NALUKOT nang husto ang noo ni Dominique sa babaeng may bangs at mahabang buhok na may malalaking kulot na papalapit sa kanila. Tumabi ito kay Olive habang may nakakakilabot na ngiti. Iba ito tumingin. Para bang kinakain siya nito nang buong-buo. Ganoon ang pakiramdam niya habang nilalabanan ang mata nito.
“Who the hell are you?!” Pilit niyang tinapangan ang pagsasalita at baka makahalata ito na apektado siya sa presensiya nito.
“Hell? Yes. My name is Hel… ga. Helga!” Nawala ang ngiti nito.
Sino ba ang Helga na ito? Bagong student? Ngayon lang niya ito nakita. At ang lakas ng loob nito na magsalita ng ganoon. Tinawag siya nitong desperada na para bang ipinagsisiksikan niya ang sarili kay Israel.
“O, bakit natameme na kayo? Gusto ninyo ng sampalan at sabunutan, right? Kaya kong ibigay iyon sa inyo. Mas higit pa doon!”
Hinawakan ni Olive sa braso si Helga. “Tama na, Helga. Tara na. Umalis na lang tayo—”
“So, magkaibigan kayong dalawa! Hindi nakakapagtaka. Parehas kayong mukhang basura.” Tumawa si Dominique pati na ang tatlo niyang kasama.
“Birds with the same feathers flocks together. Tama ba?”
Huminto sila sa pagtawa sa sinabi ni Helga.
“Anong gusto mong sabihing pakialamera ka?!”
Itinaas nito ang magkabilang balikat. “Wala naman… Iniisip ko lang kung ano ang pagkakatulad niyong apat. Si Jazzy—the insecure queen. And you, Yasmine—the retoke queen. Camila—dumb queen. At ikaw…” Matalim ang tingin ni Helga sa kaniya. “Dominique—the self-proclaimed queen! Oh, lahat kayo ay queen in your own basura ways! Ang baho! Amoy na amoy ko kayong apat. Umaalingasaw!” Inilagay nito nang pahalang ang hintuturo sa ilalim ng ilong.
“Hoy! Naligo ako kanina kaya hindi totoo iyan!” singit ni Camila.
Hindi niya pinansin ang katangahan ng kaibigan. Mas nananaig ang curiosity niya sa kaibigang ito ni Olive. Ngayon lang niya nalaman na meron palang kaibigan si Olive dito sa school. Sa pagkakaalam niya ay walang naglalakas ng loob na makipagkaibigan dito dahil sa takot sa kanila. Lalo na sa kaniya. Hindi naman kasi lingid sa lahat na may personal siyang galit sa mang-aagaw na si Olive.
Pinatunog ni Helga ang mga daliri at iniunat ang braso. “Catfight? I’m ready, Dominique.” Hamon pa ni Helga.
“Helga, `wag—”
“Bakit, Olive? Gusto mong tumulong?” Pinutol agad ni Helga ang sasabihin ni Olive. “Hindi na. Kaya ko na itong mag-isa. Pagbubuhulin ko ang apat na iyan!”
Isa-isa silang tiningnan ni Helga nang matalim habang nakangiti.
“Helga, huwag na. Nakikiusap ako. A-ayoko ng gulo…” Mahinang sabi ni Olive.
Bumuntung-hininga si Helga. “Hay! Ano ba iyan? Nasa mood pa naman akong manampal ngayon pero sige na nga. Kung ayaw mo, next time na lang.” Itinuro siya ni Helga. “Pasalamat ka kay Olive kung hindi dahil sa kaniya ay baka may nagmumumog na ng dugo at ngipin sa inyo—”
Mariin na hinawakan ni Dominique ang daliri ni Helga na nakaturo sa kaniya. “Huwag mo akong dinuduro!” Napika na siya dito. Kung magsalita ito ay para bang mas mataas ito sa kaniya.
Ibinaba ni Helga ang daliri nito habang may nakakalokong ngiti. Tumalikod na ito kasama si Olive. Tumiim ang bagang niya habang matalim ang tingin sa dalawa. Kung inaakala ng Helga na iyon na papayag siya na binastos siya nito ay nagkakamali ito.
Sino ba ito? Katulad lang naman ito ni Olive na basura! Ang ipinagkaiba lang nito ay hindi pa yata siya nito kilala kaya ang lakas ng loob nitong magsalita ng ganoon.
Pwes! Magpapakilala siya dito. Habang maaga pa ay dapat na nitong makilala si Dominique Delfin!
“Who says you can leave?!” Nilakihan ni Dominique ang hakbang at hinablot sa buhok si Helga. Hinila niya ito pabalik. “Hindi pa ako tapos sa inyo, b***h!”
Hindi nagsalita si Helga. Bigla itong pumihit paharap sa kaniya. Pinisil nito ang kamay niya na nakahawak sa buhok nito. Napasigaw siya sa sakit. Hindi niya alam kung paano nito iyon nagawa pero pakiramdam niya ay nag-c***k ang buto niya sa kamay niya sa mariin nitong pagpisil.
Sa isang iglap ay nahawakan nito ang leeg niya. Itinulak siya nito hanggang sa mapasandal sa sementadong dingding. Tila walang kahirap-hirap na itinaas siya nito habang sakal siya sa leeg. Umangat ang paa niya mula sa sahig ng halos isang dangkal.
“OMG! Let her go!” sigaw ni Jazzy.
Lalapit sana ito pero nang tingnan ito ni Helga ay napaatras ito na parang takot.
“Helga! Tama na `yan!” hiyaw ni Olive na natataranta.
Ibinalik ni Helga ang tingin sa kaniya. Nahihirapan siyang huminga sa higpit ng pagkakasakal nito. Pinipilit niyang alisin ang kamay nito sa leeg niya pero hindi niya magawa. Nakakapagtaka kung bakit ganoon ito kalakas. Nagawa siya nitong iangat gamit ang isang kamay lang!
“L-let m-me… go…” Hirapang sabi ni Dominique.
“Ano `yon? Hindi kita maintindihan, Dominique.”
“B-b***h…”
“Ano `yon? May sinasabi ka ba?” At bumungisngis ito.
Nagpupumiglas siya. “B-bitawan m-mo a-ako!” Halos tumirik na ang mata ni Dominique. Natatakot siya na kapag nagtagal pa ang pagkakasakal sa kaniya ay baka malagutan siya ng hininga.
“There!” Walang babalang binitawan siya ni Helga.
Nanghihinang napaupo si Dominique sa sahig habang nakasandal sa dingding. Uubo-ubo siya at panay ang himas sa leeg. Nag-aalalang nilapitan siya ng kaniyang mga kaibigan.
Humalukipkip si Helga.
“Helga! Tara na sabi!” ani Olive at hinila na nito palayo ang babae.
“b***h! Hindi pa ako tapos sa iyo!” sigaw ni Dominique. Napaubo siya nang sunud-sunod.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lang niya naranasan na masaktan ng pisikal ng ibang tao. Kahit sino ay walang nangahas na saktan siya o labanan siya pabalik. Tanging si Helga lang ang nakagawa niyon sa kaniya!
“HINDI mo na dapat ginawa iyon, Helga! Mas lalo lang magagalit sina Dominique sa akin!” May halong paninising sabi ni Olive kay Helga matapos nilang bumalik sa rooftop. Doon niya ito dinala para walang makakarinig sa kanilang pag-uusap.
Prenteng sumandal si Helga sa railings at tumingala sa langit. “Dapat lang iyon sa kaniya. Kulang pa nga iyon, e!” Papikit-pikit ito. Nasisilaw ito sa sikat ng araw.
Kung kalmado ito ay kabaligtaran siya. Natataranta siya at kulang na lamang ay maghisterikal. Hindi siya makapaniwala na magagawa iyon ni Helga sa pinaka makapangyarihang estudyante ngayon sa Wellington High. Walang nakakagawa niyon sa Queen b***h at ngayon pa lang ay natatakot na siya sa magiging resulta ng ginawa ni Helga. Sigurado siyang nagpupuyos na sa galit si Dominique at dahil sinabi ni Helga na kaibigan siya nito ay madadamay siya.
“Hindi mo kilala sina Dominique!”
“Kilala ko sila. Nasabi ko nga kanina kung ano sila, `di ba?”
Sandaling natigilan si Olive. “Bakit ba ang dami mong alam? Sino ka ba talaga, Helga?”
“Mahirap ipaliwanag kung sino ba talaga ako, e. Pero isa lang ang sigurado ako—kakampi mo ako, Olive. Nandito ako dahil nandito ka.”
“Ano? Ano ba sinasabi mo? Alam mo, ang gulo mo magsalita! Hindi kita maintindihan!”
“`Di ba, sinabi ko sa iyo na malalaman mo rin ang lahat sa tamang panahon. Hayaan mo lang na mangyari ang dapat mangyari. Hindi ako pwedeng magsalita ngayon. O, okay na ba?” Natatawa nitong sabi.
“Ewan ko sa iyo, Helga. Mas mabuti pa siguro na huwag ka na lang munang lumapit sa akin. Dumistansiya ka muna sa akin at kina Dominique. Ako na ang nakikiusap sa iyo. Kung totoo ang sinabi mo na kaibigan at kakampi kita ay susundin mo na lang ang gusto ko!” turan ni Olive.
MATALIM ang mata ni Dominique na nakatingin sa malayo. May hawak siyang isang baso ng whiskey. Nakaupo siya sa gilid ng swimming pool sa bahay nina Camila. Doon na sila dumiretso matapos ang engkwentro nila kina Helga. Nakasuot siya ng kulay pulang two-piece bikini. Baka sakaling kapag naglunoy siya sa tubig ay lumamig kahit paano ang ulo niya.
Mag-isa lang siyang nakaupo doon habang ang tatlong kaibigan ay maingay na naghaharutan sa tubig. Hindi niya magawang sumali sa mga ito dahil iniisip pa rin niya ang nangyari kanina. Ayaw niyang tanggapin na may isang tao na nagawa iyon sa kaniya. Ang ipinagtataka pa niya ay kung bakit ganoon kalakas ang Helga na iyon.
Naramdaman niya ang pag-vibrate ng phone niya na nasa gilid.
Dinampot niya iyon. Puro notification sa f*******: ang nakita niya. Marami ang nag-tag sa kaniya sa comment ng mga ito. Chi-neck niya ang isa. Ti-nag siya sa post ni Israel na puro pictures nito at ni Olive ang nakalagay. Monthsary pala ng dalawa noong isang araw. Sa inis niya ay pinagba-block niya ang nag-tag sa kaniya. Sira na nga ang araw niya ay lalo pang sisirain.
Tumiim ang bagang niya. Malamang sa sandaling ito ay pinagtatawanan siya ni Olive. Ang malanding iyon! Mas lalo lang nadagdagan ang dahilan niya para magalit dito dahil kaibigan nito ang gumawa niyon sa kaniya.
Ang nakakagigil pa ay pagmamay-ari pa rin nito si Israel—iyon talaga ang nagpaliyab ng apoy ng galit kay Dominique. Malakas siyang sumigaw sabay bato ng baso sa pool. Tumapon at humalo sa tubig ang alak na naroon sa baso.
“f**k!!!” gigil pa niyang mura.
“OMG! Sayang iyong alak! Ang mahal pa naman no’n! Bakit mo itinapon lang?” Himutok ni Camila. Lumangoy ito sa pinagtapunan niya ng alak at pilit na ininom iyon kahit humalo na sa tubig ng pool. Talagang kahit kailan ay tatanga-tanga ito.
Umahon sa tubig sina Jazzy at Yasmine. Umupo ang dalawa sa tabi niya. Nasa gitna siya.
“What happened ba?” usisa ni Jazzy.
“Inagawan na nga ako ni Olive sa top spot sa Mirror tapos makikita ko sa f*******: na nag-monthsary sina Israel at Olive!” Umuusok ang ilong sa galit na sagot niya.
Lumabi si Yasmine. “I really don’t know kung bakit nagagawa pa ring pakisamahan ni Israel ang kadiring Olive na `yon!” Umasim ang mukha nito na parang nandidiri.
“Mag-social media detox ka kasi—”
“And why would I do that, Jazzy?! Nasa social media ang kalahati ng buhay ko alam ninyo iyan! I have thousand of followers and subscribers sa IG and Youtube! Why would I do that? Para hindi makita ang sweetness nina Israel at ng snake na si Olive? No way! Hindi ako ang mag-a-adjust! Ilang taon na akong naghihintay pero wala pa rin. Hindi pa rin bumabalik si Israel sa akin!”
“Iyan ang mali sa iyo, Olive. You’re just waiting.” Napatingin siya kay Jazzy dahil sa sinabi nitong iyon.
“What do you mean?”
“Wala kang ginagawa para bumalik si Israel sa iyo. Binu-bully lang natin si Olive at ang resulta niyon ay mas lalo lang nagagalit si Israel sa iyo. Lalong hindi siya babalik sa iyo. Do you think kapag napagod na si Olive sa pambu-bully natin ay ibabalik niya sa iyo ang ex mo? Yes, pwedeng ganoon pero babalik nga ba si Israel sa iyo kapag break na sila si Israel.”
“Ang dami mong sinasabi, Jazzy! Ano bang gusto mong sabihin?” Naiiritang singhal ni Dominique. Nakakainis ang dami ng pasakalye nito.
