MABILIS nang tinalikuran ni Daniel ang kausap pero hindi pa siya ganap na nakalalayo ay narinig niyang tinawag siya nito. Huminto siya sa paglalakad at saglit itong nilingon.
"Please call me Mrs. Imperial, Daniel. My name is Bernadette Polintan Imperial," wika nito.
Imperial...Imperial...Bernadette Imperial...
He was stunned for a moment. The name was familiar but he couldn't remember exactly where on earth he had heard it. Was she a relative or something? Nang balikan niya ng tingin si Bernadette ay wala na ito sa kinauupuan. Nang luminga siya ay nakita niyang naglalakad na itong palabas ng restaurant. Gustuhin man ay hindi na niya ito nagawang tawagin. Nadaig siya ng pagkalito at takot sa kung anu-anong bagay na nagsisimula nang pumasok sa isip niya.
"BAKA naman nagkakamali ka, Bern. Hindi siguro si Daniel ang sinasabi mo—"
"Pero imposible iyon! Ano siya, may kakambal?" Mabilis niyang tinalunton ang silid at saka muling lumabas sa sala kung saan naroon ang kaibigang si Roxanne. "O hayan, tingnan mong mabuti. Sabihin mo nga kung ano ang ipinagkaiba ng Mr. Raymundo na iyan diyan sa nasa larawan! Meron ba?"
Kumilos ang mga kamay ng kaibigan upang damputin ang litratong nasa harap nito. Nagpapalit-palit ang emosyon sa mukha nito habang tinititigan iyon. "Grabe, akala ko'y nagbibiro ka lang nang sabihin mo noon na si Mr. Raymundo ang daddy ni Andrew."
"Ano ka ba naman, Roxanne? Puwede ko ba namang gawing biro ang tungkol doon?"
Nagkibit ito ng balikat. "Sa bagay nga. O eh ano ang gagawin mo ngayon? Idini-deny ka pala ng dati mong boyfriend."
"Hindi ko alam kung ano ang laro niya pero kung anuman iyon, hindi ako makapapayag na isali niya ako sa larong iyon."
"Ano ang ibig mong sabihin?"
Binalingan niya ito at saka kinuha ang litrato nitong hawak. Tinitigan niya iyon at malungkot na nagsalita. "Tapos na ang lahat sa amin pero hindi ko maikakailang may Andrew siyang iniwan sa akin na habang buhay kong makakasama. Iyon ang dahilan kung bakit kailangan kong umatras sa kasunduan namin ng asawa niya."
"What? Anong aatras ang sinasabi mo, Berna?"
"Hindi pa naman namin nasisimulan ang mga gagawin kaya siguro naman ay magagawa ko pang umatras."
"Paano mong gagawin iyon kung may kontrata kang pinirmahan?"
Natigilan siya. Bakit ba nawala sa loob niyang may kasulatan nga pala sila ni Hasmin?
"Siguro naman ay maiintindihan ako ni Esme..."
"Wala kang magiging problema kay Esme, friend pero si Mrs. Raymundo, tiyak na magagalit iyon oras na umatras ka sa usapan."
"Pero hindi ko na kayang tumupad sa usapan kung ganitong si Leandro ang lalaking makakasiping ko!"
"Eh 'di takpan mo ang mga mata mo kapag naroon na kayo sa ganoong punto! Sabihin mo sa kanilang mag-asawa na iyon ang kondisyon mo. Na ayaw mong makita ang mukha mo habang ginagawa iyon."
"Na para bang ganoon lang kadali iyon? Sino ang niloloko ko kung gagawin ko 'yan, sarili ko?"
"Eh ano nga ang gagawin mo?"
"I've no choice but to back out, Roxanne. Hindi mo ba naiintindihan, magiging kapatid ni Andrew ang batang isisilang ko. Kapag nagkataon, iisa ang kanilang ama."
Nagkatinginan sila ng kaibigan. Napatulala ito habang napapailing naman siya.
"May paraan pa, Bern. Kung...kung magagawa nating pagtulungan na ipunin ang halaga ng paunang bayad na iniabot sa iyo ni Esme, siguro ay mapapakiusapan naman ang kliyente."
Hindi siya nakakibo. Madaling sabihin pero mahirap gawin. Saan naman siya kukuha ng dalawang daang libong piso para ibalik kay Hasmin?
TULAD nang inaasahan ay nagalit si Mrs. Raymundo. Hindi nito tinanggap ang alibi niya na kailangan siya ng kanyang anak dahil kaoopera lang nito.
"Ms. Polintan, baka nakakalimutan mong kung hindi dahil sa perang ibinayad ko sa'yo ay hindi maooperahan ang anak mo! Tumupad na ako sa usapan kaya gawin mo rin ang sa'yo!"
"Pero Mrs. Raymundo, ilang araw lang naman ang kailangan ko para—"
"Hindi ako naniniwala sa'yo! Ngayon ay sinasabi mong ilang araw lang pero sino ang nakakaalam, baka bukas o makalawa ay lumayo na kayo ng anak mo. Sinasabi ko na nga ba at hindi ako dapat nagtiwala sa isang tulad mo!"
"Gagawa ako ng paraan. Lilikumin ko ang halagang ibinigay mo sa akin sa loob ng dalawang linggo—"
"Wala akong pakialam kahit higitan mo pa iyon! Ang usapan ay usapan, Bernadette! Kung hindi ka susunod sa kontrata, idedemanda kita at hindi lang iyon...sisiguraduhin ko ring makukulong ka at ang iyong kaibigan, kasama na ang Esmeralda na iyan! Siguro, mga miyembro kayo ng sindikato at matagal niyo nang ginagawa ang ganyang trabaho!"
Mabilis ang naging pag-iling niya. "Nagkakamali ka! Walang kinalaman si Roxanne kahit si Esmeralda sa pasya ko. Hindi ko lang talaga kayang sundin ang nakasaad sa kasunduan natin!"
Hopeless na siya. Unti-unti nang nagiging mataas ang tinig ni Hasmin. Wala na itong pakialam kung marami mang tao sa paligid na nakakarinig dito.
"Kung hindi mo pala kaya, sana ay hindi ka pumirma. Sana rin ay hindi mo tinanggap ang perang ibinigay sa'yo ni Esme. Pero tinanggap mo, 'di ba? Ginamit mo na iyon na pampagamot ng anak mo. Kung aatras ka, nangangahulugan iyon ng panloloko mo."
"Pero hindi talaga kaya ng loob ko ang gusto mong ipagawa, Hasmin!"
Napaismid ito kasabay ng maliksing pagbubukas ng bag nito. Mula roon ay humugot ito ng checkbook at ballpen. Saglit itong nagsulat at saka nito pinilas ang tseke upang ibigay sa kanya.
"Additional one hundred thousand pesos para sa pagtupad mo sa usapan, Bernadette. Huwag mo nang pasakitin ang ulo ko. Huwag ko nang maririnig ang tungkol sa pag-atras mo dahil tototohanin ko rin ang banta ko sa mga kaibigan mo."
"Mrs. Raymundo..."
"Kapag sumira ka sa usapan, hindi lang ikaw kundi maging ang mga kaibigan mo ay mapapahamak. Mag-isip kang mabuti." Iyon lang at maliksi na itong tumayo at tumalikod sa kanya. Wala siyang nagawa kundi ang habulin ito ng nagngingitngit na tingin. Hindi na nito nasaksihan nang punitin niya sa maliliit na piraso ang tsekeng ibinigay nito.