AT THE LAST LAND: THE LAND OF GODS
IT WAS ONCE AN ABANDONED KINGDOM
THIRD PERSON POINT OF VIEW
Bakas sa mukha ni Erebus ang kasiyahan habang pinagmamasdan ang kanilang kaharian na ginagawa na ngayon muli, at pinapaganda ng kanyang mga tao.
Mas maaliwalas na ito ngayon kaysa sa dati pagka’t puno na ng mga tao ang loob ng kaharian.
Ito ang nais niyang unang makita. Ang makitang nakatayo muli ang kaharian ng mga Valeeryan na minsang sinira, at inabandona ng digmaan.
“Panginoon,” tawag ni Augustus kay Erebus. “Mayroon kang bisita na dugong bughaw. Nagmula siya sa ika apat na kalupaan ng kayamanan.”
Napakunot naman ang noo ni Erebus habang siya ay nakaupo sa kanyang trono. Siya ang legal at dapat na kahalili ng kanyang ama ngunit hindi lamang siya naging pormal pagak’t naubos sila at kinailangan nilang magtago na magkapatid upang protektahan ang kanilang mga sarili.
“Sino ang kanyang mga kasama?” tanong ni Erebus.
“Isang dalaga, at isang mandirigma na sa tingin ko ay kapwa niya mga taga paglingkod,” ani ni Augustus. “Sila ay humihiling na makaharap ka upang kanilang makausap. Itataboy ko na ba sila?”
“Papasukin mo ngunit kumpiskahin mo ang kanilang mga dalang armas,” ani ni Erebus sa kanyang tauhan.
Tumango naman si Augustus saka lumabas ng bulwagan upang sunduin ang bisita ni Erebus. Sa pagbalik nito ay dala dala na niya ang tatlo.
Nagulat sila Addison noong makita ang binatang nakaupo sa kanyang trono. Tunay na isang Valeeryan ang kanilang kaharap.
Agad na natanaw ni Erebus ang mga luntiang mata ng binata kaya naman sinenyasan niya ang mga guwardiya niya.
Tinutukan ng sampung gwardya mandirigma sila Addison ng kanilang mga talim. Nagulat naman si Marcella at napahawak sa kamay ni Addison habang si Rey naman ay kunot ang noo. Wala siyang maipanlalaban pagak’t kinumpiska ng mandirigma kanina ang kanilang mga sandata.
Itinaas naman ni Addison ang kanyang mga kamay upang tanda na hindi sila lalaban.
“Huminahon kayo,” ani ni Addison. “Wala akong balak na makipaglaban.”
“Ano ang ginagawa ng isang traydor sa aking kaharian?” madiin na tanong ni Erebus. “Ang mga katulad mo ay hindi ko gustong tumapak maski sa aking kalupaan!”
“Panginoon! Ako ay hindi nagtungo dito upang magsimula ng gulo,” ani ni Addison. “Ako ay naparito upang lumuhod sa iyong harap, at pagsilbihan ka. Nais kong ikaw ay aking maging kaalyansa.”
“Wala akong mapapala sa isang tulad mo,” ani ni Erebus. “Nabalitaan ko na tuluyan ng napatalsik ang mga Octavin sa kanilang posisyon. Ano ang pakiramdam ng pinagtrayduran g sarili mong kasapi?!”
“Naiintindihan ko. Masyadong masakit,” ani ni Addison.
“At tanging mga baliw lamang ang magtitiwala sa iyo,” ani ni Erebus. “Matapos ang iyong ginawa ay umaasa ka na aampunin kita bilang aking kaalyansa? Hindi mangyayari iyon.”
“Alam ko ang nagawa ng aking angkan,” ani ni Addison. “Ngunit ang gawain nila ay walang kinalaman sa isang tulad ko. Panginoon, tanggapin mo ako at iaalay ko sa iyo ang aking buong buhay. Kalimutan natin ang mga nangyari sa nakaraan, at tayo ay magsimula muli.”
Lumuhod si Addison sa harap ni Erebus upang ipakita ang kanyang sensiridad.
“Isang kahibanga,” ani ni Erebus. “Wala ako sa harap mo ngayon kung nais ko na lamang kalimutan ang nakaraan. Kailanman ay hindi mawawala ang mga nangyari noon sa aking isipa, taksil. Ang lahat ng ito ay tandang tanda ko pa na parang kahapon lamang nangyari ang lahat!”
Pumasok naman si Shabiri sa may bulwagan at pinagmasdan ang mga bisita ng kanyang prinsipe. Nakaramdam siya ng enerhiya na kanyang hinahanap kaya naman siya ay umalis sa kanyang silid upang hanapin ito.
Isa sa tatlong nasa kanilang harapan ang may taglay ng taga pangalaga.
“Ano ang nangyayari rito, mahal na prinsipe?” tanong ni Shabiri.
Napatingin naman sila Addison sa babaylan. Lubha silang namangha noong makita ito. Ito na marahil ang sinasabi nilang Shabiri.
“Ang mga taksil na ito ay may kapal ng mukha upang harapin ako matapos ng mga katrayduran na kanilang ginawa sa aking pamilya!” mariin na sabi ni Erebus. “Nais niyang makipag alyansa ako sa kanila. Hindi mangyayari iyon kailanman!”
Lumapit naman si Shabiri kay Erebus.
“Isa sa mga ito ay taga pangalaga na aking hinahanap, mahal na prinsipe,” bulong ni Shabiri. “Inimumungkahi ko sa iyo na tanggapin sila pagka’t sa pagdating ng tamang oras ay mapapakinabangan natin ang kanilang lakas.”
Mas lalong kumunot ang noo ni Erebus sa sinabi ng babaylan. Mahirap sa kanya ang tanggapin na lamang ang mga ito ng basta basta. Lalo na at isa itong Octavin na mula sa mga traydor. Mga taong nagplano g kataksilan laban sa kanila labin limang taon na ang nakakalipas.
“Hindi ko mapagbibigyan ang iyong hiling,” ani ni Erebus sa babaylan.
“Kung ganoon ay hayaan mo na ako ang mangalaga sa kanila,” ani ni Shabiri. “Sa oras na sila ay magtaksil muli sa iyo ay ako mismo ang kikitil ng kanilang buhay. Sa oras na tanggapin mo sila ay babantayan ko sila bentekwatro oras. Mas mabutng na sa atin ang kanilang panig kaysa sa ating kalaban, mahal na prinsipe. Itinataya ko ang aking sarili para rito.”
Hindi na nais pakawalan pa ni Shabiri ang isa sa mga taga pangalaga ngayong ito na mismo ang humanap sa kanila..
Nag isip naman si Erebus ng mabuti dahil sa sinabi ni Shabiri. Ang isang babaylan ay puro, at hindi dapat madumihan ang mga kamay. Sa sinabi nito ay masasabi niyang seryoso ang babaylan sa kanyang hinihingi.
“Ano ang iyong ngalan?” tanong ni Erebus kay Addison.
“Addison, panginoon,” ani ni Addison dito. “Addison Octavin.”
“Ipinapangako mo ba na iaalay mo sa akin ang iyong buhay? Susundin mo lahat ng aking mga utos? Handa ka bang mamatay para sa akin?” tanong ni Erebus.
“Wala ng mawawala pa sa akin, panginoon,” ani ni Addison sa lalaki. “Galit ako sa iyong mga kalaban, at handa akong tulungan ka na maghiganti sa kanila. Kahit ang aking buhay ay iaalay ko habang nakikipaglaban sa tabi mo.”
“Sigurado ka?” tanong ni Erebus.
Napalunok naman si Addison pagka’t ang tingin ni Erebus ay nakapanghihina ng tuhod. Masyado itong makapangyarihan.
“Sigurado ako,” sagot ni Addison dito.
“Kung ganoon ay patunayan mo,” ani ni Erebus.
Napakunot naman ang noo ni Addison.
Sinenyasan ni Erebus si Augustus na ibigay ang espada niya kay Addison. Tumango naman si Augustus, at ibinagay kay Addison ang sandata.
Kinuha naman ni Addison ang sandata. Kinakabahan siya sa kung ano ang pwedeng mangyari ngayon lalo na at may kinalaman ang talim ng espada sa pagpapatunay na nais ng Valeeryan na nasa harap niya.
“Patunayan mo sa akin ang iyong katapatan gamit ang isang dugo,” ani ni Erebus. “Kitilan mo ng buhay ang babaeng nasa tabi mo. Kapag nagawa mo iyon ay tatangapin kita sa aking kalupaan.”
Lahat sila ay nagulat sa sinabi ni Erebus.
Nanlalaki ang mga mata ni Addison sa kanyang narinig. Isang mahabang katahimikan ang kanilang narinig.
Nanginig ang panga ni Marcella sa kanyang narinig.
“Hindi mo kaya?” pang hahamon ni Erebus.
Napalunok si Addison, at tumingin kay Marcella. Natatakot ang mga mata ni Marcella na napatingin sa kanya.
Itinaas ni Addison ang kanyang hawak na espada at itinapat sa leeg ni Marcella. Napailing iling siya upang ipasabi kay Addison na huwag niyang gagawin ito. Hindi nya pa nais mamatay.
Napaluha ang dalaga pagka’t medyo idiniin ni Addison ang talim sa leeg niya.
Mataimtim naman na nanonood si Erebus sa gagawin ni Addison.
Kunot ang noo ni Shabiri habang pinagmamasdan ang binatang dugong bughaw. Ito na ang marahil ang taga pangalaga na kanyang hinahanap.
Si Augustus naman ay nakangiti sa isang tabi. Nasisiyahan siyang pagmasdan ang mga ganitong senaryo. Nabubuhayan siya ng dugo pagka’t lumaki siya sa magulong mundo.
Para sa kanya ay isa itong kaaya ayang panoorin.
Malalim na huminga si Addison saka napapikit.
Inihanda na niya ang espada na hawak hawak upang putulin ang ulo ni Marcella.
Mabilis niya itong ikinumpas saka itinarak sa sahig. Napaluhod siya sa harapan ni Erebus.
Napahawak si Marcella sa kanyang leeg. Buhay pa siya. Hindi siya tinamaan ng espada na hawak ng binatang si Addison.
“Panginoon,” ani ni Addison. “Paano ko papatayin ang dalagang kumupkop sa akin noong ako ay naghihingalo na sa aking kamatayan? Siya ay aking kasama, at kaanib. Maituturing ko na siyang kaibigan. Makukuha ko ang iyong tiwala ngunit masisira ko ang tiwala niya sa akin. Hindi ba at isa pa rin itong kataksilan? Hindi ko kayang patayin ang inosenteng dalagang ito.”
Napataas naman ng kilay si Erebus sa naging desisyon ni Addison.
Pumunta sa harap si Rey saka lumuhod kay Erebus.
“Ako na lamang ang inyong ipapatay,” ani ni Rey. “Handa akong mamatay sa kamay ng kataas taasan. Ako na lamang ang patayin mo, kataas taasang Addison. Nararapat na maputol ang aking ulo sa harap ng kapamilya ng pinagtaksilan ko.
“Ako ang dapat na parusahan dito, panginoon. Ang binatang dugong bughaw ay walang kinalaman sa digmaan na naganap noon labin limang taon na ang nakakalipas. Siya ay isang bata na walang kamuwang muwang sa mga naging desisyon ng mga nakakatanda. Kaya ako ang iyong parusahan, panginoon. Tatanggapin ko ito ng buo.”
Malalim na huminga si Erebus habang nag – iisip.
Maging si Marcella ay lumuhod na rin sa harap ni Erebus.
“Tanggapin mo kami sa iyong silong, panginoon,” ani ni Marcella. “Parang awa mo na.”
Tumayo naman si Erebus sa kanyang upuan.
“Kung ganoon ay ihatid mo ang mga bago nating kasapi sa kanilang silid,” ani ni Erebus. “Ngunit binabalaan ko na kayo. Huwag niyong susubukan na pagtaksilan ako pagka’t ang inyong mga ulo ang magiging kapalit nito.”
Napangiti naman sila Addison sa kanilang narinig sa sinabi ni Erebus.
“Maraming salamat, panginoon!” masayang bati ni Addison, at nakangiting tumingin si Marcella.
Ngumiti pabalik ang dalaga sa kanya.