LABIS–LABIS ang takot na bumabalot kay Maris mula pa kaninang ipinatawag siya ng mga pulis upang bigyang ng linaw ang naganap na krimen. Ano ba ang masasabi niya samantalang maayos lang silang nag–uusap nito nang maganap ang lahat? Hindi man lang nga siya agad nakakilos sa labis na takot kaya ibang tao pa ang sumaklolo dito. Wala siyang ibang ginawa kung hindi ang magsisigaw.
Nang makausap niya ang mga magulang ni Ramir ay hindi siya makapaniwala sa nararamdaman na tila galit ng mga ito sa kanya. Wala siyang kinalaman sa mga nangyari. Marahil ay may mga kaaway si Ramir na siyang nagplanong patayin ito. Kung hindi kaya siya yumuko, posibleng nadamay siya sa karahasang nangyari?
Muli siyang naiyak sa labis na takot at kalituhan nang makita ang isang matandang lalaking papalayo sa karamihan ng tao. Sa tindig nito at pananamit, sigurado siyang kilala niya ang lalaki. Hindi siya makapaniwala–si Mang Kanor!
HINDI pa man nakakalimot si Maris sa nangyaring trahedya kay Ramir ay may nangyari na namang panibagong krimen makalipas ang dalawang buwan. Isa pang manliligaw niya ang nadisgrasya habang kasama siya nito—si Jerome. Nahulog naman ito sa ikalimang palapag ng gusali at napinsala nang husto ang mga binti nito.
Mula noon ay hindi na siya tinantanan ng mga malas na pangyayari sa buhay niya. Halos ay wala nang lumalapit sa kanyang lalaki upang manligaw dahil sa takot na mapahamak ang mga ito.
Maging siya ay labis na nagtataka dahil sa tuwing magaganap ang disgrasya ay naroon siya at nasasaksihan ang lahat.
Nang mahulog mula sa ikalimang palapag ng isang establisemyento si Jerome ay naroon rin siya at kasama nitong nakatunghay sa nagtatayugang gusali ng Makati. Nabigla na lamang siya nang biglang marinig ang malakas na tila pagbagsak ng kung anong bagay sa semento. Gimbal na gimbal siya sa mga pangyayari dahil halos ay ilang segundo lang nang mula sa kanan ay lumipat si Jerome sa puwesto niya. Dahil naiilang ay gumawi siya sa kaliwang bahagi ng terasa at nang sumandig ito sa gilid ng poste ay biglang bumigay iyon.
Sa tuwina ay naitatanong niya sa sarili kung bakit nangyayari ang lahat ng iyon. Ano ba mayroon siya at ang lahat ng lalaking napapalapit sa kanya ay napapahamak? At sa tuwina ay nakikita rin niya ang imahe ng matandang katiwala sa villa? May mensahe ba itong ibig ipaabot sa kanya?
LUMIPAS ang mga araw at naging linggo, ang linggo ay naging buwan at wala pa rin kahit anino ni Nathaniel. Sa loob ng panahong iyon, hindi kahit kailan naalis sa kanyang isipan ang binata. Hanggang sa mga sandaling iyon ay tinatanaw pa rin niya ang bisa ng kapirasong sulat na iniwan sa kanya ng lalaki.
Hawak niya ang sulat na galing kay Nathaniel at paulit–ulit iyong binabasa. Samu’t–saring isipin ang gumugulo sa kanya pero wala siyang maisagot sa mga katanungang umaahon sa kanyang isipan. Paulit–ulit na umuukilkil sa kanyang isip ang mga huling kataga ng liham nitong tumatagos hanggang sa kaibuturan ng puso niya…
“Huwag mo akong ipagtitiwala sa iba, Amore, huwag mo akong iiwan kahit ano ang mangyari…”
Ano ang ibig sabihin ni Nathaniel sa huling mensahe nito? Nasa panganib kung gayon ang buhay ng lalaki! Sa naisip ay hindi agad siya nakatulog ng gabing iyon. Matinding pag–aalala ang nadarama niya.
“NATHANIEL, nasaan ka…?” Lakad–takbo ang kanyang ginawa upang maabutan si Nathaniel. “Tama na! Nathaniel, parang awa mo na! Huwag kang lumayo!”
Nang lumingon ang lalaki ay mabilis niya itong inabot ng yakap. Hindi niya mapaniwalaang magagawa siya nitong iwan.
“Natatakot ako para sa’yo, Amore. Hindi ka nararapat pumarito!”
“Hindi kita maintindihan…!” Ang luha ay mabilis na namalisbis sa kanyang mga pisngi.
“Mahal kita at hindi ko ibig na malagay ang iyong buhay sa peligro. Hindi ka maaring sumama sa pupuntahan ko dahil hindi ka pa nababagay roon!” Ang pagsusumamo sa anyo ni Nathaniel ay labis na bumabagabag sa kanya. Nang tumalikod ay tila ito nalambungan ng kung anong usok na napakaliwanag at napapikit siya sanhi noon.
“MARIS, Maris, gising! Ano ba ang nangyayari sa’yo, anak?”
Nang mahimasmasan ay saka lamang niya naunawaang panaginip lang ang lahat. Matagal na ring hindi siya dinadalaw ni Nathaniel sa panaginip kaya nanibago siya.
“Tiya, huwag na po sanang makakarating kina Inay at Itay ang nasaksihan ninyo. Karaniwan na po itong nangyayari sa akin noon nasa probinsiya pa ako pero wala pong ano man ito.”
“Sigurado ka ba? Baka kung ano na ‘yan?”
“Hindi po, Tiya. Kung nakakatakot naman po ay mag–aalala rin ako at hihingin ang tulong ninyo.” Sinamahan pa niya ng ngiti ang sinabi upang mapaniwala niya ang tiyahin.
“O siya, sige. Sinabi mo eh di sige, naniniwala ako.” Tumayo na ang matanda at lumapit sa pintuan subalit muli itong lumingon sa kanya na tila may naalala.
“Sino nga pala si Nathaniel?”
Saglit siyang nag–isip saka nakangiting tumayo at disimuladong itinaboy ito palabas.
“Sige po Tiya, maliligo na po ako. Mahuhuli na po ako sa klase.”
Nang tuluyang lumabas ng silid ang tiyahin ay saka lamang siya nakahinga nang maluwag.