Jin's POV
Narito ako ngayon sa opisina nakaupo at nakapatong ang kamay sa mahabang lamesa katapat si Eric Blair at tanging tunog ng aircon at electric fan ang naririnig namin. Hindi ako makatingin sakanya dahil nakakadistract ang kanyang hitsura. Baka mapatitig lang ako at kung ano ano pa ang ma-imagine ko dala ng kagwapuhan niya.
Hinihintay ko siyang matapos sa kung ano man ang isinusulat niya. Naalala ko tuloy ang awkward scene na nangyari kanina.
"Paano ba yan Liza kailangan nating bumalik. Hindi ka ipapatawag ni Blair kung hindi importante." Pahayag ni Lily.
"Sige ipabalik na lang natin sa school 'tong taxi." Tugon ko.
Matapos makipag-usap ni Lily sa driver, lumapit ako sakanya at nagtanong.
"Ah Lily, mortal enemy ba kami ni Blair?" Tanong ko at lumaki naman ang mata niya sa gulat.
"Omgg! First time kong marinig na tinawag mo ang pangalan niya! Naku po! Pink na ba ang uwak at may nangyayari na napakimposible?" OA na wika niya.
Iniba ko na lang ang usapan para 'di ko na marinig ang dating ugali ni Liza.
"Ganito na lang, ako na ang babalik mag-isa sa opisina. Makikisuyo na lang ako sayo na kuhanan ako ng damit na pamalit at yung bag ko. May kailangan kasi akong puntahan sa Mall mamaya eh." Sabi ko kahit hindi ko alam kung saan ang mall.
Kailangan ko lang talaga makapunta sa pinakamalapit na beach mamaya at magpahangin at mag-isip. Dinahilan ko lang yang mall. Kailangan ko magrelax sandali at mag-isip ng plano.
"Ok sige no prob. Mga after an hour ako makakabalik sa school." Sagot niya at agad naman ako nagpasalamat at napangiti.
5:30 pm na kaya 6:30 siya makakabalik sa school. Bahala na kahit gabihin na ako sa beach mamaya.
Pagdating ko sa opisina, walang katao tao pero bukas ang ilaw, electric fan at aircon. Ang aksaya naman ng mga taong ito sa kuryente.
Dahil walang katao tao naisipan kong pumunta sa attic dahil natutukso talaga ako kung anong hitsura niyon. Dahan-dahan akong umakyat at may nakita akong lalaki na nakatalikod na nakahiga sa kutson.
Hinayaan ko na lang siya at iginala ang mata sa attic. Ang ganda! Malinis, maaliwalas, may mga dyaryo sa isang cabinet. May mural ang pader- ang ilan ay abstract at ang iba naman ay may story ang painting. Sa kisame ay ang magkakadikit na larawan. Puro litrato ng bata, sunset, sunrise, beach, buwan at mga bituin at napakaganda ng arrangement.
May bookshelf din na nakapaskil sa pader at may mga nakadisplay na trophy. May mga nakadisplay din na picture frame. Naroon ang mga larawan nila bilang isang journalists. Nasa labindalawa ang tansya ko sa bilang nila at halatang masaya sila maliban kay Blair at Liza na wala man lang emosyon sa picture. Sungit naman nilang dalawa.
Nahagip ng mata ko ang dream catcher na nakasabit sa bookshelf. May kalakihan ito at napakaganda ng combination ng brown, white at black feathers.
Dahil sa kagustuhan kong mahawakan, dahan dahan akong lumapit at maingat na humakbang dahil baka maapakan ko ang paa ng lalaking ito dahil nasa itaas ng paa niya ang dream catcher.
Matagumpay ko itong nahawakan at biglang sumakit ang ulo ko sa biglaang pagflash ng pangyayari sa utak ko.
May narinig ako babae na tinawag ang pangalan ko at nang lingunin ko ay winawagayway niya ang dream catcher na katulad sa hawak ko ngayon. Kasabay ng pagkahilong naramdaman ko ay ang paggalaw ng paa sa tabi ko dahilan para masipa niya ako at matumba.
Napakabilis ng pangyayari. Natumba ako patalikod at naramdaman ko ang pagyakap ng lalaki sa akin mula sa likuran para ipatigilid ako at para hindi kami parehong masaktan.
Kay tagal nang ako'y dumadalangin
Kung kailan ba sa akin ay darating
Isang tulad mo na para sa akin
At sa habang buhay ay aking iibigin
Napalunok ako sa nangyari. Magkayakap pa rin kami at naririnig ko ang bilis ng t***k ng puso ko at dama ko sa likuran ang mabilis na t***k din ng kanyang puso.
Nang matauhan kami ay agad kong inilayo ang kamay niya sa akin ngunit agad naman niya itong inalis. Napatayo ako para tingnan kung sino siya at laking gulat ko nang makita si...
Eric Blair.
Nang mamasdan ka ay may ibang nadama
Nabuhay muli ang isang pag-asa
Nasabing ikaw at wala nang iba
Ang hinihintay kong makita
Nagkatinginan kami saglit ngunit matapos ang ilang segundo ay tumayo siya at bumaba na parang walang nangyari.
Hanggang ngayon hindi ko makalimutan ang amoy niya at ang pagyakap niya sa akin. Hindi ko alam pero bumigat ang dibdib ko sa pagkakataong iyon.
"Nakikinig ka ba?" Rinig kong salita ng lalaki dahilan para magising ang diwa ko.
"H-ha? Ano ulit?" Napapalunok na tanong ko sa lalaking ito na nakakunot na ang noo ngayon.
"Kanina pa kita tinatawag pjourn! Ang sabi ko ito 'yong outline ng gagawan ng documentation sa play. Kindly get the pictures sa nakatoka sa documentation kanina at lagyan mo na ng captions tsaka ibigay mo sa akin para maicompile ko na. Pakibigay sa akin sa Thursday." Pahayag niya sabay pakita at abot sa akin ng papel na may mga nakasulat na outline. "Ito naman ang mga list of articles na kailangan ng photos. Next week friday ang deadline niyan." Sunod naman niyang inabot sa akin ang isa pang pirasong papel.
Magtatanong pa sana ako kaso bigla na siyang tumayo at kinuha ang bag at nagsimula ng maglakad papunta sa pintuan. Lalabas na sana siya pero bigla niya akong nilingon.
Halos pukpukin ko ang dibdib ko dahil sa traydor na biglaang pagtibok ng puso ko nang lingunin niya ako.
"And pakipatay lahat ng nakasaksak." Pahayag niya at tuluyang isinara ang pinto.
Waaaaaah! Grabe ang kabog ng dibdib ko! Hindi ko naman siya crush kasi hindi ako mahilig sa super pogi pero bakit iba ang nararamdaman ko para sakanya? Magkahalong kaba, bigat ng dibdib pero hindi ko mawari kung may...saya.
Tumayo ako at iginala ang paningin sa opisina. May locker din sila. Sa pinakaunahan ay may initials na E.B.M. Kay Blair 'to siguro.
Hinanap ko ang initials ko pero Pjourn L. at Pjourn J. lang ang nakita kong connected sa akin. So basically yung Pjourn L. ang sa akin.
Sunod akong naglakad at nakita ko ang sariling repleksyon sa salamin na nakasabit. Nagtataka naman ako at bakit alam kong ako 'yong babae kanina sa picture.
Oo nga noh? Hindi ko pa alam hitsura ko sa mundong ito pero bakit alam ko na kanina na ako yung babaeng iyon?
Napaisip naman ako nang malalim. Siguro dahil siya lang ang babaeng walang emosyon kanina. Tama, hindi naman ako siguro bobo na i-assume na ako yung nakangiti roon na abot hanggang tenga.
Tinitigan ko ang hitsura ng Liza na ito. Natural na makapal ang kilay. May maliit na scar sa ikaliwang temple ng noo pero maliit lang ito at mapapansin lang kapag tititigan nang matagal. May nunal sa ibaba ng ikalawang labi. Walang suot na hikaw o kwintas man lang. Mapungay at maganda ang mata. Tama lang ang taas ng ilong at may braces.
Maganda si Liza at simple lang pero ang lungkot ng mga mata niya. Sinubukan kong ngumiti at kumindat. Shems mas maganda kaya natawa ako sa sarili kong ginawa. Nagpapabebe ako sa salamin at ngiti ngiti ako habang nakapameywang na pang rampa na lagi kong ginagawa sa bahay.
Biglang bumukas ang pinto at naabutan ako ni Lily na nakahawak sa beywang at nakangiti.
"Anong ginagawa mo?" Usisa niya.
"Maganda ba?" Tanong ko at mas nilawakan ang ngiti.
Napanganga lamang siya at nabitawan ang hawak na bag.
Natawa naman ako sa reaksyon niya dahilan para mas lalong lumaki ang mga mata niya.
Hays kailangan niyo nang masanay, dahil magkaiba kami ni Liza na nakagisnan niyo.