"Paano ka nakapasok dito?" masungit kong tanong pababa ng hagdan. "Bakit? Bawal ba siya rito? Naabutan ko siyang nakatayo sa labas. Ang lamig kaya pinapasok ko," gulat na sagot ni Gab pagka-lock ng pinto. Muli kong tinignan si Raf na seryoso pa rin at tahimik. "Ano kung malamig sa labas? Hindi ka dapat nagpapapasok ng ibang tao rito." "P-pero hindi naman siya iba—" "Gab," madiin kong bigkas sa pangalan niya. "Pwede bang tingnan mo muna sandali si Angel sa itaas? Paaalisin ko lang siya." "Lory.." Umabante si Raf na minostrahan ko ng kamay. "Sige na, Gab. Umakyat ka muna." "Okay, sige," sagot niya, titingin-tingin sa aming dalawa ni Raf. Nang makita kong wala na siya saka ko lang hinarap si Raf. "Bakit ba ang kulit mo?" Humalukipkip ako at tinitigan siya nang may pagkamasungit.

