Chapter 4

1130 Words
“MANGYARI ay nakita kita riyan sa bakal na tarangkahan kaya pumanhik na rin ako. Ibinilin ni Karina na daanan kita pauwi at baka daw magtuloy ka dito. Tama nga pala ang kaibigan mo,” napapailing na sabi ni Mang Celso kay Maristela. “Nasaan po si Karina?” “Nakasalubong namin sa bandang duluhan si Pareng David at Mareng Isabel. Alam mo naman na walang anak na babae ang mga iyon kaya naglambing na kung maari ay hayaan ko na munang doon matulog ang aking dalaga. Nakiusap si Karina na balikan kita rito.” Napatango siya. “Tayo na ho kung ganoon, Mang Celso. Nasaan ho ba ang padyak ninyo?” Itinuro nito ang pinagparadahan ng padyak. Malapit na iyon sa manggang nakatirik sa kalsada. “Tayo na nga at baka abutan pa tayo ng ulan. Huwag ka nang babalik sa lugar na ito, Maris. Delikado rito.” “Ho? Bakit naman po?” nababaghan niyang tanong. “Ang totoo ay hindi ko rin naman alam at ang mga haka-haka naman dito ay wala ring mga basehan. Pero matagal na panahon nang walang taong nakatira sa bahay na iyan, kaya mabuti pa ay huwag ka nang mangahas na lumapit man lang sa villang iyan. Baka pinamahayan na iyan ng mga maligno dahil sa tagal ng pagkakabakante. Mahirap na.” Hindi na lang siya kumibo sa sinabi ni Mang Celso pero sa isip ay naglalaro ang isang plano. Gusto niyang magbalik sa lugar na iyon, ngunit alam niyang kailangan niyang maghintay ng tamang pagkakataon para maisagawa ang planong iyon. KAY KISIG ng kasintahan sa suot nitong tuxedo habang bumababa sa napakagarang hagdan. Bagay na bagay ang suot nitong off white na panloob sa itim na pantalong katerno nito. Maging ang sapatos na makintab ay bumagay sa tikas ng pagdadala nito ng damit. Ang lahat ay dito nakatunghay at ang humahangang tingin ng mga kababaihan ay pinong kurot sa dibdib niya. Isang matimyas na ngiti ang isinukli nito sa nag-aalinlangan niyang puso. Kasunod niyon ay ang mainit na halik nito na dumampi sa likod ng kanyang palad matapos nitong yumukod upang kunin iyon. Hindi niya napigil ang damdamin at niyakap ito nang humarap sa kanya. Niyapos niya ito nang ubod-higpit na tila ba ano mang oras ay maglalaho ito sa paningin niya. Nang walang anu-ano ay biglang may pumailanlang na putok ng b***l. Matapos iyon ay naramdaman niyang bumigat ang kayakap na kasintahan at halos panawan siya ng ulirat nang mapahandusay ito sa sahig kasunod ng kanyang katawan. “Maris!” yugyog ni Romina sa anak na nagpabalikwas sa kanya. Literal na nahulog siya sa kama sa lakas ng yugyog na iyon. Nagmamadaling nilapitan siya ng ina at tinulungang tumayo. “Nanaginip ka na naman, anak. Hindi na yata normal iyang nangyayari sa iyo.” Pumikit siya at kinalma ang sarili, pagkuwa’y nagmulat ng mga mata at saka tumingin sa ina. “Nay, okay lang po ako. Ang totoo, maganda naman lagi ang panaginip ko sa umpisa pero kung bakit nagtatapos iyon sa isang malagim na pangyayari ay hindi ko po alam.” “Tungkol ba saan ang napapanaginipan mo kung ganoon? Paanong naging maganda gayong palagi kang umuungol sa takot?” Hindi na siya kumibo para hindi na humaba pa ang usapan nilang mag-ina. Mas gusto niyang manahimik at balikan sa isip ang hitsura ng lalaking kayakap niya sa panaginip, ngunit kahit anong pilit ay hindi talaga niya ito maalala. Ang naiisip lang niya ay ang bulto ng katawan nito na papalapit sa kanya. Ang mga pag-uusap na namagitan sa kanila ay hindi na maabot ng memorya niya. Napailing siya sa sarili. Palaisipan talaga sa kanya ang lalaking iyon. NAKATANAW si Maristela sa mga estudyanteng isa-isa nang naglalabasan sa silid-aralan ng mga ito. Hinahanap ng kaniyang mga mata si Karina dahil may usapan silang magkikita sa araw na iyon para sa project at assignment nito sa Math. Over time ng kinse minutos ang huling klase, pero hindi naman siya halos nainip sa paghihintay sa kaibigan. Ang isip niya ay abala sa planong maghapon at magdamag na niyang binubuo. Napasulyap siya sa relong pambisig na regalo sa kaniya ni Tiya Corazon noong nakaraan niyang kaarawan. Ganap na ika-apat pa lang hapon at may panahon pa siyang gawin ang binabalak. Kanina sa recess time ay lumapit sa kaniya si Karina at nagsabi ito na hindi sasabay sa kanyang umuwi. Kailangan daw ulit nitong magpunta sa bahay ng Ninong David nito upang muling pag-usapan ang alok na scholarship sa Maynila. May mga dadalin daw itong ID pictures at ilang requirements para sa early enrolment. Lihim siyang natuwa dahil doon. Ngayon ay maisasagawa niya nang malaya ang kanyang plano nang wala siyang ibang taong kailangang pagpaliwanagan. Pagkatapos na pagkatapos nilang gawin ang assignment ng kaibigan ay magpapaalam na siya agad rito. At ganoon nga ang nangyari. Mabilis siyang hinatak ni Karina sa paborito nilang tambayan at mabilis nilang ginawa ang assignment at project nito. Dahil likas na matalino, ni hindi na niya kailangang magbuklat ng librong ibinigay ng dalaga. Nagawa nila nang halos isang oras lang ang dalawang trabahong iyon. Sabi nga ni Karina, kung ito lang mismo ang gagawa niyon ay suwerte nang matapos nito iyon sa loob ng limang araw. Nagpasalamat sa kaniya si Karina at matapos magplano kung kailan ulit sila magkikita ay iniwan na siya nito. Ang sabi niya ay kausap niya ang inang si Ramona at magkikita sila sa labas ng paaralan, pero dahil maaga pa ay doon na lamang siya maghihintay. Natural ay hindi iyon totoo. Gusto lamang niyang mauna na itong umuwi para makapunta siya sa short cut na daan patungo ng Ilaya. Napangiti siya nang kumaway si Karina at dire-diretso nang lumabas ng gate ng MNHS. Makalipas ang ilang sandali ay mabilis nang tinalunton ni Maris ang daan patungo sa Ilaya. Sa likurang bahagi siya ng paaralan nagdaan at mapalad namang walang kahirap-hirap siyang nakatawid ng bakod nang walang ibang nakakita sa kaniya. Dahil uwian na ay halos wala nang estudyante sa paligid. Wala na ring school personnel at malamang ay ang guard lang na nasa guard house at mga tagapaglinis ang naroroon. Diretso lang siya sa paglalakad at bagaman may pangilan–ngilang nakakasalubong sa daan ay hindi niya iyon inalintana. Ang isip niya ay nasa malaking bahay sa gulod. Tama, isang gulod ang nasa likurang bahagi ng bahay na iyon. Iyon ang malinaw sa isipan niya. Ilang beses na niya iyong nakita sa kanyang mga lakbay-diwa. Halos pigilin na niya ang paghinga nang sapitin niya ang daan sa kanan paglampas ng puno ng mangga patungo sa malaking bahay. Nagmadali siya sa paglalakad. Lakad–takbo na halos kung pagmamasdan ang ginagawa niya. Hindi niya alam kung ano ang hatak ng bahay na iyon sa kanya at gayon na lamang ang kagustuhan niyang magbalik doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD