6

2952 Words
            Mabuti na lang din pala at nagka-ayos na kami ni Kuya, kaya naman siya ang naging takbukhan ko matapos ang nangyari, Agad akong bumalik sa bahay namin ni Kuya. Nadatnan ko naman siya nanunuod sa TV. Agad siyang napabalikwas sa gulat dahil sa biglaang pagsulpot ko.             “Kuya,” mahinang tawag ko sa kanya. Pigil na pigil ang pag-iyak ko.             Agad niya akong inalo, dahil dito ay bumagsak na naman ang mga luha ko. Napayakap ako sa kanya.             “Gago talaga iyon,” sambit niya matapos kong kumawala sa aking pagkakayakap. Natigilan ako. Ngayon ko na lang din kasing narinig si Kuya na ganito. Seryoso at parang may kung ano.             “Kuya?” wika ko ulit. Napatingin siya sa akin nang diretso. Ngumiti, at muli kong nasilayan ang biloy niya.             “Magpahinga ka muna, bunso. Medyo pagabi na, o. Kumain ka na ba?” aniya habang iniwan niya ako rito sa sala upang maghanda ng hapunan ko.             “Ako na, kuya,” sabi ko naman nang sundan ko siya sa kusina. Nakita kong pinapainit niya ang paborito naming ulam na sinigang na baboy.             “Hanggang ngayon pala paborito mo pa rin iyan, kuya,” natutuwang pahayag ko. Napatingin siya sa akin.             “Oo naman.”             Mag-a-alas-nuwebe na ng makita ko ang oras. Tapos na akong kumain, at nandito ulit kami sa sala ni Kuya. Tahimik lang kaming nanunuod ng pelikula.             “Buti na lang walang pasok bukas, ang sarap magpuyat,” saad niya na nagpabasag ng katahimikan. Tumawa naman ako.             “Hahahaha, loko ka talaga kuya!” biro ko sa kanya.             Naputol ang tawanan namin noong naging seryoso ang ekspresyon ng mukha niya.             “Si Lyndon ba?” seryoso niyang tanong na nagpatahimik sa akin ng tuluyan.             Tinitignan niya na lang ako, naghihintay siya ng sagot. Napatango na lang ako sa kanya.             “Gago talaga iyon, e! Humanda siya sa akin!” inis na may halong pagbabanta na wika niya. Medyo pati ako ay natakot. Dati kasi nakikita ko kung paano gulpihin ni Kuya `yong mga nang-aaway sa akin noon, halos makapatay na siya. Tipong hangga`t hindi sila nagsisisuka ng dugo, hindi niya ito titigilan. Dahil sa naalala kong iyon, natakot ako para kay Lyndon. Lalo pa`t hindi naman iyon basagulero, kaya hindi siya sanay na pakikipagsuntukan.             “Hoy, Kuya, `wag mong gugulpihin si Lyndon,” tapang-tapangang banta ko sa kanya.             “At bakit? Sinaktan niya ang bunso ko, tapos wala man lang akong gagawin? Saka wala akong balak na gulpihin iyon, patayin lang.”             Mahina kong hinampas ang balikat niya.             “Kuya naman, e!” parang batang pagmamaktol ko sa kanya. Napahawak siya sa tiyan iya kakatawa sa inakto ko.             “Hahahaha, may ganyang side ka pa rin pala, bunso. Hahaha! Ang cute mo kapag nagmamaktol ng ganyan.”             “Loko ka talaga, kuya!” may inis na salita ko.             Ngumiti siya sa akin saka kumindat.             “Oo, hindi ko na papatayin si Lyndon o kung ano pa man, okay ka ba?” aniya habang nag-thumbs up pa nga.             “Hay, ewan ko sa iyo kuya. Daig mo pa ang bata.”             Napuno lang ng asaran at tawanan ang buong unang gabi ng pagbabalik ko sa puder niya. At least, kahit paano ay naibaling ko sa iba ang aking atensyon. Nawala kahit kaunti ang bigat dito sa dibdib ko. X             Nagising ako sa mainit na sikat ng araw na dumampi sa mga pisngi ko. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata. Wala na si Kuya sa tabi ko pero may nakita naman akong note na nakadikit sa salamin.   