Chapter 11

923 Words
GINAWA niya ang pinakamabilis na pagtakbo na kayang niyang gawin. Hindi maaaring muling mawala sa kanyang paningin si Mang Kanor. Wala siyang pakialam kung pagtinginan man ng kahit sino sa loob ng mall na iyon. Isipin ng baliw siya pero kailangang abutan niya ang matanda. Nakita niyang lumabas ito sa gusali pero sige pa rin siya sa paghabol dito. Sa tingin niya ay hindi naman ito tumatakbo kaya nakapagtatakang hindi niya ito maabutan. Tumawid ito ng kalsada at nakasunod pa rin siya. Hindi alintana ang paligid, mabilis niyang tinalunton ang isang gusaling pinasok nito. Napatda siya nang sa pagliko sa isang pasilyo ay makitang nakatayo ito nang patalikod sa kanya. At nang humakbang ang mga paa nitong papasok ay lalo na siyang kinabahan. Nang marating niya ang silid ay nahagip pa ng kanyang paningin ang pagtalikod nito. Sa isang iglap ay nawala itong bigla. Nagpalinga-linga siya pero wala talaga si Mang Kanor. Nang mapagmasdan ang paligid ay kinabahan siya. Ospital ba ang napasok niya? Wala marahil siya sa sarili at ngayon lang niya natapunan ng pansin ang pagsasalimbayan ng mga taong palabas at papasok ng iba’t–ibang silid. May naririnig siyang umiiyak, may nagsisigawan na tila nakalulunos at may mga ingit ng stretchers at wheelchairs na nakangingilo sa kanyang pandinig. Aroma ng kape ang bumungad sa kanya paghakbang papasok. Nang ipinid niya ang pinto ng silid ay wala namang isa mang tao sa loob niyon liban sa isang nilalang na nakukumutan ng puting tela at nakahiga sa hospital bed. Nakapagtataka. Nasaan si Mang Kanor? Narito lang ang matanda kanina. Saan na ito nakarating? Biglang kumirot ang sintido niya. Nang matiyak na wala ito roon ay humakbang na siyang pabalik upang makalabas ng silid nang marinig ang mahinang ungol na buhat sa pasyenteng nakahimlay sa kama. Muli siyang napalingon at walang pagdadalawang–isip na nilapitan niya ito. Baka may kailangan ang pasyente at may maitulong siya. Ang buong katawan nito ay nakabenda ng puti. Tanging ang mga mata at bibig lamang ang makikita sa mukha nito pero sa matipunong pangangatawang taglay ng estranghero, batid niyang isa itong lalaki. “M–may maitutulong po ba ako sa inyo?” lakas–loob niyang tanong dito. Unti–unting gumalaw ang pasyente. Sumenyas ito na tila umiinom ng tubig sa baso. “Ah, tubig! Sandali po at ikukuha ko kayo.” Mabilis niyang tinungo ang kinalalagyan ng pitsel ng tubig sa isang mesitang nasa tabi nito pero napangiwi siya nang mapagmasdan iyon. Halos ay namumula na ang pitsel na kinalalagyan ng tubig at ang laman naman noon ay tila may mga insekto pa. Bigla siyang nahabag sa pasyente. Nasaan ba ang pamilya nito at pinabayaan na lang ito nang ganoon? Saglit siyang lumabas ng silid at hinanap ang pharmacy upang bumili ng isang bote ng mineral water. Nanghiram din siya ng isang plastik na baso sa nakasalubong na babaeng nagrarasyon ng pagkain. Nang magbalik ay madali niyang dinulutan ng tubig ang pasyente. May pagmamadali din sa kilos nito pero nang makailang lagok na ay bigla itong napaubo at walang anu–anong tinabig ang kanyang braso na naging sanhi ng pagkatapon ng tubig sa sahig. Nagsalita ito ng mga bagay na hindi niya naiintindihan. Pero sa kanyang pandinig, tila pamilyar ang boses nito at maging ang paraan nito ng pagbigkas ng bawat salita. Tila ito Italyanong naligaw sa bansa sa tinig nito. “What do you want, Sir? Do you need anything? How may I help you?” Kinakabahan man ay tanong niya. “Uscire della mia stanza!” “English, please! Speak in English, Sir!” “Adesso!” Muling sigaw nito na tinuturo pa ang pinto sa kanya. Alam niyang pinalalabas siya nito pero kung bakit tila may nag–uutos sa kanyang hindi niya maaaring sundin iyon. “Sir, I only wanted to help.” “Avete sentito?” “I’ll go out of this room if you’ll drink at least a glass of water.” Nang hindi na ito kumibo ay nilapitan niya ito saka muling binigyan ng tubig na buhat mismo sa mineral bottle na binili niya. Ilang sandali rin bago nito ibinukas ang bibig upang tanggapin ang tubig. Pero nang matapos iyon ay tila nakahinga naman ito nang maluwag. Inalalayan naman niya ang nanginginig na katawan nito hanggang sa tuluyan nitong maiayos ang sarili sa pagkakahiga. Hindi na niya hinintay na muli itong magalit. Nang ipikit nito ang mga mata ay kumilos na siya palabas ng silid. Hustong naipinid na niya ang pinto nang marinig ang boses ng isang nurse na nasa likod niya. “Kamag–anak ka ba ni sleeping hero?” “Huh?” “Nakapagtataka kasi na matapos ang ilang taon ay heto at may dumadalaw sa kanya.” Bahagya siyang nagtaka sa tinuran nito. “Ano po ang ibig niyong sabihin?” “Ang ibig kong sabihin, mabuti naman at makalipas ang dalawang taon ay may nakaisip na dumalaw kay Athan. Aba eh wala namang nagpupuntang ibang tao rito liban sa isang lalaking napakadalang namang magpakita at kung lumitaw man dito ay halos sa accounting lang dumidiretso.” Napaisip siya. Ibig sabihin ba ay walang kamag–anak ang lalaking pasyente? Tila may isang pagkalaki–laking kamay ang pumiga sa puso niya. Hindi rin niya lubos na maintindihan ang sarili pero nang titigan niya kanina ang mga mata ng lalaki, tila may pumitik sa dibdib niya. Kasunod niyon ay sumalit sa balintataw niya si Nathaniel. Napailing na lang siya at lihim na napamasid sa nurse na tuluyan nang pumasok sa silid. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD