“Here are some of the swimwear I bought for you. Nalabhan na rin ang mga ‘yan. Please behave at mamayang gabi pa ako darating,” iyon ang nakasulat sa isang note na nakita niya sa loob ng paper bag na iniwan lang sa labas ng pintuan ng isang tauhang lalaki. Hindi na rin kasi ang mga ito pinapayagan na pumasok na lang basta-basta sa kuwarto niya ngayong malaya na siyang nakakakilos sa loob at labas ng bahay na iyon.
Katatapos lang niyang mag-almusal sa loob ng kuwarto niya. Ni-request niya na doon kumain at pinagbigyan naman siya ng mga ito. She was really wondering kung bakit tila isang prinsesa ang trato sa kanya doon. Pero magrereklamo pa ba siya? Kahit naman bihag siya ng mga ito ay nagagawa niya pa rin ang gusto at nakakain lahat ng nire-request niya.
Sa araw na iyon ay plano niyang mag-exercise sa labas. Namimiss niya na ang routine niya tuwing umaga, ang mag-jogging sa kalapit na park sa kanilang bahay sa Cebu. Tutal naman, malawak ang kabuuan ng loob ng bakuran ng bahay ay doon na lamang niya gagawin iyon.
Sa mga sumunod na sandali ay inayos niya ang sarili. Itinali ang buhok at naglagay ng sunblock na kasama rin sa ipinamili ng lalaki para sa kanya. Ang problema ngayon ay wala siyang maisusuot na damit pang-exercise, pero hindi naman ibig sabihin ay hindi na niya pwedeng gawin iyon sa suot na shorts at t-shirt.
Sinimulan niya ang pag warm up sa pamamagitan ng pag-stretching sa harapan ng pool. Maya-maya pa ay nagsimula na siyang tumakbo. As usual, bawat sulok ng bakuran ng bahay ay may mga tauhang nakabantay sa kanya. Nakaka-dalawang ikot pa lamang siya ay ramdam na niya ang pagkaalinsangan kung kaya huminto siya upang i-adjust ang T-shirt na suot-suot. Itinaas niya ang manggas nito at ang laylayan ay tinupi niya hanggang sa ibaba ng bra at doon ay tinali, pagkatapos ay nagpatuloy siya sa pagtakbo. Maya-maya pa noong hindi pa nakuntento ay tumigil ulit, palibhasa ay parang sports bra rin naman ang suot noong mga oras na iyon ay inalis niya na lamang ang T-shirt. Samantalang ang garter ng shorts ay itinupi paibaba, at ang laylayan ay itinupi rin paitaas na halos kita na ang kanyang singit. Doon ay komportable na niyang tinapos ang kanyang pagja-jogging. Pero bago pa siya tuluyang huminto ay nag-unat unat ulit ng katawan, nang mapansin niya ang paglapit sa kanya ng isang tauhang lalaki.
“Gusto ka raw makausap ni boss,” saad nito habang hawak ang telepono at tila ba ibinibigay sa kanya.
Kinuha niya naman iyon at inilagay sa bandang tenga.
“Diba sabi ko mag-behave ka kahit sandali lang?” bungad nito sa babae.
“What did I do this time?” pagtatakang tanong niya lang.
“Look at yourself! I can see you right now in the cctv camera,” anas nito sa pagalit na tono ng boses.
Itinaas niya ang paningin at hinanap ang pinaka malapit na camera at doon tumayo sa harapan.
“As far as I know there's nothing wrong sa ayos ko, boss!” sarkastiko niyang saad dito.
“There’s nothing wrong eh halos naka bra at panty ka lang habang nagtatatakbo diyan,” idiniin nito ang pagsasabing iyon sa kausap.
Kasabay ng pagtagis ng bagang ay ang pag-irap niya sa kausap sa biglaang prustrasyong naramdaman. Oo nga at malaya siyang nakakakilos roon, pero tila ba nakabantay pa rin ito sa lahat ng oras. Sa inis ay tinalikutan lang niya ito at pumunta sa beach chair para mag-sunbathing habang ganoon ang pagkakaayos. Balak niya rin kasi magbabad sa pool pagkatapos ng ilang minuto. Wala namang nagawa ang lalaki kung hindi agad na paalisin roon ang mga tauhan upang hindi na naman mapagpiyestahan ang itsura ng babae.
***
“Oh, akala ko ba mamayang gabi pa ang balik mo?” tanong niya nang makita ang lalaki roon may ilang minuto lamang ang nakakalipas. Kasalukuyan na siya noong nasa pool suot ang swimwear na binili nito sa kanya.
“I don't like what you did earlier. Hindi porket pinayagan na kitang gawin mo lahat ng gusto mong gawin dito, eh aakto ka na ng ganoon,” madilim ang mukha nitong sambit.
“Yun na nga eh, nakakakilos nga ako dito, pero pati pananamit ko kailangan mo pang pakialaman?” itinaas niya ang isang kilay.
“It’s because hindi tama! Ganyan ka ba talaga sa labas? Para kang pakawala!”
Biglang nagpanting ang tenga niya sa sinabi nito. Mabilis siyang umahon sa tubig, lumapit dito at ipinadapo ang kanang palad sa mukha nito.
“For your information, matino akong tao. Sadyang nakakapikon ka lang talaga,” pagtataray niya pa. “Im sure naman nag-enjoy ka sa panood sa akin dahil nakatutok lang ang camerang ‘yan sa akin all the time,” pinukulan nito ng tingin ang camerang tinutukoy. “Kahit noong nagsayaw ako sa bar titig na titig ka nga ‘di ba?” panlilibak pa niya dito.
Nangalit lang naman ang bagang ng lalaki.
“Bakit kasi hindi mo na lang ako pakawalan. Para wala ka nang sakit ng ulo pa.”
“Ilang beses ko na bang sasabihin sa iyo na hindi pwede. Huwag ka nang magpumilit pa. And yung mga pagpapakita mo ng extra skin sa ibang tao, will you please stop doing that. Ayokong may nakakakitang ibang tao sa katawan mo,” iyon lang at tumalikod na ito.
Natigilan siya sa sinabi nito at napaisip. Sa tono ng pananalita nito ay obvious naman na ipinagdadamot siya nito sa ibang lalaking naroroon. Pero bakit? May pagtingin ba ito sa kanya? Pinagmasdan niya lang ito. Hindi kaya sa bar pa lang ay nagkagusto na sa kanya ang lalaki kung kaya dinukot siya nito ulit at dinala sa bahay na ito? Ang mga isiping iyon ay ilang segundo ring tumakbo sa isipan niya ngunit napalis rin nang huminto ang lalaki sa paglalakad at muli siyang kinausap.
“Wrap yourself up! From now on, you will stay back in your room, no access in the kitchen or in the other part of the house. Hindi ka na ulit makakalabas ng bahay,” maotoridad na utos pa nito.
Doon ay naningkit ang mga mata niya sa galit. Isang araw pa nga lang niya na-ienjoy ang freedom sa bahay na ito, ngayon ay ikukulong na naman siya sa kanyang kuwarto? Kailangan na niya talagang makawala sa bahay na iyon as soon as possible.
***
Sa kailaliman ng gabi ay mulat pa rin ang kanyang mga mata. From the moment na pumasok siya sa kuwarto niya kanina ay matinding pag-iisip na ang ginagawa niya para lamang makawala sa mga kamay ng lalaking iyon na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung ano ang pagkakakilanlan nito. Gusto na niyang makawala roon at hindi na niya pwede pang ipagpabukas iyon.
Naulinigan niya kanina habang hinahatiran siya ng pagkain ng isang lalaki ay may pupuntahan daw ang ibang mga kasamahan nito kasama ang lider ng mga ito. So baka iilan lang ang naiwan sa bahay na iyon na magbabantay sa kanya.
Bumangon siya at agad nang pumatayo sa harapan ng sliding door. Sabay niyang inalis ang isang pares ng security alarm na nakakabit doon upang hindi iyon tumunog. Pagkatapos ay dahan dahang lumabas ng kuwarto at nagtuloy tuloy sa parte ng likod bahay na sa tingin niya ay hindi na saklaw ng security camera. Doon siya tumungo sa gilid ng pool kung saan may nakatanim na isang palm tree na lampas ang taas sa bakod. Dahil halos katabi lang ito ng konkretong fence ay balak niyang akyatin iyon upang tumawid. Wala na siyang pakealam kung paano makakababa sa kabilang ibayo ng fence basta ang goal niya ngayon ay makalabas lamang sa bakurang iyon.
Hirap man sa pag-akyat sa tuktok ng puno ay kinaya niya. Mula roon ay kita niya ang madilim at masukal na kakahuyang hindi kalayuan mula sa bakod. Nakaramdam siya ng kaonting takot pero sigurado namang mas safe siya doon kesa sa loob ng bahay na ito. Kapag tuluyang siyang makatakas, una niyang gagawin ay ang isuplong agad ang lalaki sa mga kinauukulan.
Kahit pagod na ang buong katawan ay pilit siyang kumapit sa palm tree. Aabutin na sana niya ang bakal sa ituktok ng bakod nang dumausdos ang isa niyang paa pababa dahilan upang magasgasan ang kanyang hita sa matutulis at matitigas na bark ng nasabing puno. Dahil doon ay nakabitaw siya at nagtuloy tuloy sa lupa na kahit na pinaiibabawan ng bermuda ay hindi pa rin maiwasang masaktan ang sarili. Paano’y mali ang pagkakatapak niya roon dahilan ng pagkatapilok ng kanyang paa. Sa sakit na naramdaman ay nahawakan niya iyon at napahiga hindi alintana na sa pool na ang bagsak niya. Lumikha ng malakas na tunog ang tubig at kinuha agad ang pansin ng isang tauhan na kasalukuayang naka-duty upang magbantay sa harapan ng bahay. Agad itong kumilos, hinanap kung saan galing ang ingay na iyon nang makita siya nitong nagkakakawag na sa tubig nang hindi siya makalangoy dahil sa natamong injury.
***
Ang buong akala niya na kapag nagkasakit siya ay dadalhin siya ng lider ng grupong iyon sa ospital ngunit hindi. Ang ospital ang dinala nito sa bahay na iyon. Pumunta doon ang doctor dala ang sangkatutak na gamit kabilang na ang x-ray para sa kanyang paa na namamaga na ngayon. Dalawang oras rin bago nakabalik ang lalaki matapos ireport dito ng tauhan ang nangyari sa dalaga. He was furious sa ginawa ng babae na muntikan pa nitong ikapahamak dahil nga kung hindi pa ito nakita ng isang tauhan ay nalunod na sana ito sa pinakamalalim na parte ng pool.
“Ouch! Magdahan dahan ka naman!” reklamo niya habang ginagamot nito ang gasgas sa inner part ng kanyang binti.
“That's what you get from breaking my rules,” saad pa ng lalaki na halos nanggigigil pa sa galit sa tangkang pagtakas ng babae sa pangalawang pagkakataon.
Napasimangot lang naman siya. Malay niya ba na mangyayari iyon. Ok lang sana na masaktan siya at least nakawala na siya dito pero hindi. Sa kalagayan ngayon ay mas matetengga siya sa loob ng kuwarto dahil hindi niya kayang maglakad ng mag-isa.
Wala na siyang nagawa kung hindi umiyak na lamang pagkaalis ng lalaki. Natanong niya tuloy ang sarili. Bakit ba sa kanya nangyari ito? Wala naman siyang inaagrabyadong tao? She was staying away from trouble. Hindi gaya ng Daddy niya na kakambal na yata iyon. Kilala ang ama niya sa Cebu sa pagiging isang mahigpit na kalaban ng mga masasamang loob. She was proud of him yet hindi niya rin maiwasang mag-alala dito. Teka, bakit nga ba hindi pa umaaksyon ang ama sa pag-rescue sa kanya? Sigurado naman siya by now alam na nito ang dahilan ng biglaan niyang pagkawala. Napahikbi siya sa pag-iyak. Siguro nga umaaksyon na ang ama, sadyang mahirap lang hagilapin Ang lugar na pinagdalhan sa kanya ng grupong iyon.
***