ANO ang ibig sabihin ni Nathaniel sa mga sinabi nito sa liham? Isang malaking pagtataka sa kanya ang tagubilin nitong huwag niya itong ipagtitiwala kahit kanino.
Ayon dito ay magkikita sila sa tamang panahon. Iyon din ang paulit–ulit na naririnig niya sa mag–asawang katiwala. Unti–unti na siyang naguguluhan sa sinasabi ng mga ito.
Nang tuluyang makalabas ng Villa Helena ay nakasalubong niya ang ilang matatandang kababaihan na naglalakad. Hindi nakaligtas sa kanyang pandinig ang laman ng usapan ng mga ito.
“Aba’y ano ang ginagawa ng batang ‘yun sa villa?”
“Oo nga. Susmaryosep! Kung hindi ako nagkakamali ay taga Sitio Lucia iyan!”
“Naku, oo nga,” wika naman ng isa. “Madalas kong nakikita ‘yan kasama ng inaanak ni Sabel eh. Totoo nga kaya ang kuwentong namatanda iyan sa mahiwagang bahay na ‘yan?”
“Naku eh kung totoo man ay sayang ang batang ‘yan! Kayganda pa naman hane! Sayang at nagustuhan ng maligno ng villa!”
Madali siyang tumakbo palayo sa lugar na iyon. Hindi dapat makarating sa kanyang mga magulang ang balitang umuwi siya at nagtuloy sa villa. Baka pati pag–aaral niya ay hindi na niya matapos pa ‘pag naisipan ng mga magulang na tuluyan siyang ikulong sa kanilang tahanan. Isa pa’y hindi kaya ng loob niyang marinig ang mga sinasabi ng mga tao sa paligid niya. Para sa kanya ay wala siyang dapat ipaliwanang sa kahit sino at patuloy siyang magmamahal kay Nathaniel.
‘Hay Nathaniel! Kailan mo ba patutunayan sa mga tao ang nadarama natin para sa isa’t - isa?’
“SORRY Chela pero hindi talaga kita masasamahan ngayon. Alam mo namang kailangan kong i-maintain ang scholarship ko.”
Inaaya siyang muli ng kaibigan na sumama sa isang party na madalas samahan nito pero wala na iyon sa mga plano niya. Nang nagdaang buwan ay dalawang beses na siyang naisama sa mga ganitong lakad ni Chela pero lagi na ay hindi siya nag-e–enjoy, bukod pa sa napipilitan pa siyang uminom ng alak bilang pakikisama.
“Maris, you don’t need to worry. Sa’yo na ang scholarship na ‘yan hanggang makatapos ka, ano ka ba!”
“Hindi ko alam, Che. Hindi ako maaaring pakasiguro.”
Hindi naman gaya ng kaibigang si Karina ay kailangan pa niyang mag–aral nang mabuti upang manatili ang libreng pag–aaral sa isang prestihiyosong paaralang pangkolehiyo. Ang kababata kasi ay mapalad na napabilang sa scholarship program na isang proyekto ng Ninong David nito.
Napakasuwerte ng kaibigan sa pagkakaroon ng pangalawang magulang sa katauhan ng mag–asawa. Si Mr. David Thompson ay isang Amerikanong napadpad sa kanilang baryo sa paghahanap ng isang perpektong lugar para sa painting hobby nito. Nang makita nito ang Ninang Isabel ni Karina ay naisipan na nitong manatili sa bansa at dito ipagpatuloy ang hilig nito sa pagpipinta.
Kuwento pa ng Inang nito, nang isilang diumano ni Mrs. Thompson ang nag–iisang anak ng mga ito na si Kyle, labis na kasiyahan ang naramdaman ng banyaga at hindi na nito binalak man lamang na magbalik sa lupang pinagmulan nito. Subalit dahil na rin sa sakit sa puso ng babae, hindi na muli pang nagkaanak ang mag-asawa kaya naman gayon na lamang ang labis na pagmamahal na inuukol ng mga ito kay Karina. Matalik kasing magkaibigan si Isabel at Nena na siyang ina nito.
“Alam ko naman kung bakit ayaw mong sumama sa’kin, friend. Bakit ba kasi ayaw mo pang aminin na may gusto ka rin kay Jerome?”
Napailing siya sa sinabi ng kaibigan. Si Jerome ay isa sa mga kabarkada nito na sa tuwina ay nakasunod sa kanya. Hindi niya gusto ang lalaki pero aminado siyang may magneto ang mga mata nitong lagi nang nakatuon sa kanya. Gayunpaman ay hindi niya ito pansin dahil sa isip at puso niya ay si Nathaniel lang ang naroon.
“Naku tigilan mo ako, Che. Wala akong pagtingin sa kanya. Hindi na ako malayang tumingin pa sa iba…”
“Dahil ba kay Nathaniel?”
“Dahil kay Nathaniel.”
“My God, you’re unbelievable! Can you have this man in flesh? Ikaw na rin ang nagsabi na hindi mo alam kung kailan ba talaga kayo magkikita ng lalaking iyon.”
Sasagot pa sana siya nang makitang papalapit si Ramir. Kaklase nila ito sa isang Science subject at manliligaw rin niya.
“Hi, girls!” bati nito.
Tumango lamang siya at kunwa ay abala sa pagbuklat ng kanyang librong hawak. Nang tumabi ito sa kanya sa bench ay bahagya siyang nailang. Nakaupo kasi ito sa roon na tila sakay ng motor at nakaharap sa kanya.
“Maris, can I invite you out?” walang gatol na sabi nito. Pinong kurot naman sa tagiliran ang ibinigay ni Chela sa kanya.
“Pasensiya ka na, Ramir pero hindi ako puwede eh. Mag–aaral pa sana ako sa isang subject natin tomorrow.”
“Ganoon ba? Eh di sasamahan na lang kita dito.”
Napapikit siya sa kakulitan ng lalaki. Paano siyang mag–aaral kung alam niyang nakatitig lang ito sa lahat ng ginagawa niya? Itiniklop niya ang librong hawak matapos ang ilang sandali at tumayo bitbit ang bag. Napasunod naman si Ramir na nagtataka.
“Sasama ako sa’yo ngayon pero huli na ito ha. Please Ramir, you have to understand…”
Kibit–balikat ang itinugon nito sa kanya pero kahit paano ay nakangiti naman. Nang sumenyas si Chela na lilihis ng daan ay tinanguan na lamang niya ito.
SA ISANG coffee shop siya dinala ni Ramir. Hindi siya mahilig sa kape at kung anu-ano pang kinuha nito pero dahil umaasa siyang huli na iyon, hindi na siya nagreklamo pa. Sa buong durasyon ng pag–uusap nila ng lalaki ay batong–bato siya. Bakit ganoon? Guwapo rin naman ito pero talagang wala siyang madama para sa lalaki.
Akma niyang aabutin ang bag nang matabig ang bread knife na nasa gawing kanan niya. Yumuko siya upang kunin iyon. Hindi pa natatagalan ay may malakas na putok siyang narinig na mula sa kung saan. Awtomatiko siyang sumuot sa ilalim ng mesa at litong–litong nagkubli doon. Ilang sandali pa ay napasigaw siya nang malakas nang bumagsak sa lapag ang katawan ni Ramir, duguan ito at tila wala nang buhay habang ang mga mata ay dilat na nakatingin pa sa kanya. Hindik na hindik siya sa nasaksihan.