Nanami Yoshino (Katana) “Oy…” Napakunot ang noo ko nang makarinig ng sutsot mula sa kabilang bakod kaya agad akong bumaling doon at isang batang babae ang bumungad sa akin. “Sino ka?” Mababa lang naman ang bawat bakod ng mga bahay dito. Hanggang baywang ko lang ang taas nito kaya naman madali ko lang nakita ang batang makulit na kanina pa tawag ng tawag sa akin. Nandito kasi ako ngayon sa garden. Malakas ang hangin kaya naisipan kong magpahinga muna dito bago gawin ang ilang activity na ibinigay ng mga professors ko. Pero natigil ako sa pagre-relax ko dahil sa batang iyon. Nilapitan ko siya at tinaasan ng kilay. “Tinatanong kita, di ba?” “I am Lulu,” aniya. “Ikaw, sino ka?” Bahagya pa siyang sumilip sa likuran ko at itinuro ang bahay nila Tita Ayami. “Kaano-ano mo sina Mami Aya?”

