Chapter 6

1392 Words
“HINDI ka nila dapat abutan dito, Nathaniel. Madali, kailangan nating lumisan!” “Hindi mo alam ang sinasabi mo, Amore. Hindi ka maaring sumama sa akin. Delikado ang pupuntahan ko, naiintindihan mo ba?” Tigmak na sa luha ang kanyang mga mata pero hindi siya maaring maiwan sa isang tabi at hintayin na lamang ang mangyayari sa kasintahan. Dapat ay lagi siyang nasa tabi nito ano man ang mangyari. “Hindi ako makapapayag. Hindi ko kakayaning mawalay sa iyo, Nathaniel. Sasama ako ano man ang panganib na haharapin natin. Ayokong malayo sa’yo kahit saglit, mahal ko.” Hinawakan siya sa magkabilang balikat ng binata at matapos ay masuyong itinaas ang kanyang mukha paharap rito. Nang lumapat ang labi nito sa kanya ay tila huminto ang lahat sa pag–inog. Tila ba wala nang ibang kumikilos sa paligid kundi sila lamang dalawa. Naramdaman niyang namasa ang kanyang pisngi. “Umiiyak ka?” tanong niya. “Ang bawat sandali ay mahalaga, Estela. Kailangan ko nang umalis subalit pakatandaan mong mahal na mahal kita.” “Nathaniel…huwag mo akong iwan, pakiusap!” Ngunit tuluyan nang tumalikod ang lalaki. Habang papalayo ito ay tila ito nilalamon ng puting usok na hindi niya maunawaan kung saan nagmumula. Wala siyang nagawa kundi ang tuluyang mapaluha. “Nathaniel!” marahas na sambit no Maristela kasabay ng pagmulat ng kaniyang mga mata. Nagising siya sa malalim na pagkakatulog pero ang nagdaang panaginip ay tila abot–kamay pa niya. Biglang bumukas ang pinto ng kanyang silid at sumungaw ang kanyang ina. “Bumangon ka na, anak at bilin ng ama mo ay kailangan mong lumuwas nang maaga ngayon. Hihintayin ka raw ng tiyang mo sa Maynila. Ayos na ba ang gamit mo?” Pinigil niya ang sariling mapabuntong-hininga. Paanong nakuha ng inang itanong iyon samantalang ito pa ang nag–ayos ng kanyang gamit ng nagdaang araw? Sabi nito ay maaga siyang luluwas ng araw na iyon upang kumuha ng eksamen sa isang unibersidad sa Maynila. Muli ay si Tiya Corazon ang magpapaaral sa kanya. Labag iyon sa kalooban niya dahil ayaw na sana niyang sa Maynila muling mag–aral. Ang plano sana niya ay tatapusin lamang ang sekondarya sa Maynila at pagkatapos ay muling magbabalik ng Mabini upang doon magtapos ng kolehiyo. Kaya lamang ay walang kursong Accountancy sa pinakamalapit na kolehiyo na gusto ng kanyang ama at iyon sana ang gusto niyang kuhanin. “Susunod na po ako,’Nay,” matamlay niyang sabi. “Anak, para naman ito sa iyo…” “Naiintindihan ko po. Magbibihis na po ako.” Sinikap niyang hindi sulyapan ang ina dahil sa hinanakit niya rito. “Pagkakain na ng almusal saka ka gumayak. Ang sabi ng Itay mo ay magpahatid ka daw kay Kiko hanggang sa pantalan. Nag–iwan siya ng pangkurudo ng bangkang de motor na ipantatawid niyo doon.” Bago makarating sa pantalan ay tumatawid pa sila sa isang kapirasong ilog sakay ng mga bangkang de–motor na ginagamit ng mga mangingisda. “Ihahatid kitasa iyong Tiya Rosa upang makausap si Kiko.” “Huwag na po, ‘Nay. Nakausap ko rin naman si Karina at maghahatid din siya sa akin kasama ni Kiko. Hindi niyo na po kailangang pumunta kay Tiya Rosa.” “Pero gusto kitang ihatid, anak.” “Nay, mas mahihirapan akong umalis kung sasama pa kayo hanggang sa aplaya. Dito na lang po kayo.” Totoo iyon sa loob niya. Sigurado siyang ilang araw din bago siya makabalik sa tahanang iyon, at kahit may tampo, tiyak na maiinip pa rin siya sa ina. Ilang araw na rin siyang naroon at nasanay na siyang lagi itong nakikita. Napabuntong-hininga siya at pagkuwa’y mabilis nang kumilos upang maghanda sa pag-alis na may planong tumatakbo sa isip. DALAWANG bag na malaki ang dala ni Maristela. Bukod doon ay may isa pa siyang backpack na may lamang mga personal na gamit niya. Hindi niya sinunod ang habilin ng ina na magpahatid sa pinsan. Sinabi lamang niya iyon para mapanatag ang loob nito. Ang totoo ay alam naman niyang wala sa bayan si Kiko at sa darating na Linggo pa ang uwi nito matapos mamiyesta sa kabilang bayan. Alam niya dahil nagpaalam ito sa kanya nang minsang makasalubong sa Ilaya. Sabihin na lang daw sa tatang niya na hindi ito makakapagrasyon ng gatas ng kalabaw sa mga darating na araw. Kasama pa nito si Gene na buhat sa angkan ng mga Yapchangco. Sa Maynila rin ito nag–aaral pero paminsan–minsan ay dumadalaw sa mga magulang gaya ng araw na iyon. Hindi niya sinabi sa ama ang bilin ni Kiko dahil may kutob siyang magagamit niya ang lakad ng pinsan. Tama siya dahil ngayon nga ay malaya niyang mararating ang Villa Helena nang walang pag-aalala. Malayo naman ang bahay nina Kiko sa kanila para malaman pa ng mga magulang na hindi niya kasama ito. Hindi rin totoong kasama niya si Karina dahil hanggang sa mga oras na iyon ay nasa bahay pa rin ito ng mag-asawang David at Isabel at hindi pa niya nakakausap. Lakad-takbo ang kanyang ginawa. Kahit sa huling sandali man lang ay makita niya ang anyo ng lalaking itinatangi. Bagaman nakapagkit na sa kanyang alaala ang maamong mukha nito, iba pa rin ang hatak ng larawan nitong ilang ulit nang gumugulo sa kanyang panaginip. Nang makitang walang taong nasa paligid ay madali niyang pinanik ang makitid na daan patungo sa villa. Malapit na siya nang matanaw na naroon sa tabi ng gate si Aling Bising. "Aling Bising!" Habol ni Maristela ang hininga nang lumapit sa matandang katiwala. Nang mapatingin ito sa kanya ay tila may kung anong nagpaliwanag sa mukha nito. Nakangiti itong lumapit at binuksan ang gate. "Halika, Maris. Pumasok ka, anak." "Ang totoo po ay magpapaalam lang po ako kaya ako nagpunta rito. Luluwas na po ako pa-Maynila at naisip ko lang po na magsabi sa inyo. Hindi ko po kasi alam kung makakabalik ako bago bago ang Pasko." May nasilip siyang kasiyahan sa mga mata nito nang tumingin sa kanya. "Kung pag-aaral ang sadya mo doon, makabubuti naman iyon para sa iyo, hija." "Oo nga po. Tama kayo.” “Siguro naman ay magbabakasyon ka pa rin dito paminsan-minsan, hindi ba?” Ngumiti siya kay Aling Bising at tumango nang ilang ulit. “Uuwi din po ako dito tuwing semestral break at dadalawin ko kayo ni Mang Kanor. Nasaan nga po pala siya?" "Naku eh nariyan lang yan sa labas at marahil ay naglalagay ng pataba sa mga halaman kung hindi man nagpapakain ng mga kabayo. Sandali anak ha, titingnan ko lang ang niluluto ko." Nang makatalikod ang matanda ay naririnig pa rin niya ang patuloy na pagkukuwento nito tungkol sa mga alagang kabayo ng asawa. Wala siyang sinayang na sandali at dali-daling tinahak ang kinalulugaran ng grand piano kung saan sa bandang itaas nito ay naroon ang larawan ni Nathaniel. Nang makalapit at mapagmasdan iyon ay tila may kung anong kuryente na dumaloy sa kanyang katawan. Hindi niya maunawaan pero may nararamdaman siyang pagtatangi sa larawan pa lamang ng lalaki. Sa paningin niya ay buhay na buhay iyon at animo nakikipag-usap sa kaniya sa pamamagitan ng tingin. Ewan! Nababaliw na nga yata siya, pero sa tingin niya ay bahagya itong ngumiti sa kanya. Madali niyang dinampian ng halik ang larawan at saka iyon niyakap. Makalipas ang ilang sandali ay patakbo na siyang lumabas ng bahay. Masigla at punong-puno ng pag-asa. Nang makalabas ng villa ay napalinga siya. Inaasahan niyang makikita si Mang Kanor sa labas pero wala ito roon. Nakita pa niya ang supot ng pataba sa tabi ng mga halamang namumulaklak kaya naisip niyang nasa malapit lang ang matanda. Tinahak niya ang daan patungo sa likod bahay. Batid niyang doon makikita ang mga kabayong alaga ng may-ari ng villa. Hindi siya nagkamali sapagkat sa kinatatayuang burol ay natanaw niya ang isang mahabang kulungan ng sanlaksang kabayo. Nakakaya bang alagaan ng matanda ang lahat ng mga iyon? Bumaba siya upang makalapit sa kulungan nang walang anu-ano'y nakarinig siya ng huni at yabag ng kabayo sa di kalayuan. Si Mang Kanor ba iyon? Maliit pa sa paningin niya ang kabayong parating pero itinaas na niya ang kamay upang kawayan ang matanda. Nang ilang metro na lang ang layo nito ay napatda siya sapagkat hindi ang matanda ang sakay ng kabayo. Hindi si Mang Kanor kung hindi...ang lalaki sa larawan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD