Chapter 5

1272 Words
ILANG metro na lang at malapit na si Maristela sa bakal na gate ng Villa Helena nang magulat siya sa paglangitngit nito. Bumukas ba ang gate? Wala namang tao pero talagang narinig niyang bumukas ito. Nang makalapit ay mabilis niyang hinawakan ang tarangkahang bakal. Nakalapat pa rin iyon at walang tandang may nagbukas. Napakunot ang kanyang noo. Lalo na siyang nagtaka nang mapansing walang seradura ang gate. Ang tanging maliit na bakal na nakasagko at pumipigil sa kusang pagbukas nito ay madali niyang naalis sa pagkakalagay. Iyon lang ba ang proteksiyon ng villa? “Ano ang kailangan mo?” Literal siyang napatalon pagkarinig sa malamig na boses na iyon. Nang lumingon ay nakita niya ang isang matandang lalaki na nakasuot ng salakot. Nakaputi ito ng kamisadentro at ang pantalong itim ay nakalilis hanggang sa bahagi ng tuhod. Hindi niya matukoy kung saang bahagi ng villa galing ang matanda. Basta bigla na lamang itong sumulpot doon. “Maris po ang pangalan ko. Pasensiya na po kayo kung nakagambala ako. Ibig ko lang po sanang…” “Pumasok ka.” Kasunod nang sinabing iyon ay tumalikod na ito at napasunod na siya. Kung inakala niyang maganda ang villa ay nagkakamali siya. Hindi iyon maganda, kung hindi magandang–maganda! Ang matayog na mansiyon ay nakatirik sa layong tingin niya ay nasa limampung metro mula sa gate. Ang dati nang fountain na nakatunghay sa isang maliit na pabilog na koi pond ay naroon at masiglang dinaraanan ng walang humpay na agos ng tubig. Ang paligid ay naliligiran ng bulaklak, sari–saring laki at kulay pero ang nakatawag ng pansin sa kanya ay ang mga munting bulaklak sa ibaba ng azotea ng mansiyon. Mga maliliit na wari ay sinlaki ng butones ang mga iyon at salitan na kulay lila at dilaw ang nagpapaligsahang sumilip sa siwang ng mga mumunting luntiang dahon. “Sino ang kasama mo?” Napapitlag siya sa tanong na iyon. Sa harap ng bahay ay nakatayo ang isang babaeng marahil ay mahigit singkuwenta ang edad at nakatunghay sa kanila. Hindi kumibo ang matandang katabi niya kaya minabuti niyang magpakilala. “Maris po ang pangalan ko. Sa kabilang bayan paglampas po ng Ilaya ako nakatira…” Napatigil siya nang maramdaman ang tumatagos na titig ng kaharap. Kagaya ng matandang lalaki, simple rin ang damit na suot nito at natitiyak niyang katiwala ang mga ito ng villa. Ang matandang babae ay may hawak na asarol at malamang ay naghuhukay o nagbubungkal ng kung anong halaman o bunga sa paligid. “Hindi po ako masamang tao, napadaan lang po ako…” “Sino ang kailangan mo?” Napatigil siya. Sino nga ba ang kailangan niya? Baka paalisin siya ng mga ito kapag nalaman na hindi naman niya kilala ang may–ari ng villa. Magdadahilan na sana siya nang talikuran ng babaeng kausap. “Halika sa loob. Mainit ang panahon, baka gusto mo ng maiinom.” Hindi na siya nakakibo dahil nauna na ito. Ibig sana niyang magtanong kung sino ang may-ari ng villa pero nang luminga ay natuklasan niyang nag-iisa na siya roon. Wala na rin ang matandang lalaking kausap niya kanina. Marahil ay iniwan na siya. Madali niyang pinanhik ang limang baitang na hagdan mula sa terrace papanhik sa bahay. Nakita niyang nakaawang ang pinto kaya nangahas na rin siyang pumasok doon. Pagpasok ay mabilis siyang nagpalinga-linga. Hindi niya nakita ang matanda sa loob ng bahay. Nilibot na niya ang paningin pero wala ito. Bahagya siyang napaubo sa namalas na anyo ng loob ng mansiyon. Saan man ilibot ang kanyang paningin ay batid niyang de kalidad lahat ng mga gamit na naroon, mula sa mahahabang kurtinang hindi niya maisip kung paanong naisabit sa matatarik na lugar na kinaroroonan ng mga ito, hanggang sa mga magazine na nakalagay sa center table ng tanggapan. Nahagip niya ng tingin ang isa at napansin niyang magasin iyon mula pa sa Europa. Hindi nakapagtatakang tila bahay ng Italyano ang pinasok niya. Marahil ay likas na tagaroon ang may–ari at ginagawa lamang bahay bakasyunan ang villa. Bahagya siyang nakadama ng habag sa sarili. Siya na galing sa pamilyang masikap ay hayun at kinakailangan pang humingi ng saklolo sa mga tiyahin para makapagpatuloy ng pag–aaral niya. Samantalang ang may–ari ng villa ay tila kay raming tahanang maaring uwian ano mang sandaling naisin ng mga ito. Dumako ang tingin niya sa magarang hagdang hindi niya kayang bilangin sa daliri ang baitang. Alam niya, grand staircase ang tawag doon. Nababasa niya iyon sa mga libro at ngayon lamang siya nakakita ng ganoon ka-engrandeng hagdan. Nakakatatlong baitang pa lang siya nang mahagip ng tanaw ang larawang nasa bandang itaas ng piano sa malapit sa tanggapan. Bigla ay sumikdo ang dibdib niya sa hindi maipaliwanag na dahilan. Hindi niya alam kung ano ang nadarama pero pamilyar ang t***k ng puso niya habang nakatunghay sa larawang nasa ibabang palapag. Bumaba siya at nilapitan iyon. Habang papalapit ay hindi humihiwalay ang tingin ni Maristela sa larawan. Tila ba ano mang oras ay maglalaho iyon sa paningin niya. May kung anong magnetong humahatak sa kaniya palapit sa larawang iyon at kung ilang sandaling tila nawala siya sa sarili. Nang ganap na makalapit ay bahagya siyang napahigit ng buntong-hininga. Kilala niya ang lalaki sa larawan pero hindi siya nakatitiyak. Bigla ay para siyang nauhaw na hindi niya mawari. “Kay tikas ni Signore Nathaniel, hindi ba?” Para siyang nahulog sa malalim na balon nang narinig ang tinig na iyon mula sa likuran. Namutla siya sa pagkabigla, habang ang matandang babae naman ay natawa pa sa hitsura niya. “Pasensiya ka na, anak. Sobra ka palang magugulatin.” Inakay siya nito palapit sa larawan at sa pagkakataong iyon ay lalo niya itong natitigan nang mabuti. “Si Signore Nathaniel ang tanging anak ng mag-asawang Faundo at Helena. Sila ang nagmamay–ari ng lahat ng karangyaang nakikita mo ngayon, hija.” Nang makabawi sa pagkabigla ay nginitian niya ang matandang nakaalalay sa kanyang braso. “Nasaan po sila?” Hindi siya tinugon nito at bagkus ay lumapit sa larawan at pinunasan iyon. “Aling Bising ang itawag mo sakin, Maris. Ang kasama mo kanina ay ang aking kabiyak na si Kanor. Kaming dalawa lamang ang naririto sa villa at ang pagbisita mo rito ay isang sorpresa sa aming mag–asawa.” “Marahil po ay natatakot ang mga taong lumapit sa mansiyon. Minsan ko na rin pong narinig na may haka–hakang may mga ligaw raw na kaluluwa sa bahay na ito.” Natawa ang kausap at bahagyang lumingon sa kanya. “Huwag kang nakikinig sa sabi-sabi, hija. Kung ano ang nakikita mo, iyon ang bagay na totoo. Noong una pa man ay talagang nangingilag na ang mga taong–bayan sa villa dahil sa ugali na rin ng don.” “Hindi ko po masyadong maintindihan, Aling Bising. Ito ang unang pagkakataong narinig ko ang tungkol sa kanila. Ni minsan ay walang nagbanggit na taga-Mabini, tungkol sa mga taong nakatira dito sa mansiyon.” “Wala ako sa posisyong magkuwento sa iyo ng mga bagay na dapat mong malaman, Maris. Hayaan mong panahon ang magsabi para matuklasan mo ang lahat ng hiwaga ng Villa Helena.” “Hiwaga? Ano po ang ibig niyong sabihin sa—” “Ipagpaumanhin mo anak at ako ay magluluto pa. Ang tahanang ito ay bukas lagi sa iyo at tanging sa iyo lamang. Narito lang kami ng Mang Kanor mo kung may kailangan ka, hija.” Matapos iyon ay tumalikod na ang matanda. Palaisipan sa kanya ang mga sinabi nito pero hindi nalambungan noon ang damdamin niyang umusbong para sa lalaking nasa larawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD