"Ineng, talaga bang anghel ka?" tanong ng matandang kamamatay lang na ngayon ay kasama ko na't ihahatid ko na siya sa lagusan patungong langit. Hindi ko alam kung in ba siya ro'n or out kasi hahatulan pa naman siya ni Idol.
"Opo, bakit? Hindi po ba kayo naniniwala?" Umiling naman agad si lola at tila may iniisip.
"Totoo pala talagang may anghel, ano? Sandali. Puwede bang 'wag mo na muna ako ihatid sa lagusang sinasabi mo? May gusto lang akong puntahan," pakiusap ni lola.
"Naku, saan naman po kayo pupunta niyan, lola? 'Wag mong sabihig magma-malling pa ho kayo o magsu-zumba," biro ko dahil bakas ang kalungkutan sa kan'yang mga mata.
"Hay naku, kang, anghel ka! Kung anu-anong iyang iniisip mo."
"Eh...ano ho ba? Dadalawin mo iyong crush mo?" dagdag ko pa. Namilog bigla ang mga mata ni lola kaya natawa na lamang ako.
'Teka? Totoo nga kayang may crush si lola?'
"Uy! Si lola, dalaga na ulit. May crush pa! Mukhang may asim pa ho tayo, ah," patuloy na pang-aasar ko.
"Hindi. Gusto ko lang puntahan iyong isang anak ko na malayo sa akin. Ni hindi man lang kami nagkita at nagkausap bago ako mawala sa mundong ito," pagsusumamo ni lola habang umiiyak.
'Tsk! Wala man lang akong nasundong kaluluwa na masaya sa kanilang paglisan dito sa mundo.'
Lahat naman ay may kamatayan, kailan kaya sila masasanay.
Napabuntong-hininga na lamang ako, huling pagkakataon naman na niya ito kaya puwede ko naman sigurong pagbigyan.
"Okay sige po, lola. Pero bago po iyan ay may passport po ba kayo?"
Kumunot pa lalo ang noo ni lola kaya pinigilan ko na talagang matawa. "Aba'y kailangan pa ba natin iyon?"
"Ay, opo kasi hindi tayo makakaalis kapag wala kayo no'n!"
"Grabe naman pala. Pati mga patay kailangan pa rin gumamit ng passport,'' kumbinsido talaga si lola sa akin kaya hindi ko na napigilang bumungingis.
"Joke lang po, lola... Masiyado naman po kayong seryoso. Pinapatawa ko lang naman po kayo eh! Hindi po ba kayo masaya na aakyat ka na po sa langit?" Tipid siyang ngumiti sa akin habang nakatitig. Napakamot na lang ako sa aking ulo at nag-aalangang ngumiti.
'Sabi ko nga, walang masaya!'
Bumuntong-hininga na namang muli si lola. "Hindi naman sa gano'n, Ineng. Pero sa isang ina gaya ko at may mga apo na rin. Hindi mawawala sa akin ang pag-aalala at malungkot dahil hindi ko na sila makakamang muli." Tama nga naman siya, gayon pa man ay wala na siyang magagawa dahil oras na niya.
"A-ah...lola, halika na. Puntahan na natin iyong anak ho ninyo."
Nang mapuntahan na namin ang kan'yang anak ay ilang saglit lang, umalis na rin kami at hinatid ko na nga siya sa lagusan.
"Maraming salamat sa iyo, Ineng. Pagpalain ka pa lalo sa iyong kabaitan. Bagay nga sa iyo ang maging anghel dahil napakabait mo." Nginitian ko si lola pero nagulat ako nang bigla niya akong yakapin.
"Paalam po," tanging nasabi ko, kumalas na rin siya nang pagkakayakap sa akin at ngayon ay wala na ang bakas nang kalungkutan sa kan'yang mukha at mga mata. Humakbang sa siya't tumalikod na, lumingon pa itong muli't kumaway na may matamis na ngiti sa labi hanggang sa tuluyang naglaho.
Naglalakad ako sa ka gilid ng kalsada nang makita ko si kuya Gab na may kasama na ihahatid na rin sa lagusan. Kumaway lang siya sa akin kaya kumaway rin ako.
Wala pa naman akong susunduin kaya minabuti ko na lamang mamasyal sa kung saan. Dinala ako nang aking mga paa sa isang park, maraming mga bata ngayong araw at masaya silang naglalaro kasama ang ibang bata habang binabantayan ng kanilang mga magulang. Minsan napapaisip rin ako kung naging tao ba muna ako bago naging anghel?
'Posible kaya?'
Hindi ko pa ito natanong kay kuya Gabriel o 'di kaya kay Idol na lang kaya para masagot niya ako agad? Ang kaso baka bawal magtanong. Hay! Ano ba itong naisip ko bigla!
Inaliw ko na lang ang sarili kakapanood sa mga bata nang biglang sumulpot sa tabi ko si kuya. "Mukhang malalim ang iniisip mo ah?"
"Wala po," tugon ko nang hindi ko na ito lingunin pa. Hindi ko maalis ang mga mata ko sa taong nagkakasiyahan.
"Alam mo, Cielo. Alam ko kapag nagsisinungaling ka. Pero kung ano man iyang naisip mo ngayon ay 'wag mo na pagtuunan nang pansin. May misyon tayong mga anghel, hmmn?" Tinanguan ko na lamang si kuya. Hindi lamang ito ang unang beses na napaisip ako, ilang araw ay mawawala rin naman ito nasisiguro ko.
Umalis na ako sa park, iniwan na rin naman ako agad ni kuya kanina dahil may susunduin na naman siya. Naglalakad na akong muli at tinatagusan ko lang ang katawan ng mga taong nasasalubong ko dahil hindi naman nila ako nakikita at nahahawakan.
"Saan kaya magandang pumunta ngayon– Aahhh..." inda ko. Saglit akong napatigil dahil parang tinamaan ako nng kidlat bigla at nakaramdam ako nang sakit sa dibdib ko.
"Aray!" Napalingon ako sa isang lalaki dahil nadapa ito. Siya iyong nakasalubong ko. Pero bakit? May kasama siyang lalaki at may pagtatakang nakatunghay ito sa kan'ya.
"Oh bakit? Napano ka?"
"Loko ka! Tinulak mo 'ko, no?" singhal ng nadapa sa kan'yang kasama.
"Baliw! Ang layo-layo ko sa iyo tsaka ba't naman kita itutulak diyan?! angal pa ng kasama niya.
"Haaysst... Basta! Parang may tumulak sa akin kanina eh! Hayaan mo na nga, tara na!" Nagpatuloy na sila sa paglalakad habang ako ay nanatili lamang na nakatayo habang nakatanaw sa dalawang iyon!
"Ano kaya ibig sabihin no'n? Totoo bang naramdaman ko iyon? Pero bakit naman kaya?" sunod-sunod na tanong ko sa aking sarili.
Hawak ko ang aking dibdib at nagpatuloy na. Baka nagkamali lang ako kanina't guni-guni ko lang sigiro iyon sa sobrang pag-iisip ng kung anu-ano kanina. Biglang umilaw ang black note na dalawa ko ibig sabihin ay may ihahatid na naman ako.
"Makaalis na nga!"
Pagdating ko sa isang ospital at narito na ako sa ICU kung nasaan ang aking susundiin. Lahat ng naro'n ay nag-iiyakan.
"Daddy! 'Wag mo kaming iwan, please... Ang sabi mo ay ihahatid mo pa ako sa altar kapag ikakasal na ako? Dad, wake up! Sige na naman oh!" Nagpapadyak pa anak nitong babae habang ginigising ang ngayong walang buhay niyang ama.
"Hay! Sir, labas ka na po diyan! Kailan na nating umalis," tawag ko sa rito. Bigla naman lumabas mula sa katawan ng aking sinusundo ang kan'yang kaluluwa.
"Hindi ba puwedeng buhayin mo muna ako hanggang sa matupad ko lang ang hiling ng aking anak?" pakiusap nito sa akin, kung ako lang ang tatanungin ay puwede naman pero si Idol lang ang may karapatan sa bagay na ito.
"A-ah, eh... Makiusap na lang po kayo kay Idol baka sakaling pumayag hangga't hindi pa po kayo nababalsamo," ani ko.
"Talaga ba?" Napangiwi ako dahil hindi naman ako sigurado sa bagay na iyon!
'Bakit ko nga ba kasi iyon pa ang nasabi ko?'