Hindi ako makapaniwala sa mga pagbabagong bigla na lang naganap kay Tito Larry. Ganitong-ganito kasi ang ipinapanalangin ko mula pa noon kaya nao-overwhelmed ako ngayong natutupad ang lahat ng ito.
Iyong sana ay dumating ang oras o araw na ma-realize ni Tito Larry na hindi niya habang buhay maitatago sa mga maraming bagay.
Na sana ay dumating ang oras o araw na ma-realize niya na lalo lang mananatiling mahina si Sumi kung patuloy niya itong poprotekatahan at hindi niya ito hahayaan na tumayo sa sarili nitong mga paa.
"I trust you that's why alam kong safe si Sumi kapag kasama mo sya.” Ginulo niya ang buhok ko at hindi nawawala ang ngiti sa kanyang labi.
Hindi ko alam kung ano o sino ang dahilan kung bakit siya biglang nagdesisyon ng ganito pero nagpapasalamat ako.
Mukhang hindi lang din kasi kay Sumi magkakaroon ng pagbabago ang desisyon niyang ito.
Base sa nakikita ko ay malaki din itong pagbabago kay Tito Larry lalo na’t bahagyang nagkaroon ng liwanag ang kanyang mukha.
“Pero hangga't maaari sana ay huwag mo munang papopormahan sa kung sinu-sino ang prinsesa ko.” kamot-ulo niyang sabi. “Gusto ko munang ma-enjoy niya ang buhay teenager na naipagkait ko sa kanya."
Tumangu-tango ako. "Don't worry po."
"Anyway, after this school year ay magbabakasyon kami ni Sumi sa Paris at magtatagal for two months kaya sulitin nyo na ang buwang ito para makapaggala kayo,” aniya. “At habang wala kami dito ay asikasuhin mo na ang papeles mo sa school para makapag-transfer ka na sa choice of school mo dahil alam kong ayaw mo sa St. Claire, hindi ba?"
Kumunot ang noo ko. "Pero paano si Sumi kung lilipat ako ng school."
"Ililipat ko din siya sa Miracle University." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. "Alam kong doon mo talaga gustong mag-aral dahil nandoon din ang mga kabanda mo. Ayos lang din na maging kaibigan sila ni Sumi just make sure na hindi nila sasaktan ang anak ko in any way."
"Nako, kahit loko-loko ang mga iyon ay mababait sila kaya makakaasa po kayong hindi masasaktan si Sumi lalo na kapag kasama ang mga iyon,” pangako ko sa kanya. “Pero ayos lang po ba sa inyo na mapalapit na siya sa mga kaibigan ko? Lalaki po ang mga iyon eh,”
Medyo natigilan siya kaya hindi agad nakasagot sa akin pagkuwa’y bumuntong hininga. “Yeah, that will be okay,” aniya. “But just like what I said, I want you to make sure that they will not do anything bad to my princess, okay?”
Mabilis akong tumango. Itinaas ko pa ang kanang kamay ko bilang tanda ng pangako ko. “Yes po. I promise.”
Bahagya siyang natawa sa naging reaksyon ko kaya napakamot na lang ako ng ulo. Pero may part pa din sa akin ang hindi makapaniwala dahil sa unang pagkakataon ay nakikita ko ang relax na mukha ni Tito Larry.
Noon kasi ay lagi lang siyang poker face at laging seryoso. Ni hindi ko nga siya magawang lapitan o hawakan noon dahil sa takot ko na makagawa ng mga bagay na hindi niya magugustuhan.
Pero ibang-iba siya ngayon.
“Anyway, may isa pa po akong tanong,” sabi ko nang maalala ang isang bagay na may kinalaman kay Sumi. “Paano po kung isa sa mga kaibigan ko ang manligaw sa prinsesa nyo? Hindi po kasi imposible iyon dahil maganda at mabait si Sumi."
May gusto kasi si Kenneth kay Sumi pero hindi siya makaporma o makalapit man lang dito dahil alam nila ang sitwasyon nito.
“Hmm…” Hinawakan niya ang kanyang baba at umakto na parang nag-iisip at sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang bumuntong hininga. “Siguro ay wala din naman akong magagawa kung talagang seryoso siya sa anak ko. So, papayagan ko na lang din iyan as long as he proves himself to me." aniya na ikinangiti ko.
“Tell me, Tito,” sabi ko at kumapit sa braso niya. “What is this sudden change of heart? Parang kahapon lang ay hindi naman kayo ganito mag-isip at sobrang higpit pa din kay Sumi. Did something happen?”
Ngumiti siya. "May nagpaintindi kasi sa akin na hindi pagiging isang mabuting ama ang ginagawa kong pagpigil sa kasiyahan ni Sumi kaya naubos ang buong araw ko kahapon kaka-reflect sa lahat ng mga ginawa kong desisyon para kay Sumi,” paliwanag niya. “At iyon nga ang na-realize ko kaya bago pa mahuli ang lahat ay gusto ko nang baguhin ito para na rin sa kabutihan ng relasyon naming mag-ama. Isa pa, hindi lang kaligayahan ni Sumi ang napipigilan ko. Maging ang sayo at wala akong karapatan na gawin iyon sayo."
"Tito, choice ko po ang nangyari kaya hindi kayo dapat ma-guilty." Bumuntong hininga ako. "And Tito. Tama na po ang dramahan natin. Ayoko pong umiyak."
Malaki ang pasasalamat ko sa taong nagpaintindi sa kanya ng mga bagay na iyon. At least, hindi ko na kailangan na alalahanin ang mag-amang ito dahil alam kong sa susunod na araw ay magiging maayos na ang lahat.
Sa totoo lang ay hindi ko din talaga alam kung bakit ganoon na lang ang pag-aalala na nararamdaman ko sa kanila.
At kung anuman iyon ay ipinagpapasalamat ko dahil ito ang nagtulak sa akin upang piliin na manatili sa buhay nilang dalawa.
"Yeah, tama na nga ang drama."
Tumayo kami nang makitang palapit na si Sumi sa pwesto namin.
"Hey, bakit nandito kayo?" takang tanong ni Sumi nang makalapit sa amin. "Anong pinag-uusapan nyo?"
Inakbayan sya ni Tito. "Pinagpapaalam ka nitong si Sanna."
Bumaling sa akin si Sumi. "Iyong tungkol ba sa mini concert sa school?"
Umiling ako at ngumiti. "Pinagpaalam kita kasi gagala tayo mamaya."
"What? Pero alam mong hindi pwede." Bumaling ito sa amang nakangiti.
"Sanna will explain everything to you." Hinalikan nito sa noo ang anak. "But always remember that I'll do everything to make you happy, okay?"
"Dad, ang weird mo ngayon." Bakas ang matinding pagkalito sa mga mata ni Sumi pero hindi na siya binigyan pa ng paliwanag ni Tito Larry at sa akin na lang pinaubaya iyon. “Tell me something, guys.”
"Huwag mo nang pansinin ang drama ni Tito. Tara na, ma-late pa tayo."