“WALANG tumatalikod sa pamilya natin, Maristela. Ikaw pa lang. Kaya marahil ay mapapatawad naman ako ng ating angkan kung sakaling tapusin ko ngayong gabi ang pagiging Carnal mo.”
“Huwag…”
Isang malakas na putok ang pumailanlang sa malawak na villa. Kasabay niyon ay ang tuluyang pagkatupok ng munting silid na ginawa nilang moog sa loob ng ilang araw. Duguang bumagsak sa lupa ang katawan ni Celeste. Ang lalaki namang nasa tabi ni Nathaniel ay kusa nang inihagis sa lupa ang hawak nitong b***l at mga papeles.
Nang balikan niya ng tingin si Nathaniel ay papalapit na ito sa kanya. At kusa na siyang yumakap sa binata. Dinampian nito ng halik ang ibabaw ng kanyang ulo at muli ay nakaramdam siya ng kapanatagan.
Nang mapalingon siya sa pinagmulan ng putok ay nakita niya si Fatima at isang lalaking nahulaan niyang siyang abogado ni Nathaniel. Kasama ng mga ito ang pitong pulis. Kumalas siya kay Nathaniel upang lapitan ang kaibigang nurse. Niyakap niya ito nang mahigpit.
“Maraming salamat, Fatima. Utang namin sa’yo ang aming buhay. Pero paano mong nalamang…?”
“Kahapon pa ako dito sa Ilaya at tumutuloy lang diyan sa isang otel sa bayan. Ang sabi kasi ni Aling Bising ay kailangan ninyo ang tulong ko. Paalis na sana ako para hanapin ang Villa Helena kanina nang muli siyang tumawag at inutusan akong humingi ng tulong sa mga pulis.”
“Aling Bising? Sinong Aling Bising ang tinutukoy mo?”
Napalingon siya sa papalapit na si Nathaniel. “Si Aling Bising na maybahay ni Mang Kanor. Sila ang mga katiwala ninyo rito villa, hindi ba?”
Napailing ito at saka seryosong nagpalipat–lipat ang tingin sa kanila ni Fatima.
“Paanong mangyayari iyon gayong naaalala ko nang kasamang natupok ng villa ang mag–asawang katiwala?”
Napamaang siya at napatakip naman ng bibig si Fatima. Kasunod noon ay sabay–sabay silang napatingin sa villa. Ilang beses siyang napakurap upang tiyaking hindi siya dinadaya ng paningin pero talagang ang mag-asawaang nakikita niyang nasa veranda ng malaking bahay. Kumakaway ang mga ito na tila nagpapaalam.
Ilang sandali pa ay tuluyan nang naglaho ang kabuuan ng mansiyon. Napalitan iyon ng imahe ng abandonadong bahay na hindi maipagkakailang tinupok ng apoy. Hindi niya naiwasan ang mapaluha kasabay ng pag–angat rin ng mga kamay upang kawayan ang mag–asawang siyang naging daan upang magtagpo sila ni Nathaniel.
At mabilis na nagsalimbayan sa isip niya ang maraming eksenang may kinalaman sa mag–asawa. Ang kusang pagbukas ng tarangkahang bakal sa tuwing papasok siya sa villa, ang minsang pagkakita niya kay Mang Kanor sa Maynila na naging sanhi upang matagpuan niya si Nathaniel, ang dalawang timbang tubig na ginamit nila sa bingit ng kamatayan. Lahat ng iyon at marami pang iba ay ginawa ng matanda para matulungan sila. Hindi pagkakataon ang lahat. Sinadyang magbalik ng mag-asawamula sa kabilang buhay upang sa gayon ay maproteksiyonan ng mga ito si Nathaniel.
Dalawang taon. Hindi biro ang dalawang taong pagtulog ni Nathaniel at pagtakas ng diwa nito mula sa katawan. Na nagbalik lang nang ganap na niya itong matunton sa ospital. Bigla’y nakaramdam siya ng ginaw. Hindi niya maubos–maisip na ganito ang kahihinatnan ng mga pangyayari. Isang malaking kababalaghan ang naganap . At kinailangan pang mangyari ang mga iyon upang kanyang matuklasan ang totoong sarili.
Nang lingunin niya si Nathaniel ay malungkot din ang mga mata nito. Kung mahirap ang pinagdadaanan niya’y gayundin ito. Hinawakan niya ito sa mga kamay.
“Tapos na ang unos, Estela. Maari ka nang bumalik sa pamilya mo.”
“Bakit? Paano ka?”
“Huwag mo akong intindihin. Uuwi ako ng Europa at doon magpapagaling. Huwag kang mag–alala dahil babalikan kita.”
Yumakap siya rito at gumanti naman ito ng mainit ding yakap sa kanya.
“Huwag mo ‘kong iwan. Mahal na mahal kita, Nathaniel. Hindi ko kakayanin kung mawawala ka sa akin.”
“Huwag mong sabihin iyan. Uuwi lang ako roon para sa maseselang operasyon. Gusto kong manatili ka rito para mag–aral. Pagbutihan mo ang pag–aaral mo at ipangako mo sa aking makakatapos ka.” Hindi na niya magawang magsalita kaya tumango na lang siya at muling yumakap dito. Mariin niyang ipinikit ang mga mata dahil alam niyang ano mang sandali ay bibigay ang totoong damdamin niya.
“TOTOO ba ang mga sinasabi mo, Maris?” Hindi makapaniwala ang anyo ni Chela nang isalaysay niya rito ang buong katotohanan sa likod ng sunog na villa. Sa wakas ay nakatapos na rin sila ng kolehiyo kaya madali siyang umuwi ng Sito Licio upang ipagdiwang ang tagumpay kasama ng mga magulang. Inanyayahan niya si Chela na magbakasyon roon kahit isang Linggo at bahagi nga ng pamamasyal nila sa nayon ay ang pagbisita sa bahay na pula.
Mula nang araw na malantad ang buong katotohanan sa kanya at kay Nathaniel ay muling nanumbalik ang tunay na anyo ng bahay. Bahay na pula ang nakagisnang itawag rito ng mga tagabaryo at kung ano man ang dahilan ng mga ito ay hindi na siya interesedo. Ang mahalaga para sa kanya ay alam na niya ang kabuuan ng lihim ng bahay na iyon.
“Totoo, Chela. Maniwala ka man o hindi ay totoo ang mga pangyayari.”
“Pero mayroon bang ganoon? Buhay na patay na kung ituring sa ospital si Nathaniel pero nagagawa pa niyang magpakita sa iyo sa mga panaginip mo? Hindi ko talaga mapaniwalaang totoo ang mga panaginip mo noon, friend.”
Napangiti siya. Siya rin naman magpahanggang ngayon ay ganoon. Marami pa rin sa mga naganap ang hindi niya lubusang maintindihan pero ang lahat ay ipinagpapasalamat na lang niya sa Maykapal.
Nakaligtas sa kamatayan si Celeste subalit hindi sa kamay ng batas. Kasalukuyang nakapiit ito sa kulungan gayundin ang ilang pinsan at tiyuhing naging kasapakat sa panununog ng Villa Helena. Kasama sa kasong pagbabayaran ni Celeste ay ang paggamit ng huwad na pangalan para palsipikahin ang maraming dokumentong may kinalaman sa mga panloloko nito. Marahil kung bibilangin, ang taong nalalabi sa buhay nito ay kulang pa upang pagdusahan nito ang kasakiman sa kapwa.
Nagsilbing aral naman sa mga Carnal at Braganza ang pangyayaring iyon. Sa tulong ni Attorney Marquez ay nagawang pagharapin ang mga tumatayong lider ng bawat angkan at sa isang kasunduan ay lumagda ang mga ito. Wala nang dugong dadanak pa sa magkabilang panig, iyon ang pinakanilalaman ng kasunduan. Bilang patunay nang katapatan sa pangako ay itinaya ng bawat lider ang ilang haciendang kumakatawan sa bawat pamilya. Hindi biro ang halaga ng magkabilang hacienda kaya naman pumanatag at nagtiwala sa isa’t–isa ang magkabilang panig.
Maayos na ang lahat maging ang pamilya niya. Hindi kahit kailan siya nagtanim ng sama ng loob sa mga kinilalang magulang. Ang pangyayaring iyon ang nagsilbi niyang daan upang mabuhay at makilala ang lalaking mamahalin niya nang wagas.
Muli ay naalala niya si Nathaniel. Tatlong taon na buhat nang umalis ito at tanging sulatan lang ang paraan ng komunikasyon nila. Isang bagay lang ang ipinagtatampo niya sa katipan. Kahit minsan sa loob ng tatlong taong iyon ay hindi nito nagawang pagbigyan ang hiling niya–ang magpadala ito ng larawan upang sa gayon ay makita rin naman niya ang resulta ng operasyon nito. Subalit napakaraming idinadahilan nito na sa huli ay nagsawa na rin siyang mangulit.
“Nakakatakot naman ang kuwento mo, Maris. Tara na nga at hindi ko yata tatagalang tingnan man lang ang bahay na iyan. Tara na.”
Tumalikod na sila at naglakad palayo sa gate subalit walang anu-ano ay ay narinig nilang umingit ang tarangkahang bakal na iyon. Sabay silang napalingon ni Chela. Hindi na niya nagawang magtaka dahil ilang sandali pa ay narinig niya ang pamilyar na yabag ng isang kabayo. Mabilis na mabilis ang mga yabag na iyon na patuloy sa paglakas. Napahawak si Chela sa palad niya. Na madali naman niyang nabitiwan upang takbuhin ang loob ng villa. Walang nagawa si Chela kung hindi ang tawagin nang malakas ang pangalan niya.
Tumigil sa harap niya si Bullet. Hinimas niya ang ulo nito at saka tiningala ang sakay nitong tao.
“Nathaniel…ikaw nga!”
Nakangiting bumaba mula sa kabayo si Nathaniel at saka siya mahigpit na hinapit palapit sa katawan nito. Ngayon ay buong–buo niyang nakikita ang totoong anyo nito. Ang mukha nito’y hindi kakikitaan ng palatandaan ng nakaraan nito liban sa mga brasong may bahagyang pekas. Naramdaman niya ang pamilyar na halik sa kanyang ulo at kasabay noon ang pag–agos ng luhang hindi na niya nagawang pigilan.
“Ako nga, Signorina. Hindi ba at ipinangako ko namang magbabalik ako?”
“Natakot akong hindi mo na tuparin ang pangakong iyon. Mahabang panahon ang nagdaan at hindi ako siguradong…”
Hindi na niya natapos ang sasabihin nang maramdaman niya ang pagdampi ng isang daliri nito sa kanyang bibig.
“Kung ang kamatayan ay nahamon natin noon, ang panahon pa kaya? Walang pana–panahon ang pag–ibig ko, Estela. Dahil lagi kitang mahal.”
Muli siyang napayakap dito nang mahigpit. Punung–puno ng kasiyahan ang dibdib niya at walang paglagyan ngayon ang emosyong lumulukob sa kanyang sistema.
“Gayundin ako. Mahal na mahal din kita, Nathaniel at walang araw na hindi kita iniisip. At heto, natupad ko na rin sa wakas ang pangako ko sa’yong tatapusin ang aking pag–aaral.”
Dinama ng lalaki ang baba niya at saka iyon bahagyang pinisil.
“Alam ko. Wala man ako sa tabi mo ay may sarili akong paraan ng pagbabantay sa’yo, Amore. Binantayan kita mula sa araw ng pag – alis ko hanggang kahapong umuwi ka rito galing ng Maynila.”
“Ang ibig mong sabihin ay…”
“Oo. Isang Linggo na buhat nang umuwi ako galing ng Europa. Kay Tiyo Martin ako umuuwi pero hindi ko maiwasang pumasyal pa rin dito sa kabila ng masasakit na alaala ng lugar na ito sa akin…hindi bale, magpapatayo tayo ng bagong bahay sa mismong lugar na ito kung pahihintulutan mo.”
Napangiti siya. Naibigan niya ang sinabi nito. Dahil bagong pag–asa ang kahulugan niyon.
“Dito natin itatayo ang moog ng ating pag–ibig sa isa’t–isa, Amore. Dito tayo bubuo ng ating pamilya. Dito lalaki ang ating mga anak. At Villa Maristela ang itatawag dito. Pinakiibig kita,” Wika nito habang matiim na nakatitig sa kanyang mga mata.
“Mahal din kita…”
Hindi na niya nagawang magpasalamat sa kasiyahang idinudulot ng mga sinasabi ni Nathaniel dahil dumampi na sa kanyang mga labi ang masuyo nitong halik. Halik ng tunay na pag–ibig na handang magtiis ng ano mang hirap, pasakit at pagsubok. Wala na marahil makagigiba ng pundasyon ng kanilang pag–ibig dahil tama ito, lagi nilang mamahalin ang bawat isa. Ngayon, bukas hanggang may hininga, at maging sa kabila pa ng buhay sa daigdig na ito.