Chapter 9

1458 Words
Akala ko ay madadala ko siya sa paglalambing ko. Pero mukhang talagang nasaktan ko siya dahil sa biglaan kong hindi pagpapakita sa kanya kahit na hindi ganoon kalayo ang bahay nila sa bahay namin. "Nako, huwag kang ngumuso dahil nagmumukha kang bibe." Pinitik niya ang noo ko na ikinasimangot ko. "Kailangan mong bumawi dahil kung hindi, magagalit talaga ako sayo." Napangiti ako nang sabihin niya iyon. Ibig sabihin ay hindi naman talaga siya galit sa akin. Siguro ay nagtatampo lang pero dahil naiintindihan niya ako ay pinili na lang niya na isantabi iyon para magkaayos na kami. Ah, minsan talaga ay hindi ko alam kung ano ang nagawa ko sa buhay para maging ganito ka-swerte dahil lahat ng tao sa paligid ko ay talagang mahal na mahal ako kahit minsan ay napapaisip ako na para bang hindi ko iyon deserve. "Ano bang gusto mong gawin ko para hindi ka na magtampo?" tanong ko sa kanya. Hinigpitan ko ang hawak sa braso niya dahil na-miss ko din talaga ang ninang kong ito. Sa lahat kasi ng ninang ko ay siya ang pinaka-close ko, dahil nga bestriend ko ang isa sa anak niya. Kulang na nga lang ay ampunin na ako nito noong maliit pa ako dahil lagi niya akong kinukuha kina Mommy para lang makasama. "Doon ka sa bar area,” aniya. “Na-miss ko ang mga mix mo." "Aye, aye." Nag-salute pa ako tsaka bumaling kina Ara at Sumi. "Enjoy lang kayo. Kapag nagkaproblema, tawagin nyo ang mga ungas na ito." Turo ko kina Sein tsaka hinila si Ninang Marga papunta sa bar area at agad sinimulan ang pagmi-mix ng favorite drinks nya. "Hindi pa din kumukupas ang galing mo sa flaring," nakangising sabi ni Ninang habang pinapanood ang pagbato ko sa bote at basong hawak ko. Noong high school ay napag-tripan kong pag-aralan ang pagba-barista na may kasamang mga exhibition pero tumigil ako two years ago. "Ninang, kahit tumigil ako sa pababarista sa bar nila Kenneth, eh hindi ko hinahayaang mawala ang natutunan ko." Isinalin ko sa wine glass ang mix at inilapag sa harap niya. "Hindi porket wala na ang dahilan kaya ko piniling pag-aralan ito ay basta ko itatapon ang napag-aralan ko." Bahagya siyang natawa at ininom ang alak. "Hindi ko alam kung kanino mo namana ang ugali mo. Bitter ang mga magulang mo noon eh,” naiiling niyang sabi. “Iyong tipong kapag hiniwalayan sila ng mga naging girlfriend or boyfriend ay itatapon nila lahat ng may kinalaman dito. Or ihihinto nila ang mga gawaing ginagawa nila na ito ang dahilan." Nabanggit din nila sa akin noon na bestfriend din ng mga biological parents ko si Ninang Marga kaya naman nakatulong din iyon kaya labis-labis din ang pagiging close ko sa kanya at sa pamilya niya. "Well, baka namana ko sa inyo." And I really idolized her because she's so cool. Lalo na kapag nagha-handle siya ng mga problema niya sa trabaho, sa pamilya o kahit sa personal. Lagi siyang kalmado at lagi siyang positive mag-isip ng solusyon kahit hindi na maganda ang sitwasyon. Tumangu-tango siya. "Minsan nga ay iniisip kong anak talaga kita dahil halos kaedad mo lang iyong anak kong namatay pero siguradong hindi papayag ang mga anak ko na maging kapatid ka.” Natawa pa siya. “Ayaw daw nila ng kapatid na nang-a-under sa kanila." Napailing na lang ako sa sinabi nya. Loko talaga ang mga iyon. "Anyway." Kumunot ang noo ko nang makita ang biglaang pagseryoso ni Ninang. "Ahm, hindi ko na dapat ipaalam ito sayo pero sa tingin ko ay mas dapat mo nang malaman kaysa magulat ka na lang." "Ninang, huwag kang maraming pasakalye,” sabi ko. “Spill it." "Gusto kong ipaalam na bumalik na siya at pupunta siya dito sa party." Natigilan ako. Isang tao lang ang alam kong tinutukoy niya at hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa kaalamang bumalik na pala siya. "Gusto ko lang i-ready mo ang sarili mo kapag nagkita kayo dahil alam kong hindi iyon magiging madali para sayo." Hinaplos niya ang buhok ko at malungkot na ngumiti. "Punta ka na sa loob para makapag-ready." Tumango na lang ako at agad tumakbo papasok ng bahay nila. Hindi ko na muna iisipin ang sinabi ni Ninang tungkol sa taong iyon dahil mas mahalagang pagtuunan ko ng pansin ang pagtugtog namin. Eksaktong pagpasok ko sa music room nila Hiro ay nakita kong naghahanda na sila. "Nasaan sina Sumi at Ara?" "Kasama nila si Ate Daph kaya hindi mo kailangang mag-alala." ani Kenneth tsaka inabot sa akin ang mga gamit ko kasama ang isang papel. "Ito na din ang song line up natin." Tumango na lang ako at pinag-aralan ang song line up namin ngayon. "Ahm, Sanna." dinig kong tawag sa akin ni Hiro pero hindi ako nag-abalang lumingon sa kanya. "Sanna…" "Kung tungkol iyan sa taong iyon, alam kong nakabalik na siya," sabi ko. "Sinabi na ni Ninang kanina sa akin." "Teka, sinong nakabalik na?" takang tanong ni Sein kaya bumaling ako sa kanya at base sa ekspresyon niya ay mukhang hindi pa niya alam ang tungkol doon. "Sagutin nyo kaya ako. Sinong bumalik na?" "Saber." Agad na-blanko ang mga mata niya at mariing kinuyom ang mga kamay. "Oh. Bumalik na pala ang gago." Curious na ba kayo kung sino si Saber at parang malaki ang epekto niya sa aming dalawa ni Sein? Well, parte siya ng Mnemosyne. Siya ang original vocalist namin. Best friend nila Sein at Drek. Ex boyfriend ko. Two years ago, bigla siyang nawala na parang bula na kahit ang sarili niyang pamilya ay hindi alam kung saan siya hahanapin hanggang sa ibalita sa akin ni Hiro na nasa Spain pala ang gago at may kinakalantari nang iba. Wala kaming official break up pero hindi ako umaasa sa kanya. Sa ginawa pa lang niyang pag-alis na walang kahit na anong paalam ay malinaw na sa akin na ayaw na niya sa akin. Sadyang hindi ko lang alam kung ano nga ba ang magiging reaksyon ko kapag nakita ko siya after two years. "Kailan siya dumating?" tanong ni Drek na tulad ni Sein ay nakakuyom din ang mga kamao. "At nasaan ang gagong iyon?" "Kanina lang at nandito siya sa party," ani Aldean. "Nalaman lang namin pagdating natin dito kaya hindi agad namin nasabi sa inyo." Kapatid nila si Saber pero dahil isang gago din ang isang iyon, kahit ang pag-uwi ay hindi na inabalang ipaalam pa sa sariling mga kapatid. "Guys, may tugtog tayo ngayon kaya iyon ang pagtuunan nyo ng pansin. Hindi iyong kung sinong gago dyan. Hindi siya worth it pag-aksayahan ng oras, okay?" Bahagya kong nilakasan ang boses ko. Bakit? Napansin ko kasing may nakasilip sa nakaawang na pintuan at sigurado akong si Saber iyon. Agad din itong umalis kaya ibinalik ko na ang tingin sa papel na hawak ko at nagpanggap na busy. Pero ang totoo, gusto kong magwala at umiyak. Akala ko kasi, hindi na ako masasaktan kapag nakita ko ang gagong iyon. Akala ko ay kaya kong mag-settle sa isang unofficial break up. Akala ko ay kaya kong tanggapin ang lahat nang wala man lang kahit na anong paliwanag. Ah! Akala ko lang pala dahil hindi iyon ang nararamdaman ko ngayon. Bigla siyang naglaho at sa loob ng dalawang taong iyon ay hindi kami nagkaroon ng kahit anong communication hanggang sa nasanay na lang ako na wala siya sa buhay ko kaya siguro akala ko, wala na. Na ayos na. Pero ngayon na nakita ko siya? Damn! Ang sarap basagin ng mukha niya! "Sanna…" Natauhan ako nang makita si Sein na nasa harap ko na pala at hawak ang kamay ko at doon ko napansin nalamukos ko na ang papel na hawak ko. "Okay ka lang ba?" Labis ang pag-aalala niya sa akin kaya naman huminga ako ng malalim upang maikalma ang sarili ko. Like what I said earlier, hindi worth it na isipin ang bagay na ito lalo na ngayon na tutugtog kami para sa birthday ni Ninang Marga. "To be honest, hindi ako okay," sabi ko. "Gusto ko kasing mambasag ng mukha pero ayoko namang ibunton sa iba ang galit ko." "Kaninong mukha ba ang gusto mong basagin?" tanong ni Hiro na agad nakatikim ng batok kina Aldean at Kenneth. "Aray!" daing niya habang hinihimas ang ulo at sinamaan ng tingin ang dalawa. "Problema nyo?" "Nagtatanong ka pa kung sino ang gusto niyang basagan ng mukha?” ani Kenneth. “Malamang, iyong kambal mo.” Yeah, kambal sina Hiro at Saber. Magkamukha talaga sila pero dahil magkaiba at magkabaliktad ang personality nila ay madaling malaman kung sino si Hiro at sino si Saber. "Kalma na nga muna tayo, guys," awat ni Sein. "Tsaka na natin isipin ang gagong iyon. Tapusin na muna natin ang party ngayon." "Yeah."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD