Chapter 10

1127 Words
ILANG beses munang huminga nang malalim si Bernadette bago inihakbang ang kanyang mga paa papasok sa mataas na gusaling iyon. Kaagapay niya si Esme sa paglalakad. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng gusali. Exclusive iyon at pangmayaman. Ipinagtaka niyang may condo pala ang lalaki pero ayon kay Roxanne ay sa hotel nanunuluyan ang mag-asawa. "Dito ka muna at magtatanong lang ako," wika ni Esme sabay turo sa kanya ng isang malapad na chaise longue sa isang panig ng reception area. Lumapit ito sa receptionist at doon nagtanong. Hindi pa ito natatapos makipag-usap nang bumukas ang elevator na hindi kalayuan sa kinaroroonan nila. Mula roon ay lumabas ang isang mataas na lalaki na nakasuot ng dark shades. May kausap ito sa cellphone at napapalibutan ng ilang mga kasabay sa elevator. Nang sa wakas ay mag-isa na lang itong naglalakad ay bahagya naman itong napatalikod sa kanya. Napakunot ang kanyang noo sa pagmamasid dito. Mabilis na tumahip ang dibdib niya habang ang mga mata ay hindi maalis sa pagkakatingin sa lalaki. Awtomatiko rin siyang napahawak sa kanyang dibdib at ang mga tuhod niya ay agad na nanlambot. Ipinagpasalamat niyang nakaupo siya nang mga sandaling iyon. Ang taas...ang tindig...ang porma...si Leandro ba ang lalaking iyon? "Sir Daniel!" Napasulyap siya nang marinig ang malakas na pagtawag ni Esme. Tumakbo itong palapit sa lalaking ngayon ay papunta sa direksiyon ng restaurant na nasa kabilang panig ng ground floor. Lumingon ang lalaki at nahantad sa kanya ang isang panig ng mukha nito. Hindi siya maaaring magkamali, si Leandro nga! Awtomatiko siyang napatayo at napalakad pasunod sa dalawa. Nang ilang dipa na lang ang layo niya sa nag-uusap ay kusa ring tumigil sa paglalakad ang kanyang mga paa. Tila siya namatanda mula sa pagkakatayo. She wanted to scream. She wanted to cry his name but what good would it do? Iniwan na siya nito at sukat, hindi pa ito nakuntento at nagawa pa nitong magbago ng pangalan? "Berna, come here!" tawag ni Esme sa kanya. Lumingon sa kanya ang lalaki at alanganing ngumiti. Ngayon ay nakaharap na ito sa kanya. Mabibigat ang mga hakbang na lumakad siya palapit sa dalawa. He was wearing a black polo shirt paired with tight maong jeans. Maging ang pang-itaas nito ay hakab din sa malapad nitong pangangatawan. On his feet were black leather shoes. Tila lalo pang naging mataas ang lalaki dahil sa suot nito. Hindi niya naiwasan ang mapatulala. Pakiramdam niya ay nagbalik siya sa panahong nahuhumaling siya kay Leandro. Natauhan lang siya nang ibaba nito ang salamin at saka siya nito niyuko upang batiin. Ang mga matang iyon...wala pa ring pagbabago sa kabila ng tatlong taong nakalipas... "Hello, good afternoon, Berna," walang emosyong sabi nito. Maging ang ngiti nito sa mga labi ay tila hinugot lang sa kagandahang-asal. "H-hello...pleased to meet you." Halos ay hindi maglagos ang tinig sa lalamunan niya. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang pagpapaluin ang dibdib ni Leandro pero hindi magawang sumunod ng isip at katawan niya. Nakapanghihina rin ng loob na animo hindi siya nito nakikilala. "I am very sorry for not showing up last time—" "I-It's all right. Ang mahalaga ay nagkakilala na tayo," ayon niya. Sa tingin niya ay napangiti si Leandro. Natuwa ba ito na nakiayon siya sa gusto nitong palabasin? Marahil ay inaasahan nitong magagalit siya kaya hindi nito magawang magpakita sa kanya. Kinailangan pa nito si Esme para 'pagkilalanin' kuno silang dalawa. "Gusto ko sana kayong makausap but unfortunately, may emergency meeting ako ngayon. Galing pa ng Davao ang mga tao kong kakausapin. Would you mind if you wait for—" "Hindi na!" putol niya sa sinasabi nito. "Kailangan ko rin kasing umuwi agad, Esme. At least ay magkakilala na kami ni Mr. Raymundo." Sinulyapan niya ang katabi. "Ah oo nga pala, kailangan mong puntahan ang anak mo, hindi ba?" wika ni Esme. Bumaling sa kanya ang lalaki. "May...anak ka na?" tila nakakunot ang noong tanong nito. Sinikap niyang hindi ito bulyawan sa tanong na iyon. How could he pretend to be so dumb? Alam nitong buntis siya nang umalis ito papuntang Davao noon. Lalong nakapagdagdag sa galit niya ang pagbanggit nito sa nasabing lugar. Kailangan pa ba nitong ipamukha sa kanya kung gaano nito pinahahalagahan ang lugar na iyon? Na pinili na nitong manirahan doon kaysa ang umuwi para panagutan siya sa kanyang dinadala? "Nakasaad sa profile ko na may isa akong anak, Mr. Raymundo." Napailing muna ito bago nagsalita. "I'm sorry I didn't bother to read..I mean, hindi ko—" "No need to explain. Tutuloy na kami." "Are you sure? Nagpunta na rin lang kayo rito, why not join me after an hour? Tutal naman ay—" "Hindi na. Aalis na kami. Salamat." Iyon lang at mabilis na siyang tumalikod palabas ng gusali. Pakiramdam niya ay hinahabol siya ng sampung kabayo at kailangan niyang magmadali para makalayo na roon. "TOTOO ba ang sinasabi mo, Berna?" "Hindi ko puwedeng gawing biro ang tungkol sa ama ng anak ko! Hindi ko alam kung bakit kailangan pa naming magkita pagkatapos ng lahat!" Napailing si Roxanne. Nakabadha sa anyo nito ang matinding pagkabigla. "Hindi ako makapaniwala. Paanong nangyaring si Mr. Raymundo at ang dati mong nobyong si Leandro ay iisa? Bakit? Bakit hindi na siya umuwi ng Maynila noon? Bakit kailangan niyang magpalit ng pangalan? At ang pinakamatinding bakit, bakit patay-malisya siya nang nagkaharap kayo?" "Mas maraming bakit ang nasa isip ko, Roxanne. May record ako kay Esme at alam nating pareho na nasa kanila iyon. May picture ako doon at nakalagay din ang tungkol kay Andrew. Wala ba siya kahit kaunting konsensiya at nagawa pa niya akong tanggapin sa kalokohan ng asawa niya?" "Bernadette..." "Bakit hindi na lang iba? Bakit kailangang ako pa, Roxanne? Bakit kailangang buhayin na naman niya ang sakit na nadama ko noong tila ako basahan na itinapon na lang niya sa kung saan?" "Hindi mo malalaman ang mga sagot sa tanong na iyan kung hindi mo siya kakausapin." Mabilis siyang napailing. "No. Hindi ko siya kakausapin tungkol sa bagay na iyan. Kung gusto niya ng laro ay ibibigay ko iyon sa kanya. Kung ayaw niya kaming kilalaning mag-ina ay dapat rin niyang malaman na matagal na siyang patay para sa amin ni Andrew." "Sigurado ka ba?" Tumango siya at saka niya hinawakan sa kamay si Roxanne. "Ipangako mo sa aking wala kang ibang pagsasabihan ng tungkol dito...kahit pa si Esme." "Promise," malungkot nitong sabi. Bakas sa anyo ang pakikisimpatya sa kanya. Mabuti pa ang ibang tao, nakadarama ng awa para sa kanilang mag-ina. Samantalang ang lalaking nagdulot ng ibayong sakit sa kanya ay nakakatulog nang maayos at nakapamumuhay ng maalwan. Iyon ay sa kabila ng paghihirap ng kanyang anak na kasalukuyang nasa ospital. Nang maisip niya si Andrew ay dumoble ang poot na nasa dibdib niya para sa ama nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD