Michiko’s POV
Naging maayos naman ang meeting ko kanina kahit na may hindi magandang nangyari. Sa tingin ko nga ay nakatulong pa iyon dahil nawala ang kaba ko at ang mga kailangan naming pag-usapan ay naipaliwanag ko nang maayos sa kanya. Kauuwi ko lang sa condo na pag-aari ni Charlotte, dito kami tumutuloy kapag nagpupunta kami sa Makati para i-check ang flower shop sa lugar na ito at para na rin makipagkita sa mga kliyente. Isang linggo lang naman ako sa Makati.
Hindi naman ako magta-trabaho sa pitong araw na iyon dahil apat na araw lang ang trabaho ko at ang tatlong araw ay oras para sa sarili at para makalibot na rin sa lugar na ito nang mag-isa. May mga bagong lugar dito na gusto kong puntahan, mahilig ako sa photography at arts kaya lahat ng nasa listahan ko ay may kinalaman sa ganoon. Excited na nga ako na kinakabahan dahil pang-apat na araw ko na rin kaya ang ibig sabihin ay bukas na ang simula ng pahinga at bakasyon ko sa pagta-trabaho.
Humiga kaagad ako sa kama at tinawagan ang kaibigan ko para ibalita ang mga nangyari sa araw na ito. Mga nakababaliw na pangyayari ngayong araw.
Naka-isang ring lang at sinagot na niya kaagad. Hawak niya ang cell phone niya at may inaabangan sigurong tawag kaya nasagot kaagad noong tumawag ako.
“Michiko! What?” Halatang hindi ako ang hinihintay ng tumawag ng isang ito. Grabe lang talaga. Sino kaya ang hinihinaty niya? Malamang ay si Cleo ang hinihintay niya. Kunwari pang ayaw kay Cleo pero sa tingin ko ay gusto rin naman niya.
“Are you waiting for Cleo’s call?” I teased.
“What is wrong with you? Ano ba ang pumasok sa isip mo para itanong iyan sa akin? Tinatanong ko nga kung bakit ka tumawag, eh.”
“Nagpapalusot ka pa, halata naman na may hinihintay kang tawag at sigurado akong kay Cleo ang tawag na hinihintay mo. Gusto ko lang sabihin sa iyo na nakauwi na ako sa condo mo. Safe and sound,” sagot ko naman sa kanya kahit hindi naman niya itinatanong kung nakauwi na ako. Ayaw lang niyang aminin sa akin pero gusto niya kapag sinasabi ko sa kanya na nakauwi na ako tuwing nagkikita kami o pinag-uusapan namin na may lakad ako. Pakiramdam niya ay espesiyal siya kapag ipina-aalam sa kanya na nakauwi na. Sweet naman talaga siya, sadyang madaldal lang. Hindi mo talaga aakalain na milyonarya ang isang ito. Kahit saan yata niya gustuhing magpunta ay magagawan kaagad ng paraan. Milyonarya siya sa sarili niyang pera pero kung isasama pa ang mana niya . . . naku, hindi na dapat pag-usapan dahil mapapa-sana all ka nalang talaga. Bukod sa pagiging modelo niya ay isa rin siyang business woman kagaya ng pinsan niyang si Celestine.
“Tell me, how’s your meeting? Mag-enjoy ka riyan kahit wala ako, ah? Alam kong namimiss mo na ako pero hindi naman kailangan na magkasama tayo palagi para malaman mong mahal kita.” Napangiwi na lang ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung dapat akong matuwa sa sinabi niya dahil seryoso siya o kung nagiging sarcastic na naman.
“Okay naman ang meeting, kinaya naman ng powers ko.”
“Hmm . . . parang may iba pang nangyari. Ano iyon?” tanong naman niya. Magaling siya sa hulihan, eh. Alam kaagad niya kapag may iba sa tono ng boses ko. Parang magkapatid na talaga kami dahil kilalang-kilala na namin ang isa’t-isa. She’s the sister I never had but I’m lucky to have her as my best friend. Suplada ito sa personal kaya hindi naman lahat ay nakalalapit sa kanya. Madaldal siya pero sa piling tao lang kaya mahahalata rin namin kapag may problema siya dahil nagiging tahimik siya.
“Nakita ko si Caelen,” pag-amin ko sa kanya.
“Si Caelen? What happened?” Idagdag na sa listahan na may pagka-chismosa ang mayaman na ito.
I sighed. “Puwede mo bang ipaalala sa akin kung gaano siya ka-gentleman sa atin noon? Parang sa nakita ko kanina ay biglang nakalimutan ko na ang ganoong side niya. Nasira ko ang blueprint niya kanina. Mukha siyang stress sa trabaho pero malakas pa rin ang dating niya at nasira ko ang pinaghirapan niya . . . kaya nagalit siya at umalis na. Hindi kami nakapag-usap nang maayos.”
“Are you kidding me right now? Hindi naman ganoon si Caelen kahit gaano pa siya ka-stress sa trabaho.” Maging ang kaibigan ko ay kilala si Caelen sa pagiging tahimik at maginoo. Narinig ko na napa-buntonghininga siya. “Ano ang nangyari sa balak niyang panliligaw sa iyo? Bumilib pa naman ako dahil sa kuwento ni Kuya Euan noon ay parang seryoso siya sa pagsagot sa tanong ni Kuya Euan. Bakit siya nagkaganoon? Baka hindi ka na niya gusto?” tanong niya.
Naalala ko naman ang pangyayari na iyon. Sa totoo lang ay maganda naman ang pakikitungo namin sa isa’t-isa ni Caelen, sadyang may pagka-suplado siya noong una pero likas sa kanya ang pagiging maginoo niya.
Kagagaling ko lang noon sa sementeryo para dalawin si Vonn pagkatapos ay sinalubong ako ni Kuya Euan para sabihin na may bisita ako na naghihintay sa loob kaya pumasok na ako at noong nakita ko si Caelen ay may kakaibang excitement kaagad akong naramdaman.
“Hello. Sorry kung dumiretso na ako rito na walang pasabi. Can I have a minute with you?” he asked. Nagkakahiyaan kami dahil palagi kaming binibiro sa isa’t-isa. Kumbaga ay binubugaw nila kami sa isa’t-isa kaya nahihiya kami kapag nag-uusap.
“Bakit ka pala nagpunta rito?” I asked. Napatingin siya sa likod ko noong dumating si Kuya Euan. Feeling ko tuloy ay binabantayan na naman niya ako. Nagkaroon ng katahimikan at mukhang natuwa pang makipagtitigan si Kuya Euan sa kanya. “Bakit ka nagpunta rito?” I repeated. Natauhan naman siya kaya sa akin ulit tumingin at itinuro sa akin ang laptop na nasa table.
“You left your laptop in my car. Kanina ko lang napansin kaya ibinalik ko kaagad, baka hinahanap mo at baka gagamitin mo ang laptop na ito.” Sa sobrang pagod ko nga kagabi sa bonding namin nina Charlotte at meeting nila ay bumaba kaagad ako pagkahatid niya sa akin. Hindi ko nga maalala kung nakapag-pasalamat ako sa kanya dahil sobrang awkward ng silence naming dalawa.
Inaamin ko, kinilig ako kagabi pero sa sobrang hiya ko sa obvious na pambubugaw ng mga kaibigan ko ay hindi ko na siya nagawang kausapin. Narinig ko na kinuha rin siyang architect ni Celestine para sa plano nitong bahay kaya mas tumagal ang pag-uusap at pambubugaw nila sa amin.
Hindi ko nga rin alam na naiwan ko ang laptop ko dahil hindi ko naman napansin na nawawala iyon. Hindi ko nalang sinabi sa kanya dahil nakahihiya naman na napakaburara ko sa gamit.
“Nakahihiya naman. Thank you, ah,” sagot ko naman pagkatapos ay natahimik na kami.
Iyon na ang pagkakataon ni Kuya Euan na pumasok sa eksena.
“Ikaw ba ang naghatid kay Michiko kagabi?” pag-uusisa niya.
“Yes,” sagot niya.
“Bakit? Manliligaw ka ba ng kapatid ko?” direktang tanong naman ni Kuya Euan kaya nagalit kaagad ako sa kanya at sinabi ko na hindi siya nanliligaw at halos ipagtabuyan ko na nga siya at sinasabi ko na uuwi na siya kahit wala naman siyang sinasabi. Ginawa ko lang iyon para maka-iwas kay Kuya Euan at para na rin maka-iwas ako sa kahihiyan. Nahihiya na nga ako sa ginagawa nina Charlotte, dumadagdag pa si Kuya Euan.
“Naku, sorry. Huwag mo nalang pansinin ang Kuya ko, ganiyan talaga siya, eh,” paghingi ko ng tawad sa kanya.
“It’s okay. Wala ka pa bang boyfriend?” Nagulat naman ako sa itinanong niya sa akin.
“Hmm . . . wala.” Hindi ko nga alam kung bakit ko iyon sinagot.
“Kaya pala ganoon nalang din niya ako kausapin kanina. Grabe rin pala mag-interview ang Kuya mo sa mga suspected na manliligaw. Maybe that’s the reason why you don’t have a boyfriend. Baka natatakot sila na manligaw sa iyo dahil sa pagkausap ng Kuya mo.” Mukhang maililibre ko pa si Kuya Euan dahil sa ginawa niya! Naging madaldal siya kahit ilang segundo! Achievement!
“Ibig sabihin ay matagal kang naghintay? Sorry talaga. Ganiyan si Kuya para lang makilala ka. Hindi ko alam kung ano ang sinasabi niya sa mga nagbabalak manligaw sa akin pero nanggaling na sa iyo na grabe siyang magtanong kaya pagpasensyahan mo na. Natakot ka ba?” Gusto kong saktan ang sarili ko sa naitanong ko sa kanya. Mas magiging awkward ang ambiance namin kaya sinubukan kong itama. “I mean . . . kung isa ka sa suspected na manliligaw ko ay aatras ka ba sa pag-iinterview na ginawa sa iyo ni Kuya Euan?”
Mas nahiya ako sa tanong ko kaya binawi ko nalang.
“Alam mo ang pangit na ng dating ng mga tanong ko kaya umuwi ka na. Thank you sa pagbabalik ng laptop ko.”
He smiled. Wow, ang cute niya. “Kung ako ang manliligaw mo, hindi ko naman papansinin ang pananakot ng Kuya mo. Mas nakatatakot na hindi maipakita sa iyo kung ano ang naramdaman ko.” Nabigla naman ako sa sagot niya kaya napatingin ako. It sounds familiar! Parang ganoon din ang isinagot ni Vonn sa akin noon? Hmm, I don't know kung tama ang pagkaka-alala ko.
Narinig ko nalang na tumawa siya. Unang beses ko siyang narinig na tumawa, ah? “Sorry, I think my answer is weirder than your question. By the way, I have to go. See you when I see you.”
Simula noong encounter niya ka Kuya Euan ay palagi niyang itinatanong sa akin kung may manliligaw na ba ako at naging regular ang paghatid niya sa akin sa bahay na sinasabi niyang nagkakataon lang kaya naging malapit din kami sa isa’t-isa hanggang sa bigla siyang nawala dahil bumalik na siya sa Makati.
Hindi naman niya obligasiyon na magpaalam sa akin dahil maaaring hindi lang kami nagka-intindihan noon at posible rin naman na naaalala ko lang si Vonn sa kanya dahil sa naging sagot niya kay Kuya Euan.
Nabalik ako sa katinuan nang marinig ko ang sosyal na pagmumura ng kaibigan ko.
“Charlotte, bakit?” tanong ko sa kanya.
“Celestine messaged me!” she shouted.
“Bakit napamura ka? Ano ang sinabi niya sa iyo? May problema ba?” tanong ko ulit.
“Ang sabi niya sa akin ay kinukulit daw siya kaya ibinigay niya ang address ng condo ko!”
“Ano? Sino ang tinutukoy mo at aling condo?”
“Si Caelen! Kinukulit niya si Celestine na ibigay ang address ng condo ko kung saan ka nag-stay ngayon dahil may kailangan daw sa iyo si Caelen at ang magaling kong pinsan ay ibinigay kaagad ang address ko! At ang malala pa . . . pupunta raw ngayon diyan si Caelen!”
Hindi naman nagtagal ay tumawag na sa akin ang receptionist para sabihin na may naghahanap sa akin sa baba. Siyempre, hindi ko siya pa-aakyatin dito kaya kailangan ko siyang harapin.
“Tumawag na sila sa akin, nandito na raw si Caelen.”
“OMG! Binabawi ko na ang tanong ko kanina na baka hindi ka na niya gusto. Grabe, ang effort niya, ah? Pinuntahan ka pa! Sa tingin ko ay stress lang talaga siya kanina kaya ka nasigawan at iniwasan. Ang mahalaga naman ay humingi siya ng tawad kanina. Michiko, huwag ka na magpakipot, ah!”
Nagpaalam na ako kay Charlotte at baka marami pang sabihin sa akin.
Ano nga kaya ang pakay ni Caelen dito? Hindi ko pa man siya natatanaw ay bumibilis na kaagad ang t***k ng puso ko. Ano ba naman iyan? Talaga bang may gusto na ako sa kanya?