3

2885 Words
Nang tuluyan na akong makalabas sa street namin, damang-dama ko pa rin ang mapangmatang mga mata ng mga miron kanina. Di bale, hangga`t maaari talaga ay hindi na ako muli pang babalik sa impyernong ito. Ayoko na. Pagod na ako. Nagpunta ako muli sa secret place namin ni Lyndon. Madilim na kaya medyo nakakatakot na rin ang masukal na daan papunta roon. Pero dahil wala na akong pakialam pa, nagtuloy-tuloy ako. Huni ng mga insekto ang aking naririnig. Sobrang dilim ng langit kaya naman masyadong maliwanag ang buwan pati na rin ang mga bituin. Nagkikislapan silang lahat na parang mga diyamanteng nagsisilutangan. Buti na lang pala at nadala ko ang phone ko, may pag-asa na akong mabuhay. Tinawagan ko si Lyndon. Isang ring palang ay sinagot na niya ito agad. Ang tahimik ng paligid niya kaya naririnig ko maski ang paghinga niya. “P-pat?” Halata sa toni ng boses niya na naabala ko siya sa kanyang pagtulog. “Ay, tulog ka na agad? Sorry,” nahihiya kong sabi. Papatayin ko na sana ang tawag pero bigla siyang nagsalita. “Nasaan ka?” seryosong tanong niya. Kung minsan talaga maakusahan ko siyang bipolar, e. Masyadong mabilis magpalit-palit ng mga emosyon. “Sa hideout,” tipid na tugon ko at biglang namatay ang tawag. Nagulat naman ako sa inasta niya kasi kahit kailan hindi niya ako binabaan. Unang pagkakataon niya itong gawin sa akin. Napahiga na lang ulit ako sa damuhan, pinapanuod ang mga bituin. Sumusulyap-sulyap ng mga constellations. Ang ganda rin naman pala ng paligid kapag madilim. Bigla akong napaupo nang makarinig ako ng pagkaluskos. “Sino `yan?” tapang-tapangang sabi ko. Pero agad akong napakayap sa aking sarili dala ng takot. “Pat?” may taong tumawag ng pangalan ko. Tapos nakakita ako ng liwanag na mula sa flashlight. Si Lyndon. Dahil sa `di ko malamang pakiramdam, agad akong napatakbo sa kanya at mahigpit siyang niyakap. Hindi ko rin inaasahang may ilalabas pa palang luha ang mga mata. Binasa ng mga ito ang balikat ni Lyndon. Niyakap din niya ako pabalik. “Shh, tara na. Sa bahay na tayo mag-usap,” sabi niya saka sabay kaming umalis mula sa aming secret place. Nasa kotse niya kami ng bigla niyang binasag ang katahimikang namuo sa aming dalawa. “Bakit nasa hideout ka? Saka ang laki ng dala mong bag, naglayas ka ba?” “More like, pinalayas,” malungkot na sabi ko habang naiisip ang sagutan namin kanina ni Kuya Austin. Totoo nga siguro na kapag ang isang tao ay lubhang napagod na, imbes na magpahinga. Natututo itong sumuko. X Ilang minuto pa ay nakarating na kami sa dorm na tinutuluyan niya. Medyo may kalayuan ito sa village na tinitirhan namin ni kuya. Siguro naman hindi na magku-krus ang mga landas namin dito. Sa school na lang talaga. “Medyo tirang ulam na lang ang nandito, e. Tira ko kaninang dinner. Bili lang ako ng dinner mo,” sabi niya at akmang lalabas ng dorm. Pero pinigilan ko siya. Napatingin ako sa wallclock niya. “Lyndon, alas-9 na, o. Baka sarado na ang mga kainan. Initin ko na lang `tong ulam mo,” sabi ko naman at saka inilapag sa upuan ang bag ko. Nagpunta ako sa kusina ‘kuno’ niya at sinimulang initin ang giniling na ulam niya. “Sure ka? May kotse naman ako, kaya kung `di ako makabili sa malapit…” “Okay na, okay. Ano ka ba, ako na nga itong nakikituloy mag-de-demand pa ba ako?” “Hahaha, ewan ko nga sa `yo. Bahala ka. Magpakabusog ka na lang d`yan pala,” sabi niya at saka lumapit sa akin para guluhin ang buhok ko. Nagtawanan na lang kami. Isinara na niya ang pinto at bintana ng dorm niya. Habang kumakain ako, inayos niya ang mga gamit ko sa kwarto niya. Buti na lang daw pala at pangdalawahan ang kama niya, sure na magkakasya kami. “Mayamaya matulog na tayo, a. Maaga pa tayong papasok bukas.” “Aye, aye boss Lyndon!” sabi ko kasabay ng pagsaludo ko sa kanya. X Kinabukasan, late na nagising si Lyndon kaya ako na ang naghanda ng almusal namin. Buti na lang at may ilang stocks siya sa refrigerator niya. Gamit ng natira kong pera kahapon, bumili ako ng pan de sal sa panaderyang sa malapit. Pagdating ko, nakaupo na sa hapag si Lyndon, gulo-gulo ang buhok at mapungay pa ang mga mata. “Gising na, hoy! Isang oras na lang first subject na natin!” bulyaw ko sa kanya. Isang mapungay na oo ang isinagot niya. Iiling-iling ako habang umupo sa tabi niya. Nagsandok ako ng sinangag at naglagay ng ulam sa plato siya. Pinitik ko ang noo niya kaya napa-aray siya sa sakit. Mabisang pampagising ito sa kanya. “Aray! Kainis ka naman, e! Ang sakit kaya!” reklamo niya habang hinihimas ang noo niya. “Tigilan mo na ang pagiging reklamador, kumain na tayo. Dalian na natin kung ayaw nating ma-late!” Para kaming mga contestant sa isang boodle eating contest dahil sa dami ng subo kasabay ng bilis sa pagkain na aming kapwa ginagawa. Nagpahinga kami ng kaunti, at napagpasyahang maligo. “Mauna ka na,” sabi ko sa kanya sabay bukas ng pinto ng CR niya. Nakita ko ang loob, mukhang isang tao lang ang kasya. Para itong public cubicle dahil sa liit. May gripo at timba sa loob. “Magsabay na tayo, ano ba! Mali-late na tayo, o!” sabi niya sabay hatak sa akin sa loob. At ang ending, sabay kaming naligo. Nakatalikod kami sa isa’t isa. “Pahiram ng sabon,” sabi niya habang nagkukuskos ako ng likuran ko. “Wait lang,” sagot ko naman. Hindi ko alam, humarap pala siya. nagulat na lang ako ng bigla niyang tapikin ang puwet ko. “Anak ng! Ang manyak mo, bro!” wika ko. Tumawa lamang siya, pang-asar talaga `to kahit kailan! “Ang tambok pala ng puwet mo, bro,” sabi niya habang nagsasabon. Matapos naming maligo, dali-dali kaming nagbihis. Literal na yata kaming naghahabol ng oras. Sumakay na kami sa kotse niya at pumasok na. Habang nasa loob, bigla akong nakapagbitaw ng salita. “Salamat,” turan ko. Napatingin siya sa akin at ngumiti, “Wala `yon, bro.” Dahil medyo ang awkward na naman, agad akong nag-isip ng paaran para maging lively ang aura sa loob. “Pero in fairness, a. Isang ring lang, nakasagot ka na agad. Ang bilis, daig mo pa si Flash,” kantiyaw ko sa kanya. Napatawa siya at sumagot. “Kasi naman no’ng pinaalis mo na ako, para akong na-paranoid kaya naman todo hintay ako na tawag mo. Palalim na nga ang tulog ko kagabi nang tumawag ka, e. Ganda ng timing mo do’n, dude. Hahaha!” “Sinabi ko ba kasing maghintay ka?” sabat ko naman. Agad niyang inihinto ang sasakyan. Lumabas kami at sabay na pumasok sa campus. Bago kami makapasok sa classroom, bumulong siya, “Maghihintay ako kahit hindi mo sabihin.” Nagitla ako roon pero hindi ko na ipinahalata pa sa kanya. Agad kaming nagsiupuan, buti na lang nauna kami kay ma’am! Kinalabit ako ni Lily, kaya naman tinignan ko siya. “Problema mo?” tanong ko. Napakamot siya sa buhok niya bago magsalita. “Nakalimutan ko pa lang ibigay `to sa `yo kahapon. Si Peter kasi, e!” sabi niya. Awtomatiko namang pumihit sa likuran ang ulo ko, pero walang Peter Sandoval akong nakita. Inilahad ni Lily sa akin ang isang nakatuping kulay puting papel. Maamoy pa nga ang papel na ito. Yayamanin naman pala. “Ano `to?” untag ko habang hawak-hawak ang papel. “Papel `yan, bes. Papel,” sarkastikong sagot ni Lily. “Funny mo, `te!” pambabara ko sa kanya. Binuksan ko naman ang nakatuping papel.   SORRY ~ P.S.               Isang salita lang ang nakasulat doon. Pero in fairness kung siya man ang nag-calligraphy ng salitang ‘yan, A+ for effort. Nang matapos kong basahin, itinupi ko muli at inilagay sa bag ko. Nagkaroon ng kakaibang ritmo ang puso ko. Para nga ring kumalam ang sikmura ko, e. Pero sa pagkakaalam ko naman busog kami ni Lyndon. Bakit ganoon?             Natapos ang buong morning session namin pero `di man lang nagpakita si Peter. Nakuha pang lumiban ng loko, akala mo ay walang hinahabol na lectures, e.             “Lunch tayo,” pagyaya ni Lily habang palabas na kami ng classroom. Sasagot na sana ako ng oo pero agad nasipat ng mga mata ko si Peter na papasok sa gate. Natigilan ako ng tignan niya ako. Mapungay ang mga mata niya, mukhang kakagising pa lamang niya ay dumiresto siya agad dito. Masyado namang maaga for the afternoon class.             Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tuluyan siyang makapasok sa classroom. Nagbalik-tingin naman ako kina Lily na kapwa natigilan sa inasta ko.             “What?” takang tanong ko.             “Bes, huwag mong masyadong tignan ng tingin. Baka mapigtal `yang mga ugat sa leeg mo kakaikot,” pabirong sabi niya.             “Mauna na kayo, a. Try ko na lang sumunod. Kakausapin ko lang si Peter,” nagmamadaling sabi ko. “Hoy, teka! Anong mayroon?” tanong ni Lyndon. “Mamaya ko na sasabihin, bye!” X Agad naman akong pumasok sa classroom, mag-isa na lang pala ni Peter dito. Natutulog pa nga siya sa desk. Parang sobrang puyat naman ng taong `to. “Ahem,” tumikhim ako saka pinakikiramdaman kung gising siya o hindi. “Ay, sayang effort ko. Tulog naman pala,” sabi ko sa aking sarili bago akmang palabas na ng classroom. “Gising ako, medyo masakit lang ulo ko,” tugon naman niya. Ang husky ng boses niya, parang nahawaan din ng puyat, a. Kumuha ako ng upuan saka pumwesto sa may harapan niya. Iniangat niya ang ulo niya at nagtitigan kami. Inayos niyaang mukha niya at buhok. “So?” parang iritang sabi niya. “Ikaw gumawa nito?” sabi ko sabay pakita sa kanya no’ng sorry note niya. “Yes,” tipid niyang sabi. “Apology accepted,” masayahing sabi ko, tunog-bata pa nga iyon sa pandinig ko, e. Matapos kong sabihin iyon, parang biglang nabuhay ang katawang-tao niya. Nanlaki ang mga mapupungay niyang mata. Halos `di makapaniwala sa pahayag ko. “Uhm, Sandoval, you’re scaring me. Okay ka lang?” pagtatanong ko sa kanya. Nag-thumbs up siya sa akin ngunit hindi pa rin naaalis sa kanang mukha ang pagtatakang ekspresyon nito. “S-sige, a? Maiwan na kita.” “Wait, let’s have a lunch. Seryoso na ito,” sambit niya. Tumingin ako sa kanya at napakamot siya sa buhok niya. Parang namumula rin ang pisngi nito. Napaisip tuloy ako, ganoon na lang ba nakakahiya ang banggitin ang katagang, seryoso? “Ano`yon?” pang-aasar ko sa kanya. This time, ako na itong pangisi-ngisi. “Let’s have a lunch,” stiff niyang pagkakasabi. Aba, mukhang nagpipigil ng pagiging pikon. “Seryoso na `to, a? Kung hindi…” “Oo nga, seryoso na `to!” mababakas sa tono ng boses niya ang kaunting pagka-irita. Ang lakas mampikon pero mainitin ang ulo. Grabe talaga ang taong ito. X Sumakay kaming muli sa kotse siya at naghanap ng kainan. “Sige, ako na o-order,” pag-alok niya. Tinignan ko siya. “Kuha ka na ng upuan, a,” magiliw na sabi niya. May kakaiba rito ngayon. Medyo nababasawan ang pagiging bossy niya. Pero nariyan pa rin ang pagmamando sa boses niya. Humanap ako ng upuan, buti na lang sa first floor palang ng fast food chain na ito ako nakakuha ng bakanteng puwesto. Baka magreklamo na naman ito sakaling sa second floor