Chapter 10

2408 Words
CHAPTER 10: POISON BLADE "Zild at Ranz, sumama kayo sa akin. Bibisitahin natin ang mga ungas." Iyon ang agad na bati ni Tyron pagdating niya sa kuta ng Poison Blade. Madaming miyembro ang nakakalat sa paligid, pero tanging dalawang lalaki lang ang nakita niyang may pakinabang para sa kanya. Bago makatayo ang mga tinawag niya, isang miyembro ang nagsalita, "Teka, Tyron...bakit naman gan'on? Sila lang isasama mo? Paano naman kami? Kapag si Zephaniah ang nag-aya, sinasama niya ang lahat ng maaabutan niya rito, hindi siya namimili. Tama ba na ang isang co-leader lang na gaya mo ay mag-aangas ka na ng ganyan?" Bukod sa tama ng beer na ininom kagabi, talagang mainit na ang ulo ng binata dahil sa pag-iisip niya sa mga sinabi ni Zild. Isama pa rito ang inis niya dahil hindi niya pa alam kung paano niya ililigtas ang pinsan niya. At ang pinaka mahirap para sa kanya ngayon, hindi pa rin sila nagkaka-ayos ng girlfriend niya. Madami na nga siyang problema, sumabay pa ang responsibilidad niya bilang co-leader ng kanilang gang. Ngayong wala si Zeph, obligasyon niyang lakarin ang isinumbong ni Zild sa kanya. Lalong uminit ang ulo niya dahil sa bati ng lalaking nagsalita. Sinamaan niya ito ng tingin. "Iba si Insan at iba rin ako. Wala siya rito kaya ako ang amo n'yo ngayon. Wala ka sa posisyon para kwestiyunin ang desisyon ko. Baka gusto mo, ikaw ang una kong itumba sa araw na 'to?" Agad na pumagitna si Roxanne. "Umayos ka nga, Tyron! Hindi mo dapat inaangasan ang kakampi mo. Baka nakakalimutan mo, wala ka rin sa posisyon para pagsalitaan kami ng ganyan. Kahit ikaw ang co-leader, hindi 'yun rason para mag-angas ka rito. Si Zeph pa rin ang susundin namin. Kung may lakad ka, puntahan mo kung gusto mo, huwag mo kaming idamay," aniya. Hinarap siya ng binata. "Ano bang problema mo sa akin, Roxanne? Kung gusto mo ng sumbatan, meron din akong sasabihin para sa 'yo. Hayaan mong ipaalala ko rin sa 'yo...na kahit ikaw ang best friend ni Insan, hindi rin 'yun rason para angasan mo 'ko na akala mo...minana mo na ang posisyon niya. Best friend ka lang, pinsan ako." Tinawanan siya ng kanyang kausap saka sumagot, "Ano bang maipagmamalaki mo? May naiambag ka na ba sa gang na ito? Ngayon ka na nga lang lumitaw rito, tapos may gana ka pang umasta ng kung sino ka na?Tama ka naman, ikaw ang napili ni Zeph na maging co-leader niya...pero ni minsan, hindi mo nagampanan ang posisyon mong iyon. Wala kang silbi...Tyron." Tila may diin ang huling linyang binitiwan ng dalaga. Sinadya niyang iparamdam sa kausap ang inis niya rito matapos niyang marinig ang pag-amin nito tungkol sa mga kasalanan niya kay Zeph. Hindi niya matanggap na hanggang ngayon ay hindi pa rin makamit ng kaibigan niya ang gusto niyang hustisya at nananatili pa rin itong bulag sa mga nangyari noon. Natahimik na si Tyron. Nagsisi siya na pumunta pa siya sa kuta nila, nagsisi siya na nagpakita pa siya ng malasakit, at ang pinaka pinagsisisihan niya...ang ipaalam sa mga kaibigan ni Zeph ang tungkol sa bagay na dapat ay sa kanilang dalawa na lang umikot. Dahil patuloy nang tumataas ang tensyon, tumayo na si Zild at sumingit na sa usapan, "Tama na 'yan. Ganito na lang...para walang away, tutal gwapo naman ako...sa 'kin na lang kayo sumama." Inikot niya ang tingin sa lahat. "Kung sino lang naman ang may gusto—lalo na 'yung gustong mag-pawis at mangbasag ng mukha dahil sa bad trip. Ano, tara?" Agad na kumilos ang mga miyembrong nahikayat ng binata. Napangisi na lang si Tyron dahil sa ikinilos ng mga ito...para siyang sinampal ng katotohanan na walang may gustong sumunod at gumalang sa kanya. Bago umalis ay humarap muna si Zild sa kanya habang nakangisi. "Bossing, sama ka na rin. Para kapag nabulilsayo lakad natin...ikaw ang sisisihin at hindi ako." Hindi sumama sina Roxanne at Ranz—bagay na hindi na lang inintindi ng binata. Sapat na sa kanya ang ginawa ni Zild. Tila sinagip siya nito sa kahihiyan. "Hindi lang angas at salita ang dapat paganahin kung gusto mong sundin ka ng mga demonyo. Kailangan mong ipakita na kaya mo silang ihatid sa impyerno kapag hindi ka nila sinunod," payo sa kanya ni Zild habang sabay na naglalakad. Papunta ang grupo sa isang eskinita na napag-alaman ni Tyron na pinamumugaran ng gang na ibinalita sa kanya ni Zild na gumagawa ng pangalan sa kanilang teritoryo. Tila may layunin ang gang na ito na banggain ang Poison Blade. Ngumisi ang binata bago sumagot, "Sana kasi ikaw na lang ang nasa posisyon na 'to. Hindi ko naman ito ginusto." "Hindi mo gusto pero mas panatag ka kung nariyan ka, para bente-kwatro oras mo mabantayan si Zephaniah. Tama?" "Madami ka pala talagang alam, ano?" "Hindi naman masyado, Bossing. Iyon ay base lang talaga sa obserbasyon ko." Kahit pa anong sabihin niya, nakadikit na ang mata ni Tyron sa kanya. Nababahala ang binata na maaring may pinaplano si Zild na makakasakit na naman sa pinsan niya. Higit kanino man, siya ang pinaka nagmamahal kay Zeph, siya ang nakasaksi kung paano naapektuhan ang dalaga sa mga pangyayari noon, at ayaw na niyang maulit 'yon...ayaw na niyang sapitin ulit ng pinsan niya ang parehong sakit at lungkot noon. Nakarating sila sa eskinitang sadya nila. Naabutan nila ang ilang street fighter na nakatambay at nakakalat sa paligid. Tila nakikiramdam sa pagdating nila. "Anong masamang hangin ang nagpapunta sa inyo rito?" bati ng isa sa kanila. Si Zild ang sumagot, "Alam n'yo kasi, matindi ang pagka-crush sa inyo ni Bossing. Sa sobrang in love niya sa inyo, gusto niya kayong patayin. Kaya kung ayaw n'yong ma-obsess pa sa inyo ang bossing kong pogi tulad ko, tumigil na kayo sa pangingialam at pagpasok sa mga teritoryong sakop ng Poison Blade. Lalo na ang pagbugaw sa mga gang na nasasakupan namin," aniya. Kumunot ng bahagya ang noo ni Tyron dahil sa tono ng boses nito, ibang-iba sa maangas na Zild na nakilala niya. Tumawa ang lalaking unang nagsalita. "May marka na kayo sa lahat. Ang gang na sinasabi ninyong sakop n'yo ay nagsumbong sa amin na parang bata...wala na raw ang leader n'yo, tinakbuhan na kayo. Kaya naghanap sila ng bagong mag-aalaga sa kanila. Natural lang naman siguro iyon, 'diba?" "Hindi tumakbo ang pinsan ko, may inaasikaso lang siya. At hindi n'yo magugustuhan ang sasapitin n'yo kung maabutan niya pa ang gulong ginagawa ninyo. Kaya ngayon palang binabalaan ko na kayo, magtino kayo," sagot ni Tyron. Tumayo ang lalaking kanina pa nila kausap. "Sinasabi mo bang dapat kaming matakot sa isang babae? Kahit pa sabihin ninyong siya ang princess...wala siyang magagawa kapag nagsama-sama kami. Kasali sa pwersa namin ang mga gang na kinawawa niya. Sa halip na tulungan niya, binugbog ang pinatay niya pa ang ilang miyembro nito. Hindi dapat gan'on ang pamumuno, dapat inaalagaan sila." Agad na hinanda nina Tyron at Zild ang kanilang sarili nang magsalita itong muli... "Ako si Xander, ang founder ng Street Ninja. Gusto kong iparating ninyo sa leader n'yo ang pangalan ko at ang gang ko. Sabihin mo na rin sa kanya na kukunin ko ang tronong inaalagaan niya." Agad na tumawa si Tyron. "Kukunin mo? Nagpapatawa ka ba? Baka nakakalimutan mo kung gaano kalaki ang kalye na sakop namin, at baka hindi mo alam na itong tinatambayan mo ay kasama na doon. Ilang gang na rin ang sumuko at nangako ng katapatan sa amin. At ang pinakamatindi, ka-alyansa namin ang Dark Spade. Ikaw, ano bang maipagmamalaki mo?" "Aba, ang yabang naman ng co-leader ng Poison Blade. Bakit, may naitulong ka ba sa mga iyan? Hindi ba't si Zephaniah mismo ang nag-trabaho para makuha ang mga sinabi mo? Ang lakas naman ng loob mong banggitin 'yan na parang inaangkin mo ang tagumpay niya." Sumingit si Zild. "Tanga. Ang tagumpay ng leader namin ay tagumpay din ng buong gang. Nakarating ka sa posisyon mong 'yan, hindi mo alam 'yon? Bobo mo naman." Bumaling ang tingin ni Xander kay Zild. "Uy, narito nga rin pala ang dating leader. Kumusta ka naman? Hindi ka ba napapahiya kapag lumalabas ka? Humaharap ka sa tao bilang miyembro na lang ng gang na dati mong pinamumunuan? Anong pakiramdam?" Dahil sa pikon ni Tyron sa kausap, dahan-dahan niyang inilabas ang dagger niya. Pero napansin iyon ni Xander. "Kung ako sa iyo, hindi ko na itutuloy ang balak mo. Dagger lang 'yan, baka gusto mong alamin ang simbolong armas namin..." Agad na nagsitayuan ang mga nakikinig lang kanina, naglabas silang lahat ng kunai—isang armas na maaring magamit nang malayuan. Umalingawngaw ang tawa ni Xander. "Kung pinaghandaan n'yo sana ang pagsugod rito, baka hindi kayo napahiya ng ganyan. Nakakaawa kang co-leader, sumugod ka rito na puro yabang lang ang dala. Kung ako siguro si Zephaniah, ikakahiya kita bilang co-leader ko. Wala kang utak, p're. Ipakain mo na lang sa aso nang mapakinabangan naman." *** "Anong kalokohan ang pumasok sa kokote mo at sumugod ka roon na walang plano? Pinahiya mo ang buong Poison Blade. Wala ka talagang kwentang co-leader. Kung narito si Zeph, baka pinabugbog ka na." "Kung narito si Insan, sigurado ako na hindi ito mangyayari. Ano, masaya ka na?" Pagkatapos ng maiksing sagutan, padabog na lumabas sa kuta si Tyron. Lalo niyang naramdaman na ayaw niya talaga sa posisyon niya. "Chill lang, Bossing...pabayaan mo na si Roxanne. Masungit lang talaga ang mga babae." Sumama ang tingin niya kay Zild. "Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol sa simbolong armas ng bisugong hilaw na 'yon?!" pagalit nitong sigaw sa kausap. "Bossing, tungkulin ng pinuno ang alamin ang lahat ng tungkol sa kalaban. Sinumbong ko lang naman sila sa 'yo. Malay ko bang susugod ka doon na walang plano." Agad siyang sinuntok nito dahilan para sumadsad siya sa lupa. "Hindi ako dapat naniwala sa 'yo! Isa ka ring bwisit sa buhay ko! Pare-pareho kayong lahat, akala n'yo magagaling na kayo!" sigaw ni Tyron. Nag-tipon ang ilang miyembro ng gang at pinalibutan sila ni Zild. Kasama sa kumpol ng tao si Roxanne, gulat na tumingin ang dalaga kay tinignan si Zild na nakaupo lang sa lupa. Bago pa makapagsalita ang dalaga ay inunahan na siya ni Tyron, "Ano naman ngayon ang sasabihin mo? Manenermon ka na naman ba kaya ka sumilip dito? Huwag kang mag-alala, hindi na mauulit 'to dahil kumakalas na 'ko sa grupo! Bahala na kayong humanap ng ipapalit sa 'kin. Kung gusto mo, ikaw na ang mamuno tutal mukhang mas bagay sa 'yo ang maging co-leader ng pinsan ko. Bukod sa best friend ka niya, matalino ka naman siguro. Ako kasi, walang kwenta." Hindi umimik si Roxanne, binaba na lang niya ang tingin sa lupa. Patuloy na nagsalita ang binata, "Kayong lahat...ano pang hinihitay ninyo? Hindi n'yo ba 'ko narinig? Sabi ko...kumakalas na 'ko sa grupo. Itiwalag n'yo na 'ko, simulan n'yo na ang pagbugbog sa 'kin para matapos na 'to! Siguraduhin n'yo lang na mapapatay n'yo 'ko, dahil kung hindi...babalikan ko kayong lahat!" Walang kumikilos ni isa man sa kanila, bumibigat lalo ang ambiyansa ng paligid. Tuluyan nang bumigay ang binata...isa lang ang laman ng isip niya sa pagkakataong ito—mamatay. 'Wala talaga 'kong kwenta.' Iyon ang mga salitang tumatakbong sa isip niya ngayon...noon pa ay alam na niyang duwag siya. Bumalik sa alaala niya ang ginawa niyang pag-alis noon...ang pagtakas niya sa responsibilidad niya sa kanilang pamilya at ang pag-iwan niya kay Tiffany. Hindi niya matanggap sa sarili niya na nagawa niya iyon at bumalik na parang walang nangyari. Unti-unti siyang kinakain ng pagsisisi...pagsisisi na hinayaan niyang mamatay ang ate niya kahit may magagawa pa siya at hinayaan niya ring magdusa ng ganito ang pinsan niya. Wala siyang magawa para puntahan si Zephaniah...hindi niya ito kayang harapin ngayon pagkatapos ng mga nangyari...lalo na't hanggang ngayon, alam na ng mga tao sa paligid nila na may lihim pa rin siyang tinatago sa pinsan niya. Isang bagay na hindi niya alam kung paano aaminin... Paano ko aaminin kay Insan na ang Pistol's Tribe ang gang ng pamilya namin?! Aminin niya man ito o hindi, mamili man siya ng desisyon o hindi, masasaktan pa rin si Zephaniah. Natagpuan niya ang kanyang sarili na nakasalampak sa lupa, basang-basa ang mukha dahil sa luha na kanina pa pala pumapatak. Hindi na alam ng binata kung paano niya nagagawang umiyak sa harap ng mga taong walang ideya sa totoong pinagdadaanan niya...mga taong walang pakialam sa kanya. Nilapitan siya ni Roxanne at inabot ang kanyang kamay. "Kapag itiniwalag ka namin, kami naman ang mananagot kay Zeph. Mahalaga ka sa pinsan mo...kaya nga siya na lang mag-isa ang umalis, 'diba? Hindi siya matutuwa kapag nakita ka niyang ganyan. Kahit galit na galit ako sa 'yo at aaminin kong gusto na kitang patayin, ibabalato ko na sa 'yo ang buhay mo...alang-alang sa best friend ko." Imbes na tanggapin ang alok ng dalaga ay ngumisi pa ito at mag-isang tumayo. "Hindi ko kailangan ng awa mo. Kung ayaw ninyo 'kong itiwalag, bahala kayo. Pero gagawin ko ang gusto ko. Wala rin akong pakialam sa mga sinasabi mo, hindi kita kaibigan at hindi kita kailangan." Tumalikod siya at nagsimulang maglakad palayo. Pumunta si Tyron sa bahay ni Rizza. Kahit may problema rin silang dalawa, girlfriend niya na lang ang malalapitan niya sa ngayon. "Bakit ka nandito?" bungad na tanong ng dalaga. "Bawal ba bisitahin ang girlfriend ko?" "Sino nagsabi sa 'yong girlfriend mo pa 'ko?" Tumuloy siya ng pasok sa bahay nito na para bang wala siyang narinig na sinabi nito. Nasasaktan siya, pero tila sanay na siya... "Wala na si Insan, wala na 'ko sa gang, at wala ka na rin. Ayos, ano pang karma ang aabutin ko?" Sinara ni Rizza ang pinto saka siya hinarap. "Wala ka na sa gang? Anong nangyari? Tiniwalag ka ba nila? Teka, ikaw ang co-leader ng Poison Blade, 'diba? Bakit ka pumayag na itiwalag ka nila?" "May alak ka ba riyan? Painom ka naman. Tapos kapag lasing na tayo, gawin mo 'kong dart board." "Umuwi ka na, Tyron. Hindi ka pa nakakainom, praning ka na." "Wala na 'kong pupuntahan, wala na kong uuwian." "Puwede bang tigilan mo 'ko sa ganyang sad boy na pag-iinarte mo? O sige, tutal may pinagsamahan naman tayo kahit papaano...dito ka na matulog. Alam mo naman kung saan ang kwarto mo rito. Matutulog na rin ako." Iniwan na siya ni Rizza, tila wala na talaga itong pagmamahal sa kanya. Biglang nanghina ang katawan niya at ipinikit niya ang mata ko. Sana hindi na 'ko magising bukas...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD