INAYOS ni Lavender ang mga gamit niya nang iparada ni Pablo ang sasakyan sa harap ng Love Clinic. Late na siya nang labinlimang minuto. Nag-text na sa kanya si Hedwig na may naghihintay nang dalawang bata sa kanya. Isinabay siya ni Pablo sa paghahatid nito kay Cassandra sa doktor nito. Susunduin din daw siya nito at sabay na silang manananghalian. Dinukwang niya si Cassandra sa backseat at hinagkan ito sa mga labi. “Be a good girl, okay?” Tumango ito. “`Bye, Pablo. `See you later.” Bababa na sana siya ng sasakyan nang pigilan nito ang braso niya. Magkasalubong ang mga kilay na tiningnan niya ito. “What? Late na `ko, Pablo. May mga pasyenteng naghihintay sa `kin.” Ngumuso ito. “Kiss ko.” “Ha?” “Ang daya mo, si Cassandra may kiss, ako wala.” Sandaling pinagmasdan niya ang mukha nito.

