Chapter 16

1030 Words
“BAKIT hindi mo agad sinabi sa aking nagkamalay na pala si Nathaniel? Akala ko ba’y nagbabantay ka sa kanya?!” Galit na galit ang tinig ni Rosalia. Kausap nito ang pinakamatinik nitong tauhang si Bogs. “Ma’am naman, mahigit dalawang taon ko nang araw–araw na binabantayan ang lalaking iyan! Ano bang malay ko na ngayon pa ‘yan magigising? Hindi pa kasi natigok para…” “Istupido! Hindi ba at sinabi ko na sa’yong may proviso nga ang testamento ni Braganza! Kailangang tumuntong ng beinte singko ang edad ni Nathaniel bago ganap na mapasakanya ang buong kayamanan ng angkan niya!” “Kung bakit kasi kailangan mo pang kamkamin ang mga ‘yan. Ang sabi mo noon ay wala kang interes sa yaman nila, hindi ba? Ang sabi mo’y gusto mo lang ipaghiganti ang pamilya ninyo laban sa mga Braganza. Ano’t ngayon ay hindi mo pa tuluyan ang lalaking iyon?” “Iyon ang plano ko noon. Hindi ko rin naman alam na mabubuhay siya. Kung hindi pa babaero ang matalik na kaibigan ng abogadong pulpol na si Marquez ay hindi ko malalamang nasa ospital lang pala ang lalaking ‘yan sa Maynila.” Napangisi si Bogs sa narinig. “Ngayon ako naniniwalang isa kang Carnal. Napakatuso mo! At nalaman mo pa talagang naisalin na sa pangalan ni Nathaniel ang yaman ng mga Braganza.” “Pero kasasabi ko lang na may proviso ang manang ‘yon! Kailangang tumuntong muna siya sa edad na beinte singko saka lamang niya makukuha ang lahat ng pinaghirapan ng buo niyang angkan.” “Pero pinapirma mo na siya, hindi ba? Pinakilos mo na Yvette kaya nangangahulugan iyon na…” “Oo. Noong Martes ang ikadalawampu-t-limang kaarawan ni Nathaniel kaya kailangan na niyang mapirmahan ang mga testamento sa lalong madaling panahon.” “At pagkatapos…?” “Maaari na siyang mamahinga.” Nakatutulig ang tawanang iyon. Halakhak ng paghihiganti ng isang Carnal. GAYA ng sinabi ni Fatima ay ibinigay nito ang hinihingi niya pagtuntong ng alas onse ng gabi. Iyon kasi ang oras ng pag–inom ng gamot ni Nathaniel na ito ang nakatoka. Isang oras pa ang pinalipas nila at agad na niyang inalerto si Nathaniel. Noong una ay ayaw nitong pumayag sa plano niya pero nang ipaunawa niya rito ang kasalukuyan nitong situwasyon ay napatango na rin ito. Sinunod nila ang lahat ng sinabi ni Fatima: kung saang exit lalabas, anong hagdan ang dadaanan at saan ang back door. Nang marating ang likurang bahagi ng ospital ay saka lang sila nakahinga nang maluwag. Hindi nila kapwa mapaniwalaang nalagpasan nila ang napakaraming bantay ng ospital. Kung tutuusin ay may bantay din ang back door, lamang ay nagawan na ng paraan iyon ni Fatima ayon na rin dito. Hindi niya alam kung ano ang ginawa nito at wala silang guwardiyang dinatnan doon. Ano man iyon ay malaki ang utang na loob nila sa kaibigang nurse. Isang araw, kapag maayos na ang lahat ay babalikan niya ito at ilalahad dito ang mga totoong pangyayari. “KANINONG bahay ito?” tanong ng namamanghang si Nathaniel. Nakabenda pa rin ang ulo nito. Habang daan ay binigyan niya ito ng malong upang hindi ito masyadong pagtinginan ng tao. May napapalingon man ay balewala naman sa mga ito ang anyo ng nakatalukbong na si Nathaniel. Patuloy pa rin ang mga ito sa kani–kanyang pagkukuwentuhan at hindi na muling binalikan pa ng tingin ang kanyang kasama. “Hindi mo ba ito natatandaan, Nathaniel? Dito ka dati nakatira,” Wika niya habang pinagmamasdan ang Villa Helena. Hanggang ngayon ay hindi niya maunawaan ang sinabi ng matandang nakasalubong doon na sunog daw ang bahay na iyon. Napakakisig nitong pagmasdan sa pagkakatayo nito sa malawak na solar. Maging ang mga halamang nakapalibot dito ay masigla ring tingnan. Kahit naman si Nathaniel ay nakikita iyon. Bakas sa anyo nito ang paghanga sa malaking bahay kaya naisip na lamang niyang nababaliw marahil ang taong nakausap niya. “Natatandaan kong nakita ko ito sa panaginip pero hindi ko na maalala ang mga taong kasama ko sa bahay na iyan. Bakit mo ito alam, Estela? Paano mo itong natagpuan?” Pagkuwa’y baling nito sa kanya. “Malapit lang dito ang nayon na kinalakhan ko, Nathaniel. Ilaya ang lugar na ito samantalang tatlong baryo mula rito ay ang Sitio Lucia naman. Doon ako nakatira kasama ng buong pamilya ko.” “Pero ang sabi mo’y sa panaginip mo ito nakita…” “Tama. Mas una ko pang nakita ang bahay na ito sa panaginip ko kaysa dito sa Ilaya. Hindi kasi rito ang daanan namin sa tuwing papasok sa paaralan diyan sa bayan noon. Tanging mga magsasaka lang ang dumadaan dito dahil hacienda ninyo na ang kabila nito. Kung hindi sasadyain ay hindi makikita ang bahay na ito, Nathaniel.” Inalalayan niya itong pumasok sa tarangkahang bakal na gaya ng dati ay kusang bumukas nang makalapit sila. Napahinto siya sa paglakad nang maramdaman ang paninigas ng mga kalamnan ng braso ni Nathaniel na hawak niya. “Nathaniel?” Matiim na nakapikit ang mga mata ng lalaki at bahagyang umaalog ang mga balikat nito. “Estela…Estela…may nakikita ako…” Wika nito habang nakapikit. Mataman siyang nakinig sa mga sasabihin nito. “Okasyon. May mga okasyong naganap sa solar na ito. Hindi lang isa kung hindi marami. Masasayang pagdiriwang na dinaluhan ng maraming–maraming tao.” Patuloy ito sa pagsasalita habang nakapikit. Patuloy naman sa panginginig ang mga balikat nito at ang mga palad nito’y nanlalamig na rin. “May nagsasalitang matandang nakatungkod. Lalaki. Ang pangalan niya’y…ang pangalan niya’y…” “Ano? Ano ang pangalan…” Hindi na niya natapos ang tanong nang mapasigaw ang lalaki. “Hindi ko na maintindihan ang mga sumunod na eksena, Estela. Nananakit ang ulo ko…” Muli niya itong hinawakan na bakas sa anyo ang pag–alala para dito. “Tama na. Huwag mong pilitin. Sigurado akong hindi magtatagal ay muli kang makakaalala lalo pa ngayong narito ka na sa villa.” Marahil ay konsolasyon na rin iyon dahil matapos ang ilang sandaling pagtitig ni Nathaniel sa kanyang mukha ay napatango ito. Nagpagiya na rin ito sa kanya hanggang marating nila ang harapan ng malaking bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD