Chapter 18

1236 Words
INAYOS niya ang mga lumang magasin na ipamamarikit sa pagluluto. Magsasaing siya ng kanin at magpiprito sana ng isda pero hindi niya makita si Aling Bising kaya minabuti niyang kunin na lamang ang mga pagkain at ilipat ang mga iyon sa tinutuluyan nila. Nasa ganoon siyang tagpo nang maramdaman niyang lumapit si Nathaniel mula sa kanyang likuran. Pinanood nito ang pagluluto niya sa kalang de-kahoy. Maningas ang apoy at isasalang na sana niya ang kaldero nang marinig ang kakaibang ungol ni Nathaniel. Ang sumunod na pangyayari ay tila naulit lang na eksena nang papasok pa lamang sila sa villa. Muli ay nakapikit ito at ngayon nga ay nanginginig ang buong katawan. “May pagpupulong na nagaganap kagaya ng nasa magasin, Estela... nagsasalita ang don at nakataas ang mga kamay nitong may hawak na tungkod. Galit sila. Galit silang lahat!” Marahil ay muling sumakit ang ulo nito dahil sinalo nito iyon. Matagal din itong nagsalita ng kung anu–anong mga pangitain nito hanggang sa matigilan ito. “Nathaniel?” “Estela…natatandaan ko na ang lahat. Malinaw na sa akin ang mga pangyayari…” Marahil kung walang benda ay makikita niyang lumuluha si Nathaniel. Nasa tinig nitong nanginginig ang paghihirap at sakit ng loob. “Galing ako sa bayan nang mangyari ang panununog. Inabutan kong nilagom na ng apoy ang buong villa pero sumasalit sa tunog ng mga natutupok na kung ano ang tila iyak ng aking mga kaanak. Naroon ang papa, at ang mama…pero sa isang iglap ay wala na sila, Estela. Pinatay sila ng galit na nagbuhat pa sa lumang panahon.” Hindi niya napigil ang mapaluha. Nababagbag ang kanyang kaloobang pagmasdan si Nathaniel habang nahihirapang tanggapin ang sinapit ng pamilya nito. “Nathaniel…” “At ikaw…hindi mo ba alam kung bakit ka nakasali rito? Hindi mo ba alam ang dahilan ng lahat ng mga ito? Dahil isa kang Carnal, Estela! Isa kang Carnal!” Napatda siya sa narinig. Hindi niya alam kung ano ang itutugon sa paratang na iyon. “Nagkakamali ka, Nathaniel! Serrano ako at hindi isang Carnal!” Nanlalaki ang kanyang mga mata. Tila maging ang ulo niya ay nanlalaki na rin. Kasunod ng mga sinasabi ni Nathaniel ay ang pagsalit ng ilang mga eksena sa isip niya kung saan nasa veranda siya ng isang bahay at naglalaro. Noon pa pabalik–balik sa isip niya ang mga eksenang iyon pero hindi na lamang niya pinapansin. At ngayon, tinatanong din niya maging ang sarili kung saang partikular na lugar nangyari ang mga tagpong iyon. Na tila nasa bahay siya ng isang mayamang tao. “Isa kang Carnal, Estela. Patawarin mo ako kung kinailangang sa akin mo pa malaman ang totoo. Nag–iisa kang anak ng mag–asawang Renato at Tarcila Carnal. Kaibigan namang matalik ni Tarcila ang iyong ina. Sa takot nitong madamay ang nag–iisang anak sa alitan ng mga Carnal at Braganza ay minabuti nitong ipaampon ka sa mga Serrano. Nagkataon namang wala silang anak kaya tinanggap ka nila. Hindi alam ng mga Carnal na nakalabas ang lihim na iyan minsang makainom sa bayan si Renato. Labis ang dalamhati nito na wala man lamang nagawa para sa iyo. Nakalabas ang lihim na iyon at nakarating kay papa. Pero dahil hindi kaisa ang papa at napipilitan lang naman sa mga ipinag – uutos ng matandang Braganza ay hanggang sa kanya na lamang nakarating ang lihim. Maging sa mama ay hindi niya iyon sinabi.” “Kung gayon ay paano mong nalaman ang lahat ng iyan?” “Dahil bata ka pa lang ay nakikita na kita sa Sitio Lucia. Noon pa lang ay may pagtingin na ako sa’yo, Estela. Noon pang mga bata tayo hanggang sa lumaki ka at magdalaga. Maging nang kinailangan kong magbalik ng Europa ay wala akong ibang nasa isip kung hindi ikaw. Nasa Maynila ka naman nang mga panahong iyon. Nang magbalik ako rito at mabalitaan ng papa ang muli kong paghahanap sa’yo ay saka siya napilitang sabihin sa akin ang totoo. Na huwag ko na raw ituloy ang damdamin ko sa’yo dahil isa kang kaaway.” “Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi mo. Naguguluhan ako…” Napaiyak siya sa kalituhan. Kaya pala kahit anong pigil niya noon sa mga magulang na bilhan siya ng mga gamit ay patuloy pa rin ang mga ito sa pagbibigay sa kanya. Hindi na niya napansin na sa mga mall pa sa Maynila karaniwang nanggagaling ang ilang mamahaling gamit niya. Ang buong akala niya’y katas iyon ng pinagbebentahan ng hayop ng kanyang ama, iyon pala’y galing iyon sa totoo niyang pamilya…ang mga Carnal. Muli siyang napahagulgol ng iyak. Kung kunsuwelo marahil na marinig mula sa mga labi ni Nathaniel na dati na itong may pagtingin sa kanya ay ipinagpapasalamat niya pero hindi ganoon kadaling tanggapin ang lahat. Lalo pa at mahal na mahal niya ang kinikilalang pamilya. Idagdag pang hindi niya alam ang madarama kung talagang mapapatunayang isa nga siyang Carnal. Ang mapabilang sa lahing ito ay hindi niya alam kung dapat niyang ikagalak. “Bakit kailangan nila akong ipaampon? Kung totoong isa akong Carnal ay mayaman pala kami. Gaano lang ba ang itakas ako at dalin sa ibang bansa? Hindi nila ako kailangang ipamigay…” “Mayaman kayo pero higit ang yaman ng mga Braganza, Estela. Idagdag pang maraming koneksiyon ang mga ito. Isang patunay na walang nakalabas ng bansa kahit isang Carnal nang mga panahong iyon. Sinubok ng mga magulang mong mangibang bansa noon pero hindi ka nila isinama sa takot na hindi sila magtagumpay.” “Kung gayon ay…nasaan sila? Nagawa ba nilang makalabas?” Nang umiling si Nathaniel ay napalakas ang iyak niya. Kung gayon ay wala siyang karapatang maghinanakit sa mga magulang. Hindi ginusto ng mga itong magmula sa ganitong klaseng angkan. Nagtangka naman pala ang mga itong mamuhay nang malayo roon pero hindi nga lang nagtagumpay ang mga ito. “Sumugod sa villa ang mga kamag–anak mong lalaki noon at tinangay ang mga kababaihan ng Braganza. Walang awang hinalay ang mga ito at nang magtangkang tumakas ang dalawa ay napatay pa. Naningil ang mga Braganza ng dalawang buhay mula sa inyo at iyon ang sa mga magulang mo, Estela.” Hirap na hirap ang tinig ni Nathaniel habang nagsasalaysay pero hindi niya iyon alintana. Ang realisasyong hindi siya isang Serrano ang nagtutumining sa utak niya ngayon. Isama na ang katotohanang hindi sila maaaring magkasama ng binata kahit kailan. Tila nabasa naman ni Nathaniel ang tumatakbo sa isip niya. Ginagap nito ang mga kamay niya. “Mahal kita, Estela. Mula noon hanggang ngayon ay ikaw lang ang iniibig ko. Kung paanong hanggang sa paglalakbay ng aking kaluluwa noong mga panahong natutulog pa ako ay ikaw pa rin ang pinuntahan ko ay hindi ko alam. Baka pahintulot ng Diyos ang nangyaring iyon upang magtagpo tayo, dahil ganoon katindi pag–ibig ko sa’yo. Mamahalin kita hanggang sa kabilang mundo, Estela.” “Mahal na mahal din kita, Nathaniel. Sa panaginip lamang kita nakikita pero sa puso ko’y sigurado akong mahal talaga kita. Pero paano tayo ngayong alam mo na ang lahat? Kung totoong Carnal ako ay hindi tayo…” “Kung totoong mahal natin ang isa’t–isa ay magagawa nating mapagtagumpayan ang lahat. Kung kahit sa kabila ng kamatayan ay magkasama tayong dalawa, wala na tayong dapat pang ikatakot, Estela. Mananatili tayong para sa isa’t–isa.” Yumakap siya rito at saka umiyak sa dibdib ng binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD