“Hangout naman tayo minsan!”
Monday morning. Nandito kami ngayon sa oval. 15 minutes pa bago mag-umpisa ang klase kaya narito kami.
“Sa MOA,” suhestiyon ni Jerald. Hindi naman ako nagsasalita dahil hindi ako sigurado kung makakasama ba ako if ever na may hangout nga.
“Magpasa ka muna ng reflection paper mo sa topic natin ng world history bago ka mag-yaya.” pambabara ni Irene kay Jessica.
“Nagpasa ako ‘no! Nahalo lang sa ibang section kaya hindi nakita,” sagot ni Jessica. Umismid lang si Irene at hindi na nakipagtalo.
“G tayo ha? Sa sabado,” ngising wika ni Marcus.
“Kasama ka?” nanlalaki ang mga mata ni Jessica nang tinanong si Marcus. Agad na bumusangot si Marcus.
“Oo tanga, wala kang pera kaya ililibre kita.” sagot ni Marcus.
“Tanga ka din, may pera ako ha pero….kung ililibre mo ’ko….sure why not diba?” ani Jessica. Natatawa nalang ako sa pagtatalo nilang dalawa. Hindi ko alam kung bakit narito pa rin si Marcus. Malapit nang magsimula ang klase at ang alam ko, medyo malayo ang architecture department dito.
“G na yan, update nalang natin isa-isa.” wika naman ni Jerald.
“Ikaw ba, Caroline? Sama ka?” tanong ni Irene. Napakagat ako sa aking labi. Hindi sigurado dahil baka mabawasan ang ipon ko.
“Oo kasama ‘yan, minsan lang naman. Saka hindi ka pa naman nakakalibot dito sa Pasay diba?” tanong ni Jessica. Umiling ako bilang sagot.
“Hindi ako sigurado, baka hindi sapat yung pera ko—”
“Libre kita,” sabat ni Jerald. Napanganga ang tatlo sa biglaang pagsabat niya. Maging ako ay nagulat. Sandaling katahimikan ang namuo sa pagitan naming lahat bago nagsalita si Jessica.
“Siraulo, pero ‘pag ako napakuripot.” busangot sa wika niya. Napakamot sa ulo si Jerald.
“Ililibre kana ni Marcus,” sagot niya.
“Libre mo din si Irene,” sabi ni Marcus. Hindi naman nakibo si Irene dahil nagbabasa siya ng libro. Alam kong ganyan lang siya pero nakikinig din yan sa usapan namin.
“Hoy tanga ka talaga! Mayaman ‘yan si Irene. Mukha lang dugyot ‘yan pero kayang-kaya ka niyang bilhin.” ang lakas pa ng boses na sabi ni Jessica.
Natawa ako nang biglang hinablot ni Irene ang buhok ni Jessica. Sa halip na umaray sa sakit ay nakuha pang tumawa nung isa. Sa ilang linggo kong pag-aaral dito ay nasasanay narin ako sa mga ugali nila.
“Ano, sama kana ha? Libre ko,” sabi ni Jerald.
“Sige, sasama na ako pero ‘wag mo na akong ilibre.” sabi ko. Magsasalita pa sana siya pero nagsalita si Irene.
“Confirmed na sa sabado ha, chat-chat nalang tayo.” sabi niya.
“May f*******: ka?” tanong ni Jerald sa akin. Tumango ako biglang nanlaki ang mga mata niya at saka kinuha ng cellphone. “Hindi pa kita friend!” natatarantang sabi niya.
“Hindi ako masyadong active do’n.” mahinang sabi ko.
“Yan, accept mo’ko ha?” tumango nalang ako kay Jerald at ngumiti.
Umalis na si Marcus dahil start na raw ng klase nila. Mukhang late ang isang ‘yon. Umalis narin kami sa oval dahil malapit narin magsimula ang klase namin.
Napansin ko ang kumpol ng mga estudyante na papunta sa Auditorium.
“Sa engineering department ‘yan, ngayon yata gaganapin ang event nila.” sabi ni Irene dahil nakatingin din siya sa mga estudyante.
“Oo nga pala, by the way, yung atin ba, kailan?” tanong ni Jessica.
“Next week pa ’yon,” sagot ni Jerald.
“Battle of the Bands yung kanila diba?”
“Oo, dance contest yung atin e,” sagot ni Irene.
Nagsimula na ang klase namin. Educational Technology ang subject namin ngayon. Nakakaantok pero pinilit kong makinig. Ayokong may makaligtaan na lesson dahil mahirap maghabol.
Nasa kalagitnaan kami ng klase nang may biglang dumaan sa corridor namin. Nanlaki pa ang mga mata ko nang makitang si Atlas ‘yon kasama ang dalawang lalaki.
Tapos na ba ang event nila? Parang ang layo naman ng inikutan nila mula sa Auditorium.
Mabagal ang lakad nila habang si Atlas ay umiikot ang paningin sa klase namin. Nang magtama ang mga mata namin ay para siyang napapasong nag-iwas ng tingin. Nakalampas na sila sa room namin.
Anong problema no’n?
Nagkibit-balikat nalang ako at nakinig na ulit sa klase. May tatlo kaming quiz bukas kaya dapat na mag-aral ako.
Pag-uwi ko sa aking apartment galing school ay nadatnan ko agad si Thor sa tabi ng aking pinto. Ngumiti ako at nilapitan siya. Bigla siyang tumayo nang makita ako.
“Meow,” bati niya. Buti nalang talaga at hindi siya umaalis.
Sa pagkakaalam ko kasi, kapag ayaw ng mga pusa sa environment na kinaroroonan nila ay aalis talaga sila. Kadalasan ang mga pusang nawawala at hinahanap ng kanilang owner ay hindi talaga nawawala dahil kusang umaalis ang mga ito.
“Naubos mo ulit pagkain mo ah,” sabi ko habang hinahawakan siya. Natutuwa ako dahil iba na siya ngayon kumpara noong na nakita ko siya sa tapat ng fast food chain. Mukha na siyang malusog ngayon.
Pumasok na ako sa aking apartment at nagbihis ng damit pang trabaho. Nakabili na ako ng gas stove at gasul kaya mas madali nang magluto ngayon. Konti nalang din at mabubuo ko na ang pambayad ng rent, tubig, at kuryente sa susunod na buwan.
Nakausap ko si Tita Clay noong Linggo. Nangamusta siya at pilit na nagbigay ng pera panggastos pero mariin akong tumanggi. Sa huli ay wala rin siyang nagawa.
Ang ibang mga kamag-anak ko naman ay hindi tumatawag. Hindi narin naman ako umaasa.
Paglabas ko ng pinto ay sakto namang may tumawag sa akin. Ine-expect ko na si Tita Clay ito dahil siya lang naman talaga ang tumatawag sa akin.
‘Unknown number’
Sinagot ko ang tawag.
“Hello? Sino ‘to?”
“Hello,” boses lalaki. Malalim ang kanyang boses. Hindi ko mabosesan kung sino kaya alam kong hindi ko siya kilala.
“Sino ka?” tanong ko. Tahimik akong nagpaalam kay Thor at saka nilagyan siya ng pagkain sa kanyang kainan. Naglalakad na ako papuntang trabaho.
“Iiyak na ako, hindi mo na ’ko kilala.” sagot ng lalaki. Kumunot ang noo ko.
“Sorry hindi talaga kita kilala, baka mali ka ng number na natawagan.” sabi ko.
“Tama ako ng number na natawagan, sadyang kinalimutan mo nalang talaga ako. Okay lang, sino ba naman ako para maalala mo,” pinalungkot ng caller ang kanyang boses para magtunog kaawa-awa.
“Sorry hindi talaga—”
“Arthur Vincent Hidalgo,”
Namilog ang mga mata ko nang marinig ko ang pangalang ‘yon. Hindi pa ma-process ng utak ko dahil sa sobrang gulat?”
“V-Vincent? Ikaw nga ‘yan?” paninigurado ko.
“Yes, of course. Ako lang naman bestfriend mo nung elementary e.” mayabang ang tono ng kanyang boses. Ngumuso ako dahil tama naman siya. Bestfriend ko siya nung elementary pero may iba din naman akong friends noon.
Gusto ko pa sanang makipag kwentuhan sa kanya pero nakarating na ako sa Premier Mart. Sinabi ko sa kanya na magtatrabaho muna ako. Ang dami niyang tanong pero ang sabi niya ay tatawag ulit siya mamaya.
Hindi ako makapaniwala na makakausap ko ulit siya after so many years. Saan naman kaya nakuha ng lalaking ‘yon ang number ko?
“Ay sorry!”
Binangga ako ni Kate. Sinadya niya talagang banggain ako dahil malawak ang daan at nakita na niya akong palapit. Isa pa, hindi siya mukha humihingi ng sorry dahil nakangisi siya.
Nakita yata ‘yon ni Ate Dianne dahil nakakunot ang noo niya.
Hindi ko nalang pinatulan dahil ayaw kong masira ang araw ko. Nilapitan ako ni Mark, bagger siya rito.
“Okay ka lang?” tanong niya. Hilaw akong ngumiti. Mas lalo akong pag-iinitan ni Kate dahil kinausap niya ako.
“Ayos lang.” maikling sagot ko. May gusto pa siyang sabihin pero tinawag na siya ng cashier kung saan siya naka-assign mag-pack. Nakahinga naman ako ng maluwag.
Sinimulan ko na ang trabaho. Maayos naman akong nakapagtrabaho kahit pa naiilang ako dahil masama ang tingin sa akin ni Kate.
Patapos na ako sa pagpa-punch in ng mga pinamili ng customer nang mahagip ng paningin ko si Atlas. Nasa likod siya ng customer na inaasikaso ko ngayon. Seryoso ang kanyang mga mukha pero hindi niya ako tinitingnan.
Parang bigla akong nataranta.
“2, 200 po lahat Ma’am.” sabi ko sa customer. Nagbukas ng bag ang babae para kumuha ng pambayad.
“Next customer po,” sabi ni Shiela. Isa rin sa mga cashier. Wala nang nakapila sa kanya kaya pinapalipat niya ang ibang nakapila sa ibang cashier.
Nilingon ko si Atlas para tingnan kung lumipat siya pero hindi. Nasa pila ko parin siya. Ayaw niya bang lumipat?
Nag-abot sa akin ang babae ng 3,000 kaya sinuklian ko na siya. Pagkabigay ay agad na umalis ang babae. Kinailangan pa siyang ihatid ng bagger palabas dahil marami itong pinamili.
Umabante si Atlas. Binaba niya sa counter ang mga pinamili niya. Puro mga groceries ulit ‘yon pero hindi masyadong marami. Nanginginig ang mga kamay ko. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil nakaka-intimidate ang presensya niya.
“681 po,” sabi ko nang matapos i-punch in lahat. Bumalik narin ang bagger ko at ni-pack na ang mga pinamili niya.
Nagbigay si Atlas ng bayad. Akala ko ay hindi na naman niya kukuhanin ang sukli pero hinintay niya. Pagkabigay ko sa kanya ng sukli ay hindi agad siya umalis. Parang may gusto siyang sabihin.
“Is there anything else po, Sir?” tanong ko. Kumunot ang noo niya bago nagsalita.
“You know that taking a call while walking on the side of the road is dangerous, right?” galit ang tono ng kanyang boses.
Para akong binuhusan ng tubig sa sobrang gulat. Bahagya pang nakanganga ang bibig ko. Hindi na niya ako hinintay sumagot dahil naglakad na siya paalis nang makuha ang mga pinamili.
Sa huli ay na-realize ko kung ano ang ibig sabihin ng sinabi niya. Nakita niya siguro na may kausap ako sa cellphone habang naglalakad sa daan kanina. Napakagat ako ng labi dahil tama naman ang sinabi niya. Hindi ko lang maintindihan kung bakit siya galit.
Kahit na magulo ang isip ko ay nagawa ko naman ng maayos ang trabaho ko. Closing na nang bigla akong lapitan ni Shiela.
“Ang gwapo nung lalaki kanina!” wika niya. Hindi agad ako sumagot. Hindi ko alam ang isasagot.
“Kinausap ka pa bago umalis, anong sinabi sa’yo?” kuryosong tanong niya. Nakita niya pala ‘yon.
“Wala. Nagtanong lang ng items.” walang kwenta kong dahilan. Mukhang hindi naniniwala si Shiela.
“Asus! Sayang at ayaw lumipat sa akin kanina!” wika niya. Hindi na ako nagsalita dahil baka malaman niya pa na kilala ko si Atlas.
Pag-uwi ko sa sa apartment ay agad akong kinabahan dahil wala si Thor sa tabi ng aking pinto. Mabilis akong lumapit sa kanyang kainan at nakitang wala na iyong laman.
Pumasok muna ako sa apartment para magbihis. Kinuha ko ang aking cellphone at susi bago lumabas. Bumaba ako ng building para hanapin siya. Kung narito lang siya sa tabi-tabi ay madali ko lang siyang makikita dahil walang masyadong hayop na pumupunta rito.
Nang hindi ko talaga siya makita ay nanlulumo akong umakyat sa 2nd floor ng building. Iniisip ko na baka umalis na talaga ang kuting dahil wala siyang kasama rito.
Nabuhayan ako ng loob nang maalala ko si Atlas. Posibleng nakita niya kung umalis ba talaga si Thor o kung saan ito nagpunta. Lumapit ako sa pinto ng apartment ni Atlas. Nakaamba na ang kamay ko sa pagkatok pero hindi ko magawa. Nahihiya ako.
Napasinghap nalang ako sa gulat nang kusang bumukas ang pinto at iniluwa noon si Atlas. Nakasuot ng white plain t-shirt at pajamas na black. Fresh na fresh ang kanyang mukha. Maliwanag kaya kitang-kita ko ang makinis at gwapo niyang mukha.
Ilang sandali pa akong natulala sa hitsura niya bago nakabawi. Ganito nalang ba lagi ang reaksyon ko kapag nakikita ko ng ganito kalapit ang mukha niya?
“Uhm..a-ano…” hirap na hirap akong bumuo ng salita. Tumaas ang kanyang kilay.
“You’re looking for Thor?” tanong niya. Tumango ako dahil para akong nawalan ng boses.
Nilakihan niya ang pagbubukas ng kanyang pinto. Nakita ko agad sa kanyang kama si Thor na nakahiga. Napangiwi ako dahil sa kahihiyan. Mukhang doon balak matulog ng kuting na ‘yon ah.
Ngayon ay mas nakita ko ang loob ng kanyang apartment kumpara noong una akong pumasok dito. Mas malaki nga ang espasyo ng kanya kesa sa apartment ko.
May maliit na bookshelves siya, may 2 door refrigerator at automatic washing machine. Sobrang linis ng kabuuan nito. Walang masyadong gamit pero parang kumpleto siya sa lahat ng kailangan niya.
“Sumunod siya sa akin dito,” aniya.
“Kukunin ko na siya—” naputol ang sasabihin ko nang biglang tumunog ang cellphone ko. Muntik ko pang mabitawan.
Tinignan ko kung sino ang tumawag at nakitang si Vincent ‘yon. Hindi ko sinagot dahil nakakahiya namang sagutin sa harap niya. Mukhang nakita niya ang pangalan ng caller.
Siya na mismo ang lumapit sa kama at binuhat si Thor. Binigay niya sa akin ang kuting.
“Salam—-”
Pabalya niyang isinarado ang pinto.