9

2672 Words
Makaraan ang isa pang araw naka-recover si Niño at nakalabas sa kwarto. Nakasalubong ni Jude si Jessie na hinahanap si Niño. "Nakita mo po ba si Kuya Niño?" tanong ni Jessie. "Hindi pa. Bakit mo sya hinahanap?" tanong ni Jude. "Nangako kasi si Kuya Niño na tuturuan nya ako ngayon. Wala po sya sa kwarto nya," sabi ni Jessie. "Baka nasa archery field. Halika na," yaya ni Jude. Nagtungo sina Jessie at Jude sa archery field. Nakita nila si Niño at isang double nya na naglalaban hanggang sa tinamaan ni Niño ang double nya sa lalamunan at naglaho. Hinihingal na noon si Niño at pawis na pawis. "Sinasabi ko na," napailing na wika ni Jude. "Dapat nagpapahinga ka pa," nag-aalalang na wika ni Jessie na inabutan ng tuwalya si Niño. "Ayos na ako," ani Niño. Hinagisan naman ni Jude ng bote ng tubig si Niño. "Salamat, Budz," wika ni Niño na lumagok ng tubig. "Kanina ka pa hinahanap ni Jaja," wika ni Jude. "Kuya kagagaling mo lang sa sakit baka mabinat ka," angil ni Jessie. "Ok lang ako, Jaja. Magaan na ang pakiramdam ko," katwiran ni Niño na hinimas ang buhok ni Jessie. "Sabi mo tuturuan mo ako sa Algebra ngayon. May test kasi ako kay Miss Lyn," banggit ni Jessie. "Nagpapawis lang ako. Mauna ka na sa Study Room. Magbibihis lang ako at susunod na ako," sagot ni Niño. "Ok," ani Jessie. Umalis ang dalagita. "Budz, tama si Jaja. Baka kung ano mangyari sa'yo," nag-aalalang wika ni Jude. "Ayos lang ako, Budz. Naninibago lang ako sa pakiramdam ko. Pakiramdam ko kasi wala ako sa balanse ko. Napakagaan ng katawan ko. Hindi ko alam kung bakit," amin ni Niño kay Jude. "Naibalik na rin pala sa'yo ang buong lakas mo. Nakakapanibago talaga sa una pero makakasanayan mo ulit. Tayo na baka mainip pa si Jaja," wika ni Jude. Sa study room, tinuruan nina Niño at Jude si Jessie sa pagre-review nya. "Kuya, tama ba?" tanong ni Jessie sa noo'y katabi na si Jude. Sinilip ni Jude ang notebook ni Jessie. "I-check mo muna," paalala ni Jude. Tiningnan muli ni Jessie ang ginawa nya. Ilang saglit ay kumamot sya nang ulo. "May mali," wika ni Jessie. "Tingnan ko nga. Meron nga. Teka dito 'yun," turo ni Jude. "Hindi po. Hindi po dyan," napakamot sa ulong sabi ni Jessie. "Budz!" tonong humihingi ng tulong ni Jude na kumamot ng ulo. Binaba ni Niño ang hawak nyang libro at lumapit sa dalawa. Hinawakan nya ang isang lapis na biglang naputol nya nang ituon nya sa papel. Kumuha muli si Niño ng lapis at naputol nyang muli. Natigilan si Niño. "Kuya, uubusin mo naman ang lapis ko," pabirong wika ni Jessie. "Pasensya na, Jaja," ani Niño. "Budz, relax lang. Hinga muna ng malalim bago mo uli subukan," payo ni Jude. Sinunod ni Niño si Jude bago muli humawak ng lapis. Napahingang malalim si Niño ng hindi nya ito nabali. "Paano ito, Kuya?" tanong ni Jessie. "Ganito 'yan. Tama naman ginawa mo rito. Kaya lang mali itong bahaging ito," turo ni Niño na pinaliwanag kung saan ang bahaging mali. Naabutan sila ng reyna na nagtuturuan. Napatigil ang reyna sa pinto. Pinagmasdan nya ang tatlo at napangiti sa nakita. "Ano? Kaya mo na?" tanong ni Niño. "Opo," sagot ni Jessie. "Jessie, dumating na ang tutor mo. Sa library daw kayo ngayon," anang reyna. "Opo, Ma. Sige po. Kita tayo mamaya," paalam ni Jessie sa kambal. "Good luck. Huwag kang mataranta," bilin ni Jude. "Ok," ani Jessie na nakangiting lumakad paalis. Paglabas ni Jessie. "Mag-agahan na tayo," anyaya ng reyna. "Yes, Ma," anang dalawa. Sumunod ang dalawa sa reyna patungo sa kusina. "Ma, naisip lang namin. Bakit hindi po natin ipasok si Jaja sa Royal Prep sa darating na semester?" mungkahi ni Niño. "Nabanggit na rin iyan ng kuya mo sa akin. Natatakot ako na baka hindi pa sya handa," anang reyna. "Mas mabuti po na matuto sya sa regular na paaralan. Kailangan nyang matutong makisalamuha sa ibang tao maliban sa mga security at matatanda. Gusto ko sanang ma-enjoy nya ang junior high school nya, gaya po namin," sabi ni Jude. "Pero..." anang reyna na nag-aalinlangan. "Tama si Nathan, Ma. Mas makakabuti na may kasing-edad sya na tumutulong sa kanya. Masyado na kasing bumibilis ang maturity ni Jessie na hindi nya ma-enjoy na lumabas kasama ang ibang batang babae na kasing-edad nya," paliwanag ni Niño. "Sige. Sasabihin ko iyan sa Papa mo," anang reyna. "Salamat, Ma. Matutuwa po si Jessie kapag nalaman 'yan," ani Jude na niyakap patagilid ang ina. Sa hapag kainan, sabay-sabay kumain ang kambal at ang reyna. "Si Kuya po?" tanong ni Niño. "Nagpaalam kagabi na lalabas muna. Hindi ko pa sya nakikita," anang reyna. Pumasok si Ricky sa kusina. Nakasuot pa ito ng combat boots at itim na cargo pants. Inabot sa isa sa mga katulong ang kapares nito na itim na coat. Halatang pagod at wala pa itong tulog. "Eto na po pala sya," ani Niño. "Magandang umaga!" bati ni Ricky. Hinalikan nya sa pisngi ang mama nya. Niyakap nya ang ina na noo'y nakaupo. "Magandang umaga Kuya!" bati ng dalawa. "Umupo ka na at mag-agahan," anang reyna. Umupo si Ricky sa tabi ng ina. Kaagad naman nagdagdag ng plato ang katulong. "Ano pong gusto nyong inumin?" tanong ni Alfred kay Ricky. "Kape na lang Alfred," sagot ni Ricky. "Kuya, iyong huling bes kang nagkape may nangyari," paalala ni Jude. "Kailangan ko pang manatiling listo. May mga kailangan pa akong gawin ngayong umaga," katwiran ni Ricky. "Alfred tsokolate na lang ang ibigay mo kay Kuya Ethan," pakiusap ni Niño. Hinainan ni Alfred ng mainit na tsokolate si Ethan. "Salamat," ani Ricky. "Kadarating mo lang, aalis ka na kaagad," anang reyna. "May lakad po kami sa Ark. May fund raising po kasi ang foundation ni Aly. Dadaanan namin sa Cancer Institute ang mga nagawang bracelet ng mga bata. Tutumbasan daw po kasi ng mga donors namin ng halaga ang bawat bracelet na gawa ng mga bata," paliwanag ni Ricky na humigop ng tsokolate sa tasa nya. Ipinaglagay din ng reyna si Ricky ng pagkain sa plato nya. "Mamaya pa naman iyon, Kuya. Power nap ka muna," wika ni Jude. "Oo nga, mukhang napagod kayo sa ginawa nyo kagabi," anang reyna. "Medyo po, Ma. Si Mike nga po natutulog na sa sasakyan," kwento ni Ricky. "Bihira 'yun, ah. Ano pong meron?" tanong ni Niño. "Clearing sa tunnels. May nakita na Greems sa Serio. Nakipagtaguan pa," dugtong ni Ricky. "Mahirap pa naman ang terrain sa Serio," napataltak na wika ni Niño. "Sasama ba kayo?" tanong ni Ricky "May mga Tango po na ipapakilala si Kuya Tommy. Bagong download sa Unit. Sisilipin ko po mamaya," iling ni Nathan. "Magkikita po ako kay Captain Alexi. Magpapaturo po kasi ako sa kanya," wika ni Niño. "May gagawin ka ba mamaya, Ma?" tanong ni Ricky. "Maliban sa pumunta sa Reem ngayong umaga, wala na. Bakit?" tanong ng reyna. "Movie marathon tayo mamaya. Sinabi ko na kay papa, nag-cancel na sya ng appointments nya mamayang gabi," banggit ni Ricky na naghikab. "Sige," anang reyna. Napansin ng reyna na papikit-pikit na si Ricky. "Sige na Ethan. Matulog ka na muna. Maaga pa naman," anang reyna. "Mauna na ako sa kwarto ko. Excuse me," ani Ricky na tumayo. Hindi pa nakakalayo sa lamesa ay nagring ang telepono ni Jude. Sinagot ni Jude ang tawag. "Yes po? Po? Opo. Sige po," sagot ni Jude na pinatay ang tawag. Sumunod na tumunog ang cellphone ni Ricky. Isang text naman ang natanggap ni Niño. "Lalabas po muna kami," paalam ni Ricky. "Mag-ingat kayo," anang reyna. Humalik ang tatlo sa reyna bago lumakad. Lumitaw sila sa HQ. Naroon na si Drew. "Anong meron?" tanong ni Ricky kay Drew. "Security Breach sa north east border. May mga shifter na nakapasok sa depensa natin," sabi ni Drew. "Paano?" tanong ni Jude. "Iyon nga ang pinagtataka namin," wika ni Emir. "Sige. Tayo na," ani Ricky. "Kaya mo na ba Niño?" tanong ni Drew. "Opo," ani Niño. "Kamusta na nga pala, Jude ang Wolves?" tanong ni Ricky. "Ready to hunt na po ulit maliban kay Rico. Kailangan pa pong pagalingin ang paa nya. Sya muna ang magiging monitor ng grupo," balita ni Jude habang nilagay ang earpiece ng radyo nya. "Ok let's move," wika ni Ricky. Pagdating nila sa north east border ay kaagad silang nakihalubilo sa mga tao. "May nararamdaman akong apat na shifters," wika ni Jude sa radyo. "May mga Assassin sa paligid," babala ni Ricky na ginala ang mata sa mga tao. "Kami na ni Niño ang bahala sa shifters Kuya," wika ni Jude. "Sige. Kami na ni Drew sa Assassins. Iligpit nyo ang mga shifters at lalabas ang mga Assassins," paalala ni Ricky. "Roger," anang kambal. "Mag-ingat kayo. Hangga't maaari huwag kayong magdudulot ng gulo para hindi magpanic ang mga tao," bilin ni Ricky. "Opo," anang kambal. Naghiwalay ang dalawang grupo. "Budz, hiwalay muna tayo. Para mas malawak coverage natin," mungkahi ni Jude. "Sige. Ingat. Kita tayo dito in 10 minutes," bilin ni Niño. Habang naghiwalay, nagmasid at nagobserba ang dalawa. Tumigil saglit si Jude. Nasa second floor noon si Jude. "Dito ako taas mo. Budz may nakita ka na?" tanong ni Jude sa radyo. "Negative pa, Budz," sagot ni Niño. Naramdaman ni Jude ang isa sa mga shifter sa posisyon ni Niño. "Budz, merong malapit na shifter dyan sa tabi mo," sabi ni Jude na napatigil. "Position?" tanong ni Niño na pasimpleng lumingon sa paligid. "Nine o'clock. Isang batang lalaki," detalye ni Jude. "Roger nakita ko na," kumpirma ni Niño. Sinusundan na ni Niño ang shifter ng marinig nya muli si Jude. "Budz, huwag ka munang gagalaw. May isa pa sa likod mo. Pinakikiramdaman ka nya," babala ni Jude. "Anong gagawin ko?" tanong ni Niño. "Proceed as planned. Uunahin ko iyang nasa likod mo. Huwag kang papahalata na alam mong nasa likod sya. Ako na bahala sa kanya," bilin ni Jude habang pababa sa pwesto ni Niño. "Mag-ingat kayo," bilin ni Ricky. "Roger!" ani Niño. Ilang saglit pa. "Ok na, Budz;" paalam ni Jude. "Target on the move," ani Niño habang sinusundan ang target. Nang mapansin ng shifter si Niño, tumakbo ang shifter sa escalator. "Nasa likod mo lang ako," wika ni Jude. "May movement sa dalawa pang shifter," banggit ni Ricky. "Roger po. Budz ikaw na muna bahala dyan," sabi ni Jude. "Ok." ani Niño. Pilit inililigaw si Niño ng shifter hanggang sa masukol nya ito sa roof deck ng building. "Careful," ani Ricky. Aatake na si Niño nang may nauna sa kanyang lumusob. Susubukan sana nyang umilag pero may sumangga na sa tira nya. Biglang lumitaw si Drew. Tumakbo muli palayo ang shifter. "Assassin! Ingat," babala ni Ricky sa radyo. "Ako na bahala sa kanya. Habulin mo ang shifter. Hindi na dapat makaalpas," utos ni Drew. "Opo," ani Niño. Hahabulin sana nya ang patakas na shifter ng biglang may pumigil sa kanyang isa pang assassin. Kaagad nilabas ni Niño ang busog at pana nya at iniumang sa shifter. Kaagad naman nyang pinakawalan ang pana. Hinabol ng pana ang shifter na tinamaan naman sa dibdib. Kasabay ng pagpapakawala nya ng pana ang pag-ilag sa ball and chain na hinagis ng assassin. "Ayos ka lang?" tanong ni Drew na napalapit sa kanya. "Opo," ani Niño. "I have my hands full. Isusunod ko iyan," pangako ni Drew. "Kuya Ricky!" tawag ni Niño. "Pasensya na hindi ko kayo matutulungan. Medyo abala rin ako ngayon," sagot ni Ricky. "Nathan," tawag ni Drew sa radyo. "Nahuli ko na ang huli. Pabalik na 'ko," tugon ni Jude. "Ako na po ang bahala sa isang 'to. Mukhang ako ang natipuhan nya," wika ni Niño. Inilabas ni Niño water blade nya. Tinawag ng assassin ang guardian beast nito na dalawang buwaya. "Hala! Mas masaya ito," paabang na wika ni Drew. "Fido!" tawag ni Niño. Lumabas si Fido sa kanyang human form nakasuot ang isang armor na kahalintulad ng armor nya sa beast mode nya. "Mukhang dehado tayo, Master," nakangiting wika ni Fido "The more the merrier. Alam ko naman na gusto mo ang dehado ka," pabirong hamon ni Niño. Muling umatake ang mga assassins sa dalawa. Umilag naman ang dalawa at nagcounter-attack. Habang nasa kalagitnaan ng labanan ay may narinig na kakaibang boses si Niño. "Huwag mo nang patagalin! Tapusin mo na silang lahat," anito. Natigilan sa pag-atake si Niño pati si Fin. Halos hindi sila nakagalaw saglit. Napahawak si Niño sa noo nya. "Huwag mo syang susundin," anang boses ni Jude mula sa radyo. "Ayos ka lang Niño?" tanong ni Drew. Tumango lang si Niño na muling sumugod sa kalaban. "Ice blade!" utos ni Niño. Inatake ni Niño ang kalaban nyang assassin. Pilit syang pinigilan ng isang buwaya pero nabigo ito. Tinamaan ni Niño ng ice blade ang buwaya at napatay nya ito. Sinunod nyang tapusin ang assassin na nangangalaga sa buwaya. Napatay na rin ni Drew ang kalaban nya gamit ang service pistol nya.  Biglang naglaho si Fin makaraan ang ilang saglit. Nagulat si Drew nang atakehin sya ni Niño. Nakailag sya pero nadaplisan. "Arrow, anong problema?" tanong ni Drew na nagulat. Hindi kumibo si Niño na muling inatake si Drew. "Niño, anong ginagawa mo?" tanong ni Drew. Umatake muli si Niño. "Need help guys! Wala sa sarili si Niño," hingi ng saklolo ni Drew. "Andyan na 'ko!" sagot ni Ricky. Lumitaw si Jude na sinangga muli ang atake kay Drew. Napaatras si Niño. Sumulpot si Ricky. Inatake ni Niño si Ricky gamit ang water blade. Umilag si Ricky pero nahagip sya ng lakas nito at napaatras. Nakalapit si Jude kay Niño at hinawakan ang punyal na binigay nya. Nagsalita si Jude nang Vallian halatang may galit ang boses. Nabitiwan ni Niño ang water blade na biglang naglaho. Bigla syang napaluhod, nakahawak sa ulo nya ito at pailing-iling pinapagpag. Mabilis naman syang nilapitan ni Ricky at inalalayan. Kaagad namang lumapit rin si Drew. "Ayos ka lang, Niño?" tanong ni Jude na nag-aalala. "A-anong nangyari?" tanong ni Niño. Nanimbang si Niño na hinawakan ni Ricky. Tumitig lang si Jude kay Niño. "Budz, ayos na ako," paniniguro ni Niño. "Si Juno at ang kanyang mga Archmages. Gumamit na naman sila ng magic," dama sa boses ni Jude ang galit. "Magic? Paano nila nagawa iyon? May protection spell kayo," tanong ni Drew. "May paraan pa rin para malusutan ang protection spell. Budz, kailangan mong labanan," paalala ni Jude. "Ano bang nangyari?" tanong ni Niño na mahina. "Inatake mo sina Kuya Drew at Kuya. Hindi mo ba natatandaan?" tanong ni Jude. Umiling si Niño. "Anong naaalala mo Niño?" tanong ni Ricky. Umupo si Niño sa gilid ng gusali. Nakaramdam sya ng hilo na halos matumba uli sya. Mabuti na lang at naalalayan sya ni Jude. "Budz, focus!" seryosong wika ni Jude. "Pasensya na," wika ni Niño. Kinunan ni Drew ng pulso si Niño. "Pulse rate increasing," anito. "Transition ng katawan nya sa kapangyarihan. Wala pang kontrol si Niño sa sarili nya at sa kapangyarihan. Maaring sinasamantala nila iyon. Ilang araw bago nya makasanayan ulit 'yan," paliwanag ni Ricky na lumuhod sa harap ng kapatid. Hinawakan ni Ricky si Niño at umusal ng Vallian spell. Napaigtad si Niño. "Budz, relax lang," ani Jude na hinawakan si Niño. Pumikit si Niño at yumuko. Makaraan ng ilang saglit tumunghay si Niño. "Pulse rate returning to normal," sabi ni Drew. "Ayos ka na ba?" tanong ni Ricky na binitiwan ang kapatid. Tumango si Niño. "Pasensya na po. Pakiramdam ko kanina lumutang lang ako," amin ni Niño. "Possession spell ang ginamit ng Archmages sa Assassin na nakalaban natin. Muntik na rin ako kaya you should keep your shields up," paalala ni Ricky. "Opo. Pasensya na po talaga," tango ni Niño. "Pasensya na Budz. Nagpabaya ako," ani Jude. "Hindi mo kasalanan," sabi ni Niño na nagsubok tumayo. Inalalayan sya ni Jude. "You have to control your powers as soon as possible," atas ni Ricky. "Opo. Kuya bumalik na tayo," wika ni Niño. "Kaya mo na ba?" tanong ni Ricky. Tumango lang si Niño. "Baka nag-aalala na naman si Jaja at ang mahal na reyna," ani Drew. "Tayo na," wika ni Ricky.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD