CHAPTER 1
TANYAG at kilala sa buong bansa ang mag-asawang Don Rafael at Donya Consuelo Monteverde. Kilala sila bila ng maunlad na negosyanteng nagmamay-ari ng tatlong malalaking kompanya.
Ang Monteverde Shipping Lines na may tatlong barkong pampasaherosa karagatang Pilipinas. Ang M/V Prince Edward, M/V Donya Consuelo at M/V Princess Monica. Ang panganay na anak na si Edward ang namamahala sa mga negosyong iyon kasama ang dalawa pang kapatid na lalaki na sina Meynard at Justin. Ang tatlo ay kapwa may sariling pamilya na.
Ang ikalawang negosyo ng pamilya ay ang Monteverde Telecom, ang leading Telecommunication firms sa Pilipinas na may mga sangay din sa Maynila at kabisayaan, pero ang main office ay sa Baguio. Si Isabel at Clarisse ang namamahala sa negosyong iyon. Si Clarisse ay may asawa na at tatlong anak samantalang si Isabel ay dalaga pa.
Ang pangatlong negosyo ay ang Monteverde Constructions Business na pinamamahalaanan ng kapatid ni Don Rafael na si Agustin. Ngunit namatay ito noong bumagsak ang eroplanong sinasakyan habang pauwi ng Pilipinas. Ang bunsong anak ng mag-asawa na si Monica ang kasalukuyang namamahala ng negosyo bagama't katatapos lamang sa kolehiyo.
Bago pa namatay sa aksidente si Agustin ay tinuruan na nito si Monica kung paano patakbuhin ang kompanya. Pero madalas din na nasa opisina ni Monicai ang mga magulang upang alalayan ito.
Bukod sa kilala ang Monteverde bilang mayamang pamilya ay mababait at masunurin din ang kanilang walong mga anak na nagngangalang Edward, Carlo, Meynard, Justin, Clarisse, Erika, Isabel at ang bunsong si Monica.
Apat na ang may mga asawa na pawang lahat ay ipinagkasundo sa mga anak ng mga kaibigan ng mag-asawa na kilala rin sa lipunan at negosyante. At dahil hindi sumusuway ang mga anak, nagpakasal ang mga ito kahit pa walang pag-ibig na namamagitan. Katwiran ng mga ito, nagpag-aaralan ang pag-ibig.
Si Isabel ay ipinagkasundo na rin ng mag-asawa sa anak ng isang kaibigan ng pamilya. Pero tumanggi pa ang dalaga at anito, hindi pa sawa sa buhay single.
ANG bunsong anak naman na si Monica ang itinuring na prinsesa ng pamilya. Mahal na mahal ng mga magulang at kapatid . Espesyal siya kung ituring ng lahat. Pero pagdating sa pag-ibig, iisa lang din ang nais ng kanilang mga magulang para sa kanya. Ang maikasal sa lalaking kapantay ng yaman ng kanilang pamilya o pamilyang hihigitan ang kanilang kayamanan.
Napakaganda ni Monica at hindi na nakakapagtaka kung maraming lalaki ang namimintuho sa kanya. Ngunit isa man sa mga ito ay walang magustuhan ang dalaga. Sawa na siya sa luho, sa yaman at ang nais niya ay simpleng lalaki lang.
"Mama, papa," tawag pansin ni Monica sa mga magulang. "Payagan na ninyo akong pumuntang mag-isa sa kasal ng bestfriend kong si Shane." Pakiusap niya sa dalawa.
"Wala ang driver moat hindi puwedeng magmaneho ngayon si Inggo dahil may trangkaso. At isa pa ang ibang driver natin ay walang pasok. Alam mo naman na kapag araw ng linggo ay pahinga nila." Mabilis na sagot ni Donya Consuelo.
"I can drive, Ma. Besides, I'm no longer a kid---"
"Mag-isa kang pupunta sa Batangas? Alam mo, bago ka makarating sa bahay nila Shane ay dadaan ka pa sa mga taniman ng palay. Paano kung bako-bako ang kalsada doon at maputik? Makakaya mo ba na patakbuhin ang kotse mo doon?" Kunot-noong putol ng ina sa mga sasabihin pa sana niya.
"Ma, sementado na ang kalsada doon. Pamilya ng kaibigan ko ang nagpagawa ng kalsada doon kaya wala kayong dapat na ipag-alala sa akin." Pangangatwiran niyang pilit.
Nakamata lang at nakikinig si Don Rafael sa pag-uusap nilang mag-ina pero maya-maya lang din ay hindi na nakapagpigil at sumabat na sa kanilang usapan.
"Hayaan mo nang pumunta ng Batangas mag-isa si Monica, Consuelo."
Nanlaki ang mga matang bumaling ang tingin ng ginang sa asawa. Hindi makapaniwala sa narinig.
"Rafael, ikaw ba ang nagsasalita? Totoo ba ang narinig ko?"
"Tama ang sinabi ni Monica. Hindi siya bata at paminsan-minsan ay dapat naman siyang maging malaya. Linggo naman ngayon at dapat lang na makalabas naman ang anak mo. She's working the whole week."
Lalong tumikwas ang isang kilay ni Donya Consuelo sa sinabi ng asawa. Hindi makapaniwalang papayagan ang bunsong anak na umalis mag-isa. Dati naman kapag nagpapaalam ang anak na aalis mag-isa ay ito mismo ang unang tumatanggi.
"Wala ka yata sa sarili mong pag-iisip, Rafael!" Inis na wika ng ginang. "Babae ang anak mo. Mahina. Paano kung may mangyaring masama sa anak mo? Alalahanin mo na wala isa man sa mga anak natin ang umaalis ng mag-isa lalo na kung ganoon kalayong lugar."
Gustong mapasimangot ni Monica sa sinabi ng ina. Wala lang kasi itong tiwala sa kanya. Gayumpaman, natutuwa siya kasi kakampi niya ngayon ang ama.
"Mahaba na ba ang tatlong oras na biyahe? Malayo na ba iyon mula sa kitatayuan ng bahay natin dito sa Roxas Boulevard?"
Napabuntong-hininga na lamang ang ginang.
But deep inside her, nagtataka din siya kung bakit sobrang bait ng kanyang ama ngayon.
"Okay, fine! Papayag ako pero isasama niya si Yaya Maria." Inis na sabi ni Donya Consuelo.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga sa narinig. "What? Mama, malaking okasyon ang pupuntahan ko at nakakahiya naman kung may kasama pa akong yaya." Protesta niya.
"Then, don't leave the house."
"Mama!" Napasulyap siya sa ama. Bagamat nagtataka siya sa kakaibang pag-uugali nito ngayon ay gusto niyang magpakampi.
"Mag-isang aalis si Monica papuntang Batangas. Walang driver at walang yaya na aalalay sa kanya." Patango-tangong sabi ng ama.
Nagliwanag ang mukha ng dalaga. Ang hiling niya kung meron man anghel sa likod ng kanyang ama ay huwag na sanang umalis para naman maalis na ang pagiging mahigpit nito.
"Pero may kundisyon," pagkuwa'y sabi ng Don.
Biglang napatuwid ng upo sa malabot na sopa si Monica. Kumabog bigla ang kanyang dibdib.
"Kundisyon? A-Ano namang kundisyon, Papa?"
Bumaling ang tingin sa kanya ng ama. "Hindi ka titingin o makikipagkilala sa kahit na kaninong lalaki sa okasyon na pupuntahan mo, Monica. Is that clear?"
Muntik na siyang mahulog sa sopang kinauupuan nang marinig ang tinuran ng ama.
"Papa!" Biglang nanuyo ang kanyang lalamunan. Naalala niya ang sinabi ng kaibigan niyang si Shane na sa araw ng kasal nito ay may ipapakilala itong lalaki sa kanya. Hindi man kasing yaman ng pamilya pero may malawak namang taniman ng palay.
"You heard it right, Monica. Nakatakda na kitang ipagkasundo sa anak ng aking kaibigang si Don Sebastian. Isang magaling na arkitekto si Miguel Montejo at tinitiyak ko sa iyo na magugustuhan mo ang binatang iyon at iibigin."
Halos huminto ang paghinga ng dalaga. Daig pa niya ang pinagbagsakan ng langit at lupa sa narinig. Kaya ba ito biglang bumait sa kanya ay dahil doon sa kasunduan na mangyayari?
MALAYANG nakaalis mag-isa si Monica. Tumupad ang kanyang ama na maging malaya siya pero kailangan niyang sumunod sa mga sinabi nito. Bago pa siya tuluyang makaalis ng bahay ay kung makailang ulit pa nitong ipinaalala sa kanya ang kundisyon.
Ayaw niyang matulad sa kanyang mga kapatid na hindi man lamang nakaranas ng totoong pag-ibig bago nakapag-asawa. Batas kasing ipinapasunod ng kanilang mga magulang na bawal silang umibig sa mga taong hindi nila kauri.
Pero siya, pipilitin niyang huwag matulad ang kapalaran sa kanyang mga kapatid. Susuwayin niya ang utos o kakalagin ang tanikalang nais igapos sa kanyang puso.
Habang nagmamaneho ay malalim ang kanyang iniisip. Hindi niya namalayan na tinatahak na pala niya ang malaking kalsada na ipinagawa ng pamilya ni Shane patungo sa bahay ng mga ito. Dadaanan pa niya ang malawak na taniman ng palay.
Abala ang isip niya sa mga plano ng kanyang ama para sa kanya. At totoong dahil doon ay mainit ang kanyang ulo. Hindi na tuloy niya namalayang mabilis ang pagpapatakbo niya ng kotse. Kaya hindi niya napansin agad ang isang tricycle na mabilis ding tumatakbo at makasalubong niya.
Bumagal ang takbo ng tricycle nang makitang sobrang bilis ng kanyang kotse kasabay ng pagbabalik ng kanyang huwisyo. Tinangka pa niyang pabagalin ang takbo ng kanyang sasakyan pero dahil nataranta na siya, imbes na pabagalin ay nakabig niya palihis ang manibela at tinumbok ang kasalubong na tricycle. Mabuti na lamang at maagap ang driver ng nasabing sasakyan at mabilis na nailihis.
Nakabibinging angil ng dalawang sasakyan ang umalingawngaw sa lugar na iyon. Nagkiskisan ang dalawang sasakyan na ikinagasgas ng kotse ni Monica.
Sa biglang prenong ginawa ng dalaga ay napasubsob siya sa manibela. Mabuti na lamang at hindi siya nasugatan.
MUNTIK-muntikan namang mahulog sa gilid ng kalsada ang traysikel at bumagsak sa palayan. Basag ang maliit na salamin sa harapan. Galit na bumaba ng traysikel si Regor at gigil na pinagmasdan ang kulay pulang kotse na muntik nang makasagasa sa kanya kung hindi lamang siya naging maagap.
"Bagong bago ang kotse pero saksakan ng tanga ang nagmamaneho." Gigil na turan niya sa sarili.
Madilim ang mukhang nilapitan niya ang nakahambalang na sasakyan sa kalsada. Mukhang walang planong lumabas ng sasakyan ang driver.
Tinted ang salamin ng kotse kaya wala siyang idea kung babae o lalaki ang nagmamaneho ng sasakyan. Peryo kuyom ang kanyang mga kamao dahil sa galit na nararamdaman.
Malakas niyang kinalampag ang bubong ng pulang kotse para tawagin ang pansin ng driver.
"Hoy! Bumaba ka diyan. Kung hindi itataob ko itong kotse mo." Gigil na banta niya.
Muli niyang kinalampag ang bubungan ng kotse nang wala pa din siyang naramdaman na kumikilos buhat sa loob.
MAY ilang segundo din na nakayuko sa manibela si Monica. Medyo nahilo kasi siya sa biglaang pagpreno na ginawa nya. Pakiramdam niya naalog ang kanyang utak.
Nagulat na lamang siya sa sunod sunod na pagkalampag sa bubong ng kanyang kotse. Dinig din niya ang pagalit na tinig ng isang lalaki sa labas. Kahit medyo hilo pa, napilitan siyang magbukas ng pinto ng kotse at harapin ang nagmamay-ari ng galit na boses.
Nang makababa ay sumalubong sa kanya ang madilim na mukha ng isang prominente at guwapong lalaki. Deep set na pares ng mga mata na may mahabang pilik-mata, mamula-mula ang mga labi at matangos ang ilong. Kayumanggi ang kulay at siksik ang katawan na halatang batak sa pagtatrabaho.
Saglit na hindi maibuka ni Monica ang kanyang mga labi. Aminin man niya at hindi, kumabog ng malakas ang kanyang dibdib.
"Wala ka man lamang ba sasabihin sa muntikan mo nang pagpatay sa akin?"
Saka lamang siya natauhan nang muling magsalita ang lalaki. Pero hindi niya ito sinagot. Sa halip, sinuri niyang mabuti ang gilid ng kanyang kotse at doon ay nakita niya ang malaki at mahabang gasgas.
"Anong muntik na kitang mapatay, Mister?" Nakatikwas ang kilay na hinarap niya ito. "Ikaw itong tatanga-tanga kung magmaneho tapos ako ngayon ang sisisihin mo? Alam mo ba na bago lang ang kotse ko? But look at this! Nagasgas dahil diyan sa bulok mong traysikel!"
"Nagasgas ang kotse mo?" Antipatiko at may pang-iinsultong tugon nito. "Ako na ang muntik mong masagasaan, nabasag pa ang salamin ng traysikel ko tapos ako pa ang sisisihin mo? Hindi ba mas tamang sabihin na ikaw ang tatanga-tanga sa pagmamaneho?"
Bahagya siyang napaatras nang marinig ang tinuran nito. Hindi niya matanggap na ang isang kagaya nito ay tatawagin siyang tanga. Siya na kung ituring ng kanyang pamilya na isang prinsesa.
"Magkanu ba ang halaga ng bulok mong traysikel at babayaran ko kasama ka na?" Kumukulo ang dugong bara niya sa lalaki.
"Talaga? Kaya mo akong bayaran?" Nakangising balik-tanong nito. Bahagya pa itong humakbang papalapit sa kanya pero maagap naman siyang umatras. "Baka hindi mo kayanin ang presyo ko, Miss."
"At bakit hindi? Kahit ilang doble pa ng buhay mo ay kayang-kaya kong bayaran!" Alam niya na na kung may gagawin man itong masama sa kanya ay wala siyang kalaban-laban lalo pa at wala siyang nakikitang ibang tao na nagdaraanan sa kinaroroonan nilang dalawa. "Pera lang naman ang katapat ninyong mahihirap, hindi ba?"
Huli na para bawiin ang kanyang sinabi. Kitang-kita niya ang lalong pagdidilim ng mukha ng lalaki kasabay ng pagkuyom ng mga kamao nito.
Stupid, Monica!
"Nagkakamali ka, Miss Mapanglait. Oo, mahirap lang ako pero hindi ako isang bagay na puwede mong bayaran o tumbasan ng salapi."
Muling nagsalubong ang kanilang mga mata. Nagsukatan ng tingin. Pero siya din ang naunang nagbaba ng tingin. Agad niyang kinuha sa loob ng kanyang kotse ang bag at inilabas ang cheque book at saka pinirmahan.
"Here's the blank cheque. Name your price. Para naman mabayaran ko ang sinasabi mo na muntikan ko ng pagkakapatay sa iyo!" Padaskol niyang wika nang iabot ang blangkong tseke sa lalaki.
Nakita niya ang pagkunot ng noo nito habang nakatitig sa tsekeng inaabot niya. Saglit itong natigilan at maya-maya ay pabuntong-hiningang ibinalik ang tingin sa kanya.
"Kaya pala ganyan ka kung makapagsalita. Isa ka palang Monteverde."
Muling umigkas ang kilay niya. "O, ngayon, natameme ka nang malaman mo kung sino ang kaharap mo? Naniniwala ka na ngayon na kayang-kaya kong bilhin ang buhay mo?"
"Paano kung isang daang milyong piso ang ilagay ko sa tsekeng yan?"
Inis na inihampas niya sa dibdib ng lalaki ang hawak na tseke at gigil na pumasok sa loob ng kanyang kotse.
"Bahala ka sa buhay mo! Ilagay mo kung magkano ang gusto mo at wala akong pakialam." Pagkasabi ay padabog niyang hinila pasara ang pinto ng sasakyan at hindi na hinintay na makasagot ito.
Antipatiko!