ulit kami. Tahimik lang kaming kumain, ayoko rin naman din kasing kausapin siya. Baka bumalik sa pagiging arogante ang ugali nito kapag nagkataon. Shut up na lang dapat ako at enjoy-in na lang ang pagkain. Minsan kada susubo ako, makikita ko siyang nakatingin sa akin at ngingiti. Sa kabilang banda naman ay ayokong pansinin ang mga ganyang akto niya. Kunwari hindi ko nakikita. Nang matapos kaming kumain, patuloy pa rin ang paglukob ng katahimikan sa aming dalawa. Tinitignan-tignan ko lang siya habang siya ay abala sa kanyang cellphone. Rich kid naman pala ito, nakabili agad ng bagong cellphone. “So…” sabi ko at napatingin siya sa akin. Ibinulsa niya ang kanyang cellphone. “Nag-enjoy ka ba sa pagkain?” tanong niya. Tumango naman ako bilang pag-oo. Ngumiti siya. “Dahil study buddy kita, ano na plano natin?” tanong niya. Muntik ko na tuloy nakalimutan ang patungkol dito dahil sa sobrang inis ko sa kanya. “Ay, oo nga pala. Hmm, kailan ba mga available days mo?” “Every weekends, pero minsan kasi kapag Sabado may training kami ng basketball, e,” sagot niya. Basketball pala ang sports nito. “Okay, tutal Friday naman ngayon early dismissal tayo mamaya. Available ka ba after class?” Tinignan niya ang cellphone niya. “Yeah, sure. Do`n na lang tayo sa condo ko. Sabay na tayo umuwi mamaya,” sabi niya at akma ng tatayo. Tumayo na rin ako saka kami umalis mula sa kainan. X Last subject na, pero hindi ko alam sa sarili ko kung bakit nagmamadali na akong umuwi. Tingin ako ng tingin sa relong nasa kaliwang kamay ko. Thirty minutes na lang. “Okay class, I will pair you up para sa reporting natin next week,” sabi ng prof namin saka niya binuklat ang class record niya. “Atienza and Cruz, first topic sa Chapter 8 ng Philosophy book niyo,” sabi nito sa kanila. Hanggang sa nagtuloy-tuloy na siyang magtawag. “Sanchez and Sandoval, kayo ang last reporters. That’s all, class dismiss.” Paisa-isang nagsi-alisan ang mga kaklase namin, `yong iba nga sa kanila ay mga biglang nangarag kasi next week na agad ang reporting sa kanya samantalang karamihan sa subject teachers namin ay magpapa-test na ng final examination. Malapit-lapit na ngang talaga ang pagtatapos ng first semester. “Let’s go?” sabi ni Peter. Tumayo naman ako saka sabay kaming umalis ng classroom. “Bro?” takang tanong ni Lyndon nang masalubong namin sila ni Lily sa hallway. “Hmm?” sabi ko naman, pero parang nabato si Lyndon nang makita niyang kasama ko si Peter. Umiwas na lang siya ng tingin at nagtuloy silang dalawa ni Lily. Nagtaka naman ako sa ginawa niyang pag-iwas. Ano bang nangyayari sa kanya? “Sino `yon?” tanong naman ni Peter sa akin. “Mga kaibigan ko,” sagot ko naman at madali na kaming naglakad. Bago pa man kami makapunta sa parking lot, nakita ko si Kuya Austin, titig na titig sa akin. “Bakla!” tawag niya sa akin. Napapikit na lang ako, iniisip na sana hindi totoong nakikita ko siya ngayon. Ayoko ng gulo. Lalo na`t kasama ko si Peter. Kung maiyak na naman ako rito, paniguradong sasabihan na ako nito sa kanyang isipan na mahina at iyakin. Well, totoo namang mahina ako. Pero, ayoko lang tanggapin. Kasi para sa aking sarili, malakas ako in my own way. Hinigit ko ang braso ni Peter at nagmadaling naglakad. Pilit kong tinatago ang aking sarili sa matipuno niyang katawan. “Bakit? Sino ba `yon?” “K-kuya k-ko `yon.” “HOY BAKLA! BINGI KA BA O SADYANG INI-ENJOY MO ANG KATAWAN NIYAN! DIYOS KO, MAHIYA KA NAMAN!” Natigil si Peter sa paglalakad, kung kailan namang malapit na kami sa kotse niya. Hinarap niya si Kuya. “Anong problema mo, brad?” maangas na sabi niya. “ANG BAKLANG IYAN ANG PROBLEMA KO! KASI ISA SIYANG SALOT! MADUMI! NAKAKAHIYA! MASAHOL PA SA HAYOP!” sabi niya kasabay ng panduduro sa akin. May ilang mga estudyanteng napapatigil upang makinuod sa eksena namin, samantalang `yong iba naman ay walang pakialam. Ninanais ko ng lamunin ako ng lupa, hiyang-hiya na ako ngayon. Sa pang-aalipusta sa akin ng kuya ko sa harap ng maraming tao. Sa kuya kong wala na yatang natitirang delicadeza sa katawan. Kay Peter na hindi ko alam kung ano na ang tingin sa akin. Naabot na sa sukdulan ang pamamahiya niya sa akin, pero wala akong magawa. Ayokong lumaban dahil ayoko na ng gulo. Lalo na`t alam ko namang bandang huli ay ako na naman ang talo. Sino ba kasing maniniwala sa baklang gaya ko? “Stop that. Kung siya isang salot whatnot sa isip mo, ikaw. Ikaw ba, ano ka sa ngayon? Walang ginagawang masama sa `yo ang taong ito, pero masyado ka ng sumusobra sa ginagawa mo,” pilit na pagpapakalma ang nasa tono ng pananalita ni Peter. Hinawakan ko ang braso niya, pilit kong hinihigit upang mailayo siya kay Kuya pero mukhang hindi siya nagpatinag. Ayaw niyang gumalaw. “Peter, ano ba. Tara na,” pagpupumilit ko sa kanya. “No, let’s teach your kuya a lesson.” Dahil sa sinabi niya bigla akong kinabahan. Anong pinaplano nito? Agad inialis ang kamay ko sa braso niya. “Aba, matapang ka, a! Bakit sa tingin mo kaya mo na ako?” Hindi sumagot si Peter bagkus binigyan niya ng isang malakas na sapak ang kuya ko. Nagulat siya maski rin ako. Bandang huli ay nagsusuntukan na sila sa harap ko. Agad akong pumagitna sa kanila pero pareho pa yata silang ayaw magpa-awat. Dahil nasa gitna ako, nasuntok ko si kuya sa tagiliran. Agad gumapang sa buo kong katawan ang sakit dahil sa lakas nito, kumg kaya`t bigla akong natumba. Hawak-hawak ko ang tagiliran ko. Pakiramdam ko nga ay masusuka ako, e. “Peter, Kuya! Tama na `yan!” sigaw ko sa kanilang dalawa. Agad-agad namang nagsitakbuhan ang mga estudyanteng miron dahil sa biglaang komosyon. Nakarinig ako ng pito, pagtingin ko sa gilid, mayroong patakbong security guard kasama sina Lily at Lyndon. Agad nitong inawat ang dalawa, kasama niyang umaawat si Lyndon. Samantalang si Lily ay tinulungan akong tumayo. “Kaya mo ba? Upo tayo ro`n,” sabi niya saka iginiya ang mga paa ko patungo sa malapit na bench. Tinignan ko naman ang gulo, hirap ang dalawa na awatin sina Peter at Kuya. Hanggang sa napilitang magpaputok ng baril ang security guard. Natigilan kaming lahat. Natulala ako sa pangyayari. Duguan ang mga labi ni Kuya Austin, samantalang si Peter ay medyo namamaga ang mata. Pilit na inialis ni Lyndon si Kuya sa parking lot. “Bitiwan mo ako! Mga salot kayo! Mga animal!” sigaw nito bago tuluyang nakalabas ng parking lot. “D’yan ka lang, a. Kukuha lang ako ng compress sa clinic,” sabi ni Lily habang pinapaupo niya ako sa bench. Nakita ko si Peter na papunta sa akin. “Sige lang, Lily. Salamat,” turan ko sabay na tumakbo nang mabilis si Lily upang kumuha ng compress para sa aming dalawa. Tumabi sa akin si Peter, buti na lang at hindi siya nakapagtamo ng iba pang sakit maliban sa namamaga niyang kanang mata. Halos maging kirat na nga ito dahil sa agarang pamamaga. “Peter?” “Hmm?” “Salamat, a. At sorry kasi…” Hindi ko na natapos ang sasabihin ko ng ipinatong niya ang hintuturo niya sa mga labi ko. “Gagawin ko `yon kasi kaibigan kita. Ayokong may nananakit sa kaibigan ko.” Mariing sambit niya na siyang nagpahinto sa akin. Nagdala rin ng kakaibang sensasyon sa buo kong katawan. “Salamat,” mahina at tipid kong sabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD