“GIRL, ang sabi ko, kung pwede mo akong samahan sa plaza tonight.”
“H–huh?”
“What’s happening to you? Dati ka namang hindi ganyan ah. Namatanda ka ba sa probinsiya n’yo?”
Hindi siya nakakibo sa sinabi ni Chela. Kung si Karina ang matalik niyang kaibigan sa probinsiya, si Chela naman ang tangi niyang kasa–kasama sa Maynila buhat sa Una hanggang sa Ikatlong taon niya sa Sekondarya. Ngayon nga’y magkaklase muli sila nito at parehong kumukuha ng kursong Accountancy.
Hindi niya alam kung ano ang nakain nito at nakikipagkaibigan sa kanya samantalang ang mga dati nitong kasama ay gaya nitong galing sa mataas na antas ng sosyedad at sa pakiramdam niya ay hindi niya kauri. Ang sabi nito ay hindi daw siya plastic at iyon daw ang pangunahing dahilan nito sa pakikipaglapit sa kanya. Ayaw diumano nito sa mga kaibigang panlabas lamang.
Nang umuwi siya sa probinsiya at doon tinapos ang huling taon sa Sekondarya ay parati pa rin niya itong kausap. Lagi siya nitong tinatawagan upang kamustahin hindi man i-text. Nanatili ang kanilang pagkakaibigan sa kabila ng maraming bagay na ipinagkaiba nilang dalawa.
“Sorry, Chela. Marami pa kasi akong gagawin bukas kaya ayoko sanang mapuyat ngayon.”
Alibi lang niya iyon. Ang totoo ay hindi na niya alam ang bagay na unang iisipin. Nitong huling araw ay wala nang ibang umookupa sa isipan niya kung hindi ang anyo ni Nathaniel. Tila abot tanaw lang niya ito, kaytikas na nakasakay sa kabayo at nakangiti sa kanya. Ramdam niya, ito nga ang lalaki sa panaginip niya noon pa.
Nang bumalik noon buhat sa pagkuha ng exam ay mahigpit na siyang binantayan ng buong pamilya. Lagi rin siyang sinusundo ng ama sa pagpasok sa paaralan at idinadaan naman ni Mang Cesar kasama si Karina sa pag–uwi sa araw-araw. Nang magtapos naman ang klase ay agad siyang pinaluwas ng Maynila ng mga magulang. Sa Maynila na niya ginugol ang bakasyon hanggang sa magbukas na ngang muli ang klase.
“Girl, hindi tayo magtatagal, I promise you. I just need to buy something for Ma’am Rubio.”
Napaismid siya rito.
“Oo na, Maris. Alam ko na ang iniisip mo. At tama ang laman ng isip mo ngayon; magsisipsip nga ako.”
Natawa siya.
“Oo na. Eh ano ang magagawa ko kung hindi ako kagaya mo na ipinanganak nang kabisado ang lahat ng bansa sa mundo maging ang mga kapital nito gayundin ang mga constelations sa langit na hindi ko naman makita kahit isa.”
“Hey, wala akong sinasabing ganyan, Chela. Kaya lang, baka masamain ni Prof Rubio ang gagawin mo. ”
“Yeah, yeah, I know! Guilty nga ako siguro.” At sabay silang nagkatawanan ng kaibigan.
“Ano? Sasamahan mo na ba ako?”
“Eh kailan ba naman ako nakatanggi sa’yo?”
Napangiti ito nang ubod tamis sa kanya.
SA pinakamalaking mall sila humantong ni Chela. Mula sa cab na sinakyan ay tinawid nilang magkahawak–kamay ang kalsada patungo sa entrance ng shopping mall. Sa hindi kalayuan ay may mga mesang may mangilan–ngilang nakaupo na sa tingin niya ay customer ng coffee shop. Akmang tatalikod na siya nang mahagip ng kanyang paningin ang isang nilalang na hinding–hindi niya malilimutan.
Tumayo ang lalaki at mabilis na tumalikod papalayo sa lugar kaya madali siyang bumitiw sa kasama upang habulin ito. Tatlong beses niya itong tinawag pero hindi ito lumingon man lamang.
“Maris! Sino ba ‘yung hinahabol mo?”
“Si Nathaniel, Chela. Si Nathaniel ‘yun!” Akma pa niya itong hahabulin nang mawala ito sa kanyang paningin.
“Sinong Nathaniel?”
Hindi niya nasagot ang tanong nito. Alam naman niyang hindi kapani–paniwala ang isasagot niya kaya nanahimik na lamang siya. Iiling–iling na hinatak na siya nito papasok sa mall.
MADALI niyang napagdesisyunang umuwi ng probinsiya matapos ang araw na makita ang lalaki. Buo sa paniniwalang si Nathaniel ang kanyang nakita at ibig niyang malaman sa mag–asawang katiwala ng bahay kung ano ang ginagawa nito sa Maynila. Hindi na lamang siya magpapakita sa mga magulang para wala na lang g**o. Malayo naman ang bahay sa gulod sa kanilang baryo. Tiyak na hindi na malalaman ng mga ito na umuwi siya.
Madilim–dilim pa ay bumiyahe na siya. Tiyak na hapon na ang magiging dating niya sa Ilaya at hindi siya dapat mag–aksaya ng panahon. Halos papalubog na ang araw nang marating niya ang bahay. Nagtagal siya sa biyahe dahil dalawang beses na nasiraan ang pampasaherong dyip na naghatid sa kanila sa pantalan. Mula doon ay halos dalawang oras din at sumakay pa siya ng padyak upang marating ang Ilaya.
Hindi pa niya binubuksan ang gate na bakal ng mansiyon ay kusa na iyong bumukas para sa kanya. Napangiti siya. Wala pa ring pagbabago ang pagiging listo ng mag–asawang katiwala. Mabilis niyang tinalunton ang daan patungo sa matayog na mansiyon nang marinig ang huni ng kabayo sa gawing tagiliran ng bahay. Sa halip na pumasok ay doon siya nagtuloy.
Nang marating ang kuwadra ay nakita niyang naroon at nagpapakain ng mga kabayo si Mang Kanor. Nakangiti ito sa kanya at kumakaway tangan ang sambalilo nito.
“Kumusta po, Mang Kanor?”
“Mabuti naman, hija. Nasa loob si Bising. Halika at tumuloy ka sa kusina.”
Sumunod siya sa matanda at gamit ang back door ay tinalunton nila ang kusina kung saan naroon at naghahanda ng pagkain ang matandang babae. Nang makita siya nito ay agad na yumakap sa kanya ang matanda. Mangilid–ngilid ang luha nito nang pagmasdan siya.
“Kumusta ka na, anak?”
“Maayos naman po ako, Manang. Kayo, kumusta dito?”
Hindi siya sinagot ng matanda at sa halip ay ipinunas ang mga kamay nito sa gawing likuran ng damit saka dinukot ang bulsa sa harap ng suot nitong apron. Doon ay inilabas nito ang isang nakatuping papel na kulay dilaw. Inabot nito ang kanyang kamay saka inilagay iyon.
“Ano po ito?”
“Alam ko kung bakit ka narito. Hayan ang hinahanap mo.”
Binuklat niya ang papel at doon ay nakita niya ang isang sulat kamay na liham. Binasa niya iyon at namalisbis ang kanyang luha nang maunawaan iyon.
“Manang, sulat ito ni Nathaniel.”
“Tama ka. Panghawakan mo ang sulat na iyan dahil ‘yan ang magbubuklod sa inyong dalawa sa tamang panahon.”
Napakurap–kurap siya sa pagpipilit na unawain ang sinabi ng katiwala. “Manang, nakita ko siya kahapon.” Ngumiti si Manang Bising sabay lingon sa asawang nasa gilid ng kusina.
“Malapit na ang tamang panahon, Maris. Huwag mo sanang kalilimutan ang mga tagubilin ni Nathaniel sa kanyang liham.”
Ngumiti siya sa mag–asawa na ang liham ay nakadaiti sa kanyang dibdib.