Chapter 14

1820 Words
“SINO ka?” Napatingin si Maris sa may–ari ng tinig. Natagpuan niyang nakatayo sa paanan ng hospital bed ng natutulog na si Athan ang bagong dating. Mabilis na naglakbay ang mga mata niya at hinayon ang kabuuan nito. Sopistikada at mukhang may sinasabi ang angkan nito kung paraan nito ng pananamit at pagdadala ng sarili ang pagbabasehan. Marahil ay kauri rin ito ni Nathaniel. “Ako si Estela. Ang…ang kasintahan ni Athan.” Nanlaki ang mga mata ng babae at agad na lumipad ang tingin sa natutulog na binata. “Kasintahan?! Paanong mangyayari iyon samantalang napakabata mo pa! Isa pa’y ako ang nobya ni Nathaniel at hindi ko maintindihan kung paanong sa sandaling hindi ko pagdalaw dito ay nagkanobya na siya agad ng iba!” Napaawang ang mga labi niya. Ngayon ay walang dudang si Athan nga din si Nathaniel. Noon unti–unting nagmulat ng mata ang lalaking pinag–uusapan nila. Nang mamalayang may ibang tao sa silid ay nagtangka itong bumangon kaya madali niya itong inalalayan sa pag–upo. Nanlalaki naman ang mga mata ng bisitang nakatunghay lang sa binata. “Sino ka?” tanong nitong may panganib sa buong–buong tinig. “Oh my God! I can’t believe my eyes, nagising ka na pala, Nathaniel! Kailan pa? Paanong…? Bakit hindi itinawag sa akin ni…” Agad nitong pinutol ang sinasabi. Lumapit ito sa binata at agad na hinaplos ang braso nito na ipiniksi naman ng huli. “Hindi kita kilala. Sino ka?” “Nalimutan mo na ba’ko, Nat? R-Rosalia, your fiancée.” Hindi makapaniwala si Nathaniel kaya napatingin na lamang ito sa kaharap. “Palagi akong bumibisita sa’yo, Nat. Kahit itanong mo pa sa mga nurse na nagbabantay sa’yo. Anyway, baka hindi na rin naman nila ako natatandaan dahil mas pinipili kong pagmasdan ka na lamang sa malayo, Sweetheart. Hindi kaya ng puso kong makita ka sa ganyang nakalulunos na anyo,” Wika nito. Ewan kung bakit nakadama siya ng panganib sa presensiya ni Rosalia. At wala siyang pagpipilian kung hindi ang panghawakan ang nadarama niya dahil wala naman siyang magagawa. “I’m sorry pero hindi kita kilala. Isa pa ay hindi kita natatandaan. Kung totoo ang mga sinasabi mong kasintahan kita, bakit ngayon lamang kita nakita gayong isang linggo na buhat nang magising ako? May patunay ka ba? Mga larawan o kahit anong maaaring magpatotoong magkasintahan nga tayo?” Napausal siya ng lihim na dasal. Paano kung totoo nga ang sinasabi ng Rosalia na ito? Hindi niya yata matatanggap na kung kailan pa nagkaunawaan na sila ni Nathaniel ay saka pa ito mawawala sa kanya! Saglit na nag–isip si Rosalia at pagkatapos ay itinaas ang mga kamay na tila sumusuko. “Hindi ko alam na nawalan ka ng alaala. Bumisita lang ako dahil nami–miss na kita pero wala akong ideyang gising ka na. Ngayong nakita kita ay gusto ko sanang matuwa but how can I do that with you not believing in me, Sweetheart? I am Rosalia, your fiancée.” “Maniniwala lang ako kung may patunay ka sa mga sinasabi mo…” “Wala akong kahit isang larawan dahil ayaw mo ng ganoon. You told me before that picture taking bores you to death. Sweetheart, it’s me, bakit ayaw mong maniwala?” “Dahil wala akong maramdaman sa’yo. Sorry, I don’t wanna be mean but I just want to tell the truth.” Tumango si Rosalia at yumuko upang kunwa’y hagkan ang mukha ni Nathaniel na nakapaloob sa mga benda. “I better go. Ayokong pilitin ka dahil baka makasama iyon sa iyo. I’ll just pray for your recovery upang sa gayon ay mapatunayan mong nagsasabi ako ng totoo. Goodbye for now, Sweetheart. I’ll be back.” Tumalikod na ito matapos magbigay ng isang makahulugang titig sa kanya. ARAW–ARAW niyang dinadalaw at binabantayan sa ospital si Nathaniel. Bukod sa napapanatag ang kanyang kalooban ay hindi niya maitatanggi sa sariling iyon ang ibig ng puso niya. Gusto niyang parating kasama ang binata. Gusto niyang matiyak na sa lahat ng pagkakataon ay ligtas ito. Ilang araw na mula nang tinantanan siya ng mga masasamang panaginip na may kinalaman dito at marahil ay dahil iyon sa pagtatagpo nila. Baka sadyang iginiya lamang siya ng kanyang mga panaginip upang makilala si Nathaniel at ngayong magkasama na sila nito’y wala nang dahilan para gambalain pa siya ng mga pangitaing iyon. Natutuwa siyang isiping kasama niya ang lalaki sa araw–araw at nasasaksihan niya kung paano nito kinakaya ang muling ibalik ang dati nitong sarili. Hangad niya’y magtuluy–tuloy na ang mabilis nitong paggaling upang sa gayon ay maging ganap na rin ang kaligayahan nito. Nadarama niyang natutuwa si Nathaniel na araw–araw ay pinupuntahan niya ito. Noong una ay alam niyang pilit nitong iniiwas hanggang magagawa ang sarili mula sa kanya. Hindi man ito magsalita ay nadarama niya ang panlalamig nito subalit habang lumalakad ang mga araw ay natitibag ang pader na inilagay nito sa kanilang pagitan. Alam niya, lumalambot na ang puso nito. Marahil ay nauunawaan na rin nito ang dahilan ng pagtatagpo nila. Na bagaman hindi rin naman niya ganap na nauunawaan ay ipinagtitiwala na lang niya ang lahat ng iyon sa pag–ibig niya para rito. Mahal niya si Nathaniel. Kung paanong nagsimula ay hindi na niya matandaan. Basta natagpuan na lamang niya ang sariling alipin ng damdamin para dito. Malaking dahilan na rin marahil na sa mga panaginip niya ay tunay niya itong kasintahan. Doon ay malaya niya itong nayayakap, nahahagkan at nasasabihan ng kanyang mga naisasaloob. Gayonman ay hindi niya ipagpapalit ang kasalukuyan sa mga panaginip na iyon dahil doon ay nanganganib ang buhay ng binata.  Ang ipinagtataka niya ay kung bakit ganito ang nadarama niya. Oo nga at hindi na siya ginagambala ng mga panaginip na iyon pero kung bakit hindi pa rin siya mapanatag ay hindi niya maintindihan. Parang may kung anong panganib na nakaamba at ano mang oras ay handang gumulat sa kanila. Napatuwid siya sa pagkakaupo nang maramdamang gising na si Nathaniel. Nilapitan niya ito at saka inalalayang umupo. Itinayo niya ang unan sa likod nito at saka isinandig doon ang binata. Hindi pa nagtatagal ay narinig niyang humugot ito ng malalim na paghinga. “Hanggang kailan ako makukulong sa situwasyong ito?” Wika nitong tila punung–puno ng pag–aalala ang anyo. Hinagod niya ang likod nito. Agad siyang nakadama ng awa sa binata. Sa panaginip niya ay hindi ganito ang hitsura ng lalaki. Makisig ito at punung–puno ng buhay. Hindi niya kailanman naisip na darating ang araw na makikita niya itong malungkot at tila nawawalan na ng pag–asa. “Tatagan mo ang loob mo, Nathaniel. Hindi ba sabi ko noon sa’yo, may dahilan ang lahat ng mga nangyayaring ito sa buhay mo? May awa ang Diyos at hindi Niya pababayaang habampanahon kang mangapa sa dilim. Magtiwala ka lang.” “Mahirap, Estela. Kahit anong isip ay hindi ko maalala ang nakaraan ko. Hindi ko alam kung sino ako. Kung masamang tao ba ako o ano. Baka may mga anak ako o matatandang magulang na naghahanap sa akin. Ang hirap…” Sinalo nito ang ulo at saka muling nagbuntong-hininga. Siya naman ay hindi maisip ang gagawin upang maglubag ang loob ng binata. Hindi niya sana ibig maglihim dito pero natatakot siya sa posibleng maging reaksiyon nito oras na malaman nito ang sinapit ng totoong pamilya. Ang alam lang nito ay nasunog ang bahay nito pero walang nakapagsabi ditong lahat ng mga mahal nito sa buhay sampu ng ilang katiwalang nasa Villa Helena ay sinawing palad na mamatay. Ang sabi ni Fatima ay bilin ng doktor na huwag munang ipaalam rito ang lahat dahil hindi pa nagtatagal buhat nang maka-recover ito sa comatose. Baka mabigla ito at hindi agad kayanin ng sistema ng binata kung sakaling malaman nitong wala na pala itong pamilyang babalikan. “Kung pipilitin mo ay sasakit lamang ang ulo mo at baka makasama pa iyon sa’yo. Mas makabubuting hayaan mong dumaloy nang normal ang mga alaala sa isipan mo, Nathaniel. Sa ngayon ay makabubuting magpalakas ka muna bilang paghahanda sa mga darating na araw.” Napatigil siya sa pagsasalita nang matagpuang sa kanya na lang nakalingon ang binata. Sa maliit na siwang sa pagitan ng mga bendang nagpapakita ng mga mata nito ay nakita niyang sa kanya nakatuon ang buo nitong atensiyon. “Bakit kailangan mo akong pagtiyagaan gayong hindi mo naman ako totoong kilala, Estela? Kung tutuusin ay kaydali mong takasan ang situwasyong ito. Hindi mo kailangang isali ang sarili mo sa mga kamalasan ko. Pero bakit parati ka pa ring nariyan at matiyagang nagbabantay sa akin?” Napayuko siya. Ano ba ang sasabihin niya? Ibig ba nitong marinig ang totoo? Kaya ba niyang sabihin ang totoong iyon? “Sinabi ko na sa’yo hindi ba, nagkikita tayo sa mga panaginip ko. Doon ay magkakilala tayo, masayang nagkukuwentuhan, naghahabulan…” “At magkasintahan, hindi ba?” Muli siyang napayuko. Naramdaman niyang may kaunting sarkasmo sa tinig ng binata. “Napapanaginipan mo ang mga panaginip na tinutukoy ko, Nathaniel. Alam mong nagsasabi ako ng totoo,” wika niyang hindi maiwasang malangkapan ng hinanakit ang tinig. “Wala akong natatandaan, Estela. Ilang panaginip lang ang pinagbasehan ko ng tungkol sa’yo. Basta sa mga panaginip na iyon ay nakita kong mayroon akong kasintahang ipinakilala sa aking mga magulang. Ni hindi ko nga nakita ang anyo mo doon. Basta ang narinig ko lang ay ang sarili kong tinig na binabanggit ang pangalan mo. Maristela Serrano. Iyon lang.” “Marami tayong hindi naiintindihan sa ngayon pero pasasaan ba at mauunawaan rin natin ang lahat. Mabuti pa ay magpahinga ka na lang para madaling magbalik ang lakas mo.” Muli niya itong inalalayang mahiga. Kalalapat pa lamang ng likuran nito sa kama nang marinig nila ang tatlong mahihinang katok sa pinto. Hindi na nila kinailangang buksan pa iyon. Sumungaw mula sa likod ng dahon ng pinto ang isang nurse na nakasuot ng face mask. Bumati ito at saka tuluyang pumasok. Napakunot ang kanyang noo. Tila sa loob ng kulang isang buwang pagbabantay niya sa ospital ay ngayon lamang niya nakita ang nurse na ito. Ito lang kasi ang bukod tanging nurse na blonde ang buhok kaya madali niyang nakita ang kaibahan nito sa ibang pumapasok sa silid na iyon. “Bago ka ba dito, Miss?” tanong niya. Tumango naman ito bilang tugon. May hawak itong tila record book at nagsusulat ng kung ano doon matapos tingnan ang suwero at temperatura ni Nathaniel. “Saglit ka lang ba?” Napalingon ito sa gawi niya. “Naalala ko kasi na may kailangan nga pala akong bilin sa botika. Baka puwedeng dito ka muna para magbantay kay Nathaniel? Saglit lang naman ako.” “Sige. Paiinumin ko rin naman siya ng gamot kaya okey lang. Take your time,” wika nito. Matapos magpaalam kay Nathaniel ay lumabas na siya ng silid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD