CHAPTER 3

2177 Words
Marami ng tao sa sentro ng Pedrimont pagkarating namin doon ni Bree. Naghanap kami agad ng pwesto kung saan makikita at mapapanood namin ang selebrasyon. Maraming palamuti ang nakasabit sa bawat tindahan at bawat kanto ng Kapitol bilang paghahanda at pakikisama sa gaganapin ngayong hapon. Iba’t ibang kulay ng bandiritas ang nakasabit, mga kulay na nagsisimbolo sa labindalawang pamilyang maghaharap harap mamaya para sa pagpili ng bagong reyna. Pula, Asul, Berde, Lila, Tsokolate at marami pang iba. Ngunit nanginginabaw ang kulay ng kaharian, ang kulay puti. Pumunta kami ni Bree sa gilid na bahagi ng sentro kung saan may mga puno at tanaw ang dagat na nakapalibot sa kalahating parte ng Pedrimont. Dahil hapon na, mararamdaman ang malamig na simoy ng hangin na nanggagaling sa dagat. Ang mga batang naglalaro gamit ang kanilang mahika ay tumigil muna at pumunta sakanilang mga magulang upang hintayin ang magaganap. Ang mga maliliit na dragon na nagpapaikot ikot sa langit kahapon ay nakaabang na rin sa langit, tutok sila sa gaganapin na pangyayari gayon rin ang mga mamamayan. Mayroong stage sa harap ng palasyo kung saan manonood ang reyna at ang Deity Naruu. Ang mga rebulto ng dragon na nakapalibot at nagkalat sa sentrong bahagi ng Pedrimont ay napapaligiran ng mga bulaklak. Mga handog ng mga nagdadasal para sa bagong reyna o di kaya’y para sa sarili nilang mga kahilingan. Ang simbahan na medyo nakaangat din sa kanang parte ng siyudad at nakahiwalay sa mga tindahan. Malaki at gawa sa bato na may kulay pula at puti ang simbahan. May mga nakasabit ding bandiritas sa harapan nito bilang papugay sa Rite of Choosing. “Bree hanapin ko lang saglit si Hiro, may usapan kasi kaming sabay na manonood ngayon.” Tinig ko. “Osige, hintayin ko kayo ni Hiro dito. Dalian niyo at baka mamaya magsimula na Rite of Choosing.” Tumango ako at umalis sa pwesto namin. Dumiretso ako sa kanang bahagi kung saan nakapwesto ang mga tindahan, nagbabakasaling mahagilap ko si Hiro. At di nga ako nagkakamali, nakita ko siyang nakasandal sa isang poste malapit sa isang tindahan at palinga-linga, mukhang may hinihanap. “Hoy!!” Sabi ko at mukhang nagulat ko siya. Magugulatin ata tong kaibigan ko. “Ay sa ngalan ng dragon. Ano ba Khione pwede ka naman magpakita ng matino hindi yung nanggugulat ka jan” Mahaba at mabilis na wika ni Hiro na siyang tinawanan ko lang. “Halika may nahanap na kami ni Bree na pwesto doon.” Aya ko sakanya at nagsimula na kaming maglakad pabalik habang inililibot namin pareho ang aming paningin. Minsan lamang kami pumunta sa Kapitolyo at mukhang gumaganda pa ito sa mga susunod na taon. “Kanina pa kayo tapos?” Tanong ni Hiro habang nakatingin sa mga tao na naghahanap din ng pwesto. “Kakatapos lang din, pinayagan kami ni Madam Si na maglibot ngunit mas pinili naming manood nalang. Gusto kong masilayan ang mga susunod na reyna. Ikaw ba?” “Nakapaglibot libot nako sa mga tindahan dahil maaga naming natapos ni Papa ang pagdedeliver ng mga damit ni Aling Teba. May nakita ako roong isang makina ng bangka, balak ko ring gumawa ng sarili ko.” Kwento niya sakin. “Kapag may nagawa kang matino Hiro, ipagluluto kita ng paborito mong tsokolate cake.” Panguuto ko sakanya, dahil sa buong buhay na magkakilala kami tatlo palang ang nagagawa niya ng tama, ang makina para sa ilaw, sa refrigerator at sa paypay. Nakailang gawa na siya ng makina ng sasakyan at iba pa ngunit hindi talaga tumatagal o kaya nama’y hindi gumagana. “Sabi mo yan Ki a, wag kang paasa sinasabi ko sayo isusumpa kita sa Itim na dragon.” Tumawa ako sa sinabi niya, ang itim na dragon ang diyos ng mga malas at karma. Pagkarating namin sa pwesto ay sakto namang lumabas ang mga guwardiya sa palasyo hudyat na magsisimula na ang selebrasyon. Nakasuot sila ng ginto at puting uniporme at mayroong simbolo ng gintong dragon na may dyamante sa ulo nito sa may kanang dibdib nila, ang simbolo ng kaharian ng Auxthen. May mga musika na tumugtog na hula ko’y gamit ang mahika ng mga nobleborn o kaya ay middleclass. Nagsimulang pumasok ang mga matataas na tao sa kahariang ito at pumwesto sila sa kanang bahagi ng sentro kasama ang ilang guwardiya ng palasyo. Sumunod namang pumasok ang mga pamilya na kilalang kilala sa buong kaharian. Madalas na tinatawag sila bilang 12 Orders, ang labindalawang pamilya na siyang pinakamalakas sa lahat. Ang Kane, Dallarosa, Bressett, Feyrer, Doxon, Henris, Venester, Clyborne, Bieschel, Dulivo, Esewar at Graycot. Isang kulay ang nagrerepresinta sa isang apilyedo. Nakasuot sila sa kulay ng kanilang pamilya. Ang mga Kane ay kilala bilang pinakamalakas na Magnetrox sa buong kaharian ng Auxthen. Kaya nilang kontrolin ang mga metal sa paligid nila. Kulay pula at gray ang kulay ng pamilya nila. Stonewalds naman ang pamilyang Dallarosa at sila rin ang pinakamalakas sa mahikang ito. Lupa ang mahika nila at kulay tsokolate naman ang kulay ng kanilang apilyedo. Ang mga Bressett ang pinakamagaling na Naturalist sa buong kaharian. Kaya nilang magamot ang mga nagaagaw buhay na at may mga malulubhang sakit. Kulay kahel naman sakanila. Ang Feyrer at Doxon naman ay halos magkapantay sa lakas at galing. Ang mga Feyrer ay apoy ang kanilang nakokontrol, samantalang kidlat naman ang sa Doxon. Tinatawag na Burner ang kayang kumontrol sa apoy at Electron naman sa kidlat. Pula at Lila ang kulay ng dalawang pamilya. Hangin ang nakokontrol ng mga Windcasters at ang pamilyang Henris ang nangunguna sa lahat ng mga Windcasters. Kulay puti at berde ang kulay ng pamilya. Poisoners naman ang mga Venesters, at kulay itim na may halong lila ang sakanila. Clyborne ang pinakakilala at pinakamalakas na Mertron sa kaharian. Tubig ang nakokontrol nila na pinaniniwalaang kapangyarihan din ng mga dragon. Pagkatapos ng mga pangyayari noon ay hindi na kailaman nakita ang mga dragon na gumamit ng mahika. Asul ang kulay ng kanilang pamilya. Hardengrove ang tawag sa mga may kapangyarihang super strength at minsan ay kaya nilang gawing bato ang kanilang balat. Bieschel ang angat sa mahikang ito at kulay itim at puti naman ang sakanila. Sa Dulivo naman ay kulay puti at tsokolate, kaya nilang pasabugin ang kahit anong mahawakan nila at ang tawag sakanila ay Bomber. At ang Esewar at Graycot ang kukompleto sa labindalawang pamilyang ito. Kayang makipagusap at makapagshapeshift ang mga Animos kung saan ang pamilyang Esewar ang pinakamalakas. Halaman naman ang kayang kontrolin ng mga Graycot at tinatawag ang mga kayang kumontrol ng mahikang ito bilang Greenfield. Kulay berde sa pamilyang Graycot at puti at dilaw naman sa Esewar. Pumwesto ang mga pamilyang ito sa kaliwang bahagi malapit sa pwesto namin nila Hiro at Bree. Pagkatapos noon ay puro guwardiya ang sumunod na pumasok. Hudyat na papasok na ang reyna ng kaharian. Si Reyna Sabrina Clyborne, pinakamalakas na Mertron sa buong kaharian. Pumwesto ang mga guwardiya sa mga gilid at at harap ng stage upang protektahan ang reyna. Nagiba ang tunog ng musika, naging mas malakas ito at mas engrande. Nakalutang sa tubig ang Reyna Sabrina at nakangiti ito sa lahat. Nakasuot siya ng kulay puting gown na may mahabang buntot na nagmukhang serena. Mayroon ding mga dyamanteng kulay asul na nagkalat sa palda ng kanyang damit, nagmistulan itong ulan sa pagkakadisenyo. Naghihawan ang mga mamamayan at nagsipalakpakan. Pagkarating ng reyna sa stage ay siya namang pagdating ng puting dragon. Mula sa langit ay nagpaikot ikot pa ang dragon na ito tsaka pumunta sa likod ng Reyna Sabrina. Puti ang kulay ng kaliskis ng dragon na nagmistulang kumikinang sa sinag ng araw na para bang kakaahon niya lamang mula sa dagat. Ginto ang kanyang mata. Ang buhok niya’y puti na may halong ginto. Ang dragong ito ay ang pinakamatandang dragon sa Queendom of Auxthen, siya si Deity Naruu. Nakakamangha ang presensya ng mga malalakas na tao dito sa Pedrimont. Hindi ko maialis ang aking paningin kay Reyna Sabrina at kay Deity Naruu. Tumigil ang musika at biglang tumahimik ang buong paligid, naghihintay sa sasabihin ng Reyna. “Magandang araw mga mamamayaman ng Auxthen. Nandito tayong muli upang tunghayan ang tradisyon ng ating kaharian kung saan mamimili ang ating Deity Naruu ng bagong reyna para sa susunod na dalawamput limang taon.” Palakpakan at sigawan ang maririnig pagkatapos magsalita ng Reyna. Humakbang si Deity Naruu sa harap ng Reyna at inilibot ang kanyang paningin. Nagtama ang paningin namin ng tatlong segundo bago niya inilibot muli ang kanyang mata tsaka nagsalita. “Ang tradisyon na ito ang siyang naging daan upang patuloy na matalo ang mga Shadows na nagtatangkang sakupin ang ating lupain. Kada dalawamput limang taon ay pipili ang ating mga diyos ng karapat dapat sa pwesto bilang reyna sa labindalawang pamilyang pinakamalakas at pinakamagaling sa lahat.” Sabay tingin sa mga 12 Orders malapit sa pwesto namin. Nagsimula nanamang tumugtog ang nakakaengganyong musika kasabay nag pagpasok ng bagong mga guwardiya at ang mga Lady in Waiting na kabilang sa pamilya ng 12 Orders. Nakasuot sila ng mga gown na base sa kulay ng kanilang pamilya. Makikita sa mata nila ang determinasyon at kasihayan para sa araw na ito. Pumunta sa gitna ang labindalawang babae na nakahanay pahiga at paharap sa reyna at nagbigay galang. Umikot sila paharap sa mga mamamayaman upang magpasalamat at magpakita. Magaganda sila at matatapang ang itsura nila, hindi mo makikita na sila ay labinwalong taong gulang pa lamang. Pagkatapos kumaway sa mga mamamayan ay muli silang bumaling sa reyna upang hintayin ang susunod na parte ng selebrasyon. Tinignan ni Deity Naruu isa isa ang bawat Lady in Waiting na para bang hinuhukay ang kanilang kaluluwa. “Let us begin the Rite of Choosing.” Ani Deity Naruu kasabay ng paglipad pataas kasabay ng mga ibang dragon. Para silang sumasayaw sa himpapawid. Paikot ikot. Napakagandang tignan.  Maraming natuwa sa nakita at samu’t saring komplimento ang maririnig sa pagkamangha. Ang mga bata ay pumapalakpak pa habang tumatalon. Maya maya ay tumigil ang maliliit na dragon at nakapaikot, habang si Deity Naruu ay umikot ikot upang gawin ang mahiwagang bubble na siyang pipili sa susunod na reyna. Lumipad siya paibaba kasabay ng pagihip sa hangin at ang biglang paglitaw ng mahiwagang bula. Maraming suminghap sa pagkamangha at pagkalaon ay pumalpak. Humakbang ang Reyna Sabrina at tinabihan siya ni Deity Naruu upang simulan ang Rite of Choosing. Tumahimik ang lahat at hinintay ang mahiwagang bula sa pagpili ng bagong reyna. “Ang mapipili ng mahiwagang bula na ito ay may basbas ko at ng mga diyos sa bituwin. Ladies in Waiting, goodluck.” Wika ni Reyna Sabrina sabay pakawala ng mga bolang tubig sa himpapawid na nagmistulang mga tubig ulan, pagkatapos ay sumabog ito at naging nyebe. Napakaganda, lumamig lalo ang hangin dahil palubog na ang araw. Ang mahiwagang bula ay nagsimula ng maglakbay sa mga Ladies in Waiting. Paikot ikot ito sa kanila ng makailang beses at biglang pumanhik sa direksyon malapit sa kinatatayuan ko. Palapit ito ng palapit at nagulat ako ng bigla itong lumihis sa linya ng mga Ladies in Waiting at pumunta sa kinaroroonan ko. Anong nangyayari? Bakit nasa tapat ko ang simbolong ito? Inikot ko ang paningin ko sa aking paligid at makikita sa mukha ng lahat ang gulat at pagtataka. Hindi kailanman nagkamali ang Deity Naruu sa kanyang pagpili kung kaya’t maraming nagtataka dahil sa unang pagkakataon, sa isang mababang taong katulad ko tumapat ang mahiwagang bubble na siyang magiging daan sa kinabukasan ng kahariang ito. “What the hell is happening?” “This can’t be, she’s a commoner.” “Baka napadaan lang ang bubble hintayin natin umalis sa pwesto ng babaeng yan.” “Babagsak ang ating kaharian kung ang mababang babaeng iyan ang mapipili.” Sari-saring bulong ang maririnig dahil sa nangyari. Nagkakagulo na ang lahat. Ang mga guwardiya na nakadestino sa gilid ay unti-unti ng lumalapit sa mga mamamayan upang patahimikin ang mga ito. Pinihit ko ang aking paningin sa unahang bahagi at nahagip ng mata ko ang tingin ng mga Lady in Waiting, mga babaeng nagmula sa malalakas na pamilya. Labindalawang babae na pinalaki sa kaalamang balang araw sila’y mapipili bilang tagapagmana ng trono. Makikita sa tingin nila ang pagtataka, pagkamuhi at pagmamataas. Inalis ko ang tingin ko sakanila at tumingin sa reyna ng aming kaharian. Nakatingin ang reyna sakin na may kislap sa kanyang mga mata. Para bang natutuwa siya na sa akin nakahinto ang mahiwagang bubble. Tumingin ako kay Deity Naruu, naghihintay ng sasabihin sa kaguluhang ito. Tahimik siyang nakamasid sa mga mamamayan at tumagal ang tingin niya sa mga Lady in Waiting bago lumihis ang kanyang paningin sa akin. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa, at pabalik tsaka niya ako tinitigan ng matagal sa mata. Pagkatapos ng matinding pagtititigan na pakiramdam ko ay umabot ng ilang oras, ngumiti siya sa akin. Lumipad siya patungo sa gawi ko na siyang kinatahimik ng mga tao sa buong sentro ng siyudad. Lahat ay nakaabang sa susunod na sasabihin at gagawin ng dragon at halos walang humihinga sa amin. “Long live new queen of Auxthen.” Ang sabi ng dragon na siyang sinundan ng lahat.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD