Chapter 9

2468 Words
CHAPTER 9: SIKRETO NG HERNANDEZ Hindi nagawang makagalaw ni Tyron sa naging tanong na iyon ni Mace sa kanya. Agad niyang tinanong ang sarili kung, 'Dapat ko bang sagutin 'yon?' Nang makaisip ng isasagot sa naging tanong sa kanya ay hinarap niya ang dalaga na may ngisi sa kanyang labi. "Hindi ata tama na 'yan ang pag-usapan natin ngayon. Mas dapat nating isipin ang paghahanap kay—" "Bakit pinatay ng Pistol's Tribe si Tiffany? Ano ba ang kasalanan niya sa grupong iyon noon?" Napalitan ng pagkunot ng noo ang reaksyon ng binata. Tila hindi makatakas sa mga tanong na ibinabato sa kanya. Nakatingin pa rin ang ibang kasama niya. "Hindi makakatulong sa sitwasyon natin ang pag-usapan 'yan, Mace. Kaya hindi ko kailangang sagutin 'yan," ani Tyron. Kahit kabado ay pilit niyang kinakalma ang tono ng boses niya. Nasa ugali ni Mace ang pagiging tuso. Halata niya ang arte ng kausap niya kaya hindi niya ito tinigila. Nakangisi siya nang magtanong siyang muli. "Hindi? O iniiwasan mo lang? Kung sasagutin mo ang tanong ko, maiintindihan namin kung bakit nangyayari ang mga ito ngayon," aniya. Napalunok ang binata. Tila naubusan siya ng idadahilan, hindi niya magawang ilayo ang usapan sa mga tanong ng kausap. Nakakuyom ang kamao ng binata nang magsalita siya ulit. "Hindi ko 'yan puwedeng sagutin. Hindi pa sa ngayon," aniya. Yumuko na lang siya para umiwas ulit sa panibagong ibabatong tanong ng dalaga sa kanya. Si Mace naman ang napangisi dahil sa isinagot sa kanya ng kausap. "Kasi hindi rin alam ito ni Zephaniah, tama?" sarkastiko ang tunog ng kanyang boses. Ngayon ay umiwas na ito ng tingin, aminadong tama ang paratang na binitiwan ng dalaga. Tumaas ang kumpiyansa ni Mace sa kanyang sarili na ituloy ang pag-usisa kay Tyron dahil sa mga ipinapakita nitong reaksyon. Hindi man niya ito gustong laliman pa ang paghukay sa katotohanan pero...sitwasyon na ang nagtutulak sa kanya na ipagpatuloy ito. "Lalo akong nangangating alamin ang lahat ng tungkol sa pamilya n'yo, ang dami ninyong lihim. At bakit di n'yo sinasabi kay Zephaniah? Ano bang mga sikreto n'yo?" Tuluyan nang kinain ng kawalan si Tyron. Para siyang ginapos at ikinulong nang walang kalaban-laban. Hindi manlang niya nagawang ibalik ang tingin kay Mace. "Mace, tama si Tyron. Hindi ito ang oras para pag-usapan ang mga bagay tungkol diyan," ani Kris. "Ituloy na natin ang totoong pakay natin dito," dagdag naman ni Roxanne. Napangiti ang binata nang kumampi sa kanya ang magkapatid. Hindi man niya sabihin ay malaki ang naging pasasalamat niya sa dalawang ito, nagawa na niyang ibalik ang tingin niya kay Mace dahil dito. "Ituloy na natin, magkwento ka pa Katrina," singit ni Ranz habang nakatingin sa kausap. "Walang kwenta ang pagtulong na gagawin natin kung hindi natin alam ang buong pangyayari," singit pa ni Mace, ayaw pa rin niyang tumigil dahil nasimulan na niya ang pagtatanong, gusto niyang magkaroon ng linaw ang isip niya kung bakit humantong sa ganito ang lahat. Dahil sa patuloy na pag-usisa ng dalaga ay hindi na magawang makapagsalita pa ni Katrina. Napansin iyon ni Roxanne kaya hinarap niya ito at pinagsabihan. "Mace, ang ginagawa natin ay para sa kaibigan natin, walang kinalaman ang nakaraan dito. Kaya hindi na natin iyon kailangan pang ungkatin," aniya, seryoso ang tono ng boses niya. Napabuntong hininga na lang si Mace dahil na-realize niyang hindi siya titigilan suwayin ng mga ito at wala rin namang balak sumagot si Tyron sa kanya. "Okay fine, I'm sorry," aniya sabay ikot sa kanyang mata. "Magsalita ka na Katrina," singit muli ni Ranz. "Ano pa bang gusto n'yong malaman? May ideya na kayo kung saan maaring pumunta ang kaibigan n'yo, 'diba? Hindi pa ba sapat 'yon?" sagot naman ni Katrina kay Ranz. Bumalik ang wisyo ni Tyron sa usapan dahil huminto na ang paglilitisa sa kanya. Dala ng tuwa ay nagawa niyang sagutin ang tanong ng dalaga. "Hindi pa sapat ang mga sinabi mo. Puwede ba, huwag mo naman masyadong ipahalata na itinataboy mo na kami," sarkastikong sambit niya kay Katrina. "Tama ka, may ideya na kami kung saan puwedeng nagpunta ang pinsan ko. Kaya ang gusto ko na lang malaman, ano pa ang mga sinabi mo kay Zeph? Anong mga nalalaman niya tungkol sa Pistol's Tribe?" muli niyang tanong. "Bakit parang nag-aalala ka na may ibang malaman si Zeph? Curious lang ako," nakangising sambit na naman ni Mace. Tila nagkaroon na naman siya ng daan para buksan ang usapan na gusto niyang ungkatin. Bihira sa lalaki ang magtaas ng kilay. Pero nagawa ito ni Tyron dahil kanina niya pa napapansin ang pangigigipit ng dalawa sa kanya. "Hindi mo ba talaga 'ko titigilan, Mace?" tanong niya, seryoso rin ang tono nito. Bago siya sinagot ng dalaga ay humaukipkip muna ito saka taas kilay na sumagot, "Hanggat hindi mo sinasagot ang mga tanong ko, hindi talaga kita titigilan." Nasa boses niya ang tono ng pagiging isang Monte Claro niya...tono ng salita na may paninindigan sa bagay na gusto niya. Walang ideya si Tyron kung bakit sa ganitong bagay napunta ang usapan, hindi niya rin alam kung bakit pinipilit ni Mace na ungkatin ang nakaraan at pati na rin ang tungkol sa pamilya ng Hernandez. Hindi na nagpadaig pa ang binata, sinagot niya ng harapan ang kausap niya. "Ano bang problema mo, Mace? Bakit ba ipinipilit mo 'yan!?” medyo tumaas na ang boses niya. Tila hindi na maitago ang inis na nararadaman niya sa inaasta ni Mace. Nanatili ang tingin ng dalaga sa kanya, ramdam ni Tyron na talagang seryoso ito sa gusto niyang malaman. Sinasabi ng mga mata niya na...walang bagay na gusto niya ang hindi niya nakuha. Paulit-ulit na gumugulo sa isip ng binata ang isang tanong, 'May alam ba si Mace?' "O sige, ganito na lang Mace..." hindi alam ng binata kung tama ba ang balak niyang gawin, pero wala siyang bang choice. Itinuloy niya ang sinasabi niya, "Iligtas muna natin si Insan, saka ko sasagutin ang mga tanong mo. Inaamin ko, ayokong sagutin ngayon ang mga tanong mo dahil hindi nga rin 'yan alam ni Zeph—" Isang suntok ang naging sagot ni Mace. Hindi na nito napigilan ang inis sa kaharap niya, hindi niya mawari kung bakit hanggang ngayon ay ginagawa pa ring uto-uto ng lalaking kaharap niya ang sarili niyang kadugo. Pagkatapos bumagsak ni Tyron sa sahig dahil sa suntok na iyon, agad na naglakad palabas si Mace at sinundan pa siya ni Kris. Hinarap naman ni Roxanne si Tyron. "Wala kang kwentang tao, Tyron. Hindi ko akalain na hanggang ngayon...hindi mo pa rin pala sinasabi ang lahat kay Zeph. Pero salamat na rin sa ginawa mo, ngayon ay naiintindihan ko na ng lubusan ang mga kilos at desisyong ginawa niya noon pa," may diin ng kaunti ang mga binigkas niya. Pansin din ang paglayo ni Ranz sa kanila, tila wala na rin itong gana na tulungan si Tyron sa balak nitong paghahanap kay Zeph. Habang pinupunasan ni Tyron ang dugo sa kanyang labi, napansin din niya ang paglabas ng girlfriend niya...wala manlang itong sinabi na kahit ano bago umalis. Napangisi na lang ang binata sa pagtayo niya. "Ganito rin siguro ang naramdaman ni Insan nang hindi natin siya tinulungan sa plano niya," aniya. Isang sampal ang dumapo sa mukha ng binata galing kay Roxanne. "Ano? Gising ka na ba? Alam mo na ba kung anong katangahan ang ginawa mo?! Kung hindi...hayaan mong ipaliwanag ko sa 'yo. Si Zeph, tumutol kami sa gusto niya dahil kapakanan niya ang iniisip namin. Pero ngayon, naiintindihan na namin ang ginawang pag-alis ng pinsan mo! Delikado man, karapatan niyang malaman ang lahat ng gusto niyang malaman. At ikaw...iba ang kaso mo. Wala kang gana tulungan dahil ikaw ang nagtulak sa kanya na gawin ang lahat ng ito! Sa nangyari ito...walang ibang dapat sisihin kundi ikaw, Tyron...ikaw lang." Pagkatapos magsalita ay umalis na rin ito kasama si Ranz. Insan, madami na ba talaga kong pagkukulang sa 'yo? Kapabayaan ko ba talaga ang dahilan bakit nangyayari ito? Naiwang tulala si Tyron. Tanging si Katrina na lang ang kausap niya ngayon. "Hindi ko sila maintindihan," aniya. "Ikaw ang may kasalanan kung bakit," sagot naman ni Katrina. "Anong gagawin ko? Paano na si Insan? Hindi ko siya kayang iligtas na ako lang mag-isa..." Napaluhod ang binata sa harapan ni Katrina... Luha... Sunod-sunod ang pag-agos ng luha sa mata ng binata. Tila nadurog ang puso niya, natatakot siyang isipin na ganito rin ang naramdaman ni Zeph nang hindi rin siya tulungan ng mga inakala niyang kaibigan. "Matapang si Zephaniah. Palagay ko, hindi niya kailangan ng tulong mo. Kaya niyang harapin ang laban ng mag-isa." "Matapang siya pero hindi na siya kasing tibay ng bato, may puso na siya at ang pusong iyon ang magbibigay sa kanya ng dahilan para maduwag lumaban. Nasanay na siyang may kasamang kaibigan na lumalaban, nag-aalala ako sa tuwing maiisip ko na wala ako sa tabi niya. Gusto ko siya tulungan pero naduduwag din ako, wala akong silbi..." Patuloy na umaagos ang luha sa mga mata niya... "Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa 'yo, noong unang beses kitang nakita...kakaiba na ang tapang na nakikita ko sa 'yo. Nagkamali lang ba 'ko ng pagkakakilala sa yo? Kung gan'on, yabang lang ba ang nakita ko sa 'yo?" "Tama ka...mayabang ako. Ang yabang ko para sabihing ililigtas ko si Insan. Pero heto ako ngayon, umiiyak sa harap mo dahil sa awa sa sarili." "Umalis ka na rin, nakuha mo na ang gusto mo. At sana, tumupad kayo sa ipinangako n'yong hindi n'yo na 'ko ulit guguluhin pa. *** Hindi ugaling uminom ni Tyron, pero ito na lang ang matatakbuhan niya sa ngayon. Para siyang baliw na bumili ng isang case ng beer kahit alam niyang wala naman siyang makakasama na ubusin ang lahat ng iyon. "Uy, may tangang naglalasing." Napangisi si Tyron. "Nakakatuwa naman, may makakasama akong ubusin ang lahat ng ito." Umupo ang bagong dating sa tabi niya. "Hindi ako nagpunta rito para makipag-inuman sa 'yo, mas importante diyan ang sadya ko." Nag-alangang tingnan ni Tyron ang lalaking kausap niya, pero nang makita niya at makumpira na si Zild nga ang kausap niya...tila nakaramdam siya na nawala ang hilo na nararamdaman niya. "Hindi maganda ang nangyayari, Co-leader. Ngayong wala si Zeph, nagsisimula muli tumubo ang sungay ng mga mababait nating kaaway. Kapag tuluyang lumaki ang mga sungay nila, hindi malabong masira na naman ang gang na pinaghirapang buuin ng mahal nating leader," ani Zild. "Anong gusto mong gawin ko ngayon?" Lumingon sa kanya ang kausap nang nakangisi. "Kaysa nagpapakalasing ka riyan, baka gusto mo 'kong tulungan puksain ang mga cute nating kaaway? Alam mo na, na-mi-miss ko na pumatay." "Sino ang puwede nating isama?" tanong ni Tyron. "Ikaw ang mag-desisyon tungkol diyan, Bossing. Isa lang naman akong poging alalay ninyo." "Dati ka nang naging leader, 'diba dapat may alam ka na sa mga ganitong pagkakataon?" "Hindi ko na uulitin ang nasabi ko na, Bossing." "Mahirap mag-isip 'pag naka-inom na. Sana inagahan mo ng kaunti ang punta." Tumayo si Zild at pinanood lang siya ni Tyron na kumuha ng baso niya. Umupo siyang muli sa tabi nito saka kumuha ng beer sa case na nasa paanan niya. Nagbuhos ito sa baso at saka naglagay ng yelo galing sa ice bucket na katabi lang ng iniinom ng binata. "Nu'ng tinanggap ko sa sarili kong wala ng pag-asa na mapunta sa akin si Zeph, ganito rin ang ginawa ko...nilunod ko ang sarili ko sa alak. Para akong sira na nagsuka sa tabi ko. Bigung-bigo ang itsura ko nang mga oras na iyon. Pero kinabukasan, ayos na ako. Tanggap ko nang masyado akong pogi para sa kanya." Lumagok ng isa si Tyron sa iniinom niya saka sumagot, "Siguro kaya parehong inis sa atin si Insan dahil pareho tayo ng ugali." Nagkatinginan ang dalawa at saka sabay na nagsalita, "Mayabang!" Sabay din silang tumawa at lumagok. Pinapasaya nila ang mga sarili nila kahit wala naman talaga dapat ikasaya. "Ngayon lang tayo nag-usap ng ganito," ani Zild. "Ngayon lang din tayo nag-inuman," sagot naman ni Tyron. Nagkaroon ng katahimikan, gumaan ang loob ng binata dahil nagkaroon siya ng kainuman sa panahon na gusto niyang makalimot sa problema. "Sana bukas paggising mo, tapos na ang problemang nananakit sa 'yo," komento ni Zild. Ngumisi ang binata saka sumagot, "Hanggat wala siya rito, problema 'yon sa akin." "Nagpapasalamat na lang ako dahil hindi tuluyang bumalik si Zeph sa dati niyang ugali, kahit paano ay malambot pa siya sa lagay niyang iyon." "Pero hindi iyon rason para magpakamatay siya, hindi na siya dapat sumugod doon ng mag-isa!" Muli na namang tumulo ang luha sa mga mata ni Tyron... "Hindi pa siya patay, hindi siya mamamatay..." sabi naman ni Zild. "Ano bang alam mo?" sagot ni Tyron at agad na nagpahid ng luha. Nagkibit-balikat ito bago sumagot, "Wala, kumpara sa alam mo. Malaki lang ang tiwala ko na babalik siya ng buhay. Masamang d**o 'yon, hindi siya basta-basta mamamatay." "Teka, 'diba baliw na baliw ka kay Insan? Bakit parang hindi ka nag-aalala sa maaring sapitin niya?" Lumagok muli si Zild bago sumagot, "Alam ko ang sikreto ng pamilya n'yo..." "Ano?" "Alam ko ang lahat. Mula kay Tiffany, sa iyo, kay Zephaniah...sa buong angkan ninyo." "Paano mo..." "Tahimik lang akong tao, pero lihim din akong nagmamasid." "Hoy, Zild—" "Huwag kang mag-alala, kung ano man ang alam ko...sa akin lang 'yon." "Anong pinapahiwatig mo?" Tumayo si Zild matapos niyang maubos ang isang bote ng iniinom niyang beer. "Hindi pa tayo tapos mag-usap." Sinubukan siyang pigilan ni Tyron. Sa isang iglap, napalitan ng pagkabahala ang nararamdaman ng binata. Sa lahat ng taong nakakasalamuha ni Zeph, si Zild ang pinakamadalang niyang makausap. Kahit pa pareho sila ng kinabibilangan na gang, pakiramdam niya hindi niya pa rin ito kilala. Kilala ni Zild si Tiffany dahil nakasama niya na ito dati pa. Bago pa iyon, naging kaibigan din nito sina Mace at Claude. At hanggang ngayon, nandito pa rin siya kasama nila. "Tapos na, Bossing...nasabi ko na ang sadya ko. Tumagal lang ng konti dahil may alak kang inalok. Kaya aalis na 'ko. Gabi na, nakakatakot umuwi mag-isa." "Sino ka ba talaga?" "Huh?" "Timothy John Barcelona, sino ka? Anong tinatago mo sa amin? Anong alam mo?" "Oy, naging husgado ang dating mo, ah. Bibitayin mo na ba 'ko? Ano ba mga pinagsasabi mo?" "Magsalita ka! Tinatanong kita. Anong alam mo sa pamilya namin?!" Isang ngisi ang kumurba sa kanyang mapaglarong labi, nawala ng tuluyan ang pagkalasing ni Tyron. Pagkatapos ng lahat, ngayon lang napansin ng binata na may isang tao pala sa paligid nila ang lihim na nakakakita sa lahat ng kilos nila. "Sinabi ko na, 'diba? Wala kumpara sa alam mo. Pero lihim akong nagmamasid kaya nalaman ko ang tungkol sa mga taong nabanggit ko." Kumuha siya ng isa pang beer. "Akin na lang ito, ha? Thank you!" Umalis si Zild na wala manlang kahit anong nasabi si Tyron.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD