis ko. Hindi ko naman nais na itago ito sa kaniya, pero sa tuwing sinusubukan kong sabihin sa kaniya ay bigla ring umuurong ang aking dila. Kaya sa huli, hindi ko rin nagawa. "Gagawa lang po ako ng assignments ko, ma," paalam ko sa kaniya. Rinig na rinig ko ang pagtawag niya sa akin pero hindi na ako ulit nagtangka pang lumingon. Hindi ko na kayang pigilan ang luha ko. Halo-halong emosyon ngayon ang nararamdaman ko. Gusto kong magwala. Gusto kong magalit. Gusto kong ibalik ang nangyari, pero alam kong huli na. Huli na para magdesisyon ng tama. Wala sa plano ko ang mabuntis ng maaga. Wala sa plano ko ang magkaanak ng maaga, pero wala rin naman sa plano ko ang ilaglag ang bata.Nangyari na ang nangyari. Ayaw kong maging kagaya ni Vaughn na walang paninindigan at ayaw kaming panagutan. Ayaw kong patayin ang sarili kong anak. Ayaw ko ring magbuhay dalaga gayong alam namin pareho ni Vaughn kung ano ba talaga ang meron sa aming dalawa. Ayaw kong magpanggap kami pareho. Ayaw ko rin namang mabuhay sa konsensiya. Ayaw kong gumising araw-araw habang pilit na iniisip kung ano nga ba ang dahilan ko para patayin ang anak namin. Lupaypay na inilapag ko ang aking katawan sa matigas na kama. Pakiramdam ko ubos na ubos ako. Nakakapagod. I'm tired not just physically, but also mentally and emotionally. Malalim na hininga ang aking pinakawalan. Napatitig na lamang ako sa kisame na tila ba naroon ang lahat ng kasagutan sa aking problema. Ilang minuto lang nang bigla na lamang ako makaramdam ng mainit na likido mula sa aking mga mata na patuloy na humuhugis pababa sa aking mukha. Mapait akong napangiti at hinayaan na lang ang sariling umiyak. Magdamag na wala akong ibang ginawa kung 'di ang umiyak. Wala naman kasi akong kaibigan na maaaring puntahan. Wala akong kaibigan na maaaring dumamay sa akin. Si Vaughn lang ang meron ako noon, pero nawala rin sa akin ngayon. Patuloy lang ako sa tahimik na pag-iyak hanggang sa lamunin na rin ako sa wakas ng antok. Pagkagising ko kinabukasan, parang wala akong maramdaman. Manhid na manhid na ang mukha ko sa kaiiyak. Manhid na manhid na ang puso ko sa sakit. Pero, hindi pa rin ako titigil sa araw na ito. Baka sakaling mapapayag ko si Vaughn na panagutan ako. Hindi ko kaya ito mag-isa. Kailangan ko siya. Kailangan ko siya para palakihin namin magkasama ang bata. Sa malalim na pag-iisip ko kagabi, ito ang napagpasiyahan kong gawin. Kailangan ko siyang kumbensihin na panagutan kaming dalawa ng magiging anak namin. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para mapasang-ayon siya. "Ma, pasok na po ako..." wala sa sariling paalam ko. Kaagad naman akong sinulyapan ng aking ina. "Hindi ka pa kumakain ah! Papatayin mo ba ang sarili mo?" panenermon niya. Ang aga-aga galit na boses na naman niya ang naging umagahan ko. Sino ba ang hindi mabubusog kung paggising ko pa lang kanina ay pinakain na niya ako ng sunod-sunod niyang pagtatalak? "Busog pa po ako. May baon po kasi ako na kagabi ko lang nakain. Sa school na lang din po ako kakain kung sakaling gugutumin man ako," sagot ko sa kaniya. Nang maamoy ang pagkain na nakahain sa lamesa, mabilis akong tumakbo palabas dahil para akong nahihilo. Parang may humahalukay sa sikmura ko. Hindi ko alam kung nandidiri ba ako o ewan. Basta parang may kung ano sa naamoy kung pagkain na gusto kong masuka. Mabilis akong pumara ng tricycle. Mabuti na lamang at kaagad din akong nakasakay. Ipinikit ko saglit ang aking mata nang tuluyan na akong makaupo sa isang tricycle. Nang inimulat ko na ang mga ito, sinabi ko sa driver ang address ng paaralan na aking pinapasukan. Ilang minuto rin bago nakarating sa unibersidad. Kaagad kong inabot kay manong ang bayad at dire-diretsong nagtungo sa girl's room. Naghilamos ako para mawala kahit papaano ang aking hilo. Awa ang nararamdaman ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang kabuuan ko sa salamin. Hindi ako ito, e. Hindi ako ang Samantha na ito. Ano na lamang ang sasabihin nila sa akin? Mahirap na nga kami, walang natapos ang magulang ko, tapos maaga pa akong nagpabuntis? Sunod-sunod na lamang akong napa-iling bago naisipang lumabas sa girl's room. Rinig ko ang ilang bulungan ng mga schoolmate ko. Hindi ko sila pinansin dahil alam kong mga wala lang silang magawa sa buhay nila. Mga mayayaman nga pero kung umasta, daig pa ang mga tsismosa sa eskwater area. Ang aga-aga, ibang tsaa ang iniinom nila. "Vaughn!" tawag ko kay Vaughn nang makita siya paglabas ko ng restroom. Kasama niya ang kaniyang mga barkada. Saglit siyang huminto at tinapunan niya ako ng tingin, ngunit kaagad ding nag-iwas at nagpatuloy. Bitbit ang medyo may kabigatan kong bag, mabilis ko siyang hinabol. Diretso akong humarang sa dinadaraanan nila na naging dahilan para sila ay mapahinto sa paglalakad. "What's your problem?" masungit nitong tanong. Nakataas ang isa niyang kilay habang nakakunot naman ang kaniyang noo. Parang hindi siya ang lalaking minahal ko. Wala akong nakikita ni katiting na pagmamahal niya sa akin. "Puwede ba tayo mag-usap?" tanong ko. "Usap naman tayo, oh? This is really important," dagdag ko pa. Nagtawanan ang mga kasama niya tiyaka tinapik ang balikat niya. "Una na kami, pre. May chiks pa na gustong kumausap sa 'yo," paalam ng isa sa mga kaibigan niya, bago siya iniwan nila mag-isa. "Puwede bang huwag mo akong lalapitan?" maginaw na wika niya. Hinawakan ko ang kamay niya, ngunit kaagad din naman niya iyong binawi. Sobrang nasasaktan ako sa ginagawa niya. Bakit hindi na niya kayang panindigan ngayon ang sinabi niya sa aking mahal niya ako? Bakit kay dali lang para sa kaniya na iwan ang kaniyang responsibilidad at isiping wala lang? "Please... Samahan mo akong harapin ang mga magulang ko..." Halos lumuhod na ako sa harapan niya para panagutan lang niya ako. Kung iyon ang paraan, handa akong gawin. "Vaughn, parang awa mo n-na." Buong buhay ko, hindi ko pinangarap na magmakaawa sa lalaki. Pero para sa anak ko, para sa pamilya ko, gagawin ko. Kahit isang beses lang, gusto kong itama ang isang pagkakamaling aking nagawa. Kahit alam kung imposible, susubukan ko. Pero, kailangan kong magtagumpay. Dahil kung hindi, paano na ang kinabukasan ng batang nasa sinapupunan ko? Paano na kami? Paano na ang buhay ko? "Vaughn, huwag mo naman kaming iwan ng anak mo sa ere. Kailangan ka namin. Hindi ko siya kayang buhayin mag-isa, lalo na kapag nalaman ito ni mama. Paniguradong magagalit siya. Vaughn, please stay with us. Please stay with me. Kailangan kita. Kailangan ka namin ng anak mo..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD