Chapter 21 "Ma, ano ba," inaantok kong sabi. "Bakasyon ngayon. Hayaan mo ngang sulitin ko." Tinakpan ko ng unan ang mukha kaso hinila iyon ni Mama. Madilim pa nga iyong labas ng bintana, ba't niya ako ginigising sa ganitong oras? Unang araw ng bakasyon kaya naman kailangan kong sulitin ito. Hindi naging madali ang kolehiyo. Ilang beses nga akong napapaiyak sa mga bagsak kong quiz. Hindi talaga 'to pwede. "Gumising ka na kasi. May naghahanap sa 'yo sa baba." Inis kong kinamot ang ulo at napaupo, nakapikit pa ang isang mata. "Ma, naman. Sinong naghahanap sa 'kin ngayon?" Tumingin ako sa orasan sa may bedside table. "Alas tres pa, o!" Humagikhik si Mama. "Nandito ang kaibigan mo." "Ba't naman nila ako hinahanap? Nakakainis!" sabay kuha ko ng salamin para makita si Mama nang malinaw.

