Nasa ganoon silang tagpo nang biglang bumagsak ang haligi ng bahay. Kapwa sila napaubo ni Nathaniel at natagpuang nasusunog ang bahaging iyon ng silid. Naramdaman niya ang paghawak ng lalaki sa kanyang palad. Sa kabila ng pag–ubo ay pinilit nilang isalba ang kanilang buhay subalit wala silang makitang lagusan.
Hindi ito maaari. Hindi sila maaaring mamatay. Kailangan nilang mabuhay para sa isa’t–isa. Para itama ang lahat ng pagkakamali ng mga pamilya nila. Sa naisip ay tila nagkaroon siya ng bagong lakas. Mabilis na gumana ang isip niya at naggalugad ang kanyang mga mata sa paligid ng silid. At may tila kumislap sa kanyang isip nang makita ang dalawang timbang tubig na gawing pinto. Tila nabasa naman ni Nathaniel ang nasa isip niya. Hirap man ay kumilos ito at hinablot ang blanket na nasa ibabaw ng papag na tinutulugan nito. Magkatulong nilang binasa iyon at saglit lang ay magkayakap nilang itinalukbong ang blanket at saka sila nagmamadaling lumabas ng silid. Isang milagro marahil na matapos nilang lumabas ay saka bumagsak ang nagbabagang bubong sa ibabaw ng pinto. Gayundin ang mga haligi ng silid. Napayakap siya kay Nathaniel nang masaksihan iyon.
Ilang beses na niyang natatakbuhan ang kamatayan, gayundin si Nathaniel. Paano kung sa susunod ay hindi na sila kapwa palarin? Nasa ganoon siyang pag–iisip nang may maramdamang malamig na bagay sa kanyang batok. Hindi niya nagawang lumingon dahil kasunod niyon ay ang pagsasalita ng nasa likuran niya. Nang sulyapan niya si Nathaniel ay natagpuan niyang may b***l na nakatutok sa ulo nito. Nagimbal siya subalit hindi nagpahalata.
“Akala ko n’yo ba’y natakasan n’yo ang kapalaran n’yo ngayong gabi? Nagkakamali kayo! Sige, usad doon! Lakad!” Lumakad sila ni Nathaniel nang walang tiyak na direksiyon.
Nang palingunin sila ng may hawak ng b***l ay saka niya natuklasang si Rosalia iyon, kasama ang isang lalaking siya namang nagtututok ng b***l kay Nathaniel.
“Ano’ng kasalanan namin sa’yo, Celeste?”
Marahas na napalingon dito ang babae. “Kung gayon ay nakakaalala ka na pala,” wika nitong nakataas ang isang sulok ng labi.
“Oo. Natatandaan ko na ang lahat, Celeste Carnal. Alam ko ring huwad lang ang pangalang Rosalia na ginagamit mo para mailigaw mo ang awtoridad. Nagulat kang alam ko?”
Saglit lang natigilan ang babae at napangisi ito. “Walang kaso malaman mo mang lahat ang iyan, Nathaniel. Dahil kung ano man ang alam mo ay mananatiling alam mo lang! Ibaon mo hanggang kamatayan ang mga lihim na ‘yan, Braganza!” Ikinasa nito ang hawak na b***l at muling itinutok dito.
“Huwag, Celeste! Maawa ka! Wala kayong kinalaman sa mga away ng inyong mga pamilya! Hindi niyo na dapat pahabain ito pa ito!”
“At sino ka para pagsalitaan ako ng ganyan, Maristela? Ang totoo’y napupundi na rin ako sa’yong pakialamera ka! Kung hindi dahil sa’yo ay madali sana ang trabaho namin. Inakala kong hindi mo magagawang hanapin si Nathaniel kahit pa may nakapagsabi sa aking malimit kang pumunta dito sa villa. Ilang beses kaming nagtangkang patayin ka pero mahusay kang tumakbong tila aso, babae ka!”
Napahumindig siya sa narinig.
“Kung gayon ay kayo…kayo ang dahilan ng pagkamatay ni Ramir at aksidente ni Jerome!”
“Eksakto! Kasalanan mo dahil para sa’yo sana ang kamatayang iyon. Ngayon, huwag kang mag–alala dahil magsasama–sama na kayo sa impiyerno ng mga taong naidamay sa gulong pinasok mo!”
“Hindi mo siya dapat idamay, Celeste! Hindi mo dapat pagtangkaan man lamang ang buhay ni Estela dahil…pamilya mo siya. Isa siyang Carnal!”
“Anong sinabi mo?” pasigaw nitong tanong.
“Isa siyang Carnal. Anak siya ng Tiya Tarcila mo. Pinalitaw nila sa lahat na namatay ang sanggol na isinilang niya sa ospital para maitago siya sa away ng ating mga pamilya. Iyon ang totoo, Celeste kaya nakikiusap akong huwag mo siyang sasaktan.”
Saglit na napaisip si Celeste sa narinig. Unti–unti ay lumipat ang b***l na hawak nito kay Nathaniel.
“Kung gayon ay uunahin muna kita bago ko problemahin ang tungkol sa babaeng iyan. Bogs!” Sa isang pilig ng ulo nito ay kumilos ang tinawag na Bogs at lumapit kay Nathaniel. Hawak nito sa kamay ang isang bolpen at mga papel na marahil ay siya ring dala ng babaeng pumasok noon sa silid ng binata. Inabot nito kay Nathaniel ang mga hawak.
“Pirmahan mo ang mga iyan patunay na inililipat mo ang lahat mong kayamanan sa aking pangalan, Braganza!”
“Bakit ko iyan gagawin gayung papatayin mo rin naman ako, hindi ba?”
“Huwag mong painitin ang ulo ko! Dalawang taon ang hinintay namin para tumuntong ka sa edad na iyan kung saan ganap nang maisasalin sa’yo ang mana mo! Ngayong sumapit na ang takdang panahon, kailangan ko nang maningil, Nathaniel. Madali! Pirmahan mo na ang mga iyan!”
Umiling si Nathaniel at agad siyang natakot para dito. Baka biglang kalabitin ni Celeste ang hawak nitong b***l at sa pagkakataong ito’y hindi na makaligtas ang binata.
“Kilala mo ang mga Braganza, Celeste. Alam mong hanggang kamatayan ay hindi namin binabali ang aming mga salita.”
“At kilala mo rin ang aking angkan, Nathaniel. Alam mong pumapatay kami kung hindi namin makukuha ang gusto namin. Sabagay, marahil ay gusto mo na talagang wakasan ang buhay mo para makasama mo na ang iyong mga magulang!” Dinugtungan iyon ng tawa ni Celeste na sinundan naman ni Bogs. Nakita niyang kumuyom ang mga palad ng kasintahan at agad siyang umalalay rito.
“Parang awa mo na, Celeste! Itigil na natin sa henerasyong ito ang away ng ating mga pamilya. Matutuwa ka bang isiping hindi pa isinisilang ang iyong anak ay nakatakda na itong patayin ng isang Braganza? Magagawa mo bang tanggapin iyon, Celeste?”
Ilang saglit na nakipagtagisan sa kanya ng titig si Celeste at makaraan ang ilang sandali ay nagsalita ito.
“Oo. Matatanggap ko dahil hindi kailanman tinalikuran ng kahit na sinong Carnal ang kanyang pamilya.”
Nangatal siya sa takot nang muling itutok ng babae sa kanya ang hawak nitong b***l.