Dumating ang doktor at sinuri si Ricky. Binigyan sya nang gamot at pimayuhang magpahinga. Nasa receiving room ng kwarto ni Ricky ang halos lahat maliban sa Lolo Carlo nina Ricky na kinausap ng doktor.
"Allergic reaction," anang matanda.
"Magpahinga na po kayo. Kami na po bahala kay Ricky," mungkahi ni Drew sa mga tao sa receiving room.
"Sige salamat," anang matanda.
"Magpahinga na kayo Jude, Niño. Ako na muna ang bahala sa kanya," ulit ni Drew.
"Ikaw, Ate?" tanong ni Jude.
"Dito muna ako. Hintayin ko lang sya magising," iling ni Joey na nagsisisi.
Paglabas ng ibang tao ay nagsalita si Mike habang inaabutan ng kape si Drew
"Koumir!" banggit ni Mike.
"Salamat. Pero paano? Kourdim ang iniinom namin kanina ni Rissa," wika ni Joey.
"Kumuha sya ng Koumir kanina," sabi ni Mike.
"Paano napunta kay Ricky ang Koumir?" usisa ni Drew.
"Kinuha ko kay Rissa ang baso nya. Nagkapalit ata kami ng baso ni Ethan sa bar nang nilapag nya ang baso ko," ani Joey na na-realize na sya ang may kasalanan.
"I'm sorry. Kasalanan ko. Hindi ko alam. Naging pabaya ako," dugtong ni Joey.
"Huwag mong sisihin sarili mo. Dapat nainform ka namin. Hindi ito ang unang pagkakataon," alo ni Mike.
"Tama si Mike. Hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo. May mas malala pang nangyari sa kanya," wika ni Drew.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Joey na na-curious.
"Noong panahong nagsasanay kami, nabigyan sya ng vodka habang nasa labas kami. Bigla na lang syang bumagsak, muntik na syang mamatay. Doon namin natuklasan ang allergic reaction nya sa alcohol. Ako kasama nya noon, niyaya ko syang mag-inom ng araw na iyon dahil sa sobrang frustration ko sa resulta ng isang misyon namin. Muntik ko nang agawin ang buhay nya sa sobrang kapabayaan," kwento ni Drew.
"Nang magising sya ay humingi ako ng tawad sa kanya. Sinabi nya na hindi naman iyon sinasadya kaya huwag ko na iyong alalahanin. Matapos ang araw na iyon ay nangako ako na babantayan ko at pangangalagaan ko si Ric at ang pamilya nya," dugtong nya.
"Akala ko ay nagbibiro lang si Rissa ng sabihin nya na may matinding allergy si Ethan sa alcohol," wika ni Joey.
"Huwag mong sisihin ang sarili mo. Aksidente ang nangyari," alo ni Mike kay Joey.
"Anong sinaksak mo kanina sa kanya?" tanong ni Joey.
"Epinepherine. Mas kilala sya bilang adrenaline para mapaluwag ang mga airways nya na nagbara," sagot ni Drew.
"Bakit parang walang epekto sa inyo ang mga nainom nyong alak? Pasensya na kung madami akong tanong," usisa ni Joey.
"Mayroon din. Tinatamaan din kami. Natutunan lang naming dalhin. Sinanay kami na magdala ng alak in big doses ng hindi nagbibigay ng impormasyon. Bahagi ng trabaho namin. May mga kemikal rin na nilagay sa bloodstream namin para magcounter-act sa epekto ng alak. Sa kaso ni Ricky, hindi bumabalanse sa genetics nya ang kemikal kaya nagkakaroon sya ng allergic reaction. Hanggang dalawang bote o lata ng beer lang ang limit nya bago sya malasing. Mas nakakatagal sya sa hard drinks pero hindi pa rin kaya ng sistema nya ang purong alcohol katulad ng Koumir at vodka. Mas mataas ang alcohol content mas malala ang epekto sa kanya." paliwanag ni Mike.
"Ang kambal ang totoong may allergy sa alak dahil sa asthma nila lalo na si Niño," banggit ni Drew.
"Pero nakakainom pa rin sila?" tanong ni Joey.
"Kaunti lang ng lahat ang pwede sa kanila," wika ni Drew.
Humikab si Joey.
"Ang mabuti pa ay umidlip ka muna sa sofa. Gigisingin na lang kita kapag nagising na si Ricky," payo ni Drew.
"Makikipagpalitan ako sa inyo para mahaba-haba ang pahinga nyong dalawa," alok ni Joey.
"Sige, gisingin na lang kita kapag oras mo nang magbantay sa kanya," payag ni Drew.
Nakatulog si Joey sa sofa. Dahan-dahan naman syang kinumutan ni Mike.
"Ang swerte mo talaga sa babae, Ric. Torpe mo, talaga," pabirong ni Mike na naririnig ni Drew na napapailing.
"Itulog mo na nga muna 'yan," napapailing na wika ni Drew.
Makaraan ang isang oras nagising si Ricky na napabalikwas paupo. Hinahabol nya ang kanyang hinga.
"Hinay-hinay lang!" pigil ni Drew na inalalayan si Ricky na humiga muli na mataas ang likod at ulo.
"Cien," ani Ricky sa Vallian.
"Huwag ka sa akin magpasalamat. Si Lady Joey ang dapat mong pasalamatan. Sya nagligtas ng buhay mo," wika ni Drew habang tinutulungan nitong iangat ang likod ni Ricky gamit ang unan para makahinga ito ng maayos
"A- nong nangyari?" tanong na mahina ni Ricky.
"Nakainom ka ng mataas na alcohol content," sagot ni Drew.
"Paano...?" tanong ni Ricky.
"Nagkapalit kayo ng baso ni Joey kagabi. Relax muna," sagot ni Drew.
Kinontrol ni Ricky ang hinga nya.
"Salamat, 'tol!" ani Ricky.
"Mag-ingat ka sa susunod. Muntik ka na naman. Talagang sinusubok mo ko at pinaiiksi ang buhay ko. Ikaw na pagbabayarin ko ng life insurance ko," wika ni Drew pabiro.
"Pasensya na," ani Ricky.
"Bigyan kita ng pampatulog para makapahinga ka pa at maka-relax pa ang katawan mo. Mahinang dose lang," paliwanag ni Drew.
"Yes, Doc," ngiting wika ni Ricky.
Gamit ang accupuncture needle, tinusukan ni Drew si Ricky sa pressure point para makatulog.
Nagising naman si Joey ilang saglit pa. Nag-uukit noon si Mike ng maliit na kahoy na nasa isang upuan. Nakasubsob naman si Drew sa isang silya, natutulog.
"Gising ka na," wika ni Mike na tumigil sa ginagawa nang mapansin na bumangon si Joey.
"Kamusta si Ethan?" tanong ni Joey.
"Maayos na. Nagising na sya kanina pero pinatulog pa ulit ni Drew para makapahinga. Hindi na kita ginising kasi pagod na pagod ka. Ang mabuti pa ay ihatid na kita muna sa kwarto mo. Para makatulog ka nang maayos. Papatawag kita mamaya kapag nagising ulit sya," sagot ni Mike.
Kinaumagahan, bumalik si Joey sa kwarto ni Ricky. Nadatnan nya na naroon sa kama ni Ricky sina Mariko at Jessie. Nakayapos si Mariko kay Ricky. Nakaupo naman sa tabi ng kama si Niño habang si Jude ay nakatayo sa likod ni Niño. Naroon din ang tiyahin at lolo ng magkakapatid. Nasa background sina Drew at Mike sa tabi ng bintana. Nagkakatawanan ang lahat.
"Magandang umaga!" bati ni Joey.
"Magandang umaga din!" bati ng lahat kay Joey.
"Mukhang nagkakasiyahan kayong lahat dito," wika ni Joey.
Tumayo si Niño sa kinauupuan nya at inalok kay Joey.
"Kamusta na ang pakiramdam mo? Mukhang naparami daw ang inom mo kagabi?" tanong ni June kay Joey.
"Masyado lang po sigurong na-enjoy na hindi ko namalayan na naparami na pala ang nainom ko. Pasensya na po," wika ni Joey na namula.
"Ayos lang naman, Hija. Kahit kami ay nasiyahan kagabi. Pati nga si Ethan ay masyadong nawili pati ang Koumir ay pinatulan," wika ni Carlo na napapailing.
"Pasensya na Lolo, masyado akong nadala kagabi. Hindi ko napansin kagabi na Koumir na pala ang iniinom ko," sabi ni Ricky na medyo paos ang boses.
"Mukhang madaragdagan pa ng isa o dalawang araw ang pagtigil nyo dito," ani Charles.
"Tumawag ang Papa mo at alalang-alala sa kalagayan mo." banggit ni June.
"Pasensya na po sa abala. Pakisabi na lang po na maayos na ang aking pakiramdam," hingi ng paumanhin ni Ricky.
"Huwag mong isipin iyon. Hindi kayo nakakaabala. Natutuwa nga kami at mas sumigla ang mansyon sa pagdating nyo. Mamiss naming lahat ang kaguluhan dito. Maging ang aming mga musketero ay kasundo sina Mike at Drew," ani June.
Kumalong si Mariko kay Ricky.
"Mariko, tigilan mo muna si Kuya Ric mo. Masama pa pakiramdam ng Kuya," saway ni June sa bata.
"Ayos lang po Tita June. Magaan na po pakiramdam ko. Lalo na at narito na ang makukulit kong Ba-ir,"
ani Ricky na inakbayan si Jessie at niyakap si Mariko.
"Hindi po ako makulit!" sabi ni Mariko kay Ricky na sumimangot.
"Hindi nga Mirawi. Si Ate Jaja pala 'yun," bawi ni Ricky.
Nakasimangot pa rin ang bata kay Ricky.
"Nagustuhan mo ba ang regalo ko, Mirawi?" tanong ni Ricky sa bata.
"Opo. Salamat po," anang bata na ngumiti ng maalala ang regalo ng pinsan.
"Mauna na muna kami Ethan. May mga kailangan lang kami ng tiyuhin mo na ayusing usapin dito sa hacienda. Magkita tayo ng tanghalian," anang Lolo Carlo na tumayo at umalis kasunod si Charles.
"Opo. Mag-ingat po kayo," ani Ricky.
"Ipaayos ko lang ang agahan natin. May nais kayong ipahanda?" tanong ni June.
"Wala po," ani Ricky.
"Mama, pancakes!" sigaw ni Mariko.
"Sige. Magpapadala din ako ng tsaa para bumuti ng kaunti ang boses mo," ani June bago lumabas.
"Maliligo lang kami, Ric. Niño, ikaw na muna bahala sa kuya mo," paalam ni Drew.
"Power nap ka muna Kuya. Kaya na namin si Kuya," sabi ni Niño.
"Salamat bro. Magpahinga muna kayo bago mag-agahan," wika ni Ricky.
"Wala iyon!" ani Drew.
"Sabay na ako. Kukuha lang ako ng kape sa kusina," paalam ni Mike.
"Mariko, bakit nakapantulog ka pa? Gusto mo magpalit muna tayo?" tanong ni Jessie.
"Ayoko po," anang bata na yumakap kay Ricky.
"Mirawi, magpalit ka na muna nang damit at mag-ayos. Ayokong makita ka ng maraming tao na mukhang halimaw," ani Ricky palambing sa bata.
Saglit na nag-isip ang bata.
"Sige na nga po," payag ni Mariko.
"Samahan na kita," wika ni Jessie.
Lumabas ang dalawa sa kwarto ni Ricky.
"Mirawi?" tanong ni Joey.
"Boyfriend na kasi ni Mariko si Kuya!" sagot ni Jude na napangiti.
Napataas ang isang kilay ni Joey.
"Nakita kasi ni Mariko sa isa sa magkasintahang tagasilbi na nagyayakapan saka nya narinig ang salitang boyfriend. Akala nya kapag sinabing boyfriend ay yayakapin sya lagi. Lumapit sya kay Kuya ng dumating kami at tinanong kung pwede daw na maging boyfriend nya si Kuya. Sinakyan naman ni Kuya at sinimulang tawagin syang Mirawi," paliwanag ni Jude.
"Ah..." ani Joey na napangiti.
"Salamat nga pala sa pagliligtas mo ng buhay ko kagabi," wika ni Ricky.
"Wala iyon. Teka bakit ka nagsinungaling sa kanila?" usisa ni Joey.
"Sinungaling? Saan?" tanong ni Ricky na malat.
"Pasensya na. Ako ang may kasalanan kaya muntik ka na kagabi," ani Joey na yumuko.
"Wala kang kasalanan, Habibti. Hindi nila kailangang malaman ang isang kapabayaan. Naging pabaya ako kagabi. Aksidente ang nangyari," salo ni Ricky.
"Pasensya na," ani Joey na sising-sisi.
"Ayos lang, Habibti. Pakiusap huwag ka nang umiyak. Maayos na pakiramdam ko," paniniyak ni Ricky.
Pinahid ni Joey ang luha nya.
"Pasensya na," ulit ni Joey.
"Habibti?" tanong ni Niño.
"Bakit Niño? Masama ba ang salitang iyon?" tanong ni Joey.
"Hindi ko po alam," ani Niño na nagkibit balikat.
"Ric, ano bang ibig sabihin ng Habibti? Tinawag mo na naman ako ng isang salitang hindi ko alam," usisa ni Joey.
"Hindi ko sasabihin ang ibig sabihin hanggang hindi ka tumitigil sa pagso-sorry," pang-aasar ni Ricky.
Pumasok si Mike sa kwarto at napatingin ang tatlo.
"Nathan, tulungan nyo naman ako. Vallian ba ang salitang iyon?" tanong ni Joey na napipikon na.
"Hindi, Ate," ani Jude na natatawa.
"Anong problema?" tanong ni Mike.
"Tinawag kasi ni Kuya Ricky si Ate Joey ng Habibti. Hindi namin alam ang ibig sabihin noon," sagot ni Niño.
"Ahh. Iyon ba? Akala ko naman kung ano," sabi ni Mike na napangiti.
Lumapit si Mike kay Niño na binulong ang ibig sabihin ng sinabi ni Ricky.
"Ganun pala 'yun?" ani Niño na natawa.
Tumitig si Niño kay Jude na natawa matapos ang ilang saglit.
"Kapag sinabi nyo ang ibig sabihin kay Ate nyo ay magagalit ako," banta ni Ricky.
Lalong natawa ang kambal sa dalawa. Unti-unting naaasar si Joey.
"Parehong-pareho talaga kayo ni Alyssa. Masarap kang asarin, Habibti," wika ni Ricky na nakangiti.
"Pakde!" ani Joey na asar na asar.
"Pasensya na Ate. Mahirap kasing kaaway si Kuya," sabi ni Niño na natatawa.
"Sabihin nyo na kasi," ani Joey na napipikon na, "Pakde!" na pabulong.
"Kamusta na pakiramdam mo?" tanong ni Mike kay Ricky.
"Nagbalik na ng kaunti lakas ko. Naihahawak ko na ulit," tugon ni Ricky.
"Mabuti naman," ani Mike.
"Pero lambot na lambot pa rin ang pakiramdam ko," dugtong ni Ricky.
"Huwag kang magmadali, Ethan. Babalik din yang lakas mo paunti-unti," ani Joey.
Biglang tumunog ang cellphone ni Jude. Nagkatinginan sina Ricky at Jude. Kaagad namang tumingin si Mike sa relo nya.
"May titingnan lang ako sa labas, 'tol. May titingnan lang ako sa labas. Lalabas na muna ako," paalam ni Mike na sumulyap muna kay Ricky.
Tumango si Ricky.
"Lalabas muna kami, Kuya. May nakalimutan ako dun sa hardin," dahilan ni Jude na lumingon din kay Ricky
"Sige. Ingat kayo," tango ni Ricky.
Sunod-sunod na lumabas sina Jude, Niño at Mike sa kwarto. Naglaho sila sabay-sabay pagkalapat ng pinto.
"Ayos ka lang, Habibti?" tanong ni Ricky nang mapansin nyang humawak sa noo si Joey.
"Oo," ani Joey.
"Akin na muna kamay mo?" tanong ni Ricky.
"Baket?" takang tanong ni Joey.
"Basta!" pilit ni Ricky na inusod ang sarili paupo sa kama nya.
Kaagad namang inayos ni Joey ang unan sa likuran ni Ricky para makasandal ito. Inabot ni Joey ang kanang kamay nya kay Ricky. Kinapa ni Ricky ang kamay ni Joey saka may pinisil na bahagi. Nakaramdam ng ginhawa sa ulo si Joey.
"Pasensya na hindi ko maaalis ang sakit ng ulo mo ngayon pero mababawasan ko lang. Kanina pang sumasakit ang ulo mo dahil sa hang-over. Hindi ka makakakain ng maayos kapag hindi naalis 'yan," wika ni Ricky
"Paano mo nalaman?" tanong ni Joey na dahan-dahang binawi ang kamay kay Ricky.
"Kanina pa kitang inoobserbahan. Kanina ko pang napapansin na hinahawakan mo ng pasimple ang sentido mo." sagot ni Ricky na ipinakita ang habit na nakita nya kay Joey.
"Paano mo nagagawa 'yun?" tanong ni Joey.
"Sabihin na natin na perks of being a Guardian's Master, Habibti," patuksong wika ni Ricky na ngumiti.
Maya-maya ay dumating ang isang katulong dala ang isang rolling tray.
"Kamahalan, pinadala po ni Ginang June ang inyong agahan dito," anang katulong.
"Salamat," wika ni Ricky.
"Sige lalabas na muna ako para makakain ka," wika ni Joey na tumayo.
"Lady Jocelyn, nagbilin po ang ginang na sabayan nyo na po si Sir Ethan. Matatapos na po kasi silang kumain sa baba," anang katulong.
Naupo muli si Joey. Iniwan ng katulong na nakahain sa bed tray ang pagkain ni Ricky samantalang hinatak nya ang isang lamesita para kay Joey.
"Sabay na tayo kumain, Habibti," ani Ricky.
"Hindi mo pa rin sinasabi ang ibig sabihin ng salitang tinatawag mo sa akin," wika ni Joey.
"Saka na," pang-aasar ni Ricky.