Chapter 01
Zhiya Sabriya Smith
DALAWANG taon na ang nakalipas. Pero tila habang–buhay.
Now, habang bumabagtas ako sa makitid na pasilyo ng kulungan, ramdam ko pa rin ang bigat sa dibdib ko—pero mas magaan na kaysa dati. Kanina lang, tinawag ng korte ang pangalan ko. "Acquitted due to insufficient evidence."
I nearly dropped to my knees right there. Gusto kong humiyaw sa galak pero hindi makapuwang sa dibdib ko. Para akong nabunutan ng tinik. Hindi lang isa, kundi lahat ng tinik na matagal nang bumaon sa dibdib ko.
Tahimik lang akong naglakad, mahigpit ang kapit sa bag ko. Walang madramang iyakan. Wala ring masyadong salita. Basta ang alam ko, lalaya na ako ngayon. Sa wakas. Magiging malaya na ako.
Pagdating ko sa gate ng kulungan, nandoon 'yung babaeng pulis na madalas kong nakakausap tuwing gabi, kapag hindi ako makatulog.
"Doktora," sabi niya, may konting ngiti. "Wag ka na sanang bumalik dito, ha?" May concern ang kanyang tinig.
Tumango ako, pilit na ngumiti.
"Hindi ko na balak bumalik," mahinang sagot ko. "Two years is more than enough."
Hindi naging madali ang buhay ko sa loob. Kahit isa akong dating OB–Gyne, kahit may pangalan ako sa labas—dito sa loob ng rehas, pantay–pantay kayo. Wala akong hawak na stethoscope. Wala akong karapatang magdesisyon. At wala akong anak sa tabi ko para yakapin sa gabi.
Si Seve...he was only two when I was arrested.
Ilang beses ko siyang napanaginipan. Minsan umiiyak, minsan tumatakbo papalayo habang tinatawag ako ng "Mama." Laging ako ang natatalo sa habulan naming dalawa.
Pero ngayon, papalapit na ako sa kanya. Uuwi na ang mama, anak. Makakasama na kita at mayayakap na ulit.
Paglabas ko ng gate, sinalubong ako ng mainit na sikat ng araw. Hindi ko na maalala ang huling beses na nainitan ako ng ganito—hindi mula sa fluorescent light o bintanang may rehas.
Napatingala ako sa kalangitan. Malaya na talaga ako.
Napasinghap ako, medyo nasilaw. Nilagay ko ang kamay ko sa noo ko para harangan ang liwanag.
"Thank You, Lord..." mahina kong bulong habang nakatingin sa langit.
Alam kong hindi pa rito nagtatapos ang laban. May dalawang taon na nawala sa buhay ko—dalawang taong hindi ko na maibabalik. Pero habang buo pa ang loob ko, at habang may naghihintay sa akin sa labas... kakayanin ko.
Para kay Seve. Para sa sarili ko at sa pamilya ko. Para sa pangalawang pagkakataon.
Nang makalabas ako sa gate agad akong napahinto.
May kumaway mula sa di kalayuan. Maliwanag ang araw pero mas malinaw sa akin kung sino ang mga nandoon—si Ace, ang pinsan ko, may hawak na bottled water sa isang kamay at panyo sa isa. Sa tabi niya, si Mama Sandra... at may batang lalaki sa tabi niya.
Si Seve.
Ang anak ko.
Mas lalong naging bouncing little boy, gwapo, mahigpit ang kapit sa palda ni Mama, habang nakakunot ang noo at parang takot.
Hindi pa man ako nakakalapit, naiyak na ako. Sabik na sabik akong yakapin siya at sabihing gaano ko siya kamahal.
"Seve..." pabulong kong tawag. Mabilis ang akong humakbang, parang biglang may lakas ang binti ko.
"Anak ko..." halos wala na akong boses sa emosyon. Nilakihan ko ang ngiti ko kahit nanginginig ang labi ko. Gusto kong ipakita sa kanya na okay lang ako. Na Mama's here. That I'm back.
Pagkalapit ko sa kanila, inabot ko agad ang kamay niya, handang yakapin, handang buhatin—pero umatras siya. Agad siyang kumapit sa binti ni Mama, halos magtago sa likod nito.
"Seve..." muling tawag ko, mas mahina. Lumuhod ako sa harap niya, para pantayan ang taas niya pero mas lalong nagtago sa likod ng binti ni Mama.
"Ako ito, anak...I'm Mama Sab." Pinilit kong ngumiti kahit nangingilid na ang luha sa mga mata ko, hindi ko mapigilang umiyak. Hindi na ako kilala ng anak ko. "You remember me, right? Seve, si Mama ito..." kulang na lang humagulhol ako.
Pero umiling siya. Hindi siya umiyak, pero nakakunot ang noo niya. Para bang takot. O naguguluhan. O baka pareho lang.
Halos madurog ang puso ko sa simpleng pag–ilag niya.
Gusto ko siyang yakapin. Kahit sandali lang. Kahit isang segundo lang. Pero hindi siya lumalapit.
"Mama..." tawag ko kay Mama, halos pakiusap. Napatingin ako sa kanya. Namamasa ang mata niya pero sinusubukan niyang hindi maiyak.
Tumango siya sa akin. Isang tahimik na mensahe: Ako muna. Hayaan mo muna siya.
Mabigat ang dibdib ko pero tumango ako. Wala akong choice.
"Ace..." tawag ko. Lumapit siya at marahang nilagay ang kamay sa balikat ko.
"Hayaan mo muna siya, Pinsan. He's confused. Baka matrauma lang," sabi niya, mahinahon ang boses.
Tumango ulit ako, pilit na nilulunok ang sakit. Tinanggap ko ang bottled water mula kay Ace pero hindi ko man lang nabuksan.
Masakit sa puso ko. Ang tagal kong hinintay ang araw na ito. Dalawang taon. Dalawang taon kong pinangarap lang ang yakap ng anak ko.
Pero he doesn't even know me now.
At iyon ang pinakamasakit sa parte ko bilang ina.
TAHIMIK sa loob ng sasakyan. Maliban sa mahinang tunog ng aircon at ugong ng gulong sa kalsada, wala ni isang nagsasalita.
Nakaupo ako sa likod, sa tabi ko si Mama, at si Seve... nakasiksik sa kanya, yakap ang baywang ni Mama na parang ayaw niya itong pakawalan. Hawak ni Mama ang maliit niyang kamay,mhabang si Seve naman ay nakasandal sa balikat ng Lola niya, parang pagod o ayaw makakita ng iba. Ayaw niya akong tingnan. Kahit saglit.
"Hiniram ko lang ito sa kaibigan kong mayaman, Pinsan," sabi ni Ace mula sa unahan. "Baka iniisip mong may pangarap akong maging chauffeur." Pabiro niya.
Napilitan akong ngumiti pero hindi iyon umabot sa mata ko. Hindi ako sumagot.
Wala doon ang atensyon ko.
Nasa anak ko. Sobra akong nalulungkot ang layo namin sa isa't isa.
Dahan-dahan kong tinaas ang dalawang kamay ko at pinunasan ang pisngi kong basa pa ng luha. Ni hindi ko namalayang umiiyak na naman ako.
Ang hirap pala no'n—nandyan na siya pero parang wala pa rin. Nasa harap ko siya pero hindi ko siya maabot.
Tumingin ako sa bintana, namamasa pa rin sa luha ang mga mata ko. Doon ko na lang ibinuhos ang mga titig ko, para hindi nila makita ang punit–punit kong damdamin.
At muli kong naalala ang nakaraan.
Ang dahilan kung bakit ako nawala ng dalawang taon sa buhay ng anak ko.
Dalawang taon...
Isa akong OB–Gyne sa isang maliit na clinic sa bayan. Ang clinic na iyon ay bahay na rin namin sa taas. Isang gabi may tinakbong buntis. Emergency daw. Walang ibang makakapag–handle sa oras na 'yon kundi ako.
Pagpasok ng babae sa clinic, alam ko na. Fetal demise. Hindi na gumagalaw ang bata sa loob ng tiyan. At ang mas mabigat pa, may history siya ng pre–eclampsia—delikado para sa sinumang babaeng manganak. High blood pressure, weak body, and the baby was already gone.
Gusto kong ilipat sana sa ospital. Pero huli na. The mother collapsed. Massive bleeding. Walang naging response sa resuscitation.
Namatay silang mag–ina...sa kamay ko.
At doon nagsimula ang lahat ng bangungot sa buhay ko.
Mayaman ang pamilya. Nasa pulitika. Maingay ang kaso. Parang hinusgahan na agad ako ng buong bayan. Pinaratangang pinabayaan, nagpabaya. Sinira ang pangalan ko. Kinasuhan ako ng reckless imprudence resulting in homicide.
Pero hindi 'yon ang pinakamahirap.
Mas mahirap ang mga unang buwan sa loob ng kulungan.
Pinahirapan ako. Ginisa. Binastos. Wala akong pangalan doon—doktor ka man o hindi, pantay–pantay kayo sa hirap. Pero natuto akong lumaban. Unti–unting natuto, para ipagtanggol ang sarili ko. Hanggang sa tumigil sila. Hanggang sa matuto rin silang huwag basta–basta akong tapakan.
Napapikit ako. Napasandal sa upuan. At sa sandaling 'yon, muling bumigay ang mga luha ko.
Hindi dahil sa kulungan. Kundi dahil kahit malaya na ako, pakiramdam ko nakakulong pa rin ako.
Nakakulong sa pagitan ng kahapon at ngayon.
At ang anak kong dapat na yakap–yakap ko ngayon...hindi pa rin ako kilala.
"God, ang sakit," pabulong kong sabi. "Ayaw niya sa'kin..."
Naramdaman kong may kamay na marahang humawak sa likod ng palad ko. Si Mama.
"Give him time, Sab," mahinang sabi niya. "You didn't lose him. You're here now. Maraming paraan para makuha mo ang loob ni Seve."
Tumango lang ako, kahit hindi ako sigurado kung naniniwala ako sa sinabi niya.
Kasi ang totoo, hindi lang puso ko ang sugatan.
Buong pagkatao ko, durog na durog.