Bunso, Nag-jogging lang si Kuya saglit. May breakfast na riyan. Kuya Austin               Napangiti naman ako nang mabasa iyon. Ang saya pala kapag ganito lang kasimple ang buhay. Saka sobrang nakaka-overwhelm ang pagbabago ng turing sa akin ni Kuya. Tunay ngang nagpapaka-kuya siya sa akin. Sobra-sobra naman ang tuwa ko dahil dito, kasi ngayon palang masasabi ko na talagang may totoong taong tanggap at mahal na mahal ko. Wala pa rin kasing mas hihigit at mas hahalaga pa kaysa sa pag-ibig ng isang kapamilya.             Dumiretso muna ako sa banyo para mag-tooth brush at maghilamos. Matapos niyon nagpunta na ako sa hapag-kainan. Bumungad agad sa akin ang sinangag, tuyo, daing at itlog na pula na may kamatis. Halos maglaway na ako nang mapagmasdan ko ang mga iyon. Agad akong kumuha ng plato saka binakbakan ang mga pagkain.             Malapit ko na sanang matapos ang pagkain ko nang may nag-doorbell. Kay aga naman ng kung sinumang ito. Pagbukas ko ng pinto, iniluwa niyon ang namumulang mata at parang nanlalambot na si Lyndon.             Gulo-gulo ang buhok nito, parang sobrang bigat ng pakiramdam niya kasi halatang-halata ang naglalakihan niyang mga eye bags.             Isasara ko na agad ang pinto pero inipit niya ang kanyang mga braso sa pagitan nito.             “Tatanggalin mo o iipitin ko?” banta ko sa kanya.             “Pat, please?” pagsusumamo naman niya sa akin. Nag-tengang kawali ako kaya naman kahit labag sa kalooban ko, inipit ko ang braso niya dahilan upang maialis niya ito at sumigaw ng pagkalakas-lakas buhat mula sa sakit ng ginawa ko.             Agad kong naisara ang pinto pero patuloy siya sa pagkatok at pagtawag ng pangalan ko.             “Pat! Lumabas ka, please? Let me explain, Pat!”             Napahawak ako sa seradura ng pinto, pipihitin ko sana iyon pero wala na akong lakas para gawin pa iyon. Sobrang parang nanlalata ang buo kong katawan. Nanginginig sng mga tuhod ko dahilan upang mapaupo ako sa sahig at masandal sa pinto.             Niyakap ko lamang ang aking sarili. “Umagang-umaga umiiyak na naman ako,” sambit ko sa aking sarili.             “UMALIS KA NA!” malakas ngunit garalgal na sigaw ko. Halatang-halatang umiiyak ako dahil sa nababasag kong tinig.             “Hindi ako aalis dito hangga`t hindi kita nakakausap,” matibay niyang pahayag. Nagkuyom ang aking mga kamao. Huminga ako nang malalim. Buong tapang kong binuksan ang pinto.             Nakita ko siya. Halos Ilang pulgada na lang ang layo ng mukha namin sa isa’t isa. Diretso at blanko lamang ang titig ko sa kanya.             “Anong kailangan mo?” may gigil na turan ko sa kanya.             “Ikaw, ikaw ang kailangan ko.”             Tama na, Lyndon. Ayaw ko ng maniwala pa sa iyo. Lalo na riyan sa mga kasinungalingan mo.             Binigyan ko siya ng isang malutong na sampal. Napapikit akonag marinig ko ang kalutungan nito sa pisngi niya. Hindi ko siya kayang makitang nasasaktan dahil sa akin. At iyan ang kahinaan ko kapag dating sa kanya.             “Umalis ka na, please?” pagsusumamo ko sa kanya. Maawa ka sa kalagayan ko ngayon, Lyndon. Ayoko nang makita ka pang muli.             “Pat,” naiiyak niyang sabi.             “Salamat na lang sa sinabi mong mahal mo ako. Kahit na sa ngayon, hindi ko alam kung totoo ang lahat ng iyon. Saka buti na lang pala at hindi pa kita sinasagot. Alam mo bang balak kitang sagutin bukas.”             “B-bukas? Ay, s**t! Birthday mo na bukas!”             “Salamat na lang sa lahat, Lyndon. Naging mabuti kang kaibigan sa akin. Salamat,” pamamalaan ako bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay. Nagawa ko namang maisara ang pinto dahil wala na siyang ginawa upang pigilan pa ito.             Bumaha ng luha nang masiguro kong nakaalis na siya. Tama na, ayoko na ng ganito.             Bumukas ang pinto, nang makita ko ay si Kuya pala ang dumating. Marahas kong pinunasan ang mga luha ko. Nananalanging sana ay hindi mahalata ni Kuya na umiyak ako.             “Hindi pa rin kayo ayos?” bungad na tanong niya ng makita niya akong nasa kusina.             Napatingin ako sa kanya.             “Kuya? Ha?” maang-maangan kong tanong.             “Sinabi niya sa akin na hindi pa rin kayo ayos,” aniya habang hinuhubad ang knayng sapatos.             “Ako ang nagpapunta sa kanya rito para makapag-usap kayo…” Natigilan siya sa pagsasalita dahil sa pagsingit ko.             “Bakit mo naman iyon ginawa kuya? Akala ko ba galit ka sa kanya?” naguguluhang tanong ko sa kanya.             “Mas inisip ko kasi ang kapakanan mo kaysa sa galit ko sa kanya,” simpleng tugon naman niya sa akin.             “Kuya talaga,” ani ko naman.             “Ang bait ko, `no?” mahanging puri niya sa kanyang sarili.             Binatukan ko nga siya.             “Aray ko naman, bunso! Ang sakit, a!” daing niya naman. Tumawa ako.             “Ikaw kasi, e! Pinuri mo na naman ang sarili mo,” kantiyaw ko sa kanya. Nagtawanan kami kasi bigla ba naman akong habulin sa sala para kilitiin lang. Minsan talaga may pagka-abnormal `tong kuya ko, e! Pero kahit ganyan `yan, mahal ko ang kuya ko.             “Kuya, tama na! Hahahaha!” pag-aawat ko sa kanya. X             Nang matapos ang tanghalian, umalis si Kuya may lakad daw sila ng mga tropa niya. sus, if I know, maghahanap lang sila ng mga babae.             “Bakit masama maghanap ng babae? Single naman ako, a!” sabi niya.             “May sinabi ba ako? Saka kuya, medyo ingat ng kaunti, laganap ang AIDS,” paalala ko naman sa kanya.             “Loko ka, Bunso! Maghahanap kami ng babae means titignan lang namin sila especially their legs. Bubusugin lang namin mga mata natin. Iba na naman naisip mo, e,” pabirong pahayag niya.             “Sus, ewan ko sa iyo, Kuya. Dapat kasi magka-girlfriend ka na, e,” sabi ko naman. Tumawa na lamang siya bago tuluyang umalis. Kaya in the end, naiwan ako rito mag-isa sa loob ng bahay. Bigla ko agad na-miss si Kuya kasi sobrang nanahimik ngayon dito sa bahay. Naisip ko, may WiFi naman kami rito, makapagsulat na nga lang.             Nagpunta ako sa kuwarto, binuksan ko agad ang router saka ang computer.             Nang mabuksan ko ang account ko sa Creative Corner, nagulat ako kasi ang dami ko na palang mga followers saka `yong iba ay nag-po-post na sa message board ko asking if kailan daw ako makababalik sa pagsusulat. Natuwa naman ako sa mga sweet messages noong iba.             Papalipas ng oras at stress talaga ang pagbisita ko rito sa site na ito.             Binuksan ko agad ang “Create a New Story” at agad na nagtipa. Tanging ang tunog ng keyboard ng siyang nagpa-ingay sa loob ng kuwarto. Hindi ko namalayan, higit tatlong oras pala akong nagsulat. Partida, maikling kuwento lang ang isinulat ko. Ang bagal ko na palang magsulat. Nang matapos ko na iyon, agad ko siyang inilimbag sa account ko. Nang makita ko ang oras, alas-diyes na pala. Tumayo ako saka napagdesisyunang maligo na muna. Nang matapos kong maligo, nagulat ako kasi may nag-message sa akin sa Creative Corner.   DarkAngel_15: Ang lungkot naman po ng bago ninyong istorya :( Grabe naman po kayo, pina-iyak niyo ako!               Hindi ko alam ang una kong magiging saloobin, e. Matutuwa ba ako kasi may naka-appreciate ng kauna-unahang kong tragic story o maiinis kasi kung ayaw niyang makabasa ng ganoon sana ay hindi na lang niya binasa. Inilagay ko naman sa story description na tragic iyon, e. Pero since wala ako sa mood makipag-away o kung ano pa man, nagpasalamat na lang ako sa kanya.   AnonyKnown: Thanks for reading po! :)               Mag-la-log out na sana ako ngunit agad siyang rumesponde.   DarkAngel_15: No prob! Siguro may pinagdadaanan kayo kaya ganyan? Kasi habang binabasa ko po `yong story ninyo, hindi ko maiwasang hindi maluha, e. Super damang-dama ko po kasi, Ms. Author. </3               Lihim akong napatawa dahil tinawag niya akong Ms. Author. E, nasa gender ng profile ko ay Male.   AnonyKnown: Hahaha! Mr. Author po ako.   DarkAngel_15: Ay, sorry po!               Napasarap ang pakikipag-chat ko sa kanya kaya naman halos magtagal ang aming pag-uusap ng mga isang oras. Ang bilis nga ring gumaan ng loob ko sa kanya, e. Pakiramdam ko nga nakakasama ko na ang taong ito. Kasi napakakomportable ko na sa kanya agad. Halos kung saan-saan na nga umabot ang aming usapan, e. Mula sa usual na slambook na tanungan; favorites, likes and dislikes at iba pa hanggang sa may pagka-personal lalo na noong nalaman niyang discreet gay ko.   DarkAngel_15: Discreet gay means bakla lang sa loob pero parang lalaki pa rin sa panlabas pati sa galaw?   AnonyKnown: Yes. Well, ganyan siya pa sa akin, kasi ganito ako, e. Nasa puso ko ang pagiging binabae, pero lalaking-lalaki naman ako kahit paano sa kilos. Hindi ako ganoong malamya. Or talagang kilos-babae, e.               Tanghalian na noon ng magpaalam kami sa isa`t isa. May naging maganda na namang nangyari sa akin ngayong araw. Kaya kabahan na ba ako baka may kapalit na naman iyon? X Nag-iwan lang ng pera sa akin si Kuya para maging pambili ko ng tanghalian kasi kahit naman mag-iwan siya ng mga sangkap para sana sa magiging ulam ko, hindi ko rin naman mailuluto iyon dahil hindi ako marunong magluto ng mga pang-tanghaliang pagkain. Okay sana kung puro itlog, hotdog, ham at iba pang breakfast dishes, kaya ko pa. Kinuha ko ang pera, pero sa kamamadali ko ay nahulog ang piso at gumulong sa ilalim ng kama. Kasi naman si Kuya, e! May iniwan pang mga barya. Sabagay, tirik pa rin naman ang araw, siguro wala namang multo sa ilalim ng kama, `no? Inialis ko sa aking isipan ang mga ganoong bagay, saka ako lumuhod at dumapa upang tignan kung nasaan `yong piso. Nang makita ko iyon, pilit ko namang iniaabot iyon gamit ng kanang kamay ko. Habang inaabot ko may nakapa pa akong kung ano sa ilalim. Parang isang maliit na kahon. Kinuha ko `yong piso saka ko pilit na kinukuha `yong maliit na kahon. Nang makuha ko iyon, pinagpagan ko muna kasi sobra na ang kapal ng alikabok niyon. Bubuksan ko na sana nang marinig kong bumukas ang pinto. Pagtingin ko rito ay si Kuya pala ang dumating. Dali-dali akong bumalik sa kuwarto upang itagong muli `yong kahon. Mamaya ko na lang titignan kung ano ang mayroon doon. “O, bakit kuya?” bungad na tanong ko sa kanya. “Kainis! Puro mga pangit na beki ang nakita namin, kaya umuwi na lang kami. Hindi pala ngayon `yong public female fashion show, male pala ngayong umaga tapos mamayang gabi pang mga babae,” may pagka-iritang sabi niya. Natawa naman ako ng sambitin niyaang salitang, beki. “Ahem,” pasintabi ko naman. “Ay, hehe. Sorry, Bunso. Wala naman akong problemaa sa mga gaya mo. The thing is, grabe kasi `yong mga nakita namin. Tili nang tili tapos kung makatingin sa underwear models kanina parang hinuhubaran na, e.” “Hahaha, ayos lang `yon, Kuya,” sabi ko naman. “Bibili na pala ako ng ulam, anong gusto mo?” tanong ko habang palabas na ng bahay. “Bilhan mo na lang ako ng Bicol Express,” bilin niya. Tumango ako saka umalis na. Habang papunta ako sa malapit na bilihan ng makakain dito sa village namin, nagulat ako ng biglang may yumakap sa akin sa likod. “Pat,” mahinang sambit nito. “Ano ba!” sabi ko at pumiglas. Sinampal ko siya. “Bakit ba nandito ka na naman, Lyndon? Pinapunta ka na naman ni Kuya, `no?” “Hindi, hindi ko siya nakausap patungkol sa pagpunta ko ngayon dito,” pagpapaliwanag naman niya. “Pero, gusto kitang makausap, please. Ayusin natin ito,” pagmamakaawa niya. “Bukas ng hapon,” sabi ko sa kanya at agad akong umalis. “SALAMAT!” malakas na sigaw niya nang makalayo na ako. Napalingon ako sa kanya at siya naman ay kumaway sa akin. Bukas ng hapon, tama, bukas ng hapon mag-iiba na ang lahat. ***   TITLE: MGA ALAALA GENRE: ROMANCE LANGUAGE: FILIPINO STORY DESCRIPTION: Ito po ang kauna-unahan kong tragic story, hope you like it! Tungkol ito sa mga alaalang ninanais nating balik-balikan.   MGA ALAALA Ni AnonyKnown             Gumising ako na wala ka na sa aking tabi. Tanging mag-isa ko na lamang sa kuwarto na dati nating pinagsaluhan. Ayoko mang isipin, pero iyon ng totoo. HIWALAY NA TAYO. Kagabi pa man din ay alam ko ng lilisan ka. Ayaw na lamang kitang kausapin patungkol dito kasi alam ko, masasaktan lang ako. Tama na ang sakit na pinapadama mo. Tama na ang sakit sa bawat pagsasabi mong mahal mo ako. Tama na kasi ayoko nng tumanggap pa ng mga saksak na babaon dito sa puso ko. Panibagong araw na naman, panibagong araw para sa nag-iisang tulad ko. Kailangan kong tumayo na sa mga sarili kong paa. Kailangan ko ng matanggap na wala ka na. Na hindi ka na babalik pa! Naaalala ko pa noong unang gabing sinabi mo sa akin ang “Mahal kita.” Naaalala ko pa noong unang magdikit ang ating mga labi. Naaalala ko pa noong unang tumugon ako sa iyo, “Mahal din kita.” Ngunit, mas naaalala ko pa noong unang nakita kita. May kahalikang iba. Ang masakit pa roon, sa kaibigan ko pa! Nais kong sumigaw at magwala, pero naisip ko, wala naman itong patutunguhan. Wala namang mararating ang mga gagawin kong ito. Kaya nagpaubaya ako. Nagpaubaya na lamang ako para sa magiging kaligayahan mo sa piling ng iba. Sa pagkakataong ito, hindi ako nawalan o natalo. Ako ang nagpanalo sa iyo. Ako ang nagbigay para sa kapakanan mo. Salamat nga pala sa lahat ng mga ginawa mo sa buhay ko, siguro naman sa mga ginawa ko ngayon, ay bayad na ako. Pero ang hindi ko maintindihan, sa lahat ng ginawa kong paglayo, bakit patuloy ka ring bumabalik. Bakit patuloy mo pa rin akong hinahanap? Bakit patuloy mo pa rin akong hinahanap? Kulang pa ba ang mga ginagawa ko? Kulang pa ba ang lahat ng paghihirap ko? Kulang pa ba lahat ng pagsasakripisyo ko? Pakiusap, tama na. Umalis ka nasa buhay ko. Ang mga alaala natin ay itatago ko sa baul. Para kung gusto ko muling lumigaya sa piling mo, hahalungkatin ko na lamang sa baul na iyon ang lahat ng mga masasaya nating karanasan na ating pinagsaluhan at naging mga alaala nating dalawa. Nang mawala ka, doon lamang ako natutong mahalin ang katahimikan at ang kalaliman ng gabi. Kung dati ay puro init ang nadadama ko dahil sa mga patawa at pakulo mona lubha kong kinakikiligan, ngayon puro na lamang lamig habang bumabalik sa aking balintataw ang mga maiinit nating alaala. Kung dati ay puro kakaibang pagkalam ng sikmura ang nadadama ko na parang may mga paru-parong lumilipad dito, ngayon puro na lamang pagkalam na bunsod ng gutom ko sa pagmamahal. Uhaw sa aruga at sabik sa taong magsasabi sa akin ng katotohanan sa likod ng mga puri at pagsasalita niya ng mga “Mahal kita” sa tuwing ako ay makikita niya. Salamat nga pala sa iyo. Salamat kasi ikaw ang naging sandalan ko. Salamat kasi ikaw ang naging tagapagtanggol ko. Salamat kasi ikaw ang unang nagpamulat sa akin na karapatdapat pala akong mahalin. Salamat kasi sa iyo ko unang nagkaroon ng mga alaala. Babaunin ko ang mga iyon sa paglipas ng panahon, at kung sakaling magkita man tayo hindi ko iyon ipagdadamot sa iyo. Sabay nating alalahaning muli ang mga ito. WAKAS   READS: 1K VOTES: 100 COMMENTS: 10  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD