Matapos bihisan ng tuyong damit at matapalan ng herbal na gamot ang mga sugat at gasgas ni Benjamin ay maingat nilang ipinasok ang binata sa kwarto nila Mayumi at Lakan. Napagpasyahan namin na sa kwarto ko na lang muna matutulog si Mayumi habang si Lakan at Benjamin ang magiging magkasama sa isang kwarto. "Iha, pwede ba kitang makausap?" si Inang iyon na nasa bungad ng pintuan. Nakaupo ako malapit sa bintana habang nakapangalumbaba at nakatanaw sa labas. Papalubog na ang araw at kitang kita mula doon ang unti-unti nitong pagtatago sa makakapal na ulap at bundok. "Pasok po kayo, Inang. Ano po ang pag-uusapan natin?" pinilit kong ayusin ang sarili at ikubli ang lungkot na naghahari sa dibdib ko. Dumeretso naman siya sa tabi ko, hindi muna siya nagsalita pero ramdam ko na nakatingin siya

