“HINDI ko alam kung paano mo nahanap si Dencio pero maraming salamat sa tulong mo, Six. Matagal ko na siyang hinahanap para kunin sa grupo dahil parang bunsong kapatid na ang turing ko sa kanya,” masayang sabi ni Gibson nang magkasalubong sila ni Six sa hallway. Galing siya sa bakanteng silid na pinagpahingahan ng bisita. “Tulog na ba siya?” tanong ni Six at saka naglakad tungo sa sala. “Oo. May mga pasa siya at sugat. Hindi naman masyadong malalalim ang mga iyon pero alam kong masakit.” Naghiwalay silang dalawa ng daan dahil papunta siya ng kusina upang ipagtimpla ang lalaki ng kape. “Si Shanaia ba, nakauwi na?” tanong pa ng lalaki nang makaupo sa isang mahabang sofa. Kinuha nito ang remote at binuksan ang telebisyon. “Oo. Kauuwi niya lang. Sakto naman na naroon na rin si Brandon

