“THAT Mirror list is not true, Mrs. Madrigal! Paanong ang Olive na iyon ang naging top one at hindi ako? Never siyang pumasok sa list kaya how?! Sinira niya ang Mirror. She’s a dirty girl with a s*x video scandal! Dinudumihan niya ang pangalan ng Wellington High! Remember, hindi lang sa school nakikita ang website kundi sa buong mundo!” Hindi mapigilan ni Dominique ang magtaas ng boses sa principal ng kanilang school habang kausap niya ito sa opisina nito.
Pagkatapos ng nangyari sa gym ay agad siyang nagpunta dito para magreklamo tungkol sa pagkakaluklok ni Olive sa unang pwesto ng listahan ng Mirror.
Ang Mirror ang basehan ng popularity and beauty ng mga babaeng estudyante sa Wellington High kaya isang malaking sampal sa kaniya na tinalo siya ng isang Olive Aurora na may hindi magandang image. Isa pa, napahiya siya sa harapan ng napakaraming estudyante kanina. Malay ba niya na hindi pala siya ang top one sa Mirror. Bakit kasi hindi niya chi-neck kagabi ang listahan?
Naging confident kasi siya na siya na ang mangunguna sa Mirror ngayong wala na si Courtney. Pakiramdam niya tuloy ay pinagtatawanan siya ngayon ni Courtney sa impyerno. Malamang ay nagdiriwang ito kasama ng mga katulad nitong demonyo dahil sa pagkakapahiya niya.
Inayos ni Mrs. Madrigal ang salamin sa mata. Matanda na ito. Puro puti na ang buhok ngunit sopistikada pa ring tingnan. Payat at magandang manamit. Matangkad at palaging nakapustura. Masungit itong tingnan pero mahinahon magsalita.
“Miss Delfin, you heard what I said. Mismo sa harapan mo kanina ay tinawagan ko ang admin ng Mirror at sinabi niyang walang pagkakamali sa listahan. Olive Aurora is now the number one in Mirror. Binoto siya ng mga students dito sa Wellington High at never na dinaya ang ang list.”
Gusto nang magsalita ni Dominique nang masama sa principal pero baka kapag ginawa niya iyon ay magalit ito sa kaniya. “I can’t believe you, Mrs. Madrigal! Wala man lang kayong ginawa noong kumalat ang scandal video niya!” patuloy niyang reklamo.
“Inalisan na namin siya ng scholarship—”
“That’s not enough! Alisin ninyo ang Olive na iyon dito sa Wellington!”
“We can do that. And besides, we watched her video. Malinaw na hindi niya gusto ang ginawa sa kaniya.”
“Kahit na! Hindi siya dapat makasali sa Mirror dahil madumi siya! Check the votes again. There’s no way na matatalo ako ng scandal girl na iyon! Ako ang dapat na number one. Ako!” Pagdidiin niya.
“So, this is all about your ego, Dominique.”
“W-what? Anong sabi mo?” Nabulol siya. Hindi niya inaasahan na maririnig iyon mula kay Mrs. Madrigal.
“Your ego. Kaya hindi mo matanggap ang result ng Mirror for this week kasi napahiya ka. Kasi you expect na ikaw ang mangunguna pero in the end… nanatili ka pa ring second best.” Napatda si Dominique at hindi makaimik. Parang mga palasong isa-isang tumusok sa dibdib niya ang mga salita ng kanilang principal. “Advice lang, Dominique… next time, galingan mo ang pangangampanya para iboto ka sa Mirror. Malay mo, maging number one ka na next week. Now, go. Gawin mo ang lahat to be on top.”
Bumuka ang bibig ni Dominique pero walang boses na lumabas. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang sinabi ni Mrs. Madrigal. Kaya tumayo na lang siya at walang paalam na nilisan ang principal’s office.
NAKASANAYAN na ni Olive na gumawa ng assignments niya sa salas. Nakasalampak siya sa sahig at sa coffee table siya nagsusulat. Kakatapos lang nila na maghapunan at kasama niya doon ang Tatay Victor at Daddy Leo niya. Magkatabi ang mga ito sa sofa at nanonood ng teleserye sa telebisyon habang siya ay abala sa paggawa ng mga takdang-aralin.
Matapos gawin ang assignments ay naisipan niyang magbasa ng aralin nila para bukas. Ipinasok niya ang kamay sa loob ng kaniyang bag. Isang makapal na aklat ang nahawakan niya. May pagtatakang kinuha niya iyon at nanlaki ang mata niya nang maalalang iyon ang aklat na inilagay ni Helga sa bag niya kanina.
Nang mabasa niya ang titulo ng aklat ay kinilabutan siya nang husto.
100 Ways To Kill Your Enemies—iyon ang tiulo ng aklat na kaniyang hawak.
“Olive, ano iyan? Bago mong book sa school?” untag ni Victor sa kaniya.
Natatarantang ibinalik niya ang aklat sa loob ng bag. Kapag nakita iyon ng mga magulang niya ay baka kung ano pa ang isipin ng mga ito. “O-opo. May ibinigay po sa amin na bagong book kanina.” Pagsisinungaling niya.
“Magkano? Hindi mo yata nabanggit sa amin.”
“K-kasama na po iyon sa scholarship ko. Libre lang po.” Sinamsam niya ang mga gamit. “Papasok na po ako sa kwarto ko. Doon na lang po ako mag-aaral.”
Nagmamadaling pumasok si Olive sa kaniyang kwarto. Ini-lock niya ang pinto at kinuha sa bag ang aklat ni Helga. Curious siya kung ano ba ang laman niyon. Isa-isa niyang binuklat ang mga pahina. Nagimbal siya sa mga litratong naka-imprinta sa aklat. May mga kagamitan sa pagpatay at kung paano iyon gagamitin. Maging ang pagplano sa pagpatay ng isang tao ay naka-detalye din. Mga patibong at kung anu-ano pa.
Kinikilabutang isinara ni Olive ang aklat. Parang hindi na niya kayang tingnan ang lahat ng nakalagay doon. Bukas din ay ibabalik na niya iyon kay Helga.
HINDI napigilan ni Olive ang pagtulo ng kaniyang luha nang ipatawag siya sa principal’s office at sabihin sa kaniya ni Mrs. Madrigal na inaalisan na siya ng scholarship ng school dahil sa pagkalat ng isang maselang video niya.
“We’re sorry pero iyan ang naging desisyon ng head master. Magpasalamat na lang tayo na hindi ka pinaalis dito sa Wellington High. But don’t worry, nakikipag-usap pa rin ako sa kaniya na baka i-consider niya na you’re just a victim,” ani pa ni Mrs. Madrigal.
“P-pero b-baka hindi po namin kayanin ang gastos dito sa school, ma’am. Isa pa po, hindi ko ginusto ang video na iyon.” Humikbi siya.
“I know. Kaya nga umaapela ako sa head master. Sadyang maraming parents lang ang naalarma at nagtatanong kung bakit wala kaming ginagawa sa iyo. Ang tingin kasi nila ay ginusto mo ang nangyari sa iyo sa video.”
Bagsak ang balikat na lumabas si Olive ng principal’s office. Nakatulala siya habang naglalakad. Wala na ang luha ngunit bakas pa rin sa mata niyang namumula na umiyak siya.
Ano na ang gagawin niya ngayon? Paano niya sasabihin sa tatay at daddy niya ito? Natatakot siya na baka ma-disappoint ang mga ito sa kaniya.
“Olive. Kanina pa kita hinahanap—” Nakasalubong niya si Israel sa corridor. “Umiyak ka ba? Ang pula ng mga mata mo! Ano’ng nangyari sa iyo?” Nag-aalalang tanong ng nobyo niya.
Malungkot na tiningnan ito ni Olive. “B-binawi na ng Wellington High ang scholarship ko…” aniya sa basag na boses. “D-dahil daw do’n sa video.”
“Ano?! Bakit naman? Hindi mo naman ginusto—” Hindi na itinuloy pa ni Israel ang sasabihin. Kinabig siya nito at mahigpit na niyakap.
“Ano bang ginawa kong masama para parusahan ako ng ganito?! W-wala akong ginagawang masama! Bakit lahat yata ng kamalasan ay napupunta sa akin?!” Hindi na niya napigilang itago ang kaniyang hinanakit. Kumawala na iyon. Napakabigat na kasi. Hindi na niya kayang dalhin.
Hinaplos siya ni Israel sa kaniyang likod. “Shh… Tahan na. Wala kang ginawang mali o masama, Olive…”
“Pero bakit palaging ako na lang ang nahihirapan?!”
“Hindi ko rin alam pero isa lang ang masisiguro ko sa iyo—kakampi mo ako.” Kumalas si Olive sa pagkakayakap ni Israel at nakakunot ang noo na tiningnan ito sa mukha. “Don’t worry, Olive. Hindi kita iiwanan. Nandito lang ako palagi sa tabi mo. Pangako ko iyan sa iyo hanggang kamatayan.”
“B-bakit ka nagsasalita ng ganiyan, Israel? Natatakot ako sa sinasabi mo.”
“Dahil iyon ang nararamdaman ko. Saka gusto ko ulit mag-sorry sa nangyari noong last na monthsary natin. Isinusumpa ko sa ibabaw ng libingan ng namatay kong mga magulang na nagsasabi ako ng totoo. Wala kaming ginawang masama ni Dominique sa rooftop. Mag-isa lang ako doon tapos bigla siyang dumating.”
Tumango si Olive. “Naniniwala naman ako sa iyo. Sorry din. Nagselos lang talaga ako.”
“Tama na iyon, ha. `Di dapat tayo nag-aaway dahil kay Dominique. Gusto lang niyang masira tayong dalawa.” Ngumiti si Israel sabay haplos sa kaniyang pisngi.
Tumango na lang din si Olive. Ngayon niya labis na naa-appreciate si Israel dahil hindi nito ipinaparamdam na mag-isa siya. Napatunayan din niyang mahal siya nito talaga nang tanggapin pa rin siya nito sa kabila ng video na iyon. Bihira na ang ganitong lalaki. Lalo na sa katulad ni Israel na gwapo at matalino na napakadaling makahanap ng mas better kesa sa kaniya.
Nagulat si Olive nang may biglang bumundol sa likuran niya. Muntik pa siyang sumubsob paunahan pero mabuti na lang at nasalo siya ni Israel at naalalayan siya nito.
“Ano ba iyan? PDA much!” Kilala niya agad ang boses sa likuran niya. Si Dominique.
Pagharap niya ay nakita niya ang babae. Naka-crossed arms at nakataas ang isang kilay. Nasa likod ni Dominique sina Yasmine, Jazzy at Camila.
“Ang sweet kaya nila. Hashtag couple goals! Hashtag road to forever!” Kinikilig na singit ni Camila.
Galit na nilingon ni Dominique ang kaibigan. “Gusto mong hash-tagain ko iyang leeg mo. Dumb b***h!” anito sabay harap ulit sa kanila. “Sorry, Olive. Nakaharang kasi kayo ng ex-boyfriend ko sa corridor. Akala ko ay isang malaking basurahan!”
Hinawakan siya ni Israel sa kamay at binulungan. “Tayo na lang ang umiwas…”
Iyon naman talaga ang gagawin ni Olive pero bigla niyang nakita si Helga. Nakatayo sa may likuran nina Dominique. Ilang dipa lang ang layo nito kaya sigurado siyang iyon ang babae. Kumaway ito sa kaniya. Inilagay ang dalawang kamay sa sarili nitong leeg at inilawit ang dila. Umaakto itong sinasakal ang sarili sabay tawa.
Anong ginagawa niya? Hindi kaya gusto niyang gawin ko iyon kay Dominique? Tanong niya sa sarili.
Mukhang ganoon nga ang sinasabi ni Helga.
Tiningnan niya si Dominique. Napakarami na ng kasalanan nito sa kaniya. Sinaktan na siya nito ng pisikal at emosyonal kahit sa pagkakatanda niya ay wala siyang ginawang masama dito. Galit lang talaga ito sa kaniya dahil nasa kaniya na si Israel.
Sa kabila ng kasamaan ni Dominique sa kaniya kahit isang beses ay hindi siya lumaban. Hindi niya iyon naisip dahil ang katwiran niya kapag lumaban siya ay mas lalong lalaki lang ang gulo. Kaya palagi niyang pinipili na tumahimik at umiwas.
Ano kaya kung sa pagkakataon na ito ay lumaban na siya? Pero ano kaya ang gagawin niya? Sasakalin ito? Sabunutan niya kaya? Sampalin ng malakas? Duraan? Saksakin ng ballpen? Saan? Sa pisngi o sa braso? Sa mata kaya para mas masakit?
Olive! Ano bang iniisip mo?! Tumigil ka nga! Bigla niyang saway sa sarili.
Mali ang iniisip niya. Hindi siya dapat gumanti dito sa ganoong paraan. Kung gagawin niya iyon ay parang wala na siyang pinagka-iba kay Dominique at sa mga kaibigan nitong bully.
“O? Bakit ang sama ng tingin mo? Do you want a catfight?!” hamon ni Dominique.
Doon lang napagtanto ni Olive na nakakuyom pala ang mga kamay niya at matalim ang tingin niya kay Dominique. Lumuwag ang kamay niya kasabay ng pagbalik sa normal ng mata niya. Kumurap-kurap siya. Muli niyang tiningnan si Helga. Wala na ito. Hindi niya alam kung saan nagpunta ang babae.
“Olive, tara na,” ani Israel.
Tumango siya at sumama na sa nobyo niya sa paglayo sa Royals.
NAPAHAWAK si Mrs. Madrigal sa rosaryong nakasabit sa kaniyang leeg nang ipanood sa kaniya ng pulis na nagpunta sa kanilang school ang CCTV footage na kuha sa bahay ni Courtney at sa labas ng guidance office nang patayin si Mr. Gaston. Patuloy pa rin kasi ang pag-iimbestiga ng mga pulis at ayon sa mga ito ay wala pa ring suspek kung sino ang tao sa likod ng Killer School Girl. Iyon ang ipinangalan dito dahil nakasuot ito ng school uniform at maskara ng isang babae at wig na maikli.
“Dios por santo!” Hindi napigilang bulalas niya.
Ngayon lang niya iyon napanood dahil ilang araw siyang wala. May dinaluhan siyang seminar.
“Iyan po ang pumatay sa estudyante na si Courtney Guevarra at kay Mr. Gaston. May hinala po ba kayo kung sino ang nasa likod ng maskara na iyan?” tanong ng pulis sa harapan niya.
Nahihintakutang ibinalik niya dito ang cellphone. Bigla siyang pinagpawisan ng malapot. “W-wala. Wala akong hinala. Pero ang ayos ng killer… pamilyar siya sa akin,” aniya.
“Pamilyar? Paano niyo po nasabing pamilyar?”
“Iyong uniform niya. Dito iyan sa Wellington noong ito ay bago pa lamang. A-ang mukha ng maskara lalo na ang buhok… P-parang kay…” Napalunok siya ng laway dahil parang may kung anong bumara sa kaniyang lalamunan.
“Parang kanino, Mrs. Madrigal?”
“Parang kay Olivia Penelope!”
“Sino po si Olivia Penelope at saan namin siya pwedeng makausap?”
Umiling si Mrs. Madrigal. “Imposible na makausap niyo pa siya dahil matagal na siyang patay…” Nang sabihin niya iyon ay mabilis na bumalik ang isip niya sa nakaraan.
“Teacher! May tatalon po sa rooftop!” Agad na napatayo si Mrs. Madrigal sa sinabing iyon ng isa sa mga estudyante niya.
Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at tumakbo na siya palabas ng classroom. Ngunit pagdating niya sa school building kung saan sinabing may tatalon na estudyante ay huli na. Eksaktong pagdating niya ay may isang babaeng tumalon mula sa rooftop habang may lubid na nakatali sa leeg nito.
Sa sobrang lakas ng impact ng pagtalon ng babae ay naputol ang ulo nito at gumulong iyon sa paanan ng mga estudyanteng nakakumpol.
“Guro pa ako noon dito sa Wellington High. Nagpakamatay si Olivia Penelope dahil sa hindi na niya kinaya ang pambu-bully sa kaniya. Iyong hitsura ng Killer School Girl ay katulad ng kay Olivia. Lalo na ang buhok niya. Ganoong-ganoon ang buhok ni Olivia! Hindi ko lang maintindihan kung bakit ginagamit ng killer ang imahe ni Olivia Penelope.” Bigla tuloy nagtaasan ang balahibo niya sa braso dahil naalala niya kung paano nagpakamatay ang estudyanteng tinutukoy niya.
Marahang tumango ang pulis. “Kung ganoon ay malaki ang posibilidad na kilala ng killer ang sinasabi ninyong Olivia Penelope. Hayaan ninyo at isasama namin sa pag-iimbestiga ang history ni Olivia at ang mga taong maaaring nakakakilala sa kaniya ngayon.” Matapos iyon ay nagpaalam na ang pulis sa kaniya.
Nang mag-isa na lang si Mrs. Madrigal ay hinanap niya ang isang lumang year book sa storage room. Naninilaw na ang pahina niyon at halos napupuno na ng alikabok ang cover. Binuklat niya ang pinaka ng marahan sa huling pahina at doon ay nakita niya ang litrato ni Olivia Penelope kasama na ang mga estudyanteng namatay noon sa school trip na ginanap sa taon na iyon.