At The Fifth Land: The Land of Snakes
Third Person Point of View
Nakangiti si Raciero habang hawak hawak ang baso ng alak. Iniinom niya ito pagka’t natutuwa siya sa kanyang nagawa.
Ngayon ay wala na si Gregor Aragon, at Edward Chevor na pareho panginoon ng magkaibang kalupaan. Kung mayroon mang papalit ay sigurado siyang hindi kasing husay ng mga ito mamuno. Mabilis niya na lamang masasakop ang iba pang kalupaan.
Ngunit mayroon siyang patibong. Hahayaan niya na mahulog ang mga ito sa kanyang bitag. Narinig niya ang balita na nagtaas na ito ng mga bandera na may bahid ng mga dugo tanda lamang na nais ng mga ito ng isang digmaan laban sa kanila.
Sa kabuuan ay walang laban ang mga ito sa kanilang pwersa. Nariyan ang mga River, at Carlsen upang tulungan siya. Ang mga Ulaah ay walang balak makipagdigma. Anong laban ng dalawa sa tatlo?
Sila ang pinakamakakapangyarihan sa lahat. Bibigyan niya ng isang magandang digmaan ang mga natitirang Aragon, at Chevor. Hihintayin niya ang mga ito ng kanyang mga kawal , at pagkatapos ay kakainin niya ito ng buong buo.
“Ano ang dahilan upang magdiwang ang aking ama sa ganitong sitwasyon?” tanong ni Kester na kapapasok lamang ng bulwagan kasama ang kanyang mapapangasawa na si Adira.
Ininom naman ni Raciero ang natitirang laman kanyang hawak hawak na baso saka bumaling sa kanyang anak na si Kester.
“Tama lamang na ipagdiwang ko ang pagkapanalo ko laban kila Gregor Aragon, at Edward Chevor,” nakangiting ani ni Raciero. “Habang sila ay nakapikit na ang mga mata ako ay malusog na umiinom dito sa aking kastilyo. Salinan mo ako aking anak sa aking baso ng alak.
“Nais kong lunurin ang aking sarili sa alak. Ang mga Aragon ay maituturing na mga traydor kasama ang mga Chevor. Sino man ang makakakita sa kanila na nagmula sa ating mga kalupaan ay paniguradong papatayin sila ng mga ito o huhulihin na parang isang kriminal.
Kinuha naman ni Kester ang bote ng alak sa may lamesa upang salinan ang ama ng alak.
“Ibig sabihin ay ikaw ang may gawa ng lason na iyon?” tanong ni Kester na walang kaalam alam sa mga nangyayari. “Ikaw ang naglagay ng lason sa mga pagkain?”
Napatawa naman si Raciero sa tanong ng kanyang anak.
Kinuha niya muli ang baso matapos masalinan ni Kester ito ng alak. Muli siyang uminom dito bago magsalita.
“Wala ka talagang alam, Kester,” ani ni Raciero. “Hindi ako ang naglagay ng lason.”
Napakunot ang noo ni Kester.
“Kung gayon ay sino?” tanong ni Kester sa ama.
“Hindi mo na kailangan pang malaman,” ani ni Raciero, at bumaling kay Adira. “Mukhang mas matalino pa ang mapapangasawa mo sa iyo, Kester.”
Nakayuko naman si Adira sa gilid ni Kester. Natatakot siya kay Raciero. Hindi niya kayang tumingin ng diretso rito.
Habang si Kester naman ay napasimangot dahil sa sinabi ng kanyang ama.
“Kailan mo ba iaalis ang babaeng ito sa tabi ko?” tanong ni Kester sa ama. “Ipinapakita ko namang nagtitino na ako. Sinusunod ko ang mga nais mo.”
Hindi naman sumagot si Raciero.
Pumasok si Den sa bulwagan, at dumiretso sa kinauupuan ni Raciero. Bumulong ito sa kanyang panginoon na nagpakawala ng ngiti ni Raciero sa kanyang mukha.
Nanlalaki ang kanyang mga mata, at hindi makapaniwala sa dala dalang balita ng kanyang tauhan na si Den.
Madiin na hinawakan ni Raciero ang kanyang hawak hawak na baso.
Nagtataka naman si Kester sa mabilis na pagbabago ng emosyon ng kanyang ama.
“Anong problema, ama?” tanong ni Kester rito.
“Ang mga Valeeryan,” madiin na sabi ni Raciero sa kanyang anak. “May mga buhay pang mga Valeeryan! Sigurado ka ba Den sa nakita ng iyong espiya?”
“Sigurado ang espisya na ipinadala ko sa malalayang kalupaan ng mga tao,” sagot naman ni Den sa kanyang panginoon. “Nakita nila ng kanilang dalawang mata ang magkapatid na Valeeryan. Kapwa mga pula ang kanilang mga mata. Hindi sigurado ang espiya kung sino ang mga kaanib nila ngunit mukhang may mga trinatrabaho ang mga Valeeryan na mga ito. Masyado lamang mahigpit ang mga impormasyon sa kanila at kakaonti lamang ang mga lumalabas. Ngunit isa ang pinakasigurado namin, panginoon. Maglalakbay ang mga to pabalik sa kanilang kalupaan kasama ang kanilang mga hukbo.”
“HUKBO?!” sarkastikong napatawa si Raciero sa kanyang narinig. “Paanong mga Valeeryan ay magkakaroon ng sarili nilang mga hukbo? Maaring dugo bughaw sila ngunit wala na silang mga kapangyarihan! Sigurado ka ba na dalawa lamang sila?”
“Sigurado panginoon,” ani ni Den. “Ang usapan pa ng mga tao roon ay ang babaeng Valeeryan. May kasakasama itong halimaw na nagmula sa kabundukan na kanluran.
“Isang halimaw?” tanong ni Raciero. “Ang halimaw sa kanlurang kabundukan ay mga kwento lamang ng mga tao. Walang totoong halimaw na nabubuhay sa kasalukuyan! Isang kalokohan.”
“Ngunit nakita ito ng mga tao,” ani ni Den sa panginoon.
“Makikita natin,” ani ni Raciero. “Ihanda mo ang aking hukbo. Sasalubungin natin sila sa gitnang daan. Bago pa man sila makarating sa kanilang sirang kaharian ay tatambangan na natin sila. Ako mismo ang puputol ng ulo ng mga Valeeryan!”
“Magpapadala po ba ako ng sulat sa mga Carlsen, at kaharian upang humingi ng mga karagdagang kawal?” tanong ni Den kay Raciero.
“Hindi na,” ani ni Raciero. “Kayang kaya na silang gapiin ng aking pwersa. Magpadala ka ng sulat sa iyong espiya kung ano ang rutang dadaaanan ng mga Valeeryan ng sa ganoon ay makapaghanda tayo. Ihanda mo na rin ang aking mga kalasag! Pagkatapos ko sa mga Valeeryan ay isusunod ko na ang mga Aragon, at Chevor.”
Tumango naman si Den, at umalis na.
“Isasama mo ba ako, ama?” tanong ni Kester. “Nais ko ring makita ang mga nakaligtas na mga Valeeryan. Gusto ko rin makita ng aking mga mata kung ano ang halimaw na tinutukoy nila.”
“ Ano sa tingin mo? Isa kang disensyo lamang sa ating kastilyo?” tanong ni Raciero sa kanyang anak. “Sasamahan mo ako sa aking laban! Ikaw ang magiging isang kamay ko kaya ihanda mo ang iyong sarili pagka’t matapos igrupo ni Den an gating mga hukbo ay agad agad tayong maglalakbay!”
“Masusunod,” ani ni Kester na napahiya sa kanyang ama.
Si Adira naman ay nakayukong nakikinig sa usapan ng mag – ama.
At The Second Land: The Land of Kings
Third Person Point of View
Itinapon ni Mercier ang mga boteng nasa may istante.
Napatingin si Inari sa ginawa ng reyna habang sya ay nagpupunas ng sahig. Isa siyang alila ngayon sa kaharian. Si Mercier mismo ang kumuha sa kanya upang parusahan at pahirapan ang dalagita ng matindi.
“Ano ang tinitingin tingin mo?” tanong ni Mercier kay Inari.
Napayuko naman si Inari, at tumayo upang kuhanin ang walis sa gilid saka pandakot na kasama nito.
Sinimula niyang walisin ang mga bubog na nagkalat sa may sahig. Hindi niya nais lumaban sa mga ito pagka’t binilinan siya ng kanyang kapatid na si Emma na huwag gagawa ng kahit anong ikagagalit ng mga namumuno upang maiwasan ang kanyang kaparusahan.
Binilinan din siya ng kanyang hermana na magpakabuti, at umiwas sa gulo upang makaligtas ito sa mga panganib na nais kumagat sa kanya.
Agad din naman niyang natutunan ang kanyang dapat gawin bilang isang alipin. Naniniwala siya na darating ang araw at kukuhanin sila ng kanyang mga kapatid na sila Gregory, at Ermil pabalik ng kalupaan.
Sinenyasan naman ni Mercier ang kanyang tauhan na si Amaya. Lumapit si Amaya sa pinag iipunan ni Inari ng mga kalat saka ibinuhos muli ang laman ng maliit na sako sa may sahig.
Napatingin si Inari sa ginawa ng babae ngunit pilit niyang pinapakalma ang kanyang sarili upang huwag magalit. Kailangan niya ng mahabang pagpapasenya.
Muli niyang winalis ang mga ito saka muling dinakot at nilagay sa sako.
Lumapit naman si Mercier sa dalagita , at noong mapatingin ito sa kanya ay malakas niya itong sinampal.
“Ano at nabasag mo ang aking mga lalagyan ng alak?!” tanong ni Mercier sa dalagita.
“Ano ang ibig niyong sabihin, mahal na reyna?” tanong ni Inari. “Kayo ang bumasag ng mga bote kanina.”
“At talagang nagsisinungaling ka pa?!” inis na tanong ni Mercier. “Amaya! Sino ang bumasag ng mga boteng ito?”
“Ang dalagitang alipin, mahal na reyna,” sagot naman n Amaya na ikinagulat ni Inari.
“Sinungaling!” ani ni Inari.
“Igapos niyo ang batang aragon na ito! Kailangan niyang turuan ng leksyon!”
Itinali naman ni Amaya si Inari sa may higaan.
“Kuhanin mo ang aking pamalo,” ani ni Mercier sa kanyang tauhan.
Kinuha naman ni Amaya ang kahoy na pamatpat ni Mercier.
“Itaas mo ang damit ng alipin na ito!” utos ni Mercier.
Itinaas naman ni Amaya ang damit ni Inari.
“Tuturuan kita ng leksyon!” ani ni Mercier. “Ito ang nararapat sa mga pasaway, at mapagmalaking alipin!!!”
Malakas na hinataw ni Mercier ang likod ni Inari ng kanyang hawak na pamatpat. Napasigaw si Inari sa sakit noong dumapo ang kawayan sa kanyang likuran.
Ilang malalakas na hampas pa ang ibinigay ni Mercier sa dalagita. Maririnig ang malalakas na panahaw nito sa kanyang silid.
Naiinis siya sa kapatid nito na si Emma na balak paikutin ang ulo ng kanyang anak na si Gatley, at bilang kaparusahan sa pagtatas noo ng dalagang si Emma ay ang nakakabatang kapatid nito na si Inari ang dapat managot.
Hindi niya magalaw ngayon ang mga Aragon dahil sa ginawang iyon ni Emma ngunit umiisip na ito ng paraan upang mailayo ito sa kanyang mahal na anak. Kailangan niya lamang humanap ng magandang tiyempo upang mapagbintangan ang Emma Aragon na ito.
Maya maya pa ay malakas na bumukas ang pintuan ng silid ng reyna.
Napatingin sila roon. Bumungad sa kanila ang walang emosyon na mukha ni Emma Aragon.
“Lapastangan! Anong karapatan mong pumasok sa aking silid?!” nanggagalaiti na ani ni Mercier.
Napatingin si Emma sa likuran ni Inari. Namumula na ito , at may mga sugat na. Sinenyasan naman ni Emma ang kanyang tauhan na kuhanin si Inari sa pagkakagapos nito.
“Anong karapatan mong saktan ang aking kapatid?!” tanong ni Emma dito.
“Ano kamo?” tanong ni Mercier sa ginawang pagsagot ni Emma. “Lumalabas ka at ng kinakalagyan mo. Ako ang reyna sa kaharian na ito. Magbigay galang ka!”
“Mahal na reyna,” ani ni Emma. “Hindi ko nais na mapagod ka sa isang walang kwentang bagay. Hayaan mo na ako na ang magbigay parusa sa alipin na ito.”
Inutusan naman ni Emma na ilabas na si Inari sa silid na iyon.
“Aakuin ko na ang iyong responsibilidad upang hindi ka mahirapan masyado mahal na reyna,” makahulugang ani ni Emma dito. “Mauuna na ako.”
Tumalikod na si Emma ng hindi man lang hinihintay ang sagot ni Mercier.
“Ang lakas ng loob niyang gawin sa akin ito. Ipapatikim ko sa kanya kung sino ang kanyang kinalaban,” madiin na ani ni Mercier.