PAGSAPIT ng break time ay humiwalay muna si Olive sa nobyong si Israel upang hanapin si Helga. Ibabalik niya dito ang aklat na inilagay nito sa kaniyang bag noong isang araw. Sinabi niya kay Israel na pinapatawag siya sa principal’s office kahit hindi.
Hindi niya alam kung anong grade na si Helga kaya wala siyang ideya kung saang classroom ito hahanapin. Kaya ang ginawa na lang niya ay nagtanong siya sa mga nakakasalubong sa pamamagitan ng pag-describe sa hitsura ni Helga. Ngunit bigo siya. Sa dami ng napagtanungan niya ay walang nakakakilala dito.
Hanggang sa sumuko na si Olive.
Naisipan niyang magtungo na sa canteen para kumain. Nakakaramdam na kasi siya ng gutom. Dalawang magkasunod na subject ang kailangan niyang tapusin bago ulit mag-break time. Paniguradong gutom na siya sa oras na iyon kaya mas mabuting kumain na siya ngayon.
Hinanap muna niya si Israel. Wala yata ito doon kaya pumila na siya para bumili ng pagkain. Chicken sandwich at orange juice ang binili niya.
Puno na ang mga pang-dalawahang table kaya naisipan niyang sa isang long table na lang pumwesto para kumain. May bakanteng upuan pa doon sa may bandang gitna.
“Eww! Si scandal girl!” Narinig niyang sabi ng isang babae. Napayuko siya dahil alam niyang siya ang tinutukoy nito.
“Umalis na tayo dito. Baka mahawaan tayo ng kalandian niya!” Sabay-sabay na nag-alisan ang mga nakaupo sa long table at naiwan siyang mag-isa doon.
Alam niyang hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalimutan ng lahat ang video niya kahit pa na-take down na iyon sa mga social media. Nasa isipan pa rin ng mga ito ang video at ang imahe niya bilang kaladkarin at malandi. Gusto niyang ipaliwanag ang sarili niya pero alam niyang pagtatawanan siya ng lahat. Mahirap na kasing baguhin ang tingin sa iyo ng mga tao. Kung ano lang ang nakita nila ay iyon na ang papaniwalaan nila. Wala na silang pakialam sa istorya kung bakit nangyari iyon sa kaniya. Kahit pa sabihin niyang hindi niya iyon ginusto at biktima lang siya ay wala pa ring maniniwala sa kaniya. Marahil ay sapat nang nasa tabi pa rin niya ang kaniyang tatay, daddy at si Israel. Iyon naman ang importante. Iyon nga lang, talagang masakit pa rin kapag nilalait siya lalo na dito sa Wellington High. May mga gabi pa rin na umiiyak siya dahil sa sama ng loob at hindi niya iyon ipinapakita sa iba.
“Hi, Olive!” Umangat ang mukha niya nang may tumawag sa kaniya.
Nagulat siya nang umupo si Helga sa upuan sa harapan niya.
“H-helga?” bulalas niya. Hindi siya makapaniwala na ito mismo ang lalapit sa kaniya.
May dala itong kulay pulang mansanas. “Alam kong hinahanap mo ako. `Di ba?” Kumindat ito sa kaniya sabay kagay sa malutong na mansanas.
“Paano mo nalaman?” takang tanong ni Olive.
Kumibit-balikat si Helga. Nangalumbaba habang ngumunguya. “Dahil alam ko lahat.” Maikli nitong sagot habang diretso ang tingin sa kaniya.
“Ngayon lang kita nakita dito sa Wellington tapos sasabihin mong alam mo na lahat. Nagbibiro ka ba? Sino ka ba talaga, Helga?”
“Matagal na ako dito. Hindi mo lang siguro ako napapansin. Pero ikaw… palagi kitang nakikita. Simula nang unang araw mo dito hanggang sa pambu-bully sa iyo ng Royals. `Yong sa CR at nilunod ka sa toilet bowl—”
“Tama na!” Medyo napalakas ang pagkakasabi niya niyon dahil ayaw na niyang marinig ang mga kasunod na sasabihin ni Helga. Nakuha niya tuloy ang atensiyon ng ilang nasa canteen sa pagtaas ng boses niya.
Ngumiti si Helga ng malaki. Kitang-kita ang maputi at maganda nito ngipin.
Naalala niya kung bakit niya hinahanap si Helga. Inilabas niya sa bag ang aklat nito at ipinatong iyon sa ibabaw ng lamesa. Itinulak niya iyon palapit dito.
“Ibabalik ko sa iyo iyan. Hindi ko kailangan ang ganiyang klase ng aklat.”
“Ha? Bakit? Highly recommended ko ang book na iyan,” ani Helga nang hindi tinitingnan ang aklat. Umayos ito ng pagkakaupo at kumagat ulit sa mansanas. “`Wag mo munang isauli sa akin. Basahin mo. Kailangan mo ang lahat ng information na nasa book na iyan.”
“Information kung paano pumatay ng tao? No way!” iling ni Olive.
“Hindi ng tao. Kaaway, Olive. Paano pumatay ng kaaway mo.”
“Tao pa rin sila.”
“Tao pero kaaway mo pa rin.” Nagtitigan sila. Matagal. Maya maya ay nagpakawala ng malalim na paghinga si Helga. “Sige na. Ibalik mo na ang book sa bag mo. I’m telling you… papasalamatan mo ako someday dahil ibinigay ko sa iyo ang book na iyan. O baka naman hindi mo na kailangan kasi…”
Hindi itinuloy ni Helga ang sasabihin.
“Kasi ano?” Nais ni Olive na marinig ang sasabihin nito.
“Wala. Wala talaga!” Tinakpan nito ang bibig ng isang kamay at humagikhik.
“Nang-aasar ka ba?”
“Uy, hindi. Sorry…” Bumungisngis ito. “Wala talaga. Huwag mo nang isipin.”
“Ano ba kasi iyon? Kasi ano nga?” Kaunti na lang ay mapipikon na si Olive nang tuluyan.
Sumeryoso ang mukha ni Helga. “Kasi nasa dugo mo ang mamamatay tao.”
Nanlaki ang mata niya sa gulat. “Anong sinabi mo?! Maayos ang pamilyang kinalakihan ko kaya hindi totoo iyang sinasabi mo. Alam mo ba na hindi ka dapat nagsasalita ng ganiyan sa taong hindi mo naman ka-close?” Naiinis na siya kay Helga.
“Hindi ko naman tinutukoy ang two father mo, e. Iyong tunay mong parents. Malay mo… they’re true blooded killers! Kaya nasabi ko na kaya hindi mo na kailangan ang book ko kasi nga nasa dugo mo na ang pagpatay ng tao. Oops…” Tumawa ito sabay kagat sa apple.
Naningkit ang mata ni Olive. “Bakit alam mo na dalawa ang tatay ko? Sino ka ba para magsalita ng ganiyan sa akin?” Mariin niyang ikinuyom ang mga kamay.
“The real question is… sino ka nga ba talaga Olive Aurora?” Unti-unting gumuhit ang nakakalokong ngiti sa labi ni Helga. “Hindi ka ba naku-curious sa kung saan ka talaga nanggaling?”
“Pwede bang diretsuhin mo na ako. Ano ba ang gusto mong sabihin?”
“Hindi pa ako pwedeng magsalita ngayon. May tamang panahon para diyan. Malalaman mo rin ang lahat nang dahan-dahan. For now, i-enjoy mo lang ang mga mangyayari.” Kinuha ni Helga ang aklat at iniwan sa ibabaw ng lamesa ang mansanas na kinakain nito. Tumayo ito at naglakad na palabas ng canteen.
Nang nasa pintuan na ito ay huminto ito at lumingon sa kaniya. Kumaway ito habang nakangiti at saka muling naglakad.
Hindi malaman ni Olive kung bakit napakabilis ng t***k ng puso niya matapos makipag-usap kay Helga. Nakakainis ito pero may kakaiba siyang nararamdaman sa babaeng iyon. Para bang matagal na silang magkakilala. Parang may kung anong bagay na nakakonekta dito sa kaniya at iyon ang gusto niyang malaman.
ISRAEL Aguillar tagged you in a post.
Bahagyang nagulat si Olive nang mag-pop up sa cellphone niya ang notification na iyon sa kaniyang f*******:. Bihira kasi siyang i-tag ni Israel sa mga post nito kaya medyo nagtataka siya. Ano kaya ang post nito na iyon?
Nasa rooftop siya ng sandaling iyon. Second break na nila. Isang oras ang second break kaya matagal-tagal ang oras na wala siyang gagawin.
Nitong mga nakaraang araw, simula nang kumalat sa social media ang maselang video niya ay nakagawian na niyang tumambay dito sa rooftop para makaiwas sa mga mapanghusgang mata ng mga tao. Dito ay walang nangungutya sa kaniya. Siya lang mag-isa. Tahimik. Nagkakaroon ng kapayapaan ang utak at kaluluwa niya ng kahit kaunting oras.
Palagi siyang nasa gilid at nakatanaw sa malayo kapag nasa rooftop siya. Gaya na lang ng pwesto niya ngayon doon.
Tiningnan niya ang post ni Israel kung saan ay ti-nag siya nito.
Napahawak si Olive sa dibdib nang malaman na pagbati para sa kanilang monthsary ang post ni Israel. May video kung saan binabati siya nito ng “happy monthsary”. Kasunod niyon ay ang mga pictures nila na magkasama silang dalawa. Ang mas nakapag-antig ng puso niya ay ang caption ng mismong post: Sabihin na nila ang gusto nilang sabihin pero mahal na mahal kita, Olive Aurora! Walang makakapagbago ng nararamdaman ko para sa iyo…
Hindi niya namalayan ang pagdaloy ng mga luha sa kaniyang pisngi.
“Nakaka-touch naman!”
Muntik nang mabitawan ni Olive ang cellphone sa sobrang gulat nang may biglang magsalita sa kaniyang likuran. Iyon pala ay nasa itaas ng balikat niya ang mukha ni Helga at nakikitingin sa cellphone niya.
Lumayo siya sa babae. “Ano ka ba?! Muntik ko nang mabitawan ang cellphone ko—”
“Hindi mo naman nabitawan, e. Uy, grabe, ha! Ang sweet ng post ng boyfriend mo. Sana all!” bumungisngis ito.
Kumibot ang labi niya. Wala siya sa mood na makipag-usap sa katulad ni Helga. Kung kailan gusto niyang mapag-isa ay saka naman ito darating. Hindi na lang siya nagsalita at naglakad na siya para iwanan ito.
“Sweet parang candy. Pero tandaan na ang candy ay nababalot ng plastik!”
Napahinto si Olive sa sinabing iyon ni Helga. Lumingon siya dito. Nakasandal ito sa railings na bakal sa gilid ng rooftop. “Anong sinabi mo?”
“Wala. Concerned friend lang ako, Olive. Pinapaalala ko lang sa iyo na `wag kang masyadong magpadala sa matatamis na salita.”
“Boyfriend ko si Israel. Malamang maging sweet siya sa akin. Wala ka sigurong jowa kaya ganiyan ang lumalabas sa bibig mo. Saka huwag mong sabihin na friend kita dahil hindi kita kaibigan, Helga. At kahit kailan ay hindi mo ako magiging kaibigan!” Matigas na wika ni Olive. Masakit na kung masakit ngunit dapat lang sigurong marinig iyon ni Helga at baka sakaling tigilan na siya nito.
Nalukot ang magandang mukha ni Helga. “Ouch. Ang sakit… no’ng walang jowa! Joke!” anito sabay tawa. “Sa ayaw at gusto mo ay kaibigan mo na ako, Olive. You need me. At kahit ipagtabuyan mo pa ako ay hindi ako lalayo sa iyo. Palagi lang akong nandito dahil iyon ang dapat.”
“Ang gulo mo. Bahala ka na diyan!” Naguguluhan lang siya lalo kapag nagsasalita si Helga kaya tinalikuran na lang niya ito.
“Hoy! Bumalik ka dito! Congratulations nga pala! Number one ka sa Mirror! Number one! Number one! Number one!” At malutong itong tumawa na parang nang-aasar.
Ano bang pinagsasabi nito na number one siya sa Mirror? Nahihibang na nga yata si Helga. Alam niyang kahit anong mangyari ay hindi siya masasali sa listahang iyon ng Wellington High. Hindi niya pinangarap at hindi siya interesado.
Bumaba na siya ng rooftop. At dahil nakayuko siya ay hindi niya napansin ang grupo ni Dominique na papasalubong nang naglalakad siya sa hallway. Nabangga niya si Dominique at muntik na itong matumba kung hindi ito nasalo nga tatlong kaibigan nito.
“What the—” Namilog ang mata ni Dominique nang makita siya. “Eww! The scandal girl!”
Nabigla si Olive nang lapitan siya ni Camila at nag-selfie ito kasama siya. Naglabas pa ito ng notebook at ballpen. “Olive, can I have your autograph? Please!” turan pa nito habang papikit-pikit.
“B-bakit?” nagtatakang tanong niya.
“Of course! Number one ka kaya sa Mirror! Congrats—” Hinila ni Dominique ang buhok ni Camila. “Ouch! Bakit ba?”
“Gusto mo bang ako ang pumirma diyan using you blood?! Halika nga dito!” gigil na sigaw ni Dominique sa kaibigan sabay tingin sa kaniya. “Siguro ang saya mo kasi number one ka sa Mirror, Olive. I just want you to know na hindi ka napunta sa top dahil sa maganda, popular or influential ka. Alam mo ba kung bakit binoto ka ng mga students dito sa school? Dahil sa viral s*x video mo! Iyon lang ang reason nila kaya huwag kang ilusyunada!”
“N-number one ako? Sa Mirror?” Hindi makapaniwala pang itinuro ni Olive ang sarili.
Hindi naman kasi niya tinitingnan ang Mirror sa website ng kanilang school kaya wala siyang kaalam-alam. At mukhang totoo ang sinabi ni Helga kanina dahil kina Dominique na mismo nanggaling na siya ang number one sa Mirror.
“Number one ako? Sa Mirror?” gagad ni Dominique sa sinabi niya. “Painosenteng b***h! As if, hindi mo alam! I am pretty sure na every now and then ay chini-check mo ang Mirror para tingnan kung nasa list ka na.”
“Baka nga sinadya niya iyong viral video niya para sumikat siya, Dominique!” sabi ni Jazzy.
Umiling si Olive. “Hindi totoo `yan! Walang babae ang gustong sumikat sa ganoong paraan. Walang babae ang ipapahiya ang sarili para lang mag-viral at—”
“Meron kaya. You! Olive Aurora!” ani Yasmine sabay turo sa kaniya.
Nagtawanan ang apat na para bang ipinapamukha sa kaniya na isa siyang nakakatawang bagay. Na dapat pagtawanan ang nangyari sa kaniya.
Inilapit ni Dominique ang sarili sa kaniya at tiningnan siya nang pailalim na para bang napakaliit niya. “Alam mo kung ano ang gusto kong mangyari ngayon? Iyon ay ang mauntog na si Israel at makita niya kung gaano ka kadumi. In the end, babalik siya kung kanino siya nararapat—sa akin. Dahil hindi kayo bagay ni Israel! Trash!” Mahina nitong itinulak ang balikat niya.
Kahit mahina iyon ay napaatras siya ng isang hakbang. Gusto niyang sagutin sina Dominique. Gusto niyang lumaban. Ngunit natatakot siya na baka kapag ginawa niya iyon ay balikan siya ng mga ito. Makapangyarihan ang pamilyang kinabibilangan ng Royals. Kaya nga takot ang lahat sa mga ito dahil para kang bumangga sa pader kapag kinalaban mo ang mga ito.
“M-may sasabihin pa ba kayo? Hindi pa ba kayo tapos?” Nakayuko niyang tanong.
“Hmm… Marami pa pero sa ibang araw na lang,” ani Dominique. “Kayo ba, may sasabihin pa ba kayo sa scandal girl na `to?”
“Wala na. Mag-iisip pa ako. Next time…” ani Jazzy.
“Me too!” segunda naman ni Yasmine.
“Me? Congrats—” siniko ni Dominique sa dibdib si Camila. “Ouch! Why my boobs?!”
“Dahil baka nandiyan ang utak mong boba ka!” inis na turan ni Dominique kay Camila. “Ikaw, Olive, may sasabihin ka ba sa akin? O baka gusto mo ng sampalan at sabunutan. I can give it to you now! As in, dito.”
“A-ayokong makipag-away sa inyo, Dominique. Kaya sana ay tigilan mo na ako. Tigilan niyo na ako. Ano ba ang dapat kong gawin para tigilan niyo na ako. P-pagod na ako, e. Sa totoo lang…” Hindi niya napigilan ang mapahikbi dahil sa labis na awa sa sarili.
“Ang gusto ko ay mawala ka sa school na ito at ibalik mo sa akin si Israel, b***h! He’s mine. Inagaw mo lang siya. Nilandi mo lang siya kaya ka niya pinatulan!”
“E, sa ayaw na nga sa iyo ng tao! Pinipilit mo pa! Desperada!” Lahat sila ay napalingon sa kaniyang likuran nang may marinig silang boses ng babae.
Ganoon na lang ang gimbal ni Olive nang makita si Helga na naglalakad palapit sa kanila.
H-helga?! Hindi makapaniwalang tili ng utak niya.