"ANG sabi ng mga nurse dito ay may pag-asa kang gumaling pero may pakiramdam silang ayaw mong mangyari iyon. May pera ka naman daw kaya magagawa mong magpagamot sa kahit saang mamahaling ospital dito man o sa labas ng bansa. Pero bakit ayaw mo?" Para siyang hibang na kumakausap sa hangin habang nakatanghod sa harap ni Athan.
Nang sumunod na araw ng pagdalaw niya ay hindi niya natiis na hindi balikan sa nurse station si Miss Fatima upang alamin dito ang tungkol sa lalaki. Wala siyang inilihim dito. Inamin niya ang katotohanang hindi niya totoong kilala ang pasyente pero ibig niyang makatulong rito. Pinayuhan pa nga siya nitong kung may magtatanong ay sabihin na lamang na isa siyang malayong kamag–anak upang walang maging problema sa pagbisi–bisita niya.
Ayon kay Fatima ay ito ang nakatalagang magbantay kay Athan Gonzales. Diumano ay dinala doon ang binata dalawang taon na ang nakararaan na sunog na sunog ang buong katawan at halos ay wala nang buhay. Isang matandang lalaki lamang ang nagdala rito na nagpakilalang Attorney Caesar Marquez at paminsan–minsan ay siyang dumadalaw dito. Bukod dito ay wala nang ibang kamag–anak si Athan.
Mahigit dalawang taon na umanong comatose si Athan pero hindi nawalan ng pag–asa ang doktor na tumitingin dito. Ayon kay Dr. Cuevo ay may pag-asang maka-recover ito dahil stable ang vital signs nito sa kabila ng matagal na panahon nitong pagtulog. Ang kasong iyon ng binata ay hindi karaniwan at magpahanggang sa ngayon ay patuloy pa ring sinusuri ng mga ito. Fifty–five percent ng katawan ni Athan ay natupok ng apoy. Masuwerte ngang hindi malubhang naapektuhan ang mukha nito gayong sa unang tingin ay iisipin ng kahit sinong sira ang kabuuan ng mukhang iyon. Nakabenda kasi ang kabuuan ng mukha ni Athan bagaman ayon na rin kay Fatima ay halos kalahati lang noon ang nasunog ng apoy.
Natuwa si Fatima na ibalita sa kanyang ang mismong araw pala ng pagdalaw niya ang unang beses na nagising si Athan. Natatandaan nga niyang binati siya nito paglabas niya ng silid ni Athan pero wala siyang ideyang iyon ang unang pagkakataong muling nagising ang lalaki makalipas ang dalawang taon. Kung sanhi daw ng milagro o suwerteng dala niya ay hindi nito alam pero masaya ito para sa alaga nitong pasyente.
Bahagya siyang nagalak nang makitang kumilos ang mukha ni Athan. Bumiling ito at tumingin sa gawi niya. May kung ilang sandaling nagtama ang kanilang mga paningin at hindi niya mailarawan ang damdaming agad na lumukob sa kanya. Maging ang mga balahibo niya sa mga braso ay nagsipagtayuan ring lahat. Bagay na hindi niya lubos na maunawaan.
Dahil nakabenda ay hindi niya alam ang reaksiyon ni Athan sa pagdating niya. Hindi niya alam kung natutuwa o naiinis ito. O marahil ay naiirita dahil ang sabi ni Fatima ay ayaw na ayaw nitong tumanggap ng bisita. Pinabayaan lamang siya nito dahil naaawa na rin ito sa binata pero kung sakali raw na magpakita ng hindi magandang reaksiyon ang pasyente ay agad na niya itong iiwan.
“Alam mo, masarap mabuhay sa mundo, Athan. Alam kong sa nangyari ay nawawalan ka na ng pag–asa pero hindi mo ba naiisip na may dahilan ang Diyos kung bakit ka nakaligtas sa trahedyang iyon?”
Napatingin si Athan sa kanya at muli siyang nahulog sa pag–iisip. Tila may ilang segundong huminto ang paligid at hindi niya naiwasan ang mapapikit nang may mga eksenang nagsalit–salit sa pagpasok sa isip niya.
Bigla niyang nakita sa imahinasyon ang isang malaking kabayong tumatakbo sa gitna ng ilang. Naroon din siya at nakangiting nakatunghay sa paparating na si Bullet. Nang makalapit ang hinihintay na si Nathaniel ay agad itong bumaba at yumapos sa kanya. Katiwasayan ang agad niyang nadama nang mapaloob sa mga yakap na iyon. Na tila ba nagsasabing wala siyang dapat ikatakot dahil naroon lang ito sa kanyang tabi. Nang ilayo niya ang ulo sa dibdib ni Nathaniel at tumunghay sa mga mata nito ay napagkit sa isip niya ang anyo ng mga titig na iyon.
Agad siyang napadilat sa pagkabigla. Ang kanyang mga balahibo sa braso at batok ay nagtayuan nang lahat. Mabilis na mabilis ang t***k ng kanyang puso at kakatwang may pakiramdam siyang ano mang sandali ay lalabas iyon sa kanyang dibdib.
“N–Nathaniel?” Halos ay hindi naglagos sa kanyang mga labi ang tinig na iyon pero malinaw iyong nakarating sa pandinig ng pasyente. Patunay na napaangat ang ulo nito upang sinuhin siya.
“Sino ka?” Sa wakas ay nagsalita rin sa wikang Tagalog ang lalaki. Bagaman alam niyang nagsasalita ito ng Tagalog ay puro wikang banyaga ang mga natatandaan niyang sinabi nito noong una nilang pagtatagpo.
“Nathaniel, ako ito. Hindi mo ba ako natatandaan? Ang kasintahan mo, si Estela.”
Lalo nang nagtayuan ang kanyang mga balahibo sa mga salitang lumabas sa bibig niya. Bakit hindi niya makontrol ang nagaganap? Pakiramdam niya ay nasa loob ng isang panaginip ang tagpong iyon habang siya ay nanonood at nagmamasid lang sa lahat ng mga iyon. Paano niyang nagawang sabihin ang mga iyon gayong alam naman niyang ang mga kababalaghan ay tanging sa panaginip niya lamang nagaganap? Ibig na yatang sumabog ng ulo niya sa matinding pagkalito.
“Hindi ko rin nauunawaan ang mga sinasabi ko. Patawarin mo ako, Athan. Nabigla lang ako.” Litong–lito siya at hindi niya alam kung isip o ang damdamin ang kanyang susundin. Idinidikta ng isip na hindi maaring maging si Athan si Nathaniel pero sinasabi ng puso niyang iisang tao ang mga ito. Napahawak siya sa ulo dahil biglang nanakit iyon.
“Sino kang talaga? At ano ang ginagawa mo rito?”
“Athan, hindi ako masamang tao. Naririto ako para tulungan ka. Kailangan mong mabuhay para sa sarili mo.”
Pagak itong tumawa pagkarinig sa kanya.
“Easy to say, Signorina, because you’re not in my shoes.”
Signorina? Iyon ang tawag ni Nathaniel sa kanya kung hindi man Amore! At ang pananalita ni Athan ay katulad na katulad rin ng kay Nathaniel.
“Marahil nga, pero kahit pa, Athan. May dahilan ang Diyos kung bakit ka niya pinahintulutang mabuhay. Bakit hindi mo tuklasin ang dahilang iyon?”
Narinig niya ang isang malalim na paghinga bago nagsalita ang lalaki.
“Una sa lahat ay hindi kita kilala. Wala kang pakialam sa buhay ko at lalong wala kang kinalaman sa mga nangyayari sa akin ngayon. Pangalawa ay hindi ko hinihingi ang iyong opinyon. I hope you don’t mind but I want to be alone, Miss.” Napailing siya sa katigasan ng loob ni Athan.
“Athan, please. Sa maniwala ka o sa hindi ay nararamdaman kong may dahilan ang pagtatagpo nating ito. Hindi ako nababaliw kung iyan ang iniisip mo pero aaminin kong malapit na siguro ako sa estadong iyan.” Totoo sa loob niya ang sinabi at natagpuan niya si Athan na muling nagbigay ng isang mapanuring tingin sa kanya.
“Ano’ng pangalan mo?” mayamaya ay tanong nito.
“Maristela. Maristela ang aking pangalan.”
“Mariste...you’ve got to be kidding! Sino kang talaga at bakit kilala mo si Estela?”
Nadagdagan ang pagtataka niya sa reaksiyong iyon ni Athan pero saglit lang dahil mas nanaig sa kanya ang kagustuhang maunawaan ang sinasabi nito. Nagtangka itong tumayo subalit saglit ding napahiga nang marahil ay may madamang sakit sa katawan nito.
“Iyon ang totoo kong pangalan. Ikaw? Saan mo narinig ang pangalan ko?”
Hindi agad nakakibo si Athan at humugot muna ng malalim na paghinga bago muling tumugon. “Marahil ay tama ka. May dahilan nga siguro ang lahat ng nangyayaring ito. Kapag napatunayan kong mapagkakatiwalaan ka ay ipaaalam ko sa iyo ang sagot sa tanong na iyan.”
Naging palaisipan sa kanya ang sinabing iyon ni Athan. Dahil pagkatapos niyon ay magalang na itong nagpaalam sa kanya. Kailangan na raw nitong magpahinga.