Natuloy kami sa Pangasinan makaraan ang dalawang araw. May malaking bahay roon ang tito Roel ko na kapatid ni Mama. Kasama pa ang ilang kamag-anak na nagbakasyon din doon. Nagmistula tuloy parang mini reunion ang pagtatagpo ng mga kamag-anak namin sa side ni Mama. Masaya silang nagkumustahan. Ang gaan ng pakikitungo nila sa amin, lalo na kay Leila na asawa ko. Kahit alam nilang naging asawa rin ito ng kapatid ko ay walang halong kaplastikan ang pakikitungo nila sa kanya. Masaya pa nga sila dahil hindi raw naputol ang ugnayan ni Leila sa aming pamilya. Iyon ang ipinagpapasalamat namin sa kamag-anak ni Mama, nakakaunawa sila. Hindi gaya sa side ni Papa na hinusgahan kami, ang buong pamilya namin. Nakialam sila sa buhay ng may buhay. Sabagay wala silang kaalam-alam sa naging usapan namin.

