NAKANGITI siya nang makitang makakasalubong niya sa pasilyo si Fatima.
“Hello, Miss Serrano, kumusta?” paunang bati nito.
“Okey naman. Ikaw, kumusta na?”
“Heto, magdamagan na naman ang shift ko. Maya–maya lang ay makikita ko na ulit si Athan kaya ikondisyon mo na siya para hindi ako sungitan ha.”
Nagtaka siya sa biro nito at hindi niya naiwasan ang mapakunot ang noo.
“Gaano ba katagal ang pagitan ng pag–inom ng gamot ni Athan, Fatima?”
“Apat na klase ang gamot niya pero ‘yung ipaiinom ko ay tuwing ikaanim na oras.”
“Ah, baka naman ibang gamot ang dala noong nurse na nasa silid ni Athan ngayon. Sige…” Nagpaalam na siya kay Fatima pero sumunod ito at pinigilan siya sa kamay.
“Ano’ng sabi mo? May nurse na nasa silid ni Athan ngayon?” Namimilog ang mga mata nitong tumingin sa kanya. Tumango siya.
“Oo. Bagong nurse daw siya dito eh. Blonde ang buhok at maliit na babaeng medyo may katabaan. Hindi mo pa ba siya nakikilala?” Unti–unti na siyang kinakabahan at sa isip ay nananalanging sana ay mali ang kutob niya.
“Walang bagong nurse dito, Estela. May mga trainees na estudyante pero hindi naman sila pinahahawak ng maseselang kaso kagaya ng kay Athan. Isa pa ay ako ang nakatakdang magpainom ng gamot ngayon sa kanya. Ang ilang gamot ay mamaya pa ang ulit.”
Napaangat sa dibdib ang isa niyang kamay. Sino ang babaeng nasa silid ni Nathaniel kung ganoon?
“Fatima…”
“Madali ka Estela, balikan mo si Athan at susunod ako! Tatawag lang ako ng pulis. Greg, pakisamahan siya, emergency lang!” tawag nito sa isang kasamahang nasa nurse station din ng mga oras na iyon.
Hindi na niya hinintay ang Greg na tinawag ni Fatima at agad na siyang tumakbo pabalik sa silid ni Nathaniel.
HALOS ay pabalabag niyang binuksan ang pinto at kulang na lang ay bumigay ang mga tuhod niya nang maabutang tila nakikipagtalo si Athan sa nurse na nasa harap nito. Nakuha niya ang atensiyon ng babae at tila ito naalarmang agad na umaktong lalabas. Agad niya itong hinarangan at saka sinaklit sa isang kamay.
“Sino ka?! Ano ang kailangan mo kay Nathaniel?” mapanganib niyang tanong sa hindi agad nakakibong babae. Palipat–lipat ang tingin niya rito at sa nakahigang si Nathaniel na ngayon ay tila natutulog na ulit. Sinalakay siya ng matinding kaba.
“Ano’ng ginawa mo sa kanya? Sumagot ka! Ano’ng ginawa mo kay Nathaniel?!” Napaatras siya nang hawiin nito ang kamay niya at saka siya tabigin upang makalabas.
Mabuti na lamang at tamang–tama ang pagdating ni Greg. Hinawakan nito ang nagulat na babae at saka iniikot ang kamay nito sa likod. Laking gulat niya nang walang anu–ano’y may isang nakaitim na lalaking lumapit sa likuran ni Greg at saka ito hinampas ng kung anong bagay sa ulo. Napatili siya kasabay ng pagkalugmok ni Greg sa sahig.
“PAANO ako kakalma nang ganitong alam kong may nagtatangka sa buhay ni Athan? Hindi ko na alam ang gagawin ko, Fatima. Para kaming naghahanap ng isang karayom sa gitna ng dayamian. Ni wala kaming ideya kung sino ang gustong magpapatay sa kanya at kung bakit ibig siya nitong patayin.” Halos ay maiiyak na siya habang kausap si Fatima. Si Greg naman ay kasalukuyang natutulog. Nagtamo ito ng malaking bukol sa ulo sanhi ng palo sa ulo nito. Si Nathaniel naman ay kasalukuyang kinakausap ng doktor.
Laking pasasalamat niya na walang seryosong pinsala si Nathaniel. Ayon sa pagsusuri ay pampatulog lamang ang gamot na isinaksak dito. Pero kahit pa. Nadarama niyang hindi pa rin ito ligtas. Alam niyang hindi doon nagtatapos ang mga pagtatangka sa buhay ng lalaki at kailangan nila kapwa maging handa.
“Ano ang sabi ni Nathaniel nang makausap mo siya? Ano raw ang pakay ng babaeng iyon?”
“Ang sabi niya’y may papeles daw na pinapipirmahan at nang tangkain niyang basahin ang nakasaad doon ay nagdahilan daw ang babae na iyon ay record lang dito sa ospital, na siyempre’y hindi agad paniniwalaan ni Nathaniel. Doon na nagsimula, Fatima. Marahil ay nakutuban na hindi mapapapayag sa gusto nito si Nathaniel kaya sinaksakan niya ito ng gamot.”
“Papeles? Ano kaya ang laman ng mga kasulatang iyon? Hindi kaya ubod ng yaman si Nathaniel at may nag–iinteres sa yamang iyon?” Pinili niyang hindi sumagot sa reaksiyon ni Fatima. Mas makabubuting sa kanila na lamang ni Nathaniel ang sekreto ng buhay nito. Pinanindigan na niyang hindi niya talagang kilala ang binata at ang ibig ay makatulong lang dito.
“Hindi ko rin alam. Pero ano man ang rason ng taong iyon, sigurado akong babalik pa siya, Fatima. Ano ang gagawin namin? Baka sa susunod ay tuluyan nang mapahamak si Nathaniel?”
Naramdaman niya ang paghawak ni Fatima sa kanyang palad. Ngumiti ito.
“Don’t worry, makikipag–ugnayan kami sa pulisya sa lalong madaling panahon.”
“Huwag!” nabigla niyang sabi. Napakunot naman ang noo ng kausap.
“Mahirap gumawa ng hakbang ngayong wala pang natatandaan si Nathaniel. Paano kung marami palang naghahanap sa kanya? Paano kung manganib lalo ang buhay niya kapag pumasok ang mga pulis?”
“Ano ang gusto mong gawin ko kung gayon? Sabihin mo lang at kung kaya ko ay handa naman akong tumulong.”
“Kailangan kong makita ang record niya dito sa ospital. Gusto kong malaman ang saktong petsa ng pagkakapasok niya rito. Gayundin ang background niya o kung anong dagdag na record mayroon kayo.”
Natahimik saglit si Fatima at ilang sandali rin bago ito muling nagsalita.
“Bawal ‘yan, Estela. Alam ng lahat ditong hindi ka totoong kamag–anak ni Nathaniel. Baka kuwestiyunin nila kung pagbibigyan kita sa hinihiling mo.”
“Hindi nila kailangang malaman, Fatima. Ilihim natin. Tulungan mo ako, please.”
Nagkaroon ng agam–agam ang anyo nito.
“Ano ang susunod mong hakbang kung sakaling matutulungan kita?”
“Lalabas na kami rito. Ang sabi mo’y kaya na ni Nathaniel hindi ba? Bukod sa mga sugat niyang naghilom na ay wala na siyang seryosong karamdaman…”
“Estela, hindi maaari ang iniisip mo. Hindi kayo lubos na magkakilala ni Nathaniel. Hindi sa nagdududa ako pero responsibilidad ko siya. Paano kung mapahamak siya sa labas? Baka hindi ako patahimikin ng kunsensiya ko.” Sa pagkakatong ito’y siya naman ang humawak sa mga kamay nito.
“Makinig ka, Fatima. Nanganganib ang buhay ni Nathaniel dito. Ano ang maitutulong ng mga pulis kung may koneksiyon ang mga taong nagtatangka sa kanya? Please, Fatima. Kailangan niyang makalabas dito. Ipinapangako kong makikipag–ugnayan pa rin ako sa’yo paglabas namin. Magtiwala ka sa akin.” Napuno ng pag–asam ang puso niya nang makitang tila natigilan at nag–isip si Fatima.
“Ang maitutulong ko lang ay ituro ang pinakamalapit at ligtas na exit. Mag–ingat ka Estela at ipangako mong ligtas kayong makauuwi sa lugar na pagdadalan mo kay Athan. Ingatan mo siya.”
Ngumiti siya ng pasasalamat kay Fatima at mataman niyang pinakinggan ang bawat detalyeng sinasabi nito.