ILANG hakbang na lamang ang layo niya sa tarangkahang bakal ng Villa Helena nang makitang bumukas ito. Napangiti siya. Hindi niya alam kung paanong nalalaman ng kung sino mang nagbubukas ng gate ang kanyang pagdating. Minsan man ay hindi niya iyon naitanong sa mag-asawasa villa pero hindi na iyon mahalaga.
Pinasok niya ang mansiyon at hinanap ang mag-asawasubalit nakailang ikot na siya ay hindi niya natagpuan ang mga ito. Nakailang tawag na rin siya pero walang palatandaang naroon ang isa man kina Mang Kanor at Aling Bising. Nasaan ang mga ito? Sino ang nagbukas ng gate sa kanya?
Nagtataka man ay sabik niyang tinungo ang lugar kung saan naroon ang larawan ni Nathaniel at matapos ang ilang sandali ay nilisan ang mansiyon. Hustong pababa na siya nang hagdanang bato patungo sa makipot na kalye nang makasalubong ang isang matandang babaeng nakabelong itim. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin nang tila sindak itong napatingin sa kanya.
“Nagbuhat ka ba sa villa, Ineng?”
Tumango siya.
“Ano ang pinupuntahan mo sa lugar na iyan?”
Napahinto siya sa paglakad at hinarap ang matanda.
“Ano ang pakay mo sa bahay na pula?”
Nagtaka siya sa tanong nito pero ni isang salita ay wala siyang nasabi.
“Pasesiya ka na Ineng sa pag–uusisa ko. Nagtataka lamang ako sa kung anong sadya mayroon ka sa sunog na bahay na ‘yan.”
Kasabay ng huling salita nito ay ang pagtindig ng kanyang balahibo. Nanlaki ang kanyang ulo sa kanyang pakiramdam at ang labis na pagtataka ay makikita sa kanyang anyo.
“Hindi ko po maunawaan ang sinasabi ninyo.”
“Kung gayon ay bakit nariyan ka at patuloy na binibisita ang villa? Ilang taon na buhat nang mawala ang kariktang hatid ng bahay na ‘yan. Kung dati ay sigla, ngayon ay pangamba na ang dulot niyan sa sinumang tutunghay.”
Nang matigilan siya ay nagpatuloy sa pagsasalita ang matanda.
“Nang gabing sunugin ang villa kulang tatlong taon na ang nakararaan ay walang natirang buhay sa loob nito. Tanging ang kuwadra lamang ng mga alagang kabayo ang nanatiling nakatayo at ang maliit na tulugan ng katiwala sa tabi nito subalit ang buong kabahayan ay tinupok ng apoy. Maging ang ilang mga tauhan ng villa ay nasawi sa trahedya kaya naman hindi nakapagtatakang patuloy na bumabalik ang hindi matahimik na mga kaluluwa ng mga taong nasawi ng gabing iyon.”
Marahas ang ginawa niyang paglingon sa villa subalit kahit anong pikit niya ay naroon pa rin at magiting na nakatindig iyon. Hindi na niya naunawaan pa ang mga sinasabi ng matanda. Ang pokus ng kanyang atensiyon ay ang katotohanang dinadaya siya ng sariling paningin at ng pagkakatuklas sa sinapit ng villa. Kung nasunog ito mahigit dalawang taon na ang nakararaan, posibleng totoo nga ang iniisip niya. Si Nathaniel at Athan ay iisa!
“NATHANIEL, saan ka pupunta?” Umiiyak siya at ang tanging pag–asang isasama ng kasintahan sa paroroonan nito ay kagyat nang naglaho. Kasasabi lamang ng binatang hindi sila maaaring manatiling magkasama dahil sa panganib na nakaamba sa kanila. Masakit iyon para sa kanya. Ang katotohanang hindi niya ito makakasama ay isang pahirap na hindi niya kayang tiiisin. Isipin na lamang na hindi na niya alam kung saan tiyak na patutungo ang lalaki ay nahihirapan na ang kanyang loob. Paano pa ang isipin ang kaligtasan nito?
“Unawain mo sana ako, Estela. Mahal kita pero hindi tayo maaaring magpatuloy nang ganito.”
Kumalas ito sa pagkakahawak niya at saka sumampa sa kabayo pero humakbang siya sa harap ni Bullet.
“Ang akala ko ba ay kailangan mo ako? Ang sabi mo’y huwag kitang iiwan? Bakit ngayon ay nagbago ka? Nathaniel, mag–usap tayo!”
“Ti amo, Amore. Huwag mo ‘yang kalilimutan.” Iyon lang at sa isang iglap ay nagawa nitong iikot si Bullet at patakbuhin iyon sa kabilang direksiyon. Naiwan siyang naghihinagpis sa matinding sama ng loob.
Sa puntong iyon ay napabalikwas siya. Sapo ang noo habang ginigitian siya ng mumunting pawis. Hanggang kailan siya mananaginip ng mga ganoon? Hanggang kailan siya pahihirapan ng mga palaisipang dulot ni Nathaniel? Nasabunutan niya ang sarili sanhi ng desperasyon at hindi niya napigilan ang mapaiyak.
Kailangan niyang kumilos. Baka babala ang panaginip na iyon na muli silang paghihiwalayin ni Nathaniel. Baka may kailangan siyang gawin at hindi niya kailangang mag–aksaya ng panahon. Bumangon siya upang magbihis. At sa halip na sa unibersidad, sa ospital ang destinasyon niya. Ngayon at sa mga darating pang mga araw. Dahil ngayon ay nakatitiyak na siya sa isa pang katotohanan, si Nathaniel at si Athan ay iisang tao lamang.
“ANO’NG sinabi mo?” Nabigla siya sa sinabi ni Athan. Nagsalita itong tila natitiyak na siya nga ang pumasok sa kabila nang hindi nito paglingon sa kanya. Inabutan niya itong nakaupo sa hospital bed habang nakatunghay sa bintana. Binabalak na sana niyang ipagtapat dito ang kanyang natuklasan nang unahan siya ng balita nito.
“Uuwi na ako sa Europa. Pinapaayos ko kay Attorney Marquez ang mga papel na kakailanganin dito sa ospital maging sa pag–alis ko. May nakakagulat ba roon?”
Agad na namuo ang kanyang mga luha. Tama. Si Nathaniel at Athan ay iisang tao lamang. Dahil walang ginawa ang mga ito kung hindi ang pahirapan at parusahan ang damdamin niya. Ano ba ang kasalanan niya para paulit–ulit na maghabol at paasahin sa wala? Nakakatawa. Gising man o natutulog ay iisa ang kapalarang sinasapit niya. Pare–parehong nakasasakit.
“Pero bakit? Bakit kailangan mong lumayo?”
“Hindi ba at sa iyo na rin nanggaling na marami akong pera at kayang–kaya kong ipagamot ang aking sarili kahit saang panig ng mundo? Heto na iyon. Gagawin ko na. May problema ba?”
“May problema dahil aalis ka! Aalis kang hindi ko nauunawaang ang mga nangyayari sa akin! Nahihirapan na ako, Athan. Kailangan kong maintindihan ang lahat dahil unti–unti na akong ginugupo ng pagkalito. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magiging matatag sa gitna ng mga kababalaghang nangyayari sa akin.”
Napatitig lang sa kanya ang lalaki. Hindi man niya nakikita ang kabuuan ng mukha nito ay buung–buo ang anyo nito sa kanyang paningin. Kabisado niya ang lahat ng anggulo ng lalaki, mapa-Nathaniel man o Athan ay magagawa pa rin itong kilalanin ng puso niya.
“I’m sorry, Estela…”
“Estela. Tinawag mo ako sa pangalang iyan kagabi. Sa mga panaginip ko, tinawag mo akong Estela, Athan. Gabi–gabi ay dinadalaw mo ako sa aking diwa. Dinadala mo ako sa kung saan–saang lugar na hindi pamilyar sa akin. Ang tanging alam ko lang ay ang Villa Helena na nakatirik sa Ilaya. Naiintindihan mo ba ang mga sinasabi ko, Athan? Nagkikita tayo sa panaginip ko. Ikaw at ako, tayong dalawa bilang magkasintahan! Naiintindihan mo ba ‘ko?”
Nasapo ni Athan ang ulo nito. Tila pagod na pagod ito kung pagmamasdan. “Wala akong naiintindihan, Estela—dahil wala akong natatandaan.”
Marahas siyang napatingin dito. Nakayuko pa rin ito na larawan ng kawalang sigla. Maging ang malalapad nitong mga balikat ay nakalaglag din tanda ng lakas na tumakas buhat dito.
“Ano’ng sinabi mo? Ang pangalan ko, paano mong…paano mong nalaman?”
“Bukod kay Attorney Marquez na nagpakilala bilang siyang abogado ko ay isang tao lang ang pinagtitiwalaan ko. Siya si Maristela Serrano. Ang aking nobya subalit...subalit sa mga panaginip ko lamang siya nakikita.”
Nagliwanag ang kanyang mukha sa narinig.
“Kung gayon ay…nangyayari rin sa iyo ang mga nangyayari sa akin?”
Tumango ito at napuno ng sigla ang puso niya.
“Ikaw nga si Nathaniel! Ikaw nga ang lalaking nasa panaginip ko!” Akma niya itong yayakapin subalit bahagya itong lumayo.
“Wala akong alam sa nakaraan ko. Ni hindi ko alam kung paano akong nakarating dito. Basta isang araw ay nagising akong nauuhaw at humihingi ng tubig. Alam ko kung paano magsalita sa wikang Ingles, Tagalog o Italyano pero hindi ko alam ang aking totoong pinagmulan.”
“Ang araw na nakita kita rito, iyon ang unang beses na nagising ka, sabi ni Fatima. Dalawang taon kang natulog, Athan kaya marahil ay wala ka pang natatandaan.”
Napailing ito.
“Burado ang lahat ng alaala ko pero nakapagtatakang nasasagot nang unti–unti ng aking mga panaginip ang aking mga tanong. May pakiramdam din akong nanganganib ang buhay ko Estela, at kailangan kong lumayo sa mga taong nakapaligid sa akin. Kailangan kong haraping mag–isa ang kung sinumang taong ibig akong makitang hindi na humihinga.”
Kinilabutan siyang bigla kasabay ng pag–alala. Biglang nagbalik sa isip niya ang pagkakataong nakita niyang nauupos si Nathaniel sapo ang dibdib nitong duguan. Bigla ay napayakap na siyang tuluyan sa lalaki. Umiiyak siya at hinahaplos naman nito ang kanyang likod.
Kung hindi pa niya naalalang may mga sugat ang binata na bagaman naghilom na ay masakit pa rin ayon sa nurse nito, hindi siya basta bibitiw dito. Tanging ito ang lakas niya laban sa panganib na hindi nila pisikal na nakikita.
“Nathaniel…”
“Huwag kang matakot, Estela. Kung ano mang hiwaga ang nagtulak sa ating dalawa para magtagpo ay mahirap unawain pero gaya ng sinabi mo, may dahilan ang Diyos sa lahat. May paraan din siyang ginagawa upang mangyari ang mga bagay na ito. At sa puso ko, nararamdaman kong iisa tayo. Hindi ako kumpleto kung wala ka pero hindi ko rin alam kung makabubuting manatili ka sa tabi ko sa mga panahong ito.”
Tinitigan niya ng buong pagmamahal si Nathaniel. Sa ganoon man lamang na simpleng paraan ay maipaabot niya ang damdamin niyang nakalaan para dito. At kahit mahirap, pilit niyang inunawa ang damdamin nito. Nalilito ito sa ngayon dahil wala itong natatandaan sa mga nangyari. Doble ng pasakit niya ang dinadala nito kaya dapat lang na maging matiyaga sa paghihintay na matandaan nito ang lahat at ipaliwanag sa kanya.