HINDI maiwasang mapangiti ni Olive habang nakatingin sa kaniyang cellphone kung saan nakikita niya ang bagong resulta ng Mirror. Number one pa rin siya habang kasunod niya si Dominique.
Noong una ay wala siyang pakialam sa Mirror ngunit nang mapasali ang pangalan niya doon ay nagkaroon na rin siya ng interes kahit pa alam niya na nasali lang siya doon dahil sa video scandal niya. Hindi niya alam kung mas maraming lalaking estudyante ang nagkainteres sa kaniya dahil sa video o sadyang pinaglalaruan lang siya ng mga nag-aaral sa Wellington High.
Kasalukuyan siyang nasa CR ng oras na iyon. Nasa isang cubicle at nakaupo sa toilet bowl. Doon niya ginawa ang pag-check sa listahan ng Mirror para walang makakita sa kaniya. Ayaw niya kasing may makakaalam na natutuwa siya sa nagiging resulta ng Mirror. Kunwari ay wala pa rin siyang pakialam doon.
Ngayon ay alam na niya ang pakiramdam ni Courtney noong nabubuhay pa ito dahil ito ang palaging nasa top ng Mirror. Ang sarap pala sa pakiramdam na maraming bumoto sa kaniya para mapunta sa pinaka-unang spot.
In-screenshot niya ang listahan ng Mirror para meron siyang remembrance. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya nasa top kaya magandang meron siyang screenshot.
Tatayo na sana si Olive para lumabas ng cubicle nang may narinig siyang dalawang estudyanteng babae na nag-uusap.
“Girl, alam mo na ba ang latest tsismis about doon sa Killer School Girl?”
“Ano ba? `Di mo pa agad sabihin!”
“Well, kamukha daw ng dating bullied student iyong killer. I mean, iyong mask, hair and the uniform. Nag-suicide daw mismo dito iyong student na iyon, e. Tumalon daw sa old school building! Ang creepy!”
“Hala! So, may chance na true ang mga multong nakikita dito sa Wellington! Ano daw name no’ng nagpakamatay na iyon?”
“Hmm… Parang Olivia something… Nakalimutan ko na ang apelyido niya!”
Olivia? Bakit parang bumilis ang t***k ng puso niya nang marinig ang pangalan na iyon.
Lumabas na siya ng cubicle habang nag-uusap ang dalawang babae. Bahagya pang nagulat ang mga ito nang makita siya.
“OMG! Olive! Ang number one sa Mirror!” Nanlalaki ang mata na bulalas ng isa sa mga babae.
“Pa-picture kami!”
Kahit hindi pa siya pumapayag ay inilabas na ng isa ang cellphone. Pinaggitnaan siya ng dalawang estudyante at nag-groupie kasama siya. Ngimi ang naging ngiti ni Olive dahil nahihiya siya. Unang beses na may nagpa-picture sa kaniya.
“Thank you, Olive! Binoto ka namin sa Mirror!”
“T-thank you.” Nahihiya pang sagot ni Olive. Umalis na agad ang dalawa matapos.
Napahawak si Olive sa tapat ng kaniyang puso na mas malakas na ang t***k ngayon. Humarap siya sa malaking salamin na nasa CR at pinagmasdan ang sarili.
“Totoo ba ito?” tanong niya sa sarili.
Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman ng oras na iyon. Kung dati ay pinandidirihan siya dahil sa kaniyang video scandal ngayon ay tila hinahangaan na siya dahil lamang sa nangunguna na siya sa Mirror.
“Ang saya mo, `no?”
Muntik na siyang mapasigaw nang biglang lumabas si Helga sa isa sa mga cubicle at tumayo sa may likuran niya. Hindi niya akalain na naroon pala ito.
“Helga! Anong ginagawa mo dito?” Humarap si Olive dito.
“Siguro, nagpagupit? CR ito, `di ba?”
“Alam mo, ayokong kausap ka. Wala nang kwenta sinasabi mo—”
“Wow! Parang hindi kita pinagtanggol kina Dominique kung makapagsabi ka ng ganiyan sa akin, ha!” Humagikhik ito. “Porket number one ka na naman sa Mirror at pangalawa pa rin si Dominique sa iyo ay ganiyan ka na sa akin. Hindi ka na ba ma-reach, Olive? Nilalamon ka na ba ng pagiging famous mo sa ngayon? Ingat ka. Parang lason ang kasikatan.”
“A-ano bang sinasabi mo?” Nilampasan niya si Helga. Mabibigat ang bawat hakbang niya.
Inaamin ni Olive sa sarili niya na tinamaan siya sa sinabing iyon ni Helga.
“Binibigyan lang kita ng babala. Kapag nagpalason ka sa kasikatan ay baka hindi mo na makontrol ang sarili mo—”
“Tama na, sabi!” Huminto siya sabay harap kay Helga. “Tigilan mo na ako, Helga! Hindi kita kailangan. Hindi ko kailangan ng kaibigan na kagaya mo!”
Ngumisi si Helga. Umiling-iling. “Kailangan mo ako, Olive. Darating ang oras na tatawagin mo ako dahil kailangan mo ang tulong ko. Pero, sige. Kung gusto mong huwag muna akong makita ay susundin ko ang gusto mo. I’ll be gone for a while pero babalik ako…” Tumalikod na ito at naglakad palayo.
Hindi na lang niya binigyan ng pansin ang mga sinabi ni Helga. Umalis na rin siya doon at nagpunta sa kanilang classroom. Umupo siya sa kaniyang upuan. Kakaunti lang ang mga kaklase niyang naroon dahil karamihan ay nasa labas.
Inilabas niya ang kaniyang cellphone nang maalala ang pag-uusap ng dalawang babae sa may CR kanina. Iyong tungkol sa kamukha ng Killer School Girl. Natatandaan pa rin niya ang pangalan na binanggit ng mga ito.
Olivia…
Ang problema ay hindi niya alam ang apelyido.
Nag-isip si Olive. In-open niya ang Google search at nagtype.
Olivia Wellington High student—iyon ang tinype niya sa search bar.
Nagulat siya sa dami ng results. Ngunit ang tunay na kumuha ng atensiyon niya ay ang nasa unang result. Isa iyong article na may titulo na: Estudyante sa Wellington Highschool, nagpakamatay!
Binuksan niya ang article at doon ay nalaman niyang si Olivia Penelope ay isang bullied student sa Wellington Highschool na ngayon ay Wellington High na ang pangalan—ang school kung saan siya nag-aaral ngayon. Tumalon daw si Olivia sa rooftop ng isang school building habang may nakataling lubid sa leeg nito.
Mas lalo pang na-curious si Olive kay Olivia Penelope kaya nag-research siya nang husto ng tungkol dito. May nabasa pa siyang article na pinagpapatay daw ng terorista ang lahat ng kaklase nito habang nasa isang school trip. Bigla siyang kinilabutan dahil nakalagay sa article na walang nabuhay sa dalawampu’t siyam na estudyante kundi ang guro ng mga ito na si Noah.
“Class, get back on your seats, please!”
Umangat ang mukha ni Olive nang marinig ang boses na iyon ni Teacher Alona. Napangiti siya nang makita ang guro na nakatayo sa unahan. Kung ganoon ay nakabalik na pala ito.
Bumalik na sa kani-kaniyang upuan ang mga kaklase ni Olive habang ang iba ay pumapasok pa lamang. Itinago niya ang cellphone sa kaniyang bag at itinuon ang tingin kay Teacher Alona.
“Wow! You’re back!” Parang nakakalokong sabi ni Dominique kay Teacher Alona nang makaupo na ito. Tila kabarkada lang ang kausap nito.
“Yes, Dominique! I’m back!” ani ng guro sabay ngiti. “Class, makinig kayo sa akin dahil kakagaling ko lang sa meeting with the other teachers. Napag-usapan na ang gaganaping school trip this year.”
Naghiyawan sa sobrang tuwa ang mga kaklase ni Olive. Talagang inaabangan kasi ang school trip kada taon dahil sa kakaibang lugar sila pumupunta. Gaya na lang noong nakaraan taon na pumunta sila sa isang bundok sa Batangas at nag-camping sila sa tuktok.
“Saan tayo pupunta this year, Teacher Alona?” tanong ni Jazzy matapos nitong itaas ang isang kamay.
“I am sure na magugustuhan ninyo. Pupunta tayo sa north. We’ll explore La Union and Ilocos Sur. Our final destination is Amburayan River kung saan magka-camping tayo ng one night bago tayo bumalik dito.”
Lahat ay na-amaze sa lugar na pupuntahan nila. Bigla tuloy na-excite si Olive dahil hindi pa niya napupuntahan ang lugar na nabanggit ni Teacher Alona. Kung makakasama siya sa school trip ay mapupuntahan na niya ang mga iyon. Tapos ngayon lang niya narinig ang Amburayan River. Maganda rin kaya ang lugar na iyon?
Napatingin ang lahat kay Dominique nang magsalita ito. “Baka naman paglinisin lang kami ng ilog diyan, ha! If yes, salamat na lang. Hindi ako sasama!” Mataray nitong saad.
“Walang gano’n, Dominique. This is pure educational and recreational.” Nakangiting sabi ng kanilang guro. “Anyway, sa mga gustong sumama ay pumunta lang kayo sa website ng Wellington High. I-download ninyo ang form for school trip. Fill up-an ninyo at papirmahan sa parents or guardians ninyo. For payment naman, nakalagay na sa form kung magkano at kung saan at paano kayo magbabayad. Iyon lang ang sasabihin ko sa inyo.”
Tumingin sa kaniya si Teacher Alona at muling nagsalita. “Olive, sumunod ka sa akin sa principal’s office.”
“Yes, teacher,” sagot ni Olive at lumabas na ng classroom si Teacher Alona.
“Hala! Lagot!” Narinig niyang sabi ng ilan niyang kaklase.
Mabilis siyang tumayo at sumunod na kay Teacher Alona.
“HINDI ka ba kinakabahan na dalawang linggong magkasunod ay si Olive ang number one sa Mirror?” Napahinto si Dominique sa pag-a-apply ng liptint sa labi nang sabihin iyon ni Jazzy. Nasa classroom pa silang magkakaibigan.
Uwian na ng oras na iyon at sinisiguro lang niyang maganda siya dahil magkikita sila ni Israel sa labas ng school.
“Jazzy is right. Everyone is expecting na ikaw ang magna-number one sa Mirror after mamatay ni Courtney,” dugtong pa ni Yasmine.
“Hindi naman magtatagal ang pagre-reyna niyang si Olive sa Mirror. Lalagpak din siya soon.” Pabalewala niyang turan.
Maganda ang mood niya dahil nakumpirma niyang ginagamit lang ni Israel si Olive para mas lalo itong sumikat at bumango ang pangalan nito. Saka nakapagplano na sila ni Israel kung paano mawawala sa landas nila si Olive. Ang tamang pagkakataon na lang ang kanilang hinihintay.
“Anyway, I have to go. Uuna na ako sa inyo kasi may lakad ako!” Tumayo na si Dominique nang matapos sa pag-aayos ng mukha.
“What?! Akala ko ba ay pupunta tayo sa coffee shop?” Nakalukot ang mukhang tanong ni Camila. Pakamot-kamot ito sa likod ng ulo.
“Next time na lang ako. Pwede naman na kayong tatlo na lang. Bye, girls!” Kumaway siya sa tatlo at masayang lumabas ng classroom.
MALAKAS ang kabog ng dibdib ni Olive nang umupo siya sa may harapan ng table ni Mrs. Madrigal. Nasa tabi niya si Teacher Alona. Wala siyang ideya kung bakit siya pinapatawag kaya ganoon na lang ang kabang nararamdaman niya ng sandaling iyon.
“Magandang hapon po. Bakit niyo po ako pinatawag? May problema po ba?” diretsong tanong ni Olive. Kung hindi maganda ang dahilan kung bakit siya nandito ay nais niyang malaman na agad nang walang paliguy-ligoy.
“Walang problema, Olive. Actually, may good news ako sa iyo.”
“Talaga po? Ano po iyon?” Kahit papaano ay nabawasan ang kaba ni Olive.
“Ibinabalik na ng Wellington High ang scholarship mo!”
Napaluha siya sa kasiyahan. “Seryoso po ba iyan?”
“Yes. Ni-review ng head ng school ang kaso ng video scandal at napatunayan na hindi mo intensiyon na kumalat ang video na iyon. You’re a victim here at hindi ka dapat pinaparusahan. Gustong iparating ng head master ang sorry niya sa iyo.”
“N-naku, wala po iyon. Sobrang saya ko dahil ibinalik niyo na po ang scholarship ko. Maraming salamat po talaga!” Kinamayan ni Olive ang principal at niyakap pa siya ni Teacher Alona.
Masaya siyang lumabas ng principal’s office. Hindi niya ito inaasahan. Hindi na tuloy niya kailangan na magsinungaling sa daddy at tatay niya tungkol sa pagbawi ng scholarship niya dahil ibinalik na iyon.
Malapit na sa gate si Olive nang makita niya si Israel. Nasa unahan niya ito at tila nagmamadali sa paglalakad. Kailangan na malaman ng nobyo niya ang magandang balita. Sigurado siya na matutuwa ito para sa kaniya. Gusto niyang ilibre ito sa isang fastfood restaurant para selebrasyon ng blessing na ito sa kaniya.
“Israel!” Malakas na tawag ni Olive habang malalaki ang hakbang na papalapit sa nobyo.
Hindi yata siya narinig ni Israel. Tuloy lang ito sa paglalakad. Ang ginawa niya ay binilisan na lang din niya ang paglalakad hanggang sa maabutan niya ito. Humarang siya sa daraanan nito. Nagulat si Israel nang makita siya.
“O-olive?” Hindi makapaniwalang bulalas nito. “Ang akala ko ay pinatawag ka sa principal’s office?”
“Oo nga. Tapos na nila akong kausapin. At good news!” Napakasigla ng boses ni Olive. Hindi na niya matandaan kung kailan ang huling beses na naging ganito siya kasaya.
“Talaga? Ano `yon?”
“Ibinalik na nila ang scholarship ko!”
“Wow! Congrats, Olive. Good news nga iyan!” Bagaman at nakangiti si Israel ay hindi niya masyadong maramdaman na masaya ito. Pakiramdam niya ay merong bumabagabag dito.
“Bakit parang hindi ka masaya?” usisa ni Olive.
“Of course, masaya ako. Alam ko na malaking bagay para sa iyo ang scholarship. Pagod lang siguro ako. Nag-practice pa kasi kami ng basketball kanina. Malapit na ang Sports Day, `di ba?”
Tumango-tango siya. “Oo nga pala. Anyway, gusto kitang ilibre ng dinner. Kahit sa Jollibee or Mcdo lang siguro. Treat ko! Celebration natin kasi scholar na ulit ako ng Wellington—”
“Olive, sorry. Sana hindi ka magtampo sa akin pero hindi ako pwede ngayon, e. Pinapauwi na ako sa amin ni mommy.”
“Hala. Bakit daw?”
“I don’t know. Kaya medyo nagmamadali ako. Siguro bukas na lang or sa weekend? Or kung kailan tayo pwede. Basta huwag lang ngayon.”
“Oo naman. Walang problema.”
“Thank you. I really have to go. Bye, Olive.” Isang tapik sa balikat ang iniwan ni Israel sa kaniya bago ito umalis.
Natulala si Olive dahil hindi man lang ito nag-I love you sa kaniya. Siguro ay nakalimutan lang ni Israel dahil nagmamadali ito. Saka kahit hindi ito magsabi ng ganoon ay alam niyang mahal siya ng kaniyang nobyo. Ilang beses na niya iyong napatunayan lalo na ng tinanggap pa rin siya nito sa kabila ng pagkalat ng maselan niyang video noon sa social media.