Iniunat ni Jazzy ang dalawang braso. “Simple lang. Sira na kahit papaano si Olive sa paningin ni Israel. Hindi man niya aminin pero may lamat na ang trust niya sa girlfriend niya dahil sa video scandal na iyon. Iyong lamat na iyon ang gagamitin mo para mas lalong masira si Olive sa mata ni Israel. Hindi lang sira kung wasak na wasak! Durog na durog!” Isang mala-demonyong ngiti ang sumilay sa labi nito.
Tila nagugustuhan niya ang sinasabi ng kaibigan. “So, ano ang gagawin ko?”
“Make her viral again. But this time, make sure na isusuka na siya ni Israel nang tuluyan! Mag-isip ka, Dominique…” Tumayo si Jazzy at nag-dive sa pool.
Napaisip tuloy siya sa kung paano niya sisirain nang husto si Olive. Paano?
Parang ang hirap namang tapatan ng eskandalong kinasangkutan ni Olive. Halos mabaliw na tuloy siya sa kakaisip. Hanggang sa isang panibagong ideya ang naglaro sa utak niya. Kung hindi niya magagawang sirain si Olive kay Israel ay mas magiging madali ang lahat kung mawawala na lang ito?
Ipinilig ni Dominique ang ulo. Ano bang pinag-iisip mo, Dominique? You are not a killer! Saway niya sa sarili.
“I disagree with Jazzy, Dominique. Kapag nag-viral ulit si Olive, for sure iboboto siya lalo ng mga tao sa Mirror. Hindi mo siya mauungusan sa top spot. And besides, nakikita ko na mahal na mahal talaga ni Israel si Olive kaya hindi mo siya makukuha ulit hangga’t nandiyan si Olive…” Makahulugang sabi ni Yasmine. Bumalik na ito sa pool at muling nakipagharutan kina Camila at Jazzy.
Hindi ko makukuha si Israel hangga’t nandiyan si Olive? Ulit ng utak ni Dominique sa huling sinabi ni Yasmine.
“Bakit ang ingay—My God! Camila!” Lahat sila ay napalingon sa malaking boses ng isang babae na kanilang narinig.
Isang babaeng mataba na nakasuot ng maluwang na dress ang humahangos na papunta sa kanila. Kilala niya iyon. Mommy ni Camila. Mukha itong galit na elepante. “What is the meaning of this? Bakit kayo nasa pool?!” Umuuga ang baba nito sa sobrang galit. Nakatayo ito sa gilid ng pool.
“M-mommy! We’re just swimming!” Umahon si Camila at nilapitan ang mommy nito.
Nanonood lang si Dominique. Wala siya sa mood na makipagsagutan sa nanay ni Camila. Hindi lingid sa kaalaman nila na ayaw nito sa kanila dahil bad influence daw siya sa nag-iisa nitong anak. Wala daw silang itinuturo kay Camila kundi kasamaan. Kung alam lang nito na kung hindi nila kinaibigan si Camila, malamang hanggang ngayon ay binubully pa rin ito dahil sa pagiging bobo nito. Ngayon ay marami na ang takot kay Camila na pagtawanan ito dahil sa kasama ito sa Royals.
“Imbes na nag-aaral ka ay ganito ang ginagawa mo! Saka oras ngayon ng school, a. Bakit kayo nandito? Nag-cutting ba kayo? Naku! Sinasabi ko na nga ba! Walang magandang dulot ang mga kaibigan mo sa iyo! Ang ginagawa mo dapat ay nag-aaral ka para mabawasan iyang kabobohan mo!” Dinuro-duro pa nito ang noo ni Camila.
“Sorry, mommy! `Wag mo naman akong ipahiya sa harapan ng friends ko!”
“Friends? Walang friends na iimpluwesiyahan ka ng masama, Camila. Bobo ka na nga sa school, bobo ka pa sa pagpili ng mga kaibigan!”
Kahit nagsasagutan na ang mag-ina ay wala pa ring pakialam si Dominique. Kahit sina Jazzy at Yasmine ay patuloy ang harutan sa pool. Sanay na kasi sila sa mabungangang mommy ni Camila na palaging pinipilit na maging matalino ang anak.
“At kayong tatlo! Encyclopedia ba iyang mga mukha ninyo at ang kapal ng mukha ninyong bumalik pa dito sa bahay ko? Baka akala ninyo ay nakalimutan ko na ang ginawa ninyo noong huling punta ninyo dito!” Natawa si Dominique nang maalala na ini-lock nila ito sa banyo ng sarili nitong bahay para makasama si Camila sa pagpunta nila sa bar.
“Girls, let’s go na. Ang ingay ng elepante dito!” Tinatamad na tumayo si Dominique. Nilapitan niya ang mommy ni Camila at walang takot na itinulak ito sa